Ayon kay Lucas 13:1-35
Talababa
Study Notes
nabagsakan ng tore sa Siloam: Para palitawin ang punto niya, binanggit ni Jesus ang isang trahedya na kamakailan lang nangyari o posibleng sariwa pa sa isip ng mga tao. Lumilitaw na ang tore ng Siloam ay malapit sa imbakan ng tubig ng Siloam na nasa timog-silangang bahagi ng Jerusalem.—Tingnan ang Ap. B12, mapa na “Jerusalem at ang Palibot Nito.”
puno ng igos na nakatanim sa ubasan: Karaniwan noon na magtanim ng puno ng igos at olibo sa mga ubasan, para kahit hindi maganda ang ani sa ubasan, may kikitain pa rin sa igos at olibo.
Tatlong taon: Ang mga bagong puno na itinanim gamit ang bahaging tinabas mula sa ibang puno ng igos ay karaniwan nang namumunga nang kahit kaunti pagkatapos ng dalawa o tatlong taon. Nang sabihin ni Jesus ang ilustrasyong ito, mga tatlong taon na siyang nangangaral, at lumilitaw na dito tumutukoy ang tatlong taon na binanggit niya sa ilustrasyon. Mga tatlong taon nang sinisikap ni Jesus na palaguin ang pananampalataya ng mga Judio. Pero kaunti lang ang naging alagad, na maituturing na bunga ng pagsisikap niya. Ngayon, sa ikaapat na taon ng ministeryo niya, dinoble pa niya ang pagsisikap niya. Nang mangaral at magturo si Jesus sa Judea at Perea, para bang binubungkal niya ang lupa at nilalagyan ng pataba ang makasagisag na puno ng igos, na kumakatawan sa bansang Judio. Pero kakaunti lang ang nakinig sa kaniya, kaya naging karapat-dapat sa pagkapuksa ang bansang Judio.
may kapansanan dahil sa isang demonyo: Lit., “may espiritu ng panghihina.” Sa Luc 13:16, sinabi ni Jesus na ang babaeng ito ay “iginapos” ni Satanas.
binhi ng mustasa: May iba’t ibang uri ng mustasa na tumutubo sa Israel. Ang black mustard (Brassica nigra) ay ang uri na karaniwang itinatanim sa Israel. Ang maliit na binhi nito ay may diyametro na 1 hanggang 1.6 mm (0.039 hanggang 0.063 in) at may timbang na 1 mg (0.000035 oz), pero tumutubo ito na kasinlaki ng puno. Ang ilang uri ng mustasa ay tumataas nang hanggang 4.5 m (15 ft). Ang binhi ng mustasa, na tinatawag na “pinakamaliit sa lahat ng binhi” sa Mat 13:32 at Mar 4:31, ay ginagamit sa mga sinaunang akdang Judio bilang idyoma para sa napakaliliit na bagay. Kahit na may mas maliliit na binhi na kilala ngayon, lumilitaw na ito ang pinakamaliit na binhing tinitipon at inihahasik ng mga magsasakang Israelita noong panahon ni Jesus.
malalaking takal: Tingnan ang study note sa Mat 13:33.
kaunti lang ba ang maliligtas?: Laging pinagtatalunan ng mga Judiong lider ng relihiyon noon ang bilang ng makakaligtas. Nang maglaon, may mga kulto pa nga na naglalagay ng katumbas na numero para sa bawat letra ng iba’t ibang sagradong kasulatan para malaman ang eksaktong bilang ng makakaligtas. Maraming opinyon at haka-haka tungkol sa paghatol ng Diyos, pero idiniin ni Jesus na pananagutan ng bawat isa ang sarili niyang kaligtasan.
Magsikap kayo nang husto: O “Patuloy kayong magpursigi.” Idiniriin dito ni Jesus na kailangang ibigay ng isa ang buong makakaya niya para makapasok sa makipot na pinto. Ayon sa iba’t ibang reperensiya, puwede rin itong isalin sa tekstong ito na “Ibigay ang inyong buong makakaya; Gawin ninyo ang lahat.” Ang pandiwang Griego na a·go·niʹzo·mai ay nauugnay sa pangngalang Griego na a·gonʹ, na madalas gamitin para tumukoy sa kompetisyon ng mga atleta. Sa Heb 12:1, ginamit ang pangngalang ito para sa Kristiyanong “takbuhan” tungo sa buhay. Isinasalin din itong “problema” (Fil 1:30), “paghihirap” (Col 2:1), o “pakikipaglaban” (1Ti 6:12; 2Ti 4:7). Ang mga anyo ng pandiwang Griego na ginamit sa Luc 13:24 ay isinaling “kasali sa isang paligsahan” (1Co 9:25), “nagsisikap . . . nang husto” (Col 1:29; 1Ti 4:10), “marubdob” (Col 4:12), at “pakikipaglaban” (1Ti 6:12). Dahil iniuugnay ang ekspresyong ito sa kompetisyon ng mga atleta, sinasabi ng ilan na pinapasigla ni Jesus ang mga alagad niya na magsikap na katulad ng isang atleta na ibinubuhos ang buong makakaya para mapanalunan ang gantimpala.
malalapad na daan: O “pangunahing mga daan.” Ang terminong Griego na ginamit dito ay tumutukoy sa pangunahing mga daan sa isang lunsod na nagiging malapad pagdating sa sentro ng lunsod na nagsisilbing plaza. Ang “malalapad na daan” na ito ay ibang-iba sa makikipot at mahahabang daan na tipikal sa mga lunsod at bayan noong unang siglo.
magngangalit ang mga ngipin ninyo: Nagpapahiwatig ito ng matinding stress, kawalan ng pag-asa, at galit, na posibleng may kasama pang pagsasalita ng masakit at marahas na paggawi.
mula sa silangan, kanluran, hilaga, at timog: Ang tinutukoy ni Jesus sa pagbanggit niya sa apat na direksiyon ay ang buong mundo. Ibig sabihin, ang pribilehiyong ito ay magiging bukás sa lahat ng bansa.
uupo sila sa mesa: Tingnan ang study note sa Mat 8:11.
Herodes: Si Herodes Antipas, anak ni Herodes na Dakila.—Tingnan sa Glosari.
asong-gubat: Sa Ingles, fox. Ang hayop na ito ay kilala sa pagiging tuso, at iyan ang posibleng dahilan kung bakit tinawag ni Jesus si Herodes na asong-gubat. Sinasabi ng ilang iskolar na bukod sa pagiging tuso, iniisip din ni Jesus na si Herodes ay mahina at walang halaga. Sa mga akdang Judio, ginagamit ang asong-gubat para tumukoy sa mahihina (ihambing ang Ne 4:3) pero tuso at mapagsamantala, kabaligtaran ng paggamit sa leon, na tumutukoy sa matapang at malakas na tagapamahala. (Ihambing ang Kaw 28:1; Jer 50:17; Eze 32:2.) Kung tama ang mga pananaw na ito, lumilitaw na sinasabi ni Jesus na si Herodes ay isang tagapamahalang tuso at mataas ang tingin sa sarili pero walang halaga sa paningin ng Diyos. Papunta noon si Jesus sa Jerusalem, at malamang na nasa Perea siya, na teritoryo ni Herodes, nang sabihin ng mga Pariseo sa kaniya na gusto siyang patayin ni Herodes. Posibleng si Herodes ang nagpakalat ng balitang ito kasi umaasa siyang matatakot si Jesus at aalis sa teritoryo niya kapag narinig ito. Lumilitaw na hindi mapalagay si Herodes dahil kay Jesus at sa ministeryo niya. Bago nito, namanipula si Herodes ng asawa niya kaya ipinapatay niya si Juan Bautista, at malamang na takót siyang pumatay ng isa pang propeta ng Diyos.—Mat 14:1, 2; Mar 6:16.
ngayon at bukas, at matatapos ako sa ikatlong araw: Hindi literal ang sinabing ito ni Jesus. Sa halip, sinasabi lang niya na kaunting panahon na lang ang natitira bago siya magpunta sa Jerusalem, kung saan siya mamamatay. Posibleng ipinapahiwatig din ng pananalita niya na nakatakda na ang gawain at haba ng ministeryo niya bilang Mesiyas at hindi ito mapapaikli, maiimpluwensiyahan, o mababago ng sinumang tagapamahala.
hindi puwedeng: O “imposibleng.” Hindi espesipikong inihula sa Bibliya na ang Mesiyas ay mamamatay sa Jerusalem, pero ito ang ipinapahiwatig ng Dan 9:24-26. Isa pa, makatuwirang isipin na kung papatay ang mga Judio ng propeta, lalo na ang Mesiyas, gagawin nila ito sa lunsod na iyon. Ang mataas na hukuman ng Sanedrin, na may 71 miyembro, ay nagpupulong sa Jerusalem para litisin ang mga inaakusahang huwad na propeta. Malamang na naisip din ni Jesus na sa Jerusalem iniaalay ang regular na mga handog sa Diyos, at doon pinapatay ang korderong pampaskuwa. At natupad nga ang sinabi ni Jesus. Dinala siya sa Sanedrin sa Jerusalem at hinatulan. At pinatay si Jesus bilang “korderong pampaskuwa” sa Jerusalem, sa labas lang ng mga pader nito.—1Co 5:7.