Levitico 19:1-37
19 Sinabi pa ni Jehova kay Moises:
2 “Sabihin mo sa buong bayan ng Israel, ‘Dapat kayong maging banal, dahil ako, ang Diyos ninyong si Jehova, ay banal.+
3 “‘Dapat igalang* ng bawat isa sa inyo ang kaniyang ina at ama,+ at dapat ninyong sundin ang batas ko sa mga sabbath.+ Ako ang Diyos ninyong si Jehova.
4 Huwag kayong sasamba sa walang-silbing mga diyos+ o gagawa para sa inyong sarili ng mga diyos na yari sa tinunaw na metal.+ Ako ang Diyos ninyong si Jehova.
5 “‘Kung mag-aalay kayo ng haing pansalo-salo para kay Jehova,+ dapat ninyong ialay iyon sa tamang paraan para sang-ayunan kayo.+
6 Dapat itong kainin sa araw na ihain ninyo ito hanggang kinabukasan, pero ang matitira sa ikatlong araw ay dapat sunugin.+
7 Ang matitira sa ikatlong araw ay marumi na, kaya kung may sinumang kumain nito, hindi na magiging katanggap-tanggap ang hain.
8 Ang kakain nito ay mananagot sa kasalanan niya dahil nilapastangan niya ang banal na bagay ni Jehova, at ang taong* iyon ay dapat patayin.
9 “‘Kapag umaani kayo sa inyong lupain, huwag mong gagapasin ang lahat ng nasa gilid ng iyong bukid at huwag mong pupulutin ang natira* sa iyong ani.+
10 Huwag mo ring pipitasin ang mga natira sa iyong ubasan o pupulutin ang nangalat na mga ubas sa iyong ubasan. Dapat mong iwan ang mga iyon para sa mahihirap*+ at dayuhang naninirahang kasama ninyo. Ako ang Diyos ninyong si Jehova.
11 “‘Huwag kayong magnanakaw,+ huwag kayong manlilinlang,+ at huwag ninyong dadayain ang kapuwa ninyo.
12 Huwag ninyong gagamitin ang pangalan ko para sumumpa nang may kasinungalingan,+ dahil malalapastangan ang pangalan ng iyong Diyos. Ako si Jehova.
13 Huwag mong dadayain ang kapuwa mo,+ at huwag kang magnanakaw.+ Ang pagbabayad sa upahang trabahador ay huwag mong ipagpapaliban nang buong magdamag hanggang umaga.+
14 “‘Huwag mong susumpain ang taong bingi, at huwag kang maglalagay ng halang sa harap ng taong bulag,+ at dapat kang matakot sa iyong Diyos.+ Ako si Jehova.
15 “‘Huwag kayong hahatol nang di-makatarungan. Huwag mong kakampihan ang mahihirap o papaboran ang mayayaman.+ Dapat kang maging makatarungan sa paghatol sa iyong kapuwa.
16 “‘Huwag kang lilibot sa iyong bayan para magkalat ng ikasisirang-puri ng iba.+ Huwag mong isasapanganib* ang buhay* ng kapuwa mo.+ Ako si Jehova.
17 “‘Huwag mong kapootan ang iyong kapatid sa puso mo.+ Dapat mong sawayin ang kapuwa mo,+ para hindi ka magkasala kasama niya.
18 “‘Huwag kang maghihiganti+ o magkikimkim ng sama ng loob laban sa mga anak ng iyong bayan, at dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.+ Ako si Jehova.
19 “‘Dapat ninyong sundin ang mga batas ko: Huwag mong palalahian ang alaga mong hayop sa hindi nito kauri. Huwag mong tatamnan ang bukid mo ng magkaibang uri ng binhi,+ at huwag kang magsusuot ng damit na yari sa magkaibang uri ng sinulid.+
20 “‘Kung makipagtalik ang isang lalaki sa isang aliping babae na naipangako na sa ibang lalaki pero hindi pa natutubos o napalalaya, dapat silang parusahan. Pero hindi sila dapat patayin, dahil hindi pa ito napalaya.
21 Dadalhin niya ang kaniyang handog para sa pagkakasala kay Jehova sa pasukan ng tolda ng pagpupulong, isang lalaking tupa na handog para sa pagkakasala.+
22 Ang saserdote ay magbabayad-sala para sa kaniya sa pamamagitan ng lalaking tupa na handog para sa pagkakasala sa harap ni Jehova dahil sa nagawa niyang kasalanan, at mapatatawad siya sa kasalanan niya.
23 “‘Kapag pumasok kayo sa lupain at nagtanim kayo ng anumang puno para sa pagkain, ituturing ninyong marumi at ipinagbabawal* ang bunga nito. Sa loob ng tatlong taon, ipagbabawal ito sa inyo.* Hindi ito dapat kainin.
24 Pero sa ikaapat na taon, ang lahat ng bunga nito ay magiging banal; iaalay mo iyon kay Jehova na may kasamang pagsasaya.+
25 At sa ikalimang taon, puwede na ninyong kainin ang bunga nito; sa gayon ay madaragdagan ang ani ninyo. Ako ang Diyos ninyong si Jehova.
26 “‘Huwag kayong kakain ng anumang may dugo.+
“‘Huwag kayong maghahanap ng mga tanda o magsasagawa ng mahika.+
27 “‘Huwag ninyong aahitin* ang buhok sa gilid ng inyong ulo* o sisirain ang mga dulo ng iyong balbas.+
28 “‘Huwag ninyong hihiwaan ang inyong katawan* para sa isang namatay na tao,*+ at huwag kayong maglalagay ng tato sa inyong katawan. Ako si Jehova.
29 “‘Huwag mong aalisan ng dangal ang anak mong babae—huwag mo siyang gagawing babaeng bayaran,+ para hindi maging marumi ang lupain dahil sa prostitusyon at lumaganap ang mababang moralidad.+
30 “‘Dapat ninyong sundin ang batas ko sa mga sabbath,+ at dapat kayong magpakita ng matinding paggalang para* sa aking santuwaryo. Ako si Jehova.
31 “‘Huwag kayong hihingi ng tulong sa mga espiritista,+ at huwag kayong kokonsulta sa mga manghuhula+ para hindi kayo maging marumi dahil sa kanila. Ako ang Diyos ninyong si Jehova.
32 “‘Magpakita ka ng paggalang sa* may puting buhok,+ at parangalan mo ang isang matanda,+ at dapat kang matakot sa iyong Diyos.+ Ako si Jehova.
33 “‘Kung may dayuhang naninirahan sa inyong lupain, huwag ninyo siyang pagmamalupitan.+
34 Ang dayuhan na naninirahang kasama ninyo ay dapat ninyong ituring na gaya ng isang katutubo sa gitna ninyo;+ at dapat mo siyang mahalin gaya ng iyong sarili, dahil nanirahan din kayo bilang dayuhan sa Ehipto.+ Ako ang Diyos ninyong si Jehova.
35 “‘Huwag kayong mandaraya sa pagsukat ng haba, bigat, o dami.+
36 Dapat kayong gumamit ng wastong timbangan, wastong panimbang, wastong epa,* at wastong hin.*+ Ako ang Diyos ninyong si Jehova, na naglabas sa inyo sa Ehipto.
37 Kaya dapat ninyong sundin ang lahat ng aking batas at hudisyal na pasiya, at dapat ninyong tuparin ang mga iyon.+ Ako si Jehova.’”
Talababa
^ Lit., “katakutan.”
^ O “himalay.”
^ O “mga nagdurusa.”
^ O posibleng “Huwag kang tumayo lang kapag nanganganib.”
^ Lit., “dugo.”
^ Lit., “at dulong-balat.”
^ Lit., “ito ay di-tuli para sa inyo.”
^ O “puputulan; gugupitin.”
^ O “ang inyong mga patilya.”
^ Lit., “laman.”
^ Ang salitang Hebreo dito na neʹphesh ay tumutukoy sa patay na tao. Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
^ O “mamangha.” Lit., “matakot.”
^ O “Tumayo ka sa harap ng.”