Ayon kay Lucas 12:1-59

12  Samantala, natipon ang libo-libong tao at nagkakatapakan na sila. Sinabi muna ni Jesus sa mga alagad niya: “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo, sa pagkukunwari nila.+ 2  Pero walang anumang itinagong mabuti na hindi malalantad, at walang lihim na hindi malalaman.+ 3  Kaya naman, anumang sabihin ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag, at anumang ibulong ninyo sa loob ng isang silid ay ipangangaral mula sa mga bubungan ng bahay. 4  Isa pa, sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan ko,+ huwag kayong matakot sa mga makapapatay sa katawan pero wala nang iba pang magagawa maliban dito.+ 5  Sasabihin ko sa inyo kung kanino kayo dapat matakot: Matakot kayo sa kaniya na pagkatapos pumatay ay may awtoridad na maghagis sa Gehenna.+ Oo, sinasabi ko sa inyo, matakot kayo sa kaniya.+ 6  Hindi ba ang limang maya ay ipinagbibili sa dalawang barya na maliit ang halaga? Pero walang isa man sa mga ito ang nalilimutan* ng Diyos.+ 7  At kayo, biláng niya kahit ang mga buhok ninyo sa ulo.+ Huwag kayong matakot; mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.+ 8  “Sinasabi ko sa inyo, bawat isa na kumikilala sa akin sa harap ng mga tao+ ay kikilalanin din ng Anak ng tao sa harap ng mga anghel ng Diyos.+ 9  Pero kung ikinakaila ako ng sinuman sa harap ng mga tao, ikakaila ko rin siya sa harap ng mga anghel ng Diyos.+ 10  At ang lahat ng nagsasalita laban sa Anak ng tao ay mapatatawad, pero ang sinumang namumusong* laban sa banal na espiritu ay hindi mapatatawad.+ 11  Kapag dinala nila kayo sa harap ng nagkakatipong mga tao, mga opisyal ng gobyerno, at mga awtoridad, huwag kayong mag-alala kung paano ninyo ipagtatanggol ang sarili ninyo at kung ano ang sasabihin ninyo,+ 12  dahil ituturo sa inyo ng banal na espiritu sa mismong oras na iyon kung ano ang dapat ninyong sabihin.”+ 13  Pagkatapos, may isa mula sa karamihan na nagsabi: “Guro, sabihin mo sa kapatid ko na hatian ako sa mana.” 14  Sinabi niya: “Lalaki, sino ang nag-atas sa akin bilang hukom o tagapamagitan ninyong dalawa?” 15  Pagkatapos, sinabi niya sa kanila: “Mag-ingat kayo at magbantay laban sa bawat uri ng kasakiman,+ dahil kahit sagana ang isang tao, ang mga ari-arian niya ay hindi makapagbibigay sa kaniya ng buhay.”+ 16  Kaya nagbigay siya sa kanila ng ilustrasyon: “Sagana ang ani sa lupain ng isang taong mayaman. 17  Kaya sinabi niya sa sarili niya: ‘Ano ang gagawin ko? Wala na akong mapaglagyan ng mga ani ko.’ 18  Pagkatapos, sinabi niya, ‘Ito ang gagawin ko:+ Gigibain ko ang mga imbakan ko at magtatayo ako ng mas malalaki, at doon ko ilalagay ang lahat ng ani ko at iba pang bagay, 19  at sasabihin ko sa sarili ko: “Marami kang mabubuting bagay na nakaimbak para sa maraming taon; magpasarap ka na lang sa buhay, kumain, uminom, at magpakasaya.”’ 20  Pero sinabi ng Diyos sa kaniya, ‘Ikaw na di-makatuwiran, mamamatay ka* ngayong gabi. Kanino ngayon mapupunta ang mga bagay na inimbak mo?’+ 21  Ganiyan ang nangyayari sa taong nag-iimbak ng kayamanan para sa sarili niya pero hindi mayaman sa Diyos.”+ 22  Pagkatapos, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Kaya naman sinasabi ko sa inyo, huwag na kayong mag-alala kung ano ang kakainin o isusuot ninyo,+ 23  dahil mas mahalaga ang buhay* kaysa sa pagkain at ang katawan kaysa sa damit. 24  Tingnan ninyo ang mga uwak: Hindi sila nagtatanim o umaani; wala silang imbakan ng pagkain; pero pinakakain sila ng Diyos.+ Di-hamak na mas mahalaga kayo kaysa sa mga ibon, hindi ba?+ 25  Sino sa inyo ang makapagpapahaba nang kahit kaunti sa buhay niya dahil sa pag-aalala? 26  Kaya kung hindi ninyo magawa kahit ang maliit na bagay na iyon, bakit kayo mag-aalala tungkol sa iba pang bagay?+ 27  Tingnan ninyo kung paano tumutubo ang mga liryo: Hindi sila nagtatrabaho o nananahi; pero sinasabi ko sa inyo na kahit si Solomon, sa kabila ng karangyaan niya, ay hindi nakapagdamit na gaya ng isa sa mga ito.+ 28  Kung ganito dinaramtan ng Diyos ang pananim, na nasa parang ngayon at bukas ay ihahagis sa pugon, tiyak na mas daramtan niya kayo, kayo na may maliit na pananampalataya! 29  Kaya huwag na kayong maghanap ng kakainin at iinumin ninyo, at huwag na kayong masyadong mag-alala;+ 30  dahil ang lahat ng ito ang pinagkakaabalahan ng mga tao sa mundo,* pero alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga ito.+ 31  Sa halip, patuloy na hanapin ang kaniyang Kaharian, at ibibigay* niya sa inyo ang mga ito.+ 32  “Huwag kayong matakot, munting kawan,+ dahil ibinigay sa inyo ng inyong Ama ang Kaharian.+ 33  Ipagbili ninyo ang inyong mga pag-aari at magbigay kayo sa mahihirap.+ Gumawa kayo ng mga lalagyan ng pera na hindi nasisira, isang di-nauubos na kayamanan sa langit,+ kung saan hindi nakalalapit ang mga magnanakaw at hindi nakapaninira ang mga insekto.* 34  Dahil kung nasaan ang kayamanan ninyo, naroon din ang puso ninyo. 35  “Magbihis kayo at maging handa,+ at sindihan ninyo ang inyong mga lampara,+ 36  at dapat kayong maging tulad ng mga taong naghihintay sa pagbalik* ng kanilang panginoon+ mula sa kasalan,+ para kapag dumating siya at kumatok, agad nila siyang mapagbubuksan. 37  Maligaya ang mga aliping iyon na inabutan ng panginoon na nagbabantay! Sinasabi ko sa inyo, magbibihis siya para maglingkod sa kanila at pauupuin* niya sila sa mesa at pagsisilbihan sila. 38  At kung dumating siya sa ikalawang pagbabantay, kahit pa sa ikatlo, at maabutan niya silang handa, maligaya sila! 39  Pero isipin ninyo ito, kung nalaman lang ng may-bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya sana hinayaang mapasok ang bahay niya.+ 40  Manatili rin kayong handa, dahil sa oras na hindi ninyo inaasahan, darating ang Anak ng tao.”+ 41  Pagkatapos, sinabi ni Pedro: “Panginoon, para sa amin lang ba ang ilustrasyong ito o para sa lahat?” 42  Sinabi ng Panginoon: “Sino talaga ang tapat na katiwala, ang matalino, na aatasan ng panginoon niya sa grupo ng mga tagapaglingkod nito para patuloy na magbigay sa kanila ng kinakailangang pagkain sa tamang panahon?+ 43  Maligaya ang aliping iyon, kung sa pagdating ng panginoon niya ay madatnan siyang gayon ang ginagawa! 44  Sinasabi ko sa inyo, aatasan siya ng panginoon sa lahat ng pag-aari nito. 45  Pero kung sabihin ng aliping iyon sa sarili niya, ‘Hindi pa darating ang panginoon ko,’+ at binugbog niya ang mga lingkod na lalaki at babae, at kumain siya at uminom at nagpakalasing,+ 46  ang panginoon ng aliping iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam, at paparusahan siya nang napakatindi at itatapon kasama ng mga di-tapat. 47  Pagkatapos, ang aliping iyon na nakaunawa ng kalooban ng panginoon niya pero hindi naghanda o hindi ginawa ang iniutos* nito ay hahampasin nang maraming ulit.+ 48  Pero kung ang isa ay gumawa ng mga bagay na karapat-dapat sa mga hampas dahil wala siyang alam, hahampasin siya nang kaunti. Oo, bawat isa na binigyan ng marami, marami rin ang hihingin sa kaniya, at ang isa na inatasan sa marami, higit kaysa karaniwan ang aasahan sa kaniya.+ 49  “Dumating ako para magpasimula ng apoy sa lupa, at ano pa ang mahihiling ko kung nasindihan na ito? 50  Pero mayroon pa akong bautismo+ na dapat kong maranasan, at mababagabag ako hangga’t hindi ito natatapos!+ 51  Iniisip ba ninyong dumating ako para magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, hindi kapayapaan kundi pagkakabaha-bahagi.+ 52  Dahil mula ngayon, ang lima sa isang bahay ay mababahagi, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo. 53  Magkakabaha-bahagi sila, ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama, ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina, biyenang babae laban sa manugang na babae at manugang na babae laban sa biyenang babae.”+ 54  Sinabi pa niya sa mga tao: “Kapag nakakita kayo ng namumuong ulap sa kanluran, agad ninyong sinasabi, ‘May darating na bagyo,’ at nangyayari iyon. 55  At kapag nakita ninyo na humihihip ang hangin mula sa timog, sinasabi ninyo, ‘Magiging napakainit,’* at nangyayari iyon. 56  Mga mapagpanggap, nabibigyang-kahulugan ninyo ang mga palatandaan sa lupa at langit, pero bakit hindi ninyo mabigyang-kahulugan ang nangyayari sa panahong ito?+ 57  Bakit hindi kayo magpasiya para sa sarili ninyo kung ano ang matuwid? 58  Halimbawa, habang papunta ka sa isang tagapamahala kasama ang taong may reklamo sa iyo, sikapin mong makipag-ayos sa kaniya para hindi ka na niya iharap sa hukom, at ibigay ka ng hukom sa opisyal ng hukuman, at ikulong ka ng opisyal ng hukuman.+ 59  Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makalalaya hanggang sa mabayaran mo ang kahuli-hulihang sentimo na dapat mong bayaran.”

Talababa

O “napapabayaan; hindi napapansin.”
Tingnan sa Glosari, “Pamumusong.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
O “mga bansa sa sanlibutan.”
O “idaragdag.”
O “tangà,” isang insekto na kumakain ng tela.
O “pag-alis.”
O “pahihiligin.”
O “ang ayon sa kalooban.”
O “Magkakaroon ng bugso ng matinding init.”

Study Notes

libo-libong: Lit., “laksa-laksang.” Ang salitang Griego ay literal na tumutukoy sa 10,000, o isang laksa, pero puwede rin itong tumukoy sa isang napakalaki at di-tiyak na bilang.

lebadura: O “pampaalsa.” Madalas itong gamitin sa Bibliya bilang sagisag ng kasamaan at kasalanan; dito, tumutukoy ang “lebadura” sa masasamang turo at impluwensiya.​—Mat 16:6, 11, 12; 1Co 5:6-8.

sa liwanag: Ibig sabihin, anumang sabihin nila ay maririnig ng publiko.

ipangangaral mula sa mga bubungan ng bahay: Tingnan ang study note sa Mat 10:27.

Gehenna: Tingnan ang study note sa Mat 5:22.

maya: Tingnan ang study note sa Mat 10:29.

dalawang barya na maliit ang halaga: Lit., “dalawang assarion.” Bago nito, noong ikatlong paglalakbay ni Jesus sa Galilea para mangaral, sinabi niyang ang presyo ng dalawang maya ay isang assarion. (Mat 10:29) Isang assarion ang suweldo para sa 45-minutong trabaho. (Tingnan ang Ap. B14.) Lumilitaw na makalipas ang mga isang taon, sa ministeryo ni Jesus sa Judea, sinabi niya na ang limang maya ay nagkakahalaga nang dalawang assarion, gaya ng iniulat ni Lucas. Kapag pinaghambing ang dalawang ulat na ito, makikita nating napakaliit ng halaga ng maya para sa mga negosyante kaya ang ikalimang maya ay libre na.

biláng niya kahit ang mga buhok ninyo sa ulo: Tingnan ang study note sa Mat 10:30.

nagkakatipong mga tao: O posibleng “sinagoga.” Ang pangngalang Griego na sy·na·go·geʹ na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “pagtitipon; kapulungan.” Sa karamihan ng paglitaw nito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, tumutukoy ito sa gusali o lugar kung saan nagtitipon ang mga Judio para magbasa ng Kasulatan, maturuan, mangaral, at manalangin. (Tingnan sa Glosari, “Sinagoga.”) Sa kontekstong ito, puwede itong tumukoy sa “sinagoga,” kung saan naglilitis ang hukuman ng mga Judio. (Tingnan ang study note sa Mat 10:17.) Pero lumilitaw na mas malawak ang pagkakagamit ng terminong ito dito at puwede itong tumukoy sa pagtitipon na bukás sa publiko, Judio man o hindi. Inoorganisa ang ganitong mga pagtitipon para litisin ang isang Kristiyano at hatulan pa nga dahil sa kaniyang pananampalataya.

hatian ako sa mana: Malinaw sa Kautusang Mosaiko kung paano dapat hatiin ang mana sa magkakapatid. Tatanggap ng dobleng mana ang panganay na lalaki, dahil sa kaniya rin mapupunta ang responsibilidad ng ulo ng pamilya. (Deu 21:17) Ang matitira ay paghahati-hatian ng iba pang tagapagmana. Lumilitaw na ang lalaki sa talatang ito ay sakim at gusto niyang makakuha ng higit pa kaysa sa parte niya. Ito ang posibleng dahilan kaya sumabat siya habang nagtuturo si Jesus tungkol sa espirituwal na mga bagay para lang magpatulong sa problema niya sa pera. Hindi nakialam si Jesus sa isyung iyon, pero nagbabala siya laban sa kasakiman.

tagapamagitan: O “tagahati.” Dito, ipinapakita ni Jesus na hindi niya kailangang makialam sa isang bagay na may malinaw nang tagubilin sa Kautusang Mosaiko. Isa pa, ayon sa Kautusang iyon, ang matatandang lalaki ang mag-aasikaso sa mga isyu tungkol sa pera. Alam din ni Jesus na isinugo siya sa lupa, hindi para makisangkot sa sekular na mga bagay, kundi para ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.

kasakiman: O “kaimbutan.” Ang salitang Griego na ple·o·ne·xiʹa ay literal na nangangahulugang “magkaroon ng higit” at nagpapahiwatig ng di-nasasapatang kagustuhan na magkaroon ng higit pa. Ginamit din ang terminong Griegong ito sa Efe 4:19; 5:3. Pagkatapos banggitin ni Pablo ang “kasakiman” sa Col 3:5, idinagdag niya na ito ay “isang uri ng idolatriya.”

ilustrasyon: Tingnan ang study note sa Mat 13:3.

sarili ko: Ang salitang Griego na psy·kheʹ, na isinasalin kung minsan na “kaluluwa,” ay lumitaw nang tatlong beses sa talata 19 at 20. Ang kahulugan ng terminong ito ay nakadepende sa konteksto. (Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”) Dito, tumutukoy ito sa mismong tao—na pisikal, nakikita, at nahahawakan​—at hindi sa di-nakikita at di-nahahawakang elemento na nasa loob daw ng katawan ng isang tao. Kaya ang terminong ito ay isinaling “sarili” sa tekstong ito.

Ikaw na di-makatuwiran: O “Ikaw na mangmang.” Sa halip na tumukoy sa isang tao na kulang sa talino, ang mga terminong “di-makatuwiran” o “mangmang” ay ginagamit sa Bibliya para tumukoy sa taong baluktot ang katuwiran, mababa ang moral, at bumabale-wala sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos.

mamamatay ka: O “kukunin nila ang buhay mo.” Dito, ang pandiwang Griego para sa “kukunin” ay nasa ikatlong panauhan at pangmaramihang anyo (“nila”). Pero sa ilustrasyong ito, ang “nila” ay hindi tumutukoy sa isang partikular na grupo ng mga tao o anghel. Ipinapakita lang ng ganitong anyo ng pandiwa kung ano ang mangyayari sa lalaki. Hindi sinabi ni Jesus kung paano mamamatay ang mayamang lalaki sa ilustrasyong ito o kung sino ang papatay rito. Ang punto lang ay mamamatay ang lalaki sa gabing iyon.

mayaman sa Diyos: O “mayaman sa paningin ng Diyos,” ibig sabihin, mayaman sa mga bagay na mahalaga para sa Diyos.

huwag na kayong mag-alala: Ang anyo ng pandiwang Griego na me·ri·mnaʹo na ginamit dito ay nagsasabing ihinto ang isang bagay na kasalukuyan nang nangyayari. Ang terminong Griego para sa “mag-alala” ay puwedeng tumukoy sa pagkabahala ng isang tao na nagiging dahilan para mahati ang isip niya, mawala siya sa pokus, at mawalan ng kagalakan. Ito rin ang salitang Griego na ginamit ni Lucas sa Luc 12:11, 25, 26. Ginamit ni Pablo ang pandiwang ito sa 1Co 7:32-34 at Fil 4:6.​—Tingnan ang study note sa Mat 6:25.

buhay: Dito, ang salitang Griego na psy·kheʹ ay tumutukoy sa buhay ng isang tao. Sa kontekstong ito, ang kombinasyon ng buhay at katawan ay tumutukoy sa buong pagkatao.

uwak: Sa buong Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang binanggit ang ibong ito. Nang magbigay si Jesus ng kahawig na payo sa Sermon sa Bundok, wala siyang tinukoy na partikular na ibon. (Mat 6:26) Ang payong ito ni Jesus na nakaulat sa Lucas ay ibinigay niya noong ministeryo niya sa Judea, mga 18 buwan mula nang ibigay niya ang Sermon sa Bundok sa Galilea. Idiniin ni Jesus ang payong ito sa pamamagitan ng paggamit ng uwak, isang ibon na marumi ayon sa tipang Kautusan. (Lev 11:13, 15) Maliwanag na itinuturo niya na kung naglalaan ang Diyos para sa maruruming uwak, makakasigurado tayo na hindi niya pababayaan ang mga nagtitiwala sa kaniya.

makapagpapahaba . . . sa buhay: Tingnan ang study note sa Mat 6:27.

kaunti: Tingnan ang study note sa Mat 6:27.

ang maliit na bagay na iyon: O “ang napakaliit na bagay na iyon.” Lit., “ang pinakamaliit na bagay.” Lumilitaw na tumutukoy ito sa sinabi sa naunang talata tungkol sa pagpapahaba ng buhay ng isang tao. Kung hindi mapapahaba ng mga tao ang buhay nila nang kahit kaunti, bakit pa sila mag-aalala nang sobra at mag-iipon ng napakaraming kayamanan, pagkain, at damit at magpupundar ng maraming bahay at ari-arian?

mga liryo: Sinasabi ng ilan na tumutukoy ito sa anemone, pero posibleng kasama rito ang mga bulaklak na mukhang liryo, gaya ng tulip, hyacinth, iris, at gladiolus. May nagsasabi naman na ang tinutukoy lang dito ni Jesus ay mga ligáw na bulaklak kaya isinalin nila itong “mga bulaklak” o “mga bulaklak sa parang.” Nabuo ang ganiyang konklusyon dahil ginamit sa kaparehong ulat ang terminong “pananim, na nasa parang.”—Luc 12:28; Mat 6:28-30.

pananim . . . pugon: Tingnan ang study note sa Mat 6:30.

kayo na may maliit na pananampalataya: Tingnan ang study note sa Mat 6:30.

huwag na kayong masyadong mag-alala: O “huwag na kayong mabahala.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang mababasa ang salitang Griego na me·te·o·riʹzo·mai. Sa klasikal na Griego, nangangahulugan itong “itaas; ibitin”; ginagamit pa nga ito para tumukoy sa mga barkong tinatangay-tangay ng alon. Pero sa kontekstong ito, ginamit ito para tumukoy sa sobrang pag-aalala o pagkabalisa. Kung ganiyan ang isang tao, wala siyang kapanatagan, parang barko na tinatangay-tangay ng alon.

patuloy na hanapin: Ang anyo ng pandiwang Griego para dito ay nagpapahiwatig ng paggawa ng isang bagay nang patuluyan. Kaya hindi inuuna ng tunay na mga tagasunod ni Jesus ang Kaharian sa loob lang ng ilang panahon at pagkatapos ay magpopokus na sa ibang bagay. Sa halip, laging Kaharian ang pangunahin sa buhay nila. Ito rin ang payong ibinigay ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok sa Galilea, na mababasa sa Mat 6:33. Ang mababasa naman sa ulat ni Lucas ay ibinigay ni Jesus pagkalipas ng mga isa’t kalahating taon, noong huling bahagi ng ministeryo niya, malamang na sa Judea. Lumilitaw na nakita ni Jesus na kailangang ulitin ang payong ito.

magbigay kayo sa mahihirap: Tingnan ang study note sa Mat 6:2.

Magbihis kayo at maging handa: Lit., “Bigkisan ninyo ang inyong balakang.” Ang idyomang ito ay tumutukoy sa pagsusuot ng sinturon sa ibabaw ng panlabas na damit para hindi ito makasagabal sa pagtatrabaho, pagtakbo, at iba pang gawain. Pero ginamit na rin ito para tumukoy sa pagiging handa para sa anumang gawain. Maraming beses lumitaw sa Hebreong Kasulatan ang katulad na mga ekspresyon. (Halimbawa: Exo 12:11, tlb.; 1Ha 18:46; 2Ha 3:21, tlb.; 4:29; Kaw 31:17, tlb.; Jer 1:17, tlb.) Sa kontekstong ito, ang anyo ng pandiwang Griego na ginamit ay nagpapakita ng pagiging laging handa ng mga lingkod ng Diyos para sa espirituwal na gawain. Sa Luc 12:37, ang pandiwang iyon ay isinaling “magbibihis siya para maglingkod.” Sa 1Pe 1:13 naman, ang ekspresyong “ihanda ninyong mabuti ang isip ninyo para sa gawain” ay literal na nangangahulugang “bigkisan ninyo ang balakang ng inyong isip.”

magbibihis siya para maglingkod sa kanila: Lit., “bibigkisan niya ang kaniyang sarili.”​—Tingnan ang study note sa Luc 12:35; 17:8.

ikalawang pagbabantay: Mga 9:00 n.g. hanggang hatinggabi. Nakabatay ito sa sistemang Griego at Romano na may apat na yugto ng pagbabantay sa gabi. Hinahati noon ng mga Hebreo ang gabi sa tatlong pagbabantay na may tig-aapat na oras (Exo 14:24; Huk 7:19), pero pagdating ng unang siglo C.E., sinusunod na nila ang sistemang Romano.​—Tingnan ang study note sa Mat 14:25; Mar 13:35.

ikatlo: Hatinggabi hanggang mga 3:00 n.u.​—Tingnan ang study note sa Mar 13:35.

katiwala: O “tagapamahala sa sambahayan.” Ang salitang Griego na oi·ko·noʹmos ay tumutukoy sa isang tao na inatasang mangasiwa sa mga tagapaglingkod, kahit na siya mismo ay isa ring tagapaglingkod. Noon, kadalasan nang ang pinipili para sa posisyong ito ay isang tapat na alipin na inatasang mangasiwa sa mga pag-aari ng panginoon niya. Kaya talagang pinagkakatiwalaan ang ganitong alipin. Ganiyang klase ng katiwala, o tagapamahala sa sambahayan, ang lingkod ni Abraham na “namamahala sa lahat ng pag-aari niya.” (Gen 24:2) Ganiyan din si Jose, gaya ng makikita sa Gen 39:4. Ang “katiwala” sa ilustrasyon ni Jesus ay nasa pang-isahang anyo, pero hindi ito nangangahulugang tumutukoy ito sa isang partikular na tao. Gumagamit kung minsan ang Kasulatan ng pangngalang nasa pang-isahang anyo para tumukoy sa isang grupo, gaya noong sabihin ni Jehova sa bansang Israel: “Kayo [pangmaramihan] ang mga saksi ko, . . . oo, ang lingkod [pang-isahan] ko na aking pinili.” (Isa 43:10) Kaya ang ilustrasyong ito ni Jesus ay tumutukoy rin sa isang grupong pinagkakatiwalaan. Sa kaparehong ilustrasyon na nasa Mat 24:45, ang aliping ito ay tinawag na “ang tapat at matalinong alipin.”

matalino: Ang pang-uring Griego na phroʹni·mos na ginamit dito ay nangangahulugang may kaunawaan, nag-iisip muna, maingat, at marunong sa praktikal na paraan. Ginamit ni Lucas sa Luc 16:8 ang ibang anyo ng salitang Griegong ito, kung saan isinalin itong “mas marunong sa praktikal na paraan.” Ginamit din ito sa Mat 7:24; 25:2, 4, 8, 9. Ginamit ng Septuagint ang salitang ito sa Gen 41:33, 39 sa paglalarawan kay Jose.

grupo ng mga tagapaglingkod: O “mga lingkod ng sambahayan.” Gaya ng terminong “mga lingkod ng sambahayan” (sa Griego, oi·ke·teiʹa), na ginamit sa Mat 24:45, ang terminong ginamit dito (sa Griego, the·ra·peiʹa) ay tumutukoy sa lahat ng indibidwal na naglilingkod sa sambahayan ng panginoon niya. Ang terminong ginamit ni Lucas ay klasikal na Griego at kapareho ng kahulugan ng terminong ginamit ni Mateo. Posibleng ito ang ginamit niyang termino dahil sa kaniyang pinag-aralan at karanasan.

aliping iyon: Ang katiwalang binanggit sa talata 42 ay tinawag ditong ‘alipin.’ (Tingnan ang study note sa Luc 12:42.) Kung ang “aliping iyon” ay tapat, gagantimpalaan siya. (Luc 12:44) Sa kaparehong ulat sa Mat 24:45-47, ang katiwalang ito ay tinatawag na “tapat at matalinong alipin.”​—Tingnan ang study note sa Luc 12:45.

aliping iyon: Ang alipin sa talatang ito ay ang katiwalang binabanggit sa Luc 12:42. Kung ang “aliping iyon” ay tapat, gagantimpalaan siya. (Luc 12:43, 44) Pero kung hindi siya tapat, paparusahan siya “nang napakatindi.” (Luc 12:46) Ang pananalitang ito ni Jesus ay babala para sa tapat na katiwala. Sa kaparehong ilustrasyon sa Mat 24:45-51, hindi sinasabi ni Jesus na magiging “masama ang aliping iyon” o na may aatasan siyang ‘masamang alipin.’ Sa halip, binababalaan niya ang tapat na alipin sa mangyayari kung magkakaroon ito ng mga katangiang gaya ng sa isang masamang alipin.

paparusahan siya nang napakatindi: Tingnan ang study note sa Mat 24:51.

magpasimula ng apoy: Nangangahulugan ito na noong dumating si Jesus, dumaan sa maigting na panahon ang mga Judio. Nagpasimula si Jesus ng apoy nang magbangon siya ng mga isyu na naging dahilan ng mainitang pagtatalo at tumupok sa maraming maling turo at paniniwala. Halimbawa, naniniwala ang mga Judio na pagdating ng Mesiyas sa lupa, palalayain niya ang Israel mula sa pamamahala ng Roma, pero hindi niya iyon ginawa. Namatay pa nga siya sa kahiya-hiyang paraan. Sa masigasig na pangangaral niya, laging itinuturo ni Jesus ang tungkol sa Kaharian ng Diyos, at pinagmulan ito ng mainitang pagtatalo sa buong bansa.​—1Co 1:23.

kahuli-hulihang sentimo: Lit., “kahuli-hulihang lepton.” Ang salitang Griego na le·ptonʹ ay nangangahulugang isang bagay na maliit at manipis. Ang isang lepton ay katumbas ng 1/128 ng isang denario, at lumilitaw na ito ang pinakamaliit na baryang tanso o bronse na ginagamit sa Israel.—Tingnan sa Glosari, “Lepton,” at Ap. B14.

Media