Levitico 17:1-16
17 Sinabi pa ni Jehova kay Moises:
2 “Sabihin mo kay Aaron at sa mga anak niya at sa lahat ng Israelita, ‘Ito ang iniutos ni Jehova:
3 “‘“Kung may sinuman sa sambahayan ng Israel na pumatay ng toro* o ng batang lalaking tupa o ng kambing sa loob ng kampo o kung patayin niya iyon sa labas ng kampo
4 sa halip na dalhin iyon sa pasukan ng tolda ng pagpupulong para iharap bilang handog kay Jehova sa harap ng tabernakulo ni Jehova, nagkasala sa dugo ang taong iyon. Pumatay siya,* kaya ang taong iyon ay dapat patayin.
5 Sa gayon, ang mga handog ng mga Israelita para kay Jehova ay hindi na nila papatayin sa parang, kundi dadalhin na nila sa saserdote sa pasukan ng tolda ng pagpupulong. Iaalay nila ang mga ito bilang mga haing pansalo-salo para kay Jehova.+
6 At iwiwisik ng saserdote ang dugo sa ibabaw ng altar ni Jehova sa pasukan ng tolda ng pagpupulong, at susunugin niya ang taba para pumailanlang ang usok nito, isang nakagiginhawang amoy para kay Jehova.+
7 Sa gayon, hindi na sila mag-aalay ng mga handog sa tulad-kambing na mga demonyo*+ at sasamba* sa mga iyon.+ Ito ay magiging isang batas hanggang sa panahong walang takda para sa inyo, sa lahat ng henerasyon ninyo.”’
8 “Dapat mong sabihin sa kanila, ‘Sinuman sa sambahayan ng Israel o sinumang dayuhan na naninirahang kasama ninyo na mag-alay ng handog na sinusunog o ng hain
9 at hindi iyon dinala sa pasukan ng tolda ng pagpupulong para ihandog kay Jehova ay dapat patayin.+
10 “‘Kung ang sinuman sa sambahayan ng Israel o sinumang dayuhan na naninirahang kasama ninyo ay kumain ng anumang uri ng dugo,+ tiyak na itatakwil ko ang* taong* kumain ng dugo, at papatayin ko siya.
11 Dahil ang buhay* ng isang nilikha ay nasa dugo,+ at ako mismo ang naglagay nito sa ibabaw ng altar+ para makapagbayad-sala kayo para sa inyong sarili,* dahil ang dugo ang nagbabayad-sala+ dahil sa buhay* na naroon.
12 Iyan ang dahilan kung bakit ko sinabi sa mga Israelita: “Hindi dapat kumain ng dugo ang sinuman* sa inyo, at hindi dapat kumain ng dugo+ ang sinumang dayuhan na naninirahang kasama ninyo.”+
13 “‘Kung may isang Israelita o dayuhan na naninirahang kasama ninyo na nangaso at nakahuli ng isang mailap na hayop o isang ibon na puwedeng kainin, dapat niyang patuluin ang dugo nito+ at tabunan ng lupa.
14 Dahil ang buhay* ng bawat nilikha ay ang dugo nito, dahil naroon ang buhay.* Kaya sinasabi ko sa mga Israelita: “Huwag ninyong kakainin ang dugo ng bawat uri ng nilikha dahil ang buhay* nito ay ang dugo nito. Ang sinumang kumain ng dugo nito ay papatayin.”+
15 Kung ang sinuman,* katutubo man o dayuhan, ay kumain ng hayop na natagpuang patay o nilapa ng mabangis na hayop,+ dapat siyang maglaba ng mga damit at maligo, at magiging marumi siya hanggang gabi;+ pagkatapos, siya ay magiging malinis.
16 Pero kung hindi niya lalabhan ang mga iyon at hindi siya maliligo, mananagot siya dahil sa kasalanan niya.’”+
Talababa
^ O “lalaking baka.”
^ O “Nagpadanak siya ng dugo.”
^ Lit., “sa mga kambing.”
^ Lit., “makikiapid.”
^ Lit., “ang mukha ko ay magiging laban sa.”