Ayon kay Lucas 2:1-52

2  Nang panahong iyon, iniutos ni Cesar Augusto na magparehistro ang lahat ng tao sa imperyo. 2  (Nangyari ang unang pagpaparehistrong ito+ noong si Quirinio ang gobernador ng Sirya.) 3  At ang lahat ay nagparehistro sa kani-kanilang lunsod. 4  Kaya mula sa lunsod ng Nazaret sa Galilea, pumunta si Jose+ sa Judea, sa lunsod ni David na tinatawag na Betlehem,+ dahil miyembro siya ng sambahayan at angkan ni David. 5  Nagparehistro siya kasama ang asawa niyang si Maria,+ na malapit nang manganak.+ 6  Habang naroon sila, dumating ang araw ng panganganak niya. 7  At isinilang niya ang kaniyang anak na lalaki, ang panganay,+ at binalot niya ito ng tela at inihiga sa isang sabsaban+ dahil wala silang ibang matuluyan. 8  May mga pastol din sa lugar na iyon na naninirahan sa labas at nagbabantay sa gabi sa kanilang mga kawan. 9  Biglang nagpakita sa harap nila ang anghel ni Jehova, at ang kaluwalhatian ni Jehova ay suminag sa palibot nila, at takot na takot sila. 10  Pero sinabi ng anghel: “Huwag kayong matakot, dahil ang dala ko ay magandang balita na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. 11  Ipinanganak ngayon sa lunsod ni David+ ang inyong tagapagligtas,+ ang Kristo na Panginoon.+ 12  At ito ang isang tanda para sa inyo: May makikita kayong isang sanggol na nakabalot ng tela at nakahiga sa sabsaban.” 13  Biglang nagpakita ang napakaraming anghel,*+ at pinuri nila ang Diyos kasama ng anghel: 14  “Luwalhatiin nawa ang Diyos sa langit, at sa lupa ay magkaroon ng kapayapaan+ ang mga taong may pagsang-ayon* niya.” 15  Kaya nang umakyat na muli sa langit ang mga anghel, sinabi ng mga pastol sa isa’t isa: “Pumunta na tayo sa Betlehem para makita ang mga bagay na ipinaalám sa atin ni Jehova.” 16  Dali-dali silang pumunta at nakita nila si Maria, pati si Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17  Pagkakita rito, ipinaalám nila ang mensaheng sinabi sa kanila tungkol sa bata. 18  Ang lahat ng nakarinig ay namangha sa mga sinabi sa kanila ng mga pastol, 19  pero tinandaan ni Maria ang lahat ng pananalitang ito, at pinag-isipan niyang mabuti ang kahulugan ng mga ito.*+ 20  Pagkatapos, bumalik ang mga pastol sa kanilang kawan habang niluluwalhati at pinupuri ang Diyos dahil sa lahat ng kanilang narinig at nakita, gaya ng sinabi sa kanila. 21  Pagkalipas ng walong araw, nang panahon na para tuliin ang sanggol,+ tinawag siyang Jesus, ang pangalang sinabi ng anghel bago pa siya ipagbuntis.+ 22  Gayundin, nang panahon na para sa pagpapabanal sa kanila ayon sa Kautusan ni Moises,+ dinala nila siya* sa Jerusalem para iharap kay Jehova, 23  gaya ng nakasulat sa Kautusan ni Jehova: “Ang bawat panganay na lalaki* ay dapat ialay kay Jehova.”+ 24  At naghain sila ayon sa sinasabi sa Kautusan ni Jehova: “isang pares ng batubato o dalawang inakáy ng kalapati.”+ 25  At may isang lalaki sa Jerusalem na nagngangalang Simeon. Siya ay matuwid at may takot sa Diyos, na naghihintay sa kaaliwan ng Israel,+ at sumasakaniya ang banal na espiritu. 26  Isiniwalat din sa kaniya ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu na hindi siya mamamatay nang hindi niya nakikita ang Kristo ni Jehova.+ 27  Sa patnubay ng espiritu, pumasok siya ngayon sa templo. At nang dalhin ng mga magulang sa loob ang batang si Jesus para gawin sa kaniya ang ayon sa hinihiling ng Kautusan,+ 28  kinarga ni Simeon ang bata at pinuri ang Diyos at sinabi: 29  “Ngayon, Kataas-taasang Panginoon, maaari nang mamatay nang payapa ang iyong alipin;+ natupad na ang sinabi mo, 30  dahil nakita ko na ang isa na magdadala ng kaligtasan*+ 31  na isinugo mo para makita ng lahat ng bansa,+ 32  isang liwanag+ na mag-aalis ng talukbong mula sa mga bansa+ at isang kaluwalhatian sa iyong bayang Israel.” 33  At ang ama at ina ng bata ay nagtataka sa mga bagay na sinasabi tungkol sa bata. 34  Pinagpala rin sila ni Simeon at sinabi kay Maria na ina ng bata: “Ang batang ito ay isinugo ng Diyos para sa pagbagsak+ at sa muling pagbangon ng marami sa Israel+ at para maging isang tanda na tutuligsain+ 35  (oo, isang mahabang espada ang patatagusin sa iyo),*+ para malantad ang pangangatuwiran ng maraming puso.” 36  Naroon din ang propetisang si Ana, na anak na babae ni Fanuel, mula sa tribo ni Aser. May-edad na ang babaeng ito. Nag-asawa siya noong kabataan siya,* pero pitong taon lang silang nagkasama ng asawa niya; 37  isa siyang biyuda na 84 na taóng gulang na. Lagi siyang nasa templo, na sumasamba araw at gabi na may pag-aayuno* at mga pagsusumamo. 38  Nang mismong oras na iyon, lumapit siya, nagpasalamat sa Diyos, at nagsalita tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa pagliligtas sa Jerusalem.+ 39  Kaya nang matupad nila ang lahat ng bagay ayon sa Kautusan ni Jehova,+ bumalik sila sa Galilea sa kanilang sariling lunsod, sa Nazaret.+ 40  At ang bata ay patuloy na lumalaki, lumalakas, at nagiging marunong, at ang pabor ng Diyos ay patuloy na sumakaniya.+ 41  Nakaugalian na ng mga magulang niya na pumunta sa Jerusalem taon-taon para sa kapistahan ng Paskuwa.+ 42  At nang 12 taóng gulang na siya, pumunta sila sa kapistahan+ gaya ng lagi nilang ginagawa. 43  Nang matapos ang mga araw ng kapistahan at pauwi na sila, naiwan sa Jerusalem ang batang si Jesus, at hindi iyon napansin ng mga magulang niya. 44  Inakala nilang kasama siya ng grupong sama-samang naglalakbay pauwi. Kaya isang araw na silang nakapaglakbay nang hanapin nila siya sa kanilang mga kamag-anak at kakilala. 45  Pero nang hindi nila siya makita, bumalik sila sa Jerusalem at hinanap siyang mabuti. 46  Pagkalipas ng tatlong araw, nakita nila siya sa templo. Nakaupo siya sa gitna ng mga guro habang nakikinig at nagtatanong sa kanila. 47  At ang lahat ng nakikinig sa kaniya ay hangang-hanga sa kaniyang unawa at mga sagot.+ 48  Nang makita siya ng mga magulang niya, nagulat sila, at sinabi ng kaniyang ina: “Anak, bakit mo ginawa ito? Alalang-alala kami ng tatay mo sa paghahanap sa iyo.” 49  Pero sumagot siya: “Bakit ninyo ako hinahanap? Hindi po ba ninyo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?”+ 50  Pero hindi nila naintindihan ang sinabi niya. 51  Pagkatapos, sumama siya sa kanila pabalik sa Nazaret, at patuloy siyang naging masunurin sa kanila.+ Tinandaan ding mabuti ng kaniyang ina* ang lahat ng pananalitang ito.+ 52  At si Jesus ay patuloy na lumaki, lalong naging marunong, at lalong naging kalugod-lugod sa Diyos at sa mga tao.

Talababa

Lit., “ang marami sa makalangit na hukbo.”
O “kabutihang-loob.”
O “at bumuo siya ng mga palagay sa puso niya.”
O “isinama nila siya paakyat.”
Lit., “bawat lalaking nagbubukas ng sinapupunan.”
O “ang paraan mo ng pagliligtas; ang pagliligtas mo.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Lit., “mula sa kaniyang pagiging birhen.”
Tingnan sa Glosari.
O “Iningatan ding mabuti ng kaniyang ina sa puso niya.”

Study Notes

Cesar: O “Emperador.” Ang salitang Griego na Kaiʹsar ang katumbas ng terminong Latin na Caesar. (Tingnan sa Glosari.) Ang pangalang Augusto, salitang Latin na nangangahulugang “Isa na Kagalang-galang,” ay isang titulo na unang ibinigay ng Senado ng Roma kay Gayo Octavio, ang unang Romanong emperador, noong 27 B.C.E. Kaya nakilala siya bilang Cesar Augusto. Dahil sa utos niya, ipinanganak si Jesus sa Betlehem, at katuparan iyon ng hula sa Bibliya.​—Dan 11:20; Mik 5:2.

magparehistro: Malamang na iniutos ito ni Augusto dahil makakatulong sa kaniya ang sensus para makapaningil ng buwis sa mga nasasakupan niya at makapangalap ng mga lalaki para sa hukbo. Maliwanag na tinupad ni Augusto ang hula ni Daniel tungkol sa isang tagapamahala na “magpapadala . . . ng isang maniningil ng buwis sa marilag na kaharian.” Inihula rin ni Daniel na sa ilalim ng ‘kinasusuklamang’ tagapamahala na papalit sa emperador na iyon, isang mahalagang pangyayari ang magaganap: Ang “Lider ng tipan,” o ang Mesiyas, ay “babagsak,” o papatayin. (Dan 11:20-22) Pinatay si Jesus sa ilalim ng pamamahala ni Tiberio, ang pumalit kay Augusto.

imperyo: Ang salitang Griego para sa “imperyo” (oi·kou·meʹne) ay ginagamit para tumukoy sa lupa, o mundo, na tirahan ng mga tao. (Luc 4:5; Gaw 17:31; Ro 10:18; Apo 12:9; 16:14) Pero noong unang siglo, ginamit din ang terminong ito para sa malawak na Imperyo ng Roma, kung saan nakapangalat ang mga Judio.—Gaw 24:5.

si Quirinio ang gobernador ng Sirya: Isang beses lang binanggit sa Bibliya si Publio Sulpicio Quirinio, isang kilalang Romanong senador. Sinasabi noon ng mga iskolar na isang termino lang naglingkod si Quirinio bilang gobernador sa lalawigan ng Roma na Sirya noong mga 6 C.E., kung kailan nagkaroon ng rebelyon dahil sa isang sensus. Kaya kinukuwestiyon nila ang ulat ni Lucas. Ikinakatuwiran nilang 6 o 7 C.E. naging gobernador si Quirinio, samantalang isinilang si Jesus bago ang panahong iyon. Pero may natagpuang inskripsiyon noong 1764 na malinaw na nagpapakitang naglingkod nang dalawang termino si Quirinio bilang gobernador (o, kinatawan) ng Sirya. At dahil sa iba pang inskripsiyon, kinilala ng ilang istoryador na naging gobernador din si Quirinio nang isang termino sa panahon ng B.C.E. Lumilitaw na sa panahong ito naganap ang unang pagpaparehistro na binanggit sa talatang ito. Gayundin, nakalimutan ng mga kritiko ang tatlong mahahalagang bagay. Una, dahil tinawag ito ni Lucas na ‘unang pagpaparehistro,’ ipinapakita nito na alam niyang may iba pang sensus. Maliwanag na alam niya ang sumunod na pagpaparehistro, na nangyari noong mga 6 C.E. Binanggit ni Lucas ang pagpaparehistrong iyon sa Gawa (5:37), at binanggit din ito ni Josephus. Ikalawa, ang kronolohiya ng Bibliya ay nagpapatunay na ipinanganak si Jesus, hindi noong ikalawang termino, kundi noong unang termino ni Quirinio, na nasa pagitan ng 4 at 1 B.C.E. Ikatlo, kilala si Lucas bilang isang metikulosong istoryador, na nabuhay sa panahong nangyari ang marami sa mga iniulat niya. (Luc 1:3) Bukod diyan, ginabayan siya ng banal na espiritu.​—2Ti 3:16.

mula sa . . . Galilea: May Betlehem na 11 km (7 mi) lang mula sa Nazaret, pero espesipikong binanggit sa hula na ang Mesiyas ay magmumula sa “Betlehem Eprata.” (Mik 5:2) Ang Betlehem na iyon, na tinatawag na lunsod ni David, ay nasa Judea, sa timog. (1Sa 16:1, 11, 13) Ang distansiya ng Betlehem Eprata mula sa Nazaret ay mga 110 km (69 mi) lang. Pero kung aktuwal itong lalakbayin, na dadaan sa Samaria, puwede itong umabot nang 150 km (93 mi) batay sa mga kalsada ngayon. Maburol ang rutang ito, nakakapagod ang paglalakbay, at aabutin nang ilang araw.

ang panganay: Ipinapakita ng ekspresyong ito na nagkaroon pa si Maria ng ibang mga anak.​—Mat 13:55, 56; Mar 6:3.

sabsaban: Ang salitang Griego na phatʹne, na isinaling “sabsaban,” ay nangangahulugang “pakainan.” Puwede itong tumukoy sa kinakainan ng mga hayop, pero ang salitang Griego na phatʹne ay puwede ring tumukoy sa kuwadra ng mga hayop. (Ihambing ang Luc 13:15, kung saan isinalin itong “kuwadra.”) Sa kontekstong ito, maliwanag na tumutukoy ang sabsaban sa kinakainan ng mga hayop, pero hindi sinasabi ng Bibliya kung ito ay nasa labas ng gusali o nasa loob o kung konektado ito sa isang kuwadra.

matuluyan: Ang salitang Griego ay puwede ring isaling “silid para sa bisita,” gaya sa Mar 14:14 at Luc 22:11.

pastol: Kailangan ng maraming tupa sa regular na paghahandog sa templo sa Jerusalem, kaya malamang na para dito ang ilan sa mga tupang inaalagaan sa palibot ng Betlehem.

naninirahan sa labas: Ang ekspresyong Griegong ito ay mula sa isang pandiwa na pinagsamang a·grosʹ (“parang”) at au·leʹ (“sa labas”), kaya nangangahulugan itong “manirahan sa parang” at nagpapahiwatig ng pagpapalipas ng gabi sa labas. Puwedeng pastulan ang mga tupa sa araw anumang bahagi ng taon. Pero sinasabi sa teksto na gabi noon nang nasa labas ang mga pastol at nagbabantay sa kanilang mga kawan. Kaya may ipinapahiwatig ito tungkol sa panahon ng kapanganakan ni Jesus. Ang tag-ulan sa Israel ay nagsisimula nang kalagitnaan ng Oktubre at tumatagal nang ilang buwan. Pagdating ng Disyembre, karaniwan nang umuulan ng niyebe sa Betlehem kapag gabi, gaya sa Jerusalem. Dahil nasa labas ang mga pastol sa Betlehem nang gabing iyon, lumilitaw na hindi pa nagsisimula noon ang tag-ulan.​—Tingnan ang Ap. B15.

anghel ni Jehova: Tingnan ang study note sa Luc 1:11 at introduksiyon sa Ap. C3; Luc 2:9.

kaluwalhatian ni Jehova: Sa unang dalawang kabanata ng ulat ni Lucas, maraming mababasang pagsipi at kahawig na pananalita at ekspresyon sa Hebreong Kasulatan kung saan lumitaw ang pangalan ng Diyos. Sa Hebreong Kasulatan, ang katumbas na ekspresyong Hebreo para sa “kaluwalhatian” na may kasamang Tetragrammaton ay lumitaw nang mahigit 30 beses. Ang ilan sa mga ito ay mababasa sa Exo 16:7; 40:34; Lev 9:6, 23; Bil 14:10; 16:19; 20:6; 1Ha 8:11; 2Cr 5:14; 7:1; Aw 104:31; 138:5; Isa 35:2; 40:5; 60:1; Eze 1:28; 3:12; 10:4; 43:4; Hab 2:14.​—Tingnan ang study note sa Luc 1:6; 1:9 at introduksiyon sa Ap. C3; Luc 2:9.

ang Kristo: Ang paggamit ng anghel sa titulong ito ay maliwanag na makahula, dahil naging Mesiyas lang, o Kristo, si Jesus nang ibuhos sa kaniya ang banal na espiritu noong bautismuhan siya.​—Mat 3:16, 17; Mar 1:9-11; Luc 3:21, 22.

ang Kristo na Panginoon: Ang ekspresyong Griego na isinaling “ang Kristo na Panginoon” (khri·stosʹ kyʹri·os, lit., “ang Kristong Panginoon”) ay dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang paggamit ng anghel ng mga titulong ito ay maliwanag na makahula, kaya ang ekspresyong ito ay puwede ring isaling “ang magiging Kristo na Panginoon.” (Tingnan ang study note sa ang Kristo sa talatang ito.) Sa patnubay ng banal na espiritu, ipinaliwanag ni Pedro sa Gaw 2:36 na si Jesus ay ginawa ng Diyos na “Panginoon at Kristo.” Pero may iba pang intindi sa ekspresyong isinaling “ang Kristo na Panginoon.” Sinasabi ng ilang iskolar na puwede itong isaling “ang pinahirang Panginoon.” Sinasabi naman ng iba na ang kombinasyon ng mga titulong ito ay nangangahulugang “ang Kristo ng Panginoon,” na mababasa sa ilang salin ng Luc 2:11 sa Latin at Syriac. Gayundin, sa ilang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Hebreo (may code na J5-8, 10 sa Ap. C), ginamit ang ma·shiʹach Yeho·wahʹ, o “ang Kristo ni Jehova.” Dahil sa mga ito at iba pang dahilan, iniisip ng ilan na ang termino sa Luc 2:11 ay kasingkahulugan ng ekspresyong Griego sa Luc 2:26 na isinaling “ang Kristo ni Jehova.”

at sa lupa ay magkaroon ng kapayapaan ang mga taong may pagsang-ayon niya: Sa ilang manuskrito, ang mababasa ay “at sa lupa ay magkaroon ng kapayapaan, kabutihang-loob sa mga tao,” at ganito ang mababasa sa ilang salin ng Bibliya. Pero ang salin dito ng Bagong Sanlibutang Salin ay batay sa mas luma at mas maaasahang mga manuskrito. Hindi sinasabi dito ng anghel na ipapakita ng Diyos ang kaniyang kabutihang-loob sa lahat ng tao, anuman ang ugali at ginagawa nila. Sa halip, ang tatanggap lang ng kabutihang-loob niya ay ang mga nagpapakita ng tunay na pananampalataya sa kaniya at ang mga tagasunod ng kaniyang Anak.​—Tingnan ang study note sa mga taong may pagsang-ayon niya sa talatang ito.

mga taong may pagsang-ayon niya: Ang salitang Griego na eu·do·kiʹa ay puwede ring isaling “pabor; kabutihang-loob.” Ang kaugnay na pandiwang eu·do·keʹo ay ginamit sa Mat 3:17; Mar 1:11; at Luc 3:22 (tingnan ang study note sa Mat 3:17; Mar 1:11), kung saan kinausap ng Diyos ang Anak niya pagkatapos ng bautismo nito. Pangunahin itong nangangahulugang “sang-ayunan; kalugdan; paboran.” Kaya ang ekspresyong “mga taong may pagsang-ayon niya” (an·throʹpois eu·do·kiʹas) ay tumutukoy sa mga taong tumatanggap ng kabutihang-loob ng Diyos at puwede ring isaling “mga taong kinalulugdan niya.” Hindi sinasabi dito ng anghel na ipapakita ng Diyos ang kaniyang kabutihang-loob sa lahat ng tao. Sa halip, ipapakita niya lang ito sa mga magpapasaya sa kaniya dahil sa kanilang tunay na pananampalataya at pagiging tagasunod ng kaniyang Anak. Sa ilang konteksto, ang salitang Griego na eu·do·kiʹa ay tumutukoy sa kabutihang-loob ng mga tao (Ro 10:1; Fil 1:15), pero madalas na tumutukoy ito sa kabutihang-loob ng Diyos, sa kalooban niya, o sa paraan ng pamumuhay na sinasang-ayunan niya (Mat 11:26; Luc 10:21; Efe 1:5, 9; Fil 2:13; 2Te 1:11). Sa salin ng Septuagint sa Aw 51:18 (50:20, LXX), ginamit ang salitang ito para tumukoy sa “kabutihang-loob” ng Diyos.

ipinaalám sa atin ni Jehova: Mga anghel ang nagdala ng mensahe, pero alam ng mga pastol na galing talaga ito sa Diyos na Jehova. Sa Septuagint, ang pandiwang Griego na isinalin ditong “ipinaalám” ay ipinanunumbas sa pandiwang Hebreo na ginagamit sa mga konteksto kung saan sinasabi ni Jehova sa mga tao ang kalooban niya o gustong malaman ng mga tao ang kalooban niya. Sa mga tekstong iyon, madalas gamitin ang Tetragrammaton sa orihinal na tekstong Hebreo. (Aw 25:4; 39:4; 98:2; 103:6, 7) Kaya makatuwiran lang na gamitin ang pangalan ng Diyos sa pagsasalin ng sinabi ng mga Judiong pastol.​—Tingnan ang study note sa Luc 1:6 at Ap. C1 at introduksiyon sa Ap. C3; Luc 2:15.

Jesus: Tingnan ang study note sa Mat 1:21.

panahon . . . para sa pagpapabanal sa kanila: Tumutukoy sa panahon ng paglilinis sa kanila sa seremonyal na paraan para sa pagsamba. Sa Kautusang Mosaiko, kailangang linisin ng isang ina ang kaniyang sarili nang 40 araw pagkatapos magsilang ng anak na lalaki. (Lev 12:1-4) Hindi hinahamak ng kautusang ito ang mga babae o ang panganganak. Sa halip, nagtuturo ito ng isang mahalagang espirituwal na katotohanan: Sa panganganak, ang kasalanan ni Adan ay naipapasa sa susunod na henerasyon. At apektado rin nito si Maria, na salungat sa itinuturo ng mga iskolar ng relihiyon. (Ro 5:12) Siguradong hindi kasama si Jesus sa panghalip na “kanila” sa talatang ito. Alam ni Lucas na pinrotektahan si Jesus ng banal na espiritu para hindi maipasa sa kaniya ang pagiging makasalanan ng kaniyang ina, kaya hindi niya kailangan ng paglilinis. (Luc 1:34, 35) Dahil si Jose ang nagplano ng paglalakbay at pananagutan niya bilang ulo ng pamilya na matiyak na makakapaghandog sila, posibleng si Jose, na ama-amahan ni Jesus, ang kasama sa tinutukoy ni Lucas sa salitang “kanila.”

para iharap kay Jehova: Gaya ng ipinapakita ng susunod na talata, dinala si Jesus sa templo pagkapanganak sa kaniya bilang pagsunod sa sinabi ni Jehova kay Moises sa Exo 13:1, 2, 12, kung saan inuutusan ang mga magulang na “ialay . . . kay Jehova ang lahat ng panganay na lalaki.” Gayundin, ang ekspresyong “para iharap kay Jehova” ay kagaya ng binabanggit sa 1Sa 1:22-28, kung saan dinala ang batang si Samuel “sa harap ni Jehova” at inialay para sa paglilingkod sa Diyos.​—Tingnan ang study note sa Luc 1:6; 2:23 at introduksiyon sa Ap. C3; Luc 2:22.

Kautusan ni Jehova: Ang ekspresyong “Kautusan ni Jehova” ay lumitaw nang maraming beses sa Hebreong Kasulatan. Kombinasyon ito ng salitang Hebreo para sa “kautusan” at ng Tetragrammaton. (Halimbawa: Exo 13:9; 2Ha 10:31; 1Cr 16:40; 22:12; 2Cr 17:9; 31:3; Ne 9:3; Aw 1:2; 119:1; Isa 5:24; Jer 8:8; Am 2:4.) Madalas gamitin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang ekspresyong gaya ng nakasulat kapag sumisipi ito mula sa Hebreong Kasulatan.​—Mar 1:2; Gaw 7:42; 15:15; Ro 1:17; 10:15; tingnan ang study note sa Luc 1:6 at introduksiyon sa Ap. C3; Luc 2:23.

bawat panganay na lalaki: Ang ulat sa Luc 2:22-24 ay hindi lang tumutukoy sa handog na ibinigay sa panahon ng pagpapabanal kay Maria (tingnan ang study note sa Luc 2:22; 2:24), kundi pati sa kahilingan ng Kautusan na magbayad ang mag-asawa ng limang siklong pilak pagkapanganak ng kanilang panganay. Bilang panganay na anak na lalaki, si Jesus ay ibinukod para sa Diyos at pag-aari niya. Kaya hinihiling ng Kautusan na tubusin si Jesus ng mga magulang niyang sina Jose at Maria. (Exo 13:1, 2; Bil 18:15, 16) Ibibigay ang pantubos ‘kapag ang edad ng anak ay isang buwan na pataas.’ Kaya puwedeng magbayad si Jose ng limang siklo kasabay ng paghahandog ni Maria para sa pagpapabanal sa kaniya, 40 araw pagkapanganak kay Jesus.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Exo 13:2, 12, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.​—Tingnan ang Ap. C.

naghain sila: Sa Kautusang Mosaiko, nananatiling marumi sa seremonyal na paraan ang isang babae sa loob ng itinakdang haba ng panahon pagkapanganak niya. Pagkatapos nito, isang handog na sinusunog at isang handog para sa kasalanan ang ihahain para sa kaniya.​—Lev 12:1-8.

Kautusan ni Jehova: Tingnan ang study note sa Luc 2:23 at introduksiyon sa Ap. C3; Luc 2:24.

isang pares ng batubato o dalawang inakáy ng kalapati: Sa Kautusan, ang mahihirap na babae ay puwedeng maghandog ng mga ibon sa halip na tupa, na di-hamak na mas mahal. (Lev 12:6, 8) Maliwanag, mahirap lang sina Jose at Maria nang panahong ito. Ipinapakita lang nito na dumalaw ang mga astrologo kay Jesus, hindi noong pagkapanganak sa kaniya, kundi noong malaki-laki na siya. (Mat 2:9-11) Kung natanggap na nina Jose at Maria ang mamahaling mga regalo ng mga lalaking iyon, makakabili sana sila ng tupa para ihandog sa templo.

Simeon: Ang pangalang ito ay mula sa pandiwang Hebreo na nangangahulugang “marinig; makinig.” Gaya nina Zacarias at Elisabet, si Simeon ay tinawag ding matuwid. (Luc 1:5, 6) Tinawag din siyang may takot sa Diyos, isang salin ng salitang Griego para sa eu·la·besʹ, na ginagamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan para tumukoy sa pagiging maingat at responsable pagdating sa pagsamba.​—Gaw 2:5; 8:2; 22:12.

ang Kristo: O “ang Pinahiran; ang Mesiyas.” Ang salitang “Kristo” ay mula sa salitang Griego na Khri·stosʹ at katumbas ng titulong “Mesiyas” (mula sa Hebreo na ma·shiʹach). Pareho itong nangangahulugang “Pinahiran.”​—Tingnan ang study note sa Mat 1:1 at ang Kristo ni Jehova sa talatang ito.

ang Kristo ni Jehova: May makatuwirang mga dahilan para gamitin sa mismong teksto ang pangalan ng Diyos, kahit na ang mababasa sa natitirang mga manuskritong Griego sa ngayon ay “ang Kristo ng Panginoon” (ton khri·stonʹ Ky·riʹou). Sa mga kopya ng Septuagint sa ngayon, ang ekspresyong ito ay ipinanunumbas sa terminong Hebreo na ma·shiʹach YHWH (“pinahiran ni Jehova”), na 11 beses na ginamit sa Hebreong Kasulatan.​—1Sa 24:6 (dalawang beses), 10; 26:9, 11, 16, 23; 2Sa 1:14, 16; 19:21; Pan 4:20; tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Luc 2:26.

Kataas-taasang Panginoon: Ang salitang Griego na de·spoʹtes ay pangunahin nang nangangahulugang “panginoon; may-ari.” (1Ti 6:1; Tit 2:9; 1Pe 2:18) Kapag ginagamit ito sa pakikipag-usap sa Diyos, gaya dito at sa Gaw 4:24 at Apo 6:10, isinasalin itong “Kataas-taasang Panginoon” para itanghal ang kaniyang pagiging Panginoon. Sa ibang salin, ginagamit ang mga terminong “Panginoon,” “Kataas-taasan,” o “Tagapamahala ng lahat.” Maraming salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Hebreo ang gumamit ng terminong Hebreo na ʼAdho·naiʹ (Kataas-taasang Panginoon), pero di-bababa sa dalawang saling Hebreo (may code na J9, 18 sa Ap. C) ang gumamit dito ng pangalan ng Diyos, Jehova.

maaari nang mamatay . . . ang iyong alipin: Ang salitang Griego na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “palayain; paalisin.” Sa kontekstong ito, nangangahulugan itong “hayaang mamatay.” Kapag sinabing ang isang tao ay namatay nang payapa, puwede itong mangahulugan na namatay siya nang hindi nahihirapan matapos masiyahan sa buhay o matapos matupad ang inaasahan niya. (Ihambing ang Gen 15:15; 1Ha 2:6.) Natupad na ang pangako ng Diyos kay Simeon; nakita na niya ang ipinangakong “Kristo ni Jehova,” na gagamitin ng Diyos para magligtas. Kaya para kay Simeon, puwede na siyang mamatay nang payapa at maghintay ng pagkabuhay-muli.​—Luc 2:26.

mag-aalis ng talukbong mula sa mga bansa: O “gagawa ng pagsisiwalat sa mga bansa.” Ang terminong Griego na a·po·kaʹly·psis, na isinaling “mag-aalis ng talukbong,” ay nagpapahiwatig ng “pagsisiwalat” o “paglalantad,” at madalas itong gamitin para tumukoy sa pagsisiwalat ng espirituwal na mga bagay o ng kalooban at layunin ng Diyos. (Ro 16:25; Efe 3:3; Apo 1:1) Tinawag ng may-edad nang si Simeon ang batang si Jesus na liwanag, at ipinakita niya na makikinabang din sa espirituwal na liwanag na iyon ang mga bansang di-Judio, hindi lang ang likas na mga Judio at proselita. Ang makahulang pananalita ni Simeon ay kaayon ng mga hula sa Hebreong Kasulatan, gaya ng mababasa sa Isa 42:6 at 49:6.

muling pagbangon: Ang salitang Griego na a·naʹsta·sis na ginamit dito ay karaniwan nang isinasaling “pagkabuhay-muli” sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Tingnan ang study note sa Mat 22:23.) Ipinapahiwatig ng sinabi ni Simeon sa talatang ito na iba-iba ang magiging reaksiyon ng mga tao kay Jesus at malalantad ang pangangatuwiran ng puso nila. (Luc 2:35) Para sa mga di-sumasampalataya, si Jesus ay magiging isang tanda na tutuligsain, ibig sabihin, kamumuhian nila siya. Dahil sa kawalan ng pananampalataya, hindi nila siya tatanggapin at matitisod sila sa kaniya at babagsak. Gaya ng inihula, si Jesus ay naging batong ikinatisod ng maraming Judio. (Isa 8:14) Pero ang iba ay mananampalataya kay Jesus. (Isa 28:16) Sila ay makasagisag na bubuhaying muli, o ibabangon, mula sa pagiging ‘patay dahil sa kanilang mga pagkakamali at kasalanan’ at magkakaroon ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos.​—Efe 2:1.

isang mahabang espada: Walang mababasa sa Kasulatan na sinaksak si Maria ng literal na espada, kaya maliwanag na ang ekspresyong ito ay tumutukoy sa sakit, pagdurusa, at kalungkutang naranasan ni Maria nang patayin ang anak niya sa pahirapang tulos.​—Ju 19:25.

Ana: Griego ng pangalang Hebreo na Hana, na nangangahulugang “Lingap; Kagandahang-Loob.” Nagsilbi siyang propetisa nang magsalita siya tungkol sa batang si Jesus sa lahat ng naghihintay sa pagliligtas sa Jerusalem. Ang terminong “panghuhula” ay pangunahin nang nangangahulugang paghahayag ng mensahe mula sa Diyos, ang pagsisiwalat ng kalooban niya.​—Tingnan ang study note sa Gaw 2:17.

Lagi siyang nasa templo: Laging nasa templo si Ana; posibleng nandoon na siya pagkabukas pa lang ng pintuang-daan ng templo sa umaga hanggang sa pagsasara nito sa gabi. Kasama sa pagsamba niya ang pag-aayuno at mga pagsusumamo, na nagpapakitang naghihirap ang kalooban niya sa kalagayan ng Israel at gusto niya ng pagbabago, gaya ng iba pang tapat na lingkod ng Diyos. (Ezr 10:1; Ne 1:4; Pan 1:16) Daan-daang taon nang sakop ng mga banyagang bansa ang mga Judio, at lumalala ang espirituwal na kalagayan ng Israel. Naapektuhan na rin nito kahit ang mga gawain sa templo at ang pagkasaserdote. Malamang na iyan ang dahilan kaya si Ana at ang iba pa ay sabik na “naghihintay sa pagliligtas sa Jerusalem.”​—Luc 2:38.

sumasamba: O “nag-uukol ng sagradong paglilingkod.”​—Tingnan ang study note sa Luc 1:74.

Diyos: Ang pinakalumang mga manuskritong Griego ay gumamit dito ng The·osʹ (Diyos). Pero sa ibang manuskritong Griego at mga salin sa Latin at Syriac, ginamit ang termino para sa “Panginoon.” Maraming salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Hebreo (may code na J5, 7-17, 28 sa Ap. C) ang gumamit dito ng pangalan ng Diyos, at puwede itong isaling “nagpasalamat kay Jehova.”

Kautusan ni Jehova: Ang ekspresyong “Kautusan ni Jehova” ay lumitaw nang maraming beses sa Hebreong Kasulatan. Kombinasyon ito ng salitang Hebreo para sa “kautusan” at ng Tetragrammaton.​—Exo 13:9; 2Ha 10:31; 1Cr 16:40; 22:12; 2Cr 17:9; 31:3; Ne 9:3; Aw 1:2; 119:1; Isa 5:24; Jer 8:8; Am 2:4; tingnan ang study note sa Luc 1:6; 2:23 at introduksiyon sa Ap. C3; Luc 2:39.

bumalik sila sa Galilea: Dahil pinaikli ni Lucas ang ulat niya, nagmukhang dumeretso sina Jose at Maria sa Nazaret pagkatapos nilang iharap si Jesus sa templo. Pero mababasa sa ulat ni Mateo (2:1-23) ang iba pang detalye tungkol sa pagdalaw ng mga astrologo, pagpunta nina Jose at Maria sa Ehipto para matakasan ang planong pagpatay ni Haring Herodes, pagkamatay ni Herodes, at pagbalik ng pamilya ni Jesus sa Nazaret.

Nakaugalian na ng mga magulang niya: Hindi hinihiling sa Kautusan na sumama ang mga babae sa pagdiriwang ng Paskuwa. Pero nakaugalian na ni Maria na sumama kay Jose taon-taon sa paglalakbay papuntang Jerusalem para sa kapistahan. (Exo 23:17; 34:23) Kaya bawat taon, pumupunta doon ang lumalaki nilang pamilya. Posibleng halos 300 km (190 mi) ang nilalakbay nila, at dumadaan sila sa maburol na ruta.

pumunta: Lit., “umakyat.” Sa pag-akyat nila sa Jerusalem, dumadaan sila sa maburol at mabundok na ruta.​—Tingnan ang study note sa Luc 2:4.

nagtatanong sa kanila: Makikita sa reaksiyon ng mga nakikinig kay Jesus na ang mga tanong niya ay hindi kasinsimple ng mga tanong ng isang batang nag-uusisa. (Luc 2:47) Sa ilang konteksto, ang salitang Griego na isinaling “nagtatanong” ay puwedeng tumukoy sa sunod-sunod na pagtatanong sa hukuman o pagbabalik ng tanong sa kausap. (Mat 27:11; Mar 14:60, 61; 15:2, 4; Gaw 5:27) Sinasabi ng mga istoryador na nakaugalian na ng ilang prominenteng lider ng relihiyon na manatili sa templo pagkatapos ng mga kapistahan at magturo sa isa sa maluluwag na beranda doon. Puwedeng umupo ang mga tao sa paanan nila para makinig at magtanong.

hangang-hanga: Ang anyo ng pandiwang Griego para sa “hangang-hanga” ay puwedeng tumukoy sa tuloy-tuloy at paulit-ulit na pagkamangha.

sumagot siya: Ang kasunod na pananalita ay ang unang sinabi ni Jesus na nakaulat sa Bibliya. Noong bata pa si Jesus, maliwanag na hindi pa niya lubusang alam ang buhay niya noon bago siya naging tao. (Tingnan ang study note sa Mat 3:16; Luc 3:21.) Pero makatuwirang isipin na ikinuwento sa kaniya ng ina at ama-amahan niya ang mensahe ng mga anghel, pati ang mga hula nina Simeon at Ana noong magpunta sila sa Jerusalem 40 araw pagkapanganak kay Jesus. (Mat 1:20-25; 2:13, 14, 19-21; Luc 1:26-38; 2:8-38) Makikita sa sagot ni Jesus na kahit paano ay alam niyang ipinanganak siya sa makahimalang paraan at na may espesyal na kaugnayan siya sa kaniyang Ama sa langit, si Jehova.

dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama: Ang literal na salin ng ekspresyong Griego para sa “nasa bahay ako ng aking Ama” ay “nasa [mga pag-aari] ako ng aking Ama.” Ipinapakita sa konteksto na nag-aalala sina Jose at Maria kung nasaan si Jesus, kaya makatuwirang isipin na ang pananalitang ito ay tumutukoy sa isang lokasyon, o lugar, ang “bahay [o “tirahan; palasyo”] . . . ng aking Ama.” (Luc 2:44-46) Nang maglaon, sa panahon ng ministeryo ni Jesus, tinawag niya ang templo na “bahay ng aking Ama.” (Ju 2:16) Pero sinasabi ng ilang iskolar na posible ring malawak ang tinutukoy ng ekspresyong ito at puwedeng isaling, “Kailangan kong maging palaisip [o, “abala”] sa mga bagay-bagay ng aking Ama.”

sumama siya sa kanila: O “bumaba siyang kasama nila.” Ang Jerusalem ay mga 750 m (2,500 ft) ang taas mula sa lebel ng dagat. Sinabing “bumaba” sila dahil paalis sila ng Jerusalem.​—Luc 10:30, 31; Gaw 24:1; 25:7; ihambing ang study note sa Mat 20:17; Luc 2:4, 42.

patuloy siyang naging masunurin: O “patuloy siyang nagpasakop.” Ang anyong patuluyan ng pandiwang Griego ay nagpapakitang matapos mamangha kay Jesus ang mga guro sa templo dahil sa kaalaman niya sa Salita ng Diyos, umuwi siya at mapagpakumbabang nagpasakop sa mga magulang niya. Namumukod-tangi ang pagkamasunurin ni Jesus kumpara sa lahat ng iba pang bata; ipinapakita nito na tinupad ni Jesus ang bawat detalye ng Kautusang Mosaiko.​—Exo 20:12; Gal 4:4.

pananalitang ito: O “bagay na ito.”​—Tingnan ang study note sa Luc 1:37.

Media