Ayon kay Lucas 15:1-32
Talababa
Study Notes
ilustrasyong: O “talinghagang.”—Tingnan ang study note sa Mat 13:3.
10: Gaya ng makikita sa study note sa baryang drakma sa talatang ito, ang isang drakma ay katumbas ng halos isang-araw na suweldo. Pero mahalaga ang nawalang baryang ito dahil malamang na kasama ito sa isang set ng 10 baryang drakma na pamana sa babae o ginagamit na palamuti. Kailangan niyang magsindi ng lampara para mahanap iyon dahil kadalasan nang maliliit ang bintana noon sa mga bahay, kung mayroon man. At karaniwan nang gawa sa luwad ang sahig ng mga bahay noon, kaya nagwalis ang babae para mahanap ang nawawalang barya.
baryang drakma: Ang drakma ay isang Griegong baryang pilak. Noong ministeryo ni Jesus sa lupa, ang drakma ay posibleng tumitimbang nang mga 3.4 g. Nang panahong iyon, ipinanunumbas ng mga Griego ang drakma sa denario, pero opisyal na itinakda ng gobyerno ng Roma na ang halaga ng isang drakma ay tatlong-kapat ng isang denario. Ang mga Judio ay nagbabayad ng dalawang drakma (didrakma) bilang taunang buwis sa templo.—Tingnan ang study note sa Mat 17:24; Glosari, “Drakma”; at Ap. B14.
baryang drakma: Tingnan ang study note sa Luc 15:8; Glosari, “Drakma”; at Ap. B14.
Isang tao ang may dalawang anak na lalaki: Ang ilang aspekto ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa alibughang anak ay naiiba kumpara sa ibang ilustrasyon niya. Isa ito sa pinakamahahabang ilustrasyon ni Jesus. Ang isang kapansin-pansing aspekto nito ay ang paggamit dito ng ugnayan ng magkakapamilya. Sa ibang ilustrasyon ni Jesus, madalas siyang gumamit ng mga walang-buhay na bagay, gaya ng iba’t ibang uri ng binhi o lupa. Kung minsan naman, ang mga ilustrasyon niya ay tungkol sa ugnayan ng panginoon at mga alipin nito. (Mat 13:18-30; 25:14-30; Luc 19:12-27) Pero sa ilustrasyong ito, itinampok ni Jesus ang malapít na kaugnayan ng isang ama sa mga anak niya. Posibleng walang mabait at mapagmahal na ama ang marami sa mga nakakarinig sa ulat na ito. Ipinapakita ng ilustrasyong ito ang malaking awa at pag-ibig ng ating Ama sa langit para sa mga anak niya sa lupa—para sa mga nananatiling tapat sa kaniya o kahit sa mga napawalay pero nanumbalik.
nakababatang anak: Ayon sa Kautusang Mosaiko, ang panganay ay tatanggap ng dobleng mana. (Deu 21:17) Kaya sa ilustrasyong ito, ang mana ng nakababatang anak ay kalahati ng sa kuya niya.
nilustay: Ang salitang Griego na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “ikalat (sa iba’t ibang direksiyon).” (Luc 1:51; Gaw 5:37) Sa Mat 25:24, 26, isinalin itong “nagtatahip.” Dito, tumutukoy ito sa pag-aaksaya at pagwawaldas ng pera.
masamang pamumuhay: O “maaksayang (iresponsableng) pamumuhay.” Ganiyan ang pagkakagamit ng kaugnay na salitang Griego sa Efe 5:18; Tit 1:6; 1Pe 4:4. Dahil ang salitang Griegong ito ay puwede ring tumukoy sa pagiging magastos o maaksaya, ang ilustrasyong ito ay tinawag na “ang alibughang (maaksayang) anak.”
mag-alaga ng mga baboy: Ang mga hayop na ito ay marumi ayon sa Kautusan, kaya kahiya-hiya at nakapandidiri ang trabahong ito para sa isang Judio.—Lev 11:7, 8.
pagkain ng baboy: Tumutukoy sa bunga ng algarroba. Ang balat nito ay makintab na parang katad at mas maitim nang kaunti sa talong. Ang hugis nito ay parang pakurbang sungay, kaayon ng literal na kahulugan nito sa Griego (ke·raʹti·on, “maliit na sungay”). Hanggang ngayon, karaniwan pa ring ipinapakain ang bunga ng algarroba sa mga kabayo, baka, at baboy. Talagang naghirap ang lalaking ito hanggang sa puntong gusto na niyang kainin ang pagkain ng baboy.—Tingnan ang study note sa Luc 15:15.
laban sa iyo: O “sa harap mo.” Sa salin ng Septuagint sa 1Sa 20:1, ginamit din sa ganitong paraan ang Griegong pang-ukol na e·noʹpi·on, na literal na nangangahulugang “sa harap; sa paningin.” Sa tekstong iyon, tinanong ni David si Jonatan: “Ano ba ang kasalanan ko sa iyong ama?”
trabahador: Nang pauwi na ang nakababatang anak, inisip niyang hilingin sa ama niya na tanggapin siyang muli, hindi bilang anak, kundi bilang trabahador. Ang isang trabahador ay hindi bahagi ng sambahayan, di-gaya ng mga alipin. Kadalasan nang inuupahan lang siya nang arawan.—Mat 20:1, 2, 8.
hinalikan siya: O “magiliw siyang hinalikan.” Sinasabing ang terminong Griego na isinaling “hinalikan” ay isang pinatinding anyo ng pandiwang phi·leʹo, na isinasalin din kung minsan na “halikan” (Mat 26:48; Mar 14:44; Luc 22:47) pero mas madalas na nangangahulugang “mahalin” (Ju 5:20; 11:3; 16:27). Dahil sa magiliw na pagsalubong ng ama sa kaniyang anak, makikita sa ilustrasyon na handang tanggaping muli ng ama ang nagsisisi niyang anak.
tawaging anak mo: Sa ilang manuskrito, idinagdag ang pananalitang ito: “Gawin mo na lang akong trabahador mo.” Pero ang ginamit sa saling ito ay sinusuportahan ng iba’t ibang sinauna at maaasahang manuskrito. Iniisip ng ilang iskolar na ang karagdagang pananalita ay idinagdag para tumugma sa Luc 15:19.
mahabang damit . . . singsing at sandalyas: Hindi simple ang mahabang damit na ito. Ito ang pinakamaganda—posibleng marami itong burda at katulad ng ipinasusuot sa importanteng bisita. Ang pagsusuot ng singsing sa kamay ng anak ay nagpapakitang pinapaboran at mahal siya ng ama niya. Ipinapakita rin nito na naibalik ang karangalan at katayuan niya bilang anak. Karaniwan nang walang singsing at sandalyas ang mga alipin. Kaya nililinaw ng ama na tinatanggap niyang muli ang anak niya bilang bahagi ng pamilya.
lumustay: Lit., “lumapa.” Ang salitang Griego na ginamit dito ay malinaw na nagpapakita kung paano inaksaya ng nakababatang anak ang kayamanan, o kabuhayan, ng kaniyang ama.