Ayon kay Lucas 1:1-80

1  Marami ang nagtipon ng detalye at gumawa ng ulat tungkol sa mga bagay na talagang pinaniniwalaan natin,+ 2  kaayon ng mga bagay na narinig natin mula sa mga nakasaksi+ noong una at mga tagapaghayag ng mensahe.+ 3  Kaya naman, kagalang-galang na Teofilo,+ nagpasiya rin akong isulat sa iyo ang mga iyon ayon sa lohikal na pagkakasunod-sunod matapos kong maingat na saliksikin ang lahat ng bagay mula sa pasimula at makuha ang tumpak na impormasyon,+ 4  para matiyak mo kung gaano katotoo ang mga bagay na itinuro* sa iyo.+ 5  Noong panahon ni Herodes,+ na hari ng Judea, may isang saserdote na nagngangalang Zacarias na mula sa grupo ni Abias.+ Ang asawa niya ay si Elisabet, na mula sa pamilya ni Aaron. 6  Pareho silang matuwid sa harap ng Diyos at hindi mapipintasan, dahil sinusunod nila ang lahat ng utos at kahilingan ng batas ni Jehova. 7  Pero wala silang anak dahil baog si Elisabet at matanda na sila.+ 8  Noong ang grupo niya+ ang may atas na maglingkod sa templo at nagsisilbi siyang saserdote sa harap ng Diyos, 9  siya ang napiling pumasok sa templo ni Jehova+ para maghandog ng insenso,+ ayon sa matagal nang kaugalian ng mga saserdote. 10  Nang oras na iyon ng paghahandog ng insenso, nananalangin ang lahat ng tao sa labas. 11  Nagpakita sa kaniya ang anghel ni Jehova, na nakatayo sa kanan ng altar ng insenso. 12  Nagulat si Zacarias sa nakita niya, at takot na takot siya. 13  Kaya sinabi ng anghel: “Huwag kang matakot, Zacarias, dahil pinakinggan ang pagsusumamo mo, at kayo ng asawa mong si Elisabet ay magkakaanak ng lalaki, at papangalanan mo siyang Juan.+ 14  Magsasaya ka at matutuwa nang husto, at marami ang magagalak sa kaniyang pagsilang+ 15  dahil magiging dakila siya sa paningin ni Jehova.+ Pero hindi siya kailanman iinom ng alak o anumang inuming de-alkohol,+ at mapupuspos siya ng banal na espiritu kahit hindi pa siya naipanganganak,*+ 16  at marami sa mga anak ni Israel ang tutulungan niyang manumbalik kay Jehova na kanilang Diyos.+ 17  Gayundin, mauuna siya sa Diyos* taglay ang sigla at lakas ni Elias,+ para ang puso ng mga ama ay gawing tulad ng sa mga anak+ at para tulungan ang mga masuwayin na maging marunong at gawin ang tama, nang sa gayon ay maihanda ang mga tao para kay Jehova.”+ 18  Sinabi ni Zacarias sa anghel: “Paano mangyayari iyan? Matanda na ako, at matanda na rin ang asawa ko.”+ 19  Sumagot ang anghel: “Ako si Gabriel,+ na nakatayo malapit sa harap ng Diyos.+ Isinugo ako para sabihin sa iyo ang magandang balitang ito. 20  Pero dahil hindi ka naniwala sa mga sinabi ko, na matutupad sa takdang panahon, hindi ka makapagsasalita hanggang sa araw na mangyari ang mga iyon.”+ 21  Samantala, hinihintay ng mga tao si Zacarias, at nagtataka sila kung bakit napakatagal niya sa templo. 22  Paglabas niya, hindi na siya makapagsalita, kaya naisip nilang nakakita siya ng isang di-pangkaraniwang pangyayari* sa loob ng templo. Dahil napipi siya, sumesenyas lang siya sa kanila. 23  Nang tapos na ang paglilingkod niya sa templo, umuwi na siya. 24  Pagkalipas ng ilang araw, nagdalang-tao ang asawa niyang si Elisabet, at hindi ito umalis ng bahay sa loob ng limang buwan, at sinabi nito: 25  “Ginawa ito ni Jehova alang-alang sa akin. Binigyang-pansin niya ako para alisin ang kahihiyan ko sa paningin ng mga tao.”+ 26  Noong ikaanim na buwan na niya, isinugo ng Diyos ang anghel na si Gabriel+ sa Nazaret na isang lunsod sa Galilea, 27  sa isang birhen+ na nakatakdang mapangasawa ni Jose na mula sa pamilya ni David. Maria+ ang pangalan ng birhen. 28  Nagpakita ang anghel kay Maria, at sinabi nito: “Magandang araw sa iyo, lubos na pinagpala. Si Jehova ay sumasaiyo.” 29  Pero nagulat siya sa pagbating ito at inisip niya kung ano ang ibig sabihin nito. 30  Kaya sinabi ng anghel: “Huwag kang matakot, Maria, dahil nalulugod sa iyo ang* Diyos. 31  Magdadalang-tao* ka at magkakaanak ng isang lalaki,+ at papangalanan mo siyang Jesus.+ 32  Siya ay magiging dakila+ at tatawaging Anak ng Kataas-taasan,+ at ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama,+ 33  at maghahari siya sa sambahayan ni Jacob magpakailanman, at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang Kaharian.”+ 34  Pero sinabi ni Maria sa anghel: “Paano ito mangyayari? Wala pa akong asawa.”*+ 35  Sumagot ang anghel: “Sasaiyo* ang banal na espiritu,+ at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya ang isisilang mo ay tatawaging banal,+ Anak ng Diyos.+ 36  Nagdadalang-tao rin ang kamag-anak mong si Elisabet. Anim na buwan na niyang ipinagbubuntis ang isang anak na lalaki, kahit matanda na siya at tinatawag na babaeng baog; 37  dahil walang imposible sa Diyos.”+ 38  Sinabi ni Maria: “Ako ay aliping babae ni Jehova! Mangyari nawa sa akin ang lahat ng sinabi mo.” At umalis na ang anghel. 39  Pagkatapos, nagmadaling maglakbay si Maria papunta sa isang mabundok na lugar, sa isang lunsod ng Juda, 40  at pumasok siya sa bahay ni Zacarias at binati si Elisabet. 41  Nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, lumukso ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos si Elisabet ng banal na espiritu, 42  at sinabi niya nang malakas: “Pinagpala ka sa lahat ng babae, at pinagpala ang sanggol na isisilang mo! 43  Sino ba ako para mabigyan ng ganitong karangalan, na madalaw ng ina ng aking Panginoon? 44  Dahil nang marinig ko ang pagbati mo, napalukso sa tuwa ang sanggol sa sinapupunan ko. 45  At maligaya ka dahil naniwala ka sa mga sinabi sa iyo, dahil lubusan itong tutuparin ni Jehova.” 46  Sinabi ni Maria: “Dinadakila ko si Jehova,+ 47  at hindi mapigilan ng puso* ko na mag-umapaw sa kagalakan dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas,+ 48  dahil binigyang-pansin niya ang mababang kalagayan ng kaniyang aliping babae.+ Mula ngayon, tatawagin akong maligaya ng lahat ng henerasyon+ 49  dahil ang makapangyarihang Diyos ay gumawa ng dakilang mga bagay para sa akin, at banal ang pangalan niya,+ 50  at sa bawat lumilipas na henerasyon, ang kaniyang awa ay para sa mga natatakot sa kaniya.+ 51  Kumilos siya gamit ang malakas niyang bisig;+ pinangalat niya ang mga hambog.*+ 52  Ibinaba niya ang makapangyarihang mga tao mula sa kanilang trono,+ at itinaas niya ang mabababa;+ 53  lubusan niyang binusog ng mabubuting bagay ang mga gutom+ at pinaalis nang walang dala ang mayayaman. 54  Sinaklolohan niya ang Israel na kaniyang lingkod para ipakitang naaalaala niya ang pangako niyang magpakita ng awa magpakailanman,+ 55  gaya ng sinabi niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kaniyang mga supling.”*+ 56  Mga tatlong buwang nanatili si Maria kasama ni Elisabet, at saka siya umuwi. 57  Dumating ang panahon na manganganak na si Elisabet, at nagsilang siya ng isang lalaki. 58  Nabalitaan ng mga kapitbahay niya at kamag-anak na nagpakita si Jehova ng malaking awa sa kaniya, at nakipagsaya sila sa kaniya.+ 59  Noong ikawalong araw, dumating sila para sa pagtutuli ng sanggol,+ at papangalanan sana nila itong Zacarias gaya ng sa tatay nito. 60  Pero sinabi ni Elisabet: “Hindi! Juan ang pangalan niya.” 61  Sinabi nila sa kaniya: “Wala kayong kamag-anak na may ganiyang pangalan.” 62  Kaya tinanong nila ang tatay ng sanggol sa pamamagitan ng mga senyas kung ano ang gusto niyang ipangalan dito. 63  Humingi siya ng isang piraso ng kahoy, at isinulat niya rito: “Juan ang pangalan niya.”+ Kaya namangha silang lahat. 64  Pagkatapos, bigla siyang nakapagsalita+ at pumuri sa Diyos. 65  Manghang-mangha ang lahat ng nakatira sa palibot nila at naging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa buong mabundok na rehiyon ng Judea. 66  Pinag-isipan ito ng lahat ng nakarinig,* at sinabi nila: “Magiging ano kaya ang batang ito paglaki?” Dahil talagang sumasakaniya ang kamay ni Jehova. 67  Pagkatapos, ang tatay niyang si Zacarias ay napuspos ng banal na espiritu at humula: 68  “Purihin nawa si Jehova, ang Diyos ng Israel,+ dahil ibinaling niya ang pansin niya sa kaniyang bayan at naglaan siya sa kanila ng kaligtasan.+ 69  At binigyan niya tayo ng isang makapangyarihang tagapagligtas+ mula sa sambahayan ni David na kaniyang lingkod,+ 70  gaya ng sinabi niya sa pamamagitan ng kaniyang banal na mga propeta noon.+ 71  Nangako siyang ililigtas niya tayo mula sa mga kaaway natin at sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.+ 72  Magpapakita siya ng awa sa atin gaya ng ipinangako niya sa ating mga ninuno, at aalalahanin niya ang kaniyang banal na tipan.+ 73  Ito ang binitiwan niyang pangako* sa ating ninunong si Abraham.+ 74  Kapag nailigtas na niya tayo mula sa mga kaaway, ibibigay niya sa atin ang pribilehiyong gumawa ng sagradong paglilingkod sa kaniya nang walang takot 75  at nang may katapatan at katuwiran* sa harap niya sa lahat ng araw natin. 76  Pero ikaw, anak ko, tatawagin kang propeta ng Kataas-taasan, dahil mauuna ka kay Jehova para ihanda ang kaniyang mga daan,+ 77  para ipaalám sa kaniyang bayan na ililigtas niya sila sa pamamagitan ng pagpapatawad sa mga kasalanan nila,+ 78  dahil sa matinding habag ng ating Diyos. Ang habag na ito mula sa langit ay magiging tulad ng liwanag na sumisinag sa bukang-liwayway,+ 79  para magbigay ng liwanag sa mga nasa kadiliman at nasa ilalim ng anino ng kamatayan+ at para patnubayan ang ating mga paa tungo sa daan ng kapayapaan.” 80  At ang bata ay lumaki at naging matatag,* at nanatili siya sa ilang hanggang sa araw na humarap siya sa bayang Israel.

Talababa

O “itinuro nang bibigan.”
O “kahit nasa tiyan pa lang siya ng kaniyang ina.”
O “mauuna siyang isugo ng Diyos.”
O “isang pangitain.”
O “dahil pinapaboran ka ng.”
O “Maglilihi.”
O “Hindi pa ako nakipagtalik sa isang lalaki.”
O “Darating sa iyo.”
Lit., “espiritu.”
O “may mapagmataas na puso.”
Lit., “kaniyang binhi.”
O “Inilagay ito ng lahat ng nakarinig sa puso nila.”
O “sumpa.”
Tingnan sa Glosari.
Lit., “malakas sa espiritu.”

Study Notes

Lucas: Sa Griego, Lou·kasʹ, mula sa Latin na Lucas. Si Lucas, ang manunulat ng Ebanghelyong ito at ng Mga Gawa ng mga Apostol, ay isang doktor at tapat na kasamahan ni apostol Pablo. (Col 4:14; tingnan din ang “Introduksiyon sa Lucas.”) Dahil sa Griegong pangalan niya at istilo ng pagsulat, ipinapalagay ng ilan na hindi Judio si Lucas. Gayundin, sa Col 4:10-14, nang banggitin ni Pablo ang “mga kabilang sa mga tuli,” hindi niya agad binanggit si Lucas. Pero ang ganiyang palagay ay hindi kaayon ng sinasabi sa Ro 3:1, 2, na sa mga Judio “ipinagkatiwala . . . ang salita ng Diyos.” Kaya malamang na si Lucas ay isang Judio na nagsasalita ng Griego at may Griegong pangalan.

Ayon kay Lucas: Hindi sinabi ng sinumang manunulat ng Ebanghelyo na sila ang sumulat ng ulat nila, at ang mga pamagat ay lumilitaw na hindi bahagi ng orihinal nilang isinulat. Ang ilang manuskrito ng Ebanghelyo ni Lucas ay may pamagat na Eu·ag·geʹli·on Ka·taʹ Lou·kanʹ (“Mabuting Balita [o, “Ebanghelyo”] Ayon kay Lucas”), at sa iba naman ay ginamit ang mas maikling pamagat na Ka·taʹ Lou·kanʹ (“Ayon kay Lucas”). Hindi malinaw kung kailan idinagdag o sinimulang gamitin ang mga pamagat. Sinasabi ng ilan na nagsimula ito noong ikalawang siglo C.E. dahil may mga natagpuang manuskrito ng Ebanghelyo na mula pa noong mga huling bahagi ng ikalawang siglo o mga unang bahagi ng ikatlong siglo kung saan makikita ang mas mahabang pamagat. Ayon sa ilang iskolar, ang mga unang salita sa aklat ni Marcos (“Ang pasimula ng mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos”) ang posibleng dahilan kung bakit ginamit ang salitang “ebanghelyo” (lit., “mabuting balita”) para tukuyin ang mga ulat na iyon. Posibleng naglagay ng mga pamagat kasama ng pangalan ng sumulat ng aklat dahil praktikal ito—mas madaling matukoy ang mga aklat.

talagang pinaniniwalaan: O “talagang mapananaligan.” Ipinapakita nito na ang mga detalye ay sinuring mabuti. Sa pagsasabing “talagang pinaniniwalaan natin,” ipinapakita ni Lucas na lubusang kumbinsido ang mga Kristiyano na ang lahat ng bagay may kaugnayan kay Kristo ay totoo at natupad na, kaya dapat itong tanggapin nang walang pag-aalinlangan. Sa ibang konteksto, ang ibang anyo ng salitang Griego na ginamit dito ay isinaling “lubusang kumbinsido” at “nanghahawakan.”​—Ro 4:21; 14:5; Col 4:12.

tagapaghayag ng mensahe: Lit., “tagapaglingkod ng salita.” Dalawang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Hebreo (may code na J18, 22 sa Ap. C) ang gumamit dito ng Tetragrammaton, at ang mababasa ay “tagapaglingkod ng salita ni Jehova.”

kagalang-galang: Ang salitang Griego para sa “kagalang-galang” (kraʹti·stos) ay opisyal na terminong ginagamit sa pakikipag-usap sa matataas na opisyal. (Gaw 23:26; 24:3; 26:25) Kaya para sa ilang iskolar, ipinapakita nito na may mataas na posisyon si Teofilo bago maging Kristiyano. Iniisip naman ng iba na ang terminong Griego na ito ay nagpapakita lang na iginagalang ang isa o mataas ang tingin sa kaniya. Maliwanag na isang Kristiyano si Teofilo dahil ‘naturuan na siya nang bibigan’ tungkol kay Jesu-Kristo at sa kaniyang ministeryo. (Luc 1:4, tlb.) Ang mga isinulat ni Lucas ay tutulong kay Teofilo para matiyak na totoo ang mga itinuro sa kaniya. Pero naniniwala ang ilan na dating interesado si Teofilo na nagpakumberte. At iniisip naman ng iba na ang pangalang ito, na nangangahulugang “Mahal ng Diyos; Kaibigan ng Diyos,” ay ginamit para tumukoy sa mga Kristiyano sa pangkalahatan. Nang banggitin ni Lucas si Teofilo sa pasimula ng Mga Gawa ng mga Apostol, hindi na ginamit ni Lucas ang ekspresyong “kagalang-galang.”​—Gaw 1:1.

lohikal na pagkakasunod-sunod: Ang ekspresyong Griego na ka·the·xesʹ, isinaling “lohikal na pagkakasunod-sunod,” ay hindi laging tumutukoy sa eksaktong pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari, dahil puwede rin itong tumukoy sa pagkakasunod-sunod ayon sa paksa o lohika. Makikita sa Luc 3:18-21 na ang ulat ni Lucas ay hindi laging ayon sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari. Kaya dapat suriin ang apat na Ebanghelyo para malaman ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa buhay at ministeryo ni Jesus. Karaniwan nang nag-uulat si Lucas ayon sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari, pero lumilitaw na may iba pa siyang ginamit na sistematikong paraan ng pag-uulat.

maingat na saliksikin: Hindi nasaksihan ni Lucas ang mga pangyayaring iniulat niya. Kaya bukod sa paggabay ng banal na espiritu, maliwanag na ibinatay niya ang ulat niya sa sumusunod: (1) Mga rekord na mayroon noon habang isinusulat niya ang talaangkanan ni Jesus. (Luc 3:23-38) (2) Ulat ni Mateo. (3) Personal na interbyu sa mga nakasaksi sa mga pangyayaring iyon (Luc 1:2), gaya ng mga alagad. Posibleng nakausap din niya ang ina ni Jesus na si Maria. Halos 60 porsiyento ng Ebanghelyo ni Lucas ay hindi mababasa sa ibang Ebanghelyo.​—Tingnan ang “Introduksiyon sa Lucas.”

Herodes: Si Herodes na Dakila.​—Tingnan sa Glosari.

Zacarias: Pangalang Hebreo na nangangahulugang “Inalaala ni Jehova.” Ang “Zacarias” ay malapit sa anyong Griego ng pangalang ito.

grupo ni Abias: Si Abias ay mula sa angkan ni Aaron na mga saserdote. Noong panahon ni Haring David, kinikilala si Abias bilang isa sa mga ulo ng angkan sa Israel. Hinati-hati ni David ang mga saserdote sa 24 na pangkat. Ang bawat pangkat ay maglilingkod sa templo sa Jerusalem sa loob ng isang linggo kada anim na buwan. Ang angkan ni Abias ang napili sa pamamagitan ng palabunutan para manguna sa ikawalong pangkat. (1Cr 24:3-10) Kahit si Zacarias ay nasa “grupo ni Abias,” hindi ito nangangahulugang inapo siya ni Abias; nangangahulugan lang ito na inatasan siyang maglingkod sa ilalim ng grupong iyon.​—Tingnan ang study note sa Luc 1:9.

Abias: Mula sa pangalang Hebreo na nangangahulugang “Ang Ama Ko ay si Jehova.”

Elisabet: Ang pangalang Griego na E·lei·saʹbet ay mula sa pangalang Hebreo na ʼE·li·sheʹvaʽ (Elisheba), na nangangahulugang “Ang Diyos Ko ay Sagana; Diyos ng Kasaganaan.” Si Elisabet ay mula sa pamilya ni Aaron, kaya ang mga magulang ni Juan ay parehong galing sa angkan ng mga saserdote.

Jehova: Sa saling ito, ito ang unang paglitaw ng pangalan ng Diyos sa Ebanghelyo ni Lucas. Kahit Kyʹri·os (Panginoon) ang ginamit dito ng mga manuskritong Griego na mayroon tayo sa ngayon, may makatuwirang dahilan para isiping pangalan ng Diyos ang orihinal na ginamit sa tekstong ito at pinalitan lang ng titulong Panginoon. (Tingnan ang Ap. C1 at introduksiyon sa Ap. C3; Luc 1:6.) Sa unang dalawang kabanata ng ulat ni Lucas, maraming mababasang pagsipi at kahawig na pananalita at ekspresyon sa Hebreong Kasulatan kung saan lumitaw ang pangalan ng Diyos. Halimbawa, ang pariralang utos at kahilingan ng batas at ang kahawig na kombinasyon ng mga terminong ginagamit sa batas ay makikita sa Hebreong Kasulatan, at sa konteksto kung saan lumitaw ang mga ito, nandoon ang pangalan ng Diyos o si Jehova mismo ang nagsasalita.​—Gen 26:2, 5; Bil 36:13; Deu 4:40; 27:10; Eze 36:23, 27.

napiling . . . maghandog ng insenso: Ang mataas na saserdoteng si Aaron ang unang naghandog ng insenso sa gintong altar. (Exo 30:7) Pero ang anak niyang si Eleazar ang inatasang mangasiwa sa insenso at sa iba pang gamit sa tabernakulo. (Bil 4:16) Sa talatang ito, si Zacarias, na isang katulong na saserdote, ang maghahandog ng insenso. Kaya lumilitaw na ang gawaing ito ay hindi lang para sa mataas na saserdote, maliban na lang kung Araw ng Pagbabayad-Sala. Posibleng ang pagsusunog ng insenso ang itinuturing na pinakamarangal na pang-araw-araw na gawain sa templo. Ginagawa ito pagkatapos ialay ang handog, at sa panahong iyon, nagtitipon ang mga tao para manalangin sa labas ng templo. Ayon sa tradisyon ng mga rabbi, ang saserdoteng gaganap ng atas na ito ay pipiliin sa pamamagitan ng palabunutan. Pero kung nagampanan na niya ang atas na ito dati, hindi na ito mauulit, maliban na lang kung nagampanan na ito ng lahat ng iba pang saserdote. Kaya maaaring isang beses lang itong mararanasan ng saserdote sa buong buhay niya.

templo: Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na na·osʹ ay tumutukoy sa pinakatemplo. Nang mapili si Zacarias para “maghandog ng insenso,” pumasok siya sa Banal, ang unang silid sa templo kung saan makikita ang altar ng insenso.​—Tingnan ang study note sa Mat 27:5; 27:51 at Ap. B11.

templo ni Jehova: Gaya ng binanggit sa study note sa Luc 1:6, sa unang dalawang kabanata ng ulat ni Lucas, maraming mababasang pagsipi at kahawig na pananalita at ekspresyon sa Hebreong Kasulatan kung saan lumitaw ang pangalan ng Diyos. Halimbawa, ang mga ekspresyong katumbas ng “templo [o “santuwaryo”] ni Jehova” ay madalas na may kasamang Tetragrammaton. (Bil 19:20; 2Ha 18:16; 23:4; 24:13; 2Cr 26:16; 27:2; Jer 24:1; Eze 8:16; Hag 2:15) Gaya ng ipinaliwanag sa Ap. C1, may makatuwirang dahilan para isiping pangalan ng Diyos ang orihinal na ginamit sa tekstong ito at pinalitan lang ng titulong Panginoon. Kaya “Jehova” ang ginamit sa mismong teksto.​—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Luc 1:9.

anghel ni Jehova: Maraming beses na ginamit sa Hebreong Kasulatan ang ekspresyong ito, at ang unang paglitaw nito ay sa Gen 16:7. Kombinasyon ito ng salitang Hebreo para sa “anghel” at ng Tetragrammaton. Sa lumang kopya ng Septuagint, makikita sa Zac 3:5, 6 ang salitang Griego na agʹge·los (anghel; mensahero) na sinusundan ng pangalan ng Diyos sa letrang Hebreo. Ang kopyang ito, na natagpuan sa isang kuweba sa Nahal Hever, Israel, sa Disyerto ng Judea, ay mula pa noong 50 B.C.E. hanggang 50 C.E. Ipinaliwanag sa Ap. C1 at C3 ang mga dahilan kung bakit ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang ekspresyong “anghel ni Jehova” sa mismong teksto, kahit na “anghel ng Panginoon” ang mababasa sa Luc 1:​11 sa natitirang mga manuskritong Griego.

Juan: Tingnan ang study note sa Mat 3:1.

sa paningin ni Jehova: Ang ekspresyong Griego na e·noʹpi·on Ky·riʹou (lit., “sa paningin [harap] ng Panginoon”) ay may katulad na idyomang Hebreo at lumilitaw nang mahigit 100 beses sa natitirang mga kopya ng Septuagint bilang salin ng mga pariralang Hebreo kung saan ginamit ang Tetragrammaton sa orihinal na teksto. (Huk 11:11; 1Sa 10:19; 2Sa 5:3; 6:5) Ang pagkakagamit ng ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan ay nagpapakitang ang Kyʹri·os ay ipinalit sa pangalan ng Diyos.​—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Luc 1:15.

banal na espiritu: O “banal na aktibong puwersa.”​—Tingnan sa Glosari, “Banal na espiritu”; “Ruach; Pneuma.”

Jehova: Ang mensahe ng anghel kay Zacarias (tal. 13-17) ay maraming kahawig na pananalita sa Hebreong Kasulatan. Halimbawa, ang kombinasyon ng Kyʹri·os (Panginoon) at The·osʹ (Diyos) na may kasamang personal na panghalip (isinalin ditong Jehova na kanilang Diyos) ay karaniwan sa mga pagsipi sa Hebreong Kasulatan. (Ihambing ang ekspresyong “Jehova na iyong Diyos” sa Luc 4:8, 12; 10:27.) Sa orihinal na teksto ng Hebreong Kasulatan, ang ekspresyong “Jehova na kanilang Diyos” ay lumitaw nang mahigit 30 beses, pero walang mababasa ritong “Panginoon na kanilang Diyos.” Gayundin, ang ekspresyong mga anak ni Israel ay mula sa isang idyomang Hebreo na lumitaw nang maraming beses sa Hebreong Kasulatan. Tumutukoy ito sa “mga Israelita.”​—Gen 36:31; tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Luc 1:16.

Elias: Pangalang Hebreo na nangangahulugang “Ang Diyos Ko ay si Jehova.”

para ang puso ng mga ama ay gawing tulad ng sa mga anak: Ang ekspresyong ito ay sinipi mula sa hula na nasa Mal 4:6. Nangangahulugan ito na mapapakilos ng mensahe ni Juan ang mga ama na magsisi. Ang matigas na puso nila ay magiging gaya ng sa mga masunuring anak na mapagpakumbaba at madaling turuan. Ang ilan ay magiging anak ng Diyos. Inihula rin ni Malakias na ang puso ng mga anak ay magiging gaya ng sa mga ama. Ibig sabihin, ang mga nagsisisi ay magiging gaya ng tapat na mga ama nila, sina Abraham, Isaac, at Jacob.

maihanda ang mga tao para kay Jehova: Ang sinabi ng anghel kay Zacarias (tal. 13-17) ay may kahawig na pananalita sa Mal 3:1; 4:5, 6; at Isa 40:3, kung saan ginamit ang pangalan ng Diyos. (Tingnan ang study note sa Luc 1:15, 16.) Ang pariralang Griego para sa maihanda ang mga tao ay may kahawig na ekspresyon sa salin ng Septuagint sa 2Sa 7:24, kung saan mababasa sa tekstong Hebreo: “Ginawa mong sarili mong bayan ang Israel . . ., O Jehova.”​—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Luc 1:17.

Gabriel: Mula sa pangalang Hebreo na nangangahulugang “Malakas (Matipuno) na Lingkod ng Diyos.” (Dan 8:15, 16) Sina Miguel at Gabriel lang ang mga anghel na pinangalanan sa Bibliya, at si Gabriel lang ang anghel na nagkatawang-tao na nagsabi ng pangalan niya.

sabihin . . . ang magandang balitang ito: Ang pandiwang Griego na eu·ag·ge·liʹzo·mai ay kaugnay ng pangngalang eu·ag·geʹli·on, “mabuting balita.” Ang anghel na si Gabriel ay nagsisilbi ritong isang ebanghelisador.​—Tingnan ang study note sa Mat 4:23; 24:14; 26:13.

paglilingkod . . . sa templo: O “paglilingkod sa publiko.” Ang salitang Griego dito na lei·tour·giʹa at ang kaugnay na mga pananalitang lei·tour·geʹo (maglingkod sa publiko) at lei·tour·gosʹ (lingkod ng publiko, o manggagawa) ay ginagamit noon ng mga Griego at Romano para tumukoy sa trabaho o serbisyo sa gobyerno at ginagawa para sa kapakanan ng mga tao. Halimbawa, sa Ro 13:6, ang sekular na mga awtoridad ay inilarawan bilang mga “lingkod ng Diyos” na “nagsisilbi sa mga tao” (pangmaramihang anyo ng lei·tour·gosʹ). Ang paggamit dito ni Lucas sa terminong ito ay kahawig ng pagkakagamit nito sa Septuagint, kung saan ang anyong pandiwa at pangngalan ng ekspresyong ito ay madalas tumukoy sa paglilingkod sa templo ng mga saserdote at Levita. (Exo 28:35; Bil 8:22) Ang paglilingkod sa templo ay paglilingkod din sa publiko dahil nakikinabang dito ang mga tao. Pero kailangang maging banal sa ganitong uri ng paglilingkod, dahil itinuturo ng mga saserdoteng Levita ang Kautusan ng Diyos at naghahandog sila para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan.​—2Cr 15:3; Mal 2:7.

Ginawa ito ni Jehova alang-alang sa akin: O “Ganito ako pinakitunguhan ni Jehova.” Sa pasasalamat na ito ni Elisabet, maaalala natin ang ulat tungkol kay Sara sa Gen 21:1, kung saan lumitaw ang pangalan ng Diyos. Ang sinabi ni Elisabet na inalis ang kahihiyan niya dahil sa pagiging walang anak ay kahawig ng sinabi ni Raquel, na nakaulat sa Gen 30:23.​—Tingnan ang Ap. C1 at introduksiyon sa Ap. C3; Luc 1:25.

Noong ikaanim na buwan na niya: Lit., “Noong ikaanim na buwan.” Ikaanim na buwan ng pagbubuntis ni Elisabet, gaya ng ipinapakita ng konteksto sa talata 24 at 25.

nakatakdang mapangasawa: Tingnan ang study note sa Mat 1:18.

Maria: Katumbas ng pangalang Hebreo na “Miriam.” Anim na babae sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang may pangalang Maria: (1) Si Maria na ina ni Jesus, (2) si Maria Magdalena (Mat 27:56; Luc 8:2; 24:10), (3) si Maria na ina nina Santiago at Joses (Mat 27:56; Luc 24:10), (4) si Maria na kapatid nina Marta at Lazaro (Luc 10:39; Ju 11:1), (5) si Maria na ina ni Juan Marcos (Gaw 12:12), at (6) si Maria na taga-Roma (Ro 16:6). Noong panahon ni Jesus, Maria ang isa sa pinakakaraniwang pangalan ng mga babae.

Si Jehova ay sumasaiyo: Ito at ang katulad na mga parirala na may pangalan ng Diyos ay madalas na lumitaw sa Hebreong Kasulatan. (Ru 2:4; 2Sa 7:3; 2Cr 15:2; Jer 1:19) Ang pagbati ng anghel kay Maria ay kahawig ng sinabi ng anghel ni Jehova kay Gideon sa Huk 6:12: “Si Jehova ay sumasaiyo, ikaw na malakas na mandirigma.”​—Tingnan ang Ap. C1 at introduksiyon sa Ap. C3; Luc 1:28.

Jesus: Tingnan ang study note sa Mat 1:21.

Diyos na Jehova: Gaya ng binanggit sa study note sa Luc 1:6, sa unang dalawang kabanata ng ulat ni Lucas, maraming mababasang pagsipi at kahawig na pananalita at ekspresyon sa Hebreong Kasulatan kung saan lumitaw ang pangalan ng Diyos. Ang sinabi ng anghel tungkol sa trono ni David ay kahawig ng pangako sa 2Sa 7:12, 13, 16, kung saan kinakausap ni Jehova si David sa pamamagitan ni propeta Natan at kung saan lumitaw ang Tetragrammaton nang ilang ulit sa konteksto. (2Sa 7:4-16) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang ekspresyon na isinalin ditong “Diyos na Jehova” at ang katulad na mga kombinasyon nito ay kadalasan nang lumilitaw sa mga pagsipi mula sa Hebreong Kasulatan o sa mga teksto na kahawig ng istilo ng wikang Hebreo.​—Tingnan ang study note sa Luc 1:16 at introduksiyon sa Ap. C3; Luc 1:32.

kamag-anak mong: Ang anyong ito ng terminong Griego (syg·ge·nisʹ) ay isang beses lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, pero ang isa pang ispeling ng salitang ito (syg·ge·nesʹ) ay ginamit sa ibang mga talata. (Luc 1:58; 21:16; Gaw 10:24; Ro 9:3) Ang mga terminong ito ay parehong tumutukoy sa isang kamag-anak. Kaya magkamag-anak sina Maria at Elisabet, pero hindi sinabi kung ano ang eksaktong kaugnayan nila. Sina Zacarias at Elisabet ay mula sa tribo ni Levi, at sina Jose at Maria naman ay mula sa tribo ni Juda, kaya malamang na malayo silang magkamag-anak.

walang imposible sa Diyos: O “walang sinabi ang Diyos na hindi niya kayang gawin.” Ang salitang Griego na rheʹma, na isinaling “sinabi,” ay puwedeng tumukoy sa “isang deklarasyon.” O puwede rin itong tumukoy sa anumang bagay, gaya ng isang pangyayari, pagkilos, o resulta ng isang deklarasyon. Puwedeng isalin sa iba’t ibang paraan ang tekstong Griego, pero hindi nagbabago ang pinakakahulugan nito—walang imposible sa Diyos at tiyak na matutupad ang lahat ng pangako niya. Ang pananalita rito ay kahawig ng salin ng Septuagint sa Gen 18:14, kung saan tiniyak ni Jehova kay Abraham na ang kaniyang may-edad nang asawang si Sara ay magsisilang ng anak, si Isaac.

Ako ay aliping babae ni Jehova!: Ang pananalitang ito ni Maria ay kahawig ng mga sinabi ng ibang lingkod ni Jehova sa Hebreong Kasulatan. Halimbawa, sinabi ni Hana sa panalangin niya sa 1Sa 1:11: “O Jehova ng mga hukbo, kung bibigyang-pansin mo ang pagdurusa ng iyong lingkod [o, “aliping babae”].” Sa salin ng Septuagint sa 1Sa 1:11, ang salitang Griego na ginamit para sa “aliping babae” ay kapareho ng ginamit sa ulat ni Lucas.​—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Luc 1:38.

maglakbay . . . papunta sa isang mabundok na lugar: Malamang na umabot nang tatlo o apat na araw ang paglalakbay ni Maria mula sa bahay niya sa Nazaret papunta sa mga burol ng Juda, depende sa lokasyon ng lunsod na tinitirhan nina Zacarias at Elisabet. Ang layo nito ay malamang na 100 km (60 mi) o higit pa.

sanggol na isisilang mo: Lit., “bunga ng iyong sinapupunan.” Ang salitang Griego para sa “bunga” (kar·posʹ) ay ginamit dito sa makasagisag na paraan kasama ng terminong isinaling “sinapupunan” para tumukoy sa sanggol na hindi pa naisisilang. Ang buong ekspresyong ito ay may kahawig na idyomang Hebreo, kung saan ang mga anak ng tao ay tinatawag na “bunga.”​—Gen 30:2, tlb.; Deu 7:13, tlb.; 28:4, tlb.; Aw 127:3; 132:11, tlb.; Pan 2:20, tlb.

ni Jehova: Ang sinabi ng anghel kay Maria ay mula sa Diyos na Jehova. Ang ekspresyong Griego na pa·raʹ Ky·riʹou, isinalin ditong “ni Jehova,” ay lumitaw sa makukuhang mga kopya ng Septuagint bilang salin ng mga ekspresyong Hebreo na karaniwan nang may kasamang pangalan ng Diyos.​—Gen 24:50; Huk 14:4; 1Sa 1:20; Isa 21:10; Jer 11:1; 18:1; 21:1; tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Luc 1:45.

Sinabi ni Maria: Ang mga papuri ni Maria na mababasa sa talata 46-55 ay may mahigit 20 pagsipi o kahawig na pananalita sa Hebreong Kasulatan. Marami sa mga sinabi ni Maria ay kahawig ng panalangin ni Hana, ina ni Samuel, na pinagpala rin ni Jehova ng isang anak. (1Sa 2:1-10) Ang ilan pang halimbawa ng mga ekspresyong sinipi o kahawig ng pananalita ni Maria ay makikita sa Aw 35:9; Hab 3:18; Isa 61:10 (tal. 47); Gen 30:13; Mal 3:12 (tal. 48); Deu 10:21; Aw 111:9 (tal. 49); Job 12:19 (tal. 52); Aw 107:9 (tal. 53); Isa 41:8, 9; Aw 98:3 (tal. 54); Mik 7:20; Isa 41:8; 2Sa 22:51 (tal. 55). Makikita sa mga pananalita ni Maria ang espirituwalidad niya at kaalaman sa Kasulatan. Ipinapakita nito na mapagpahalaga siya. Makikita rin dito ang tibay ng pananampalataya niya, dahil sinabi niyang ibinababa ni Jehova ang mga hambog at makapangyarihan pero tinutulungan ang mabababa at mahihirap na gustong maglingkod sa kaniya.

Dinadakila ko si Jehova: O “Dinadakila ng buong pagkatao ko si Jehova.” Ang sinabi ni Maria ay may kahawig na mga pananalita sa Hebreong Kasulatan, gaya sa Aw 34:3 at 69:30, kung saan ginamit sa mismong teksto o sa konteksto nito ang pangalan ng Diyos. (Aw 69:31) Ang salitang Griego na ginamit dito para sa “dinadakila” (me·ga·lyʹno) ay kapareho ng ginamit ng salin ng Septuagint sa nabanggit na mga talata.​—Tingnan ang study note sa Sinabi ni Maria sa talatang ito at ang study note sa Luc 1:6, 25, 38 at introduksiyon sa Ap. C3; Luc 1:46.

nagpakita si Jehova ng malaking awa sa kaniya: Ang ekspresyong ito ay may kahawig na pananalita sa Hebreong Kasulatan, gaya ng sa Gen 19:18-20, kung saan sinabi ni Lot kay Jehova: “Jehova! . . . Naging napakabait mo sa akin [lit., “Nagpakita ka ng malaking kabaitan sa akin”].”​—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Luc 1:58.

kamay: Ang terminong ito ay madalas gamitin para tumukoy sa “kapangyarihan.” Makikita sa ginagawa ng kamay ang lakas ng braso, kaya ang “kamay” ay maaari ding tumukoy sa “aktibong kapangyarihan.”

kamay ni Jehova: Ang pariralang ito ay madalas lumitaw sa Hebreong Kasulatan. Kombinasyon ito ng salitang Hebreo para sa “kamay” at ng Tetragrammaton. (Exo 9:3, tlb.; Bil 11:23; Huk 2:15; Ru 1:13; 1Sa 5:6; 7:13; Job 12:9; Isa 19:16; 40:2; Eze 1:3, tlb.) Ang ekspresyong Griego na isinaling “kamay ni Jehova” ay lumitaw rin sa Gaw 11:21; 13:11.​—Tingnan ang study note sa Luc 1:6, 9; Gaw 11:21 at introduksiyon sa Ap. C3; Luc 1:66.

Purihin nawa si Jehova: O “Pagpalain nawa si Jehova.” Karaniwan ang ekspresyong ito ng papuri sa Hebreong Kasulatan, kung saan madalas itong gamitin kasama ang pangalan ng Diyos.​—1Sa 25:32; 1Ha 1:48; 8:15; Aw 41:13; 72:18; 106:48; tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Luc 1:68.

makapangyarihang tagapagligtas: Lit., “sungay ng kaligtasan.” Sa Bibliya, ang sungay ng mga hayop ay madalas lumarawan sa lakas, pananakop, at tagumpay. (1Sa 2:1; Aw 75:4, 5, 10; 148:14; mga tlb.) Lumalarawan din ang sungay sa mga tagapamahala at dinastiya, mabuti man o masama, at ang pananakop nila ay inihalintulad sa panunuwag. (Deu 33:17; Dan 7:24; 8:2-10, 20-24) Sa kontekstong ito, ang ekspresyong “sungay ng kaligtasan” ay tumutukoy sa Mesiyas bilang isang makapangyarihang tagapagligtas.​—Tingnan sa Glosari, “Sungay.”

gumawa ng sagradong paglilingkod sa kaniya: O “sumamba sa kaniya.” Ang pandiwang Griego na la·treuʹo ay pangunahin nang tumutukoy sa paglilingkod. Sa Bibliya, tumutukoy ito sa paglilingkod sa Diyos, sa paglilingkod na may kaugnayan sa pagsamba sa kaniya (Mat 4:10; Luc 2:37; 4:8; Gaw 7:7; Ro 1:9; Fil 3:3; 2Ti 1:3; Heb 9:14; 12:28; Apo 7:15; 22:3), o sa paglilingkod sa templo (Heb 8:5; 9:9; 10:2; 13:10). Kaya sa ilang konteksto, puwede ring isalin ang ekspresyong ito na “sumamba.” Sa ilang pagkakataon naman, iniugnay ito sa huwad na pagsamba​—paglilingkod, o pagsamba, sa mga nilalang.​—Gaw 7:42; Ro 1:25.

mauuna ka kay Jehova: Si Juan Bautista ay sinasabing ‘mauuna kay Jehova’ dahil ihahanda niya ang daan para kay Jesus, na kakatawan sa kaniyang Ama at darating sa ngalan ng kaniyang Ama.​—Ju 5:43; 8:29; tingnan ang study note sa Jehova sa talatang ito.

Jehova: Ang hulang sinabi ni Zacarias sa ikalawang bahagi ng talatang ito ay kahawig ng pananalita sa Isa 40:3 at Mal 3:1, kung saan ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.​—Tingnan ang study note sa Luc 1:6, 16, 17; 3:4 at introduksiyon sa Ap. C3; Luc 1:76.

araw na humarap siya sa bayang Israel: Ang pasimula ng ministeryo ni Juan Bautista, noong tagsibol ng 29 C.E.​—Tingnan ang study note sa Mar 1:9; Luc 3:1, 23.

Media