Ayon kay Lucas 4:1-44
Talababa
Study Notes
inakay siya ng espiritu: Ang salitang Griego rito na pneuʹma ay tumutukoy sa espiritu ng Diyos, ang puwersa na puwedeng magpakilos sa isang tao na gawin ang mga bagay na kaayon ng kalooban ng Diyos.—Mar 1:12; tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”
Diyablo: Tingnan ang study note sa Mat 4:1.
Ang tao ay hindi mabubuhay sa tinapay lang: Nang sumipi si Jesus sa Deu 8:3 sa Hebreong Kasulatan, mas maikli ang iniulat ni Lucas kaysa kay Mateo. Sa ilang sinaunang Griegong manuskrito at salin, binuo ang pagsipi at idinagdag ang “kundi sa bawat salita ng Diyos,” kaya ang ulat ni Lucas ay naging kahawig ng ulat sa Mat 4:4. Pero ang mababasa sa mas lumang mga manuskrito ay ang mas maikling bersiyon ng ulat ni Lucas. Gayunman, sa maraming salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Hebreo (may code na J7, 8, 10, 14, 15, 17 sa Ap. C) na gumamit ng mas mahabang pagsipi, makikita ang Tetragrammaton. Puwede itong isalin na “kundi sa lahat ng lumalabas sa bibig ni Jehova.”
Kaya dinala niya siya sa mataas na lugar: Sa kaparehong ulat sa Mat 4:8, idinagdag ang detalye na dinala ng Diyablo si Jesus sa “isang napakataas na bundok.” Magkaiba ang pagkakasunod-sunod ng mga tukso sa ulat ni Lucas at ni Mateo, pero lumilitaw na ang pagkakasunod-sunod sa ulat ni Mateo ang tama. (Mat 4:1-11) Makatuwirang isipin na ang unang dalawang tukso ay ang mga tuksong sinimulan ni Satanas sa tusong pananalita na “kung ikaw ay anak ng Diyos” at ang huling tukso niya ay ang tahasang paghamon na suwayin ang una sa Sampung Utos. (Exo 20:2, 3) Makatuwiran ding isipin na sinabi ni Jesus na “Lumayas ka, Satanas!” pagkatapos ng huli sa tatlong tukso. (Mat 4:10) At kahit hindi ito sinusuportahan ng matitibay na ebidensiya, napansin din ng mga iskolar na sa ulat sa Mat 4:5, nagsimula ang ikalawang tukso sa salitang Griego na isinasaling “pagkatapos.” Kung ikukumpara sa “kaya” na ginamit ni Lucas sa Luc 4:5, ang paggamit ni Mateo ng “pagkatapos” ay mas nagpapakita na iniulat niya ang mga tukso ayon sa pagkakasunod-sunod ng pangyayari. Totoo na “lohikal” ang pagkakasunod-sunod ng ulat ni Lucas, pero hindi ito laging ayon sa pagkakasunod-sunod ng pangyayari.—Tingnan ang study note sa Luc 1:3.
ipinakita sa kaniya: Tingnan ang study note sa Mat 4:8.
kaharian: Tingnan ang study note sa Mat 4:8.
sasambahin . . . nang kahit isang beses: Tingnan ang study note sa Mat 4:9.
Jehova: Sa pagsiping ito sa Deu 6:13, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.
tuktok ng templo: Tingnan ang study note sa Mat 4:5.
Jehova: Sa pagsiping ito sa Deu 6:16, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.
sinagoga: Tingnan sa Glosari.
gaya ng nakagawian niya tuwing araw ng Sabbath: Walang ebidensiya na nagtitipon ang mga Judio sa mga sinagoga kapag Sabbath noong hindi pa sila naipapatapon sa Babilonya. Malamang na nagsimula ang kaugaliang ito noong panahon nina Ezra at Nehemias. Sinunod din ni Jesus ang kaugaliang ito na nakakapagpatibay sa espirituwal. Lumaki si Jesus na regular na nagpupunta ang pamilya nila sa sinagoga sa Nazaret. Nang maglaon, naging kaugalian din ng kongregasyong Kristiyano na magtipon para sumamba.
tumayo para magbasa: Sinasabi ng mga iskolar na ito ang pinakaunang rekord ng aktibidad sa sinagoga. Ayon sa tradisyong Judio, ganito ang nangyayari sa sinagoga: Una, nananalangin nang pribado ang dumarating na mga mananamba. Pagkatapos, babasahin ang Deu 6:4-9 at 11:13-21. Sumunod, may mangunguna sa pampublikong panalangin bago basahin nang malakas ang nakaiskedyul na bahagi ng Pentateuch. Sinasabi ng Gaw 15:21 na noong unang siglo C.E., ginagawa ang pagbabasang iyon “tuwing sabbath.” Pagkatapos, gagawin na nila ang posibleng binabanggit sa talatang ito—babasa sila ng isinulat ng mga propeta at babanggit ng aral na natutuhan nila. Ang tagabasa ay karaniwan nang nakatayo, at puwede siyang pumili ng gusto niyang basahing hula.—Tingnan ang study note sa Gaw 13:15.
balumbon ni propeta Isaias: Ang Dead Sea Scroll ng Isaias ay binubuo ng 17 piraso ng pergamino na pinagdugtong-dugtong. Ang balumbon na ito ay may habang 7.3 m (24 ft) na may 54 na kolum. Malamang na kasinghaba nito ang balumbon sa sinagoga sa Nazaret. Wala pang kabanata at talata ang Kasulatan noong unang siglo, pero nahanap ni Jesus ang hula na gusto niyang basahin. Ipinapakita nito na talagang pamilyar si Jesus sa Salita ng Diyos.
Jehova: Sa pagsiping ito sa Isa 61:1, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.
inatasan niya: Sinipi dito ni Lucas ang salin ng Septuagint sa hula ni Isaias, kung saan ang mababasa ay “inatasan niya.” Pero malamang na ang binasa ni Jesus ay ang tekstong Hebreo ng hula ni Isaias (61:1, 2), kung saan ang pandiwa para sa “inatasan” ay ginamit kasama ng pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH). Maraming salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Hebreo (may code na J7, 8, 10, 14, 15 sa Ap. C) ang gumamit dito ng pangalan ng Diyos at ang mababasa ay “inatasan ni Jehova.”
para ihayag ang paglaya ng mga bihag: Sinipi dito ni Jesus ang hula ni Isaias, pero literal ang pagkakaintindi ng ilang Judio rito. (Isa 61:1) Gayunman, nakapokus ang ministeryo ni Jesus sa pagpapalaya sa mga tao sa espirituwal na pagkabihag. Kaya espirituwal ang pagpapalayang binabanggit ni Jesus. Nang basahin ni Jesus ang hulang ito at iugnay sa kaniyang ministeryo, maliwanag na nasa isip niya ang Jubileo, na ipinagdiriwang kada 50 taon. Sa taon ng Jubileo, naghahayag sa buong lupain ng pagpapalaya.—Lev 25:8-12.
taon ng kabutihang-loob ni Jehova: O “taon ng pabor ni Jehova.” Sumipi si Jesus mula sa Isa 61:1, 2. Ang ginamit ni Lucas sa tekstong Griego ay kapareho ng salin ng Septuagint sa ekspresyong Hebreo na “taon ng kabutihang-loob [o, “pabor.”].” Iniugnay ni Jesus ang talatang ito sa sarili niya, na nagpapakitang ang ministeryo niya na nagliligtas-buhay ang pasimula ng “taon ng kabutihang-loob ni Jehova” at ng pagtanggap ng Diyos sa mga tao. Hindi na binasa ni Jesus ang susunod na bahagi ng hula ni Isaias tungkol sa “araw ng paghihiganti” ng Diyos, na mas maikli kung ikukumpara sa mas mahabang “taon ng kabutihang-loob” ng Diyos. Lumilitaw na ginawa niya iyon para maidiin ang panahon kung kailan magpapakita ng pabor ang Diyos sa mga umaasa sa kaniya para sa kaligtasan.—Luc 19:9, 10; Ju 12:47.
Jehova: Sa pagsiping ito sa Isa 61:2, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.
at umupo: Ipinapakita nito na magsasalita na si Jesus. Kaugalian sa sinagoga na hindi na babalik sa dati niyang upuan ang nagbasa sa harapan, kundi uupo siya para magturo sa puwesto kung saan makikita siya ng “lahat ng nasa sinagoga.”—Ihambing ang study note sa Mat 5:1.
pananalitang: O “kawikaang; talinghagang; ilustrasyong.” Ang salitang Griego na pa·ra·bo·leʹ, na literal na nangangahulugang “pagtabihin o pagsamahin,” ay puwedeng tumukoy sa isang talinghaga, kawikaan, kasabihan, o ilustrasyon.—Tingnan ang study note sa Mat 13:3.
sarili mong bayan: Lit., “lugar ng iyong ama.” Tumutukoy ito sa Nazaret, ang pinanggalingan ng pamilya ni Jesus. Sa kontekstong ito, lumilitaw na ang salitang Griego na isinaling “sariling bayan” (pa·trisʹ) ay tumutukoy sa isang maliit na bayan—ang pinanggalingan ni Jesus at ng pamilya niya. Pero puwede ring tumukoy ang terminong ito sa isang mas malaking lugar, gaya ng pinanggalingang bansa. Sa Ju 4:43, 44, lumilitaw na ang salitang Griego na ito ay tumutukoy sa buong Galilea.
sa loob ng tatlo at kalahating taon: Ayon sa 1Ha 18:1, sinabi ni Elias na magtatapos na ang tagtuyot “noong ikatlong taon.” Kaya may ilan na nagsasabi na hindi kaayon ng ulat sa 1 Hari ang sinabi dito ni Jesus. Pero wala namang sinasabi sa Hebreong Kasulatan na hindi umabot nang tatlong taon ang tagtuyot. Maliwanag na ang pananalitang “noong ikatlong taon” ay tumutukoy sa yugto ng panahon na nagsimula nang banggitin ni Elias kay Ahab ang tungkol sa tagtuyot. (1Ha 17:1) Malamang na sinabi ito ni Elias noong panahon na ng tagtuyot—na kadalasang umaabot nang anim na buwan pero malamang na mas nagtagal kaysa sa karaniwang haba ng tagtuyot. Isa pa, hindi naman nagtapos agad ang tagtuyot nang muling humarap si Elias kay Ahab, “noong ikatlong taon,” kundi matapos pang magpadala si Jehova ng apoy sa Bundok Carmel mula sa langit. (1Ha 18:18-45) Kaya ang sinabi dito ni Jesus at ang sinabi ng kapatid niya sa ama, na nakaulat sa San 5:17, ay kaayon ng sinasabi sa 1Ha 18:1.
Zarepat: Ang bayang ito sa Fenicia ay makikita sa baybayin ng Mediteraneo sa pagitan ng mga lunsod ng Sidon at Tiro, na hindi teritoryo ng mga Israelita. Ang pangalan nito sa Griego ay Sarepta. Ang pangalang Hebreo nito ay binanggit sa 1Ha 17:9, 10 at Ob 20. Ang katumbas ng pangalang ito sa ngayon ay Sarafand, at ang lugar na ito ay matatagpuan sa Lebanon na nasa mga 13 km (8 mi) sa timog-kanluran ng Sidon, pero malamang na mas malapit sa baybayin ng Mediteraneo ang sinaunang Zarepat kaysa sa Sarafand.—Tingnan ang Ap. B10.
pinagaling: O “nilinis,” na tumutukoy sa pagpapagaling sa ketong ni Naaman. (2Ha 5:3-10, 14) Ayon sa Kautusang Mosaiko, nagiging marumi sa seremonyal na paraan ang taong may ketong. (Lev 13:1-59) Kaya ang terminong Griego para sa “nilinis” ay madalas na ginagamit para tumukoy sa pagpapagaling sa mga may ketong.—Mat 8:3; 10:8; Mar 1:40, 41.
para ihagis siya patiwarik: Ayon sa tradisyong Judio na nakasulat sa Talmud, ang isang tao na nahatulang may-sala ay inihahagis kung minsan sa bangin; pagkatapos, pagbababatuhin siya para masiguradong patay na siya. Ito man ang planong gawin ng mga mang-uumog sa Nazaret o hindi, ang sigurado ay gusto nilang patayin si Jesus.
Capernaum: Mula sa pangalang Hebreo na nangangahulugang “Nayon ni Nahum” o “Nayon na Nagpapatibay-Loob.” (Na 1:1, tlb.) Napakahalaga ng lunsod na ito sa ministeryo ni Jesus. Makikita ito sa hilagang-kanluran ng Lawa ng Galilea at tinawag na “sarili niyang lunsod” sa Mat 9:1. Ang Capernaum ay mahigit 200 m (650 ft) ang baba mula sa lebel ng dagat, at ang Nazaret ay mga 360 m (1,200 ft) ang taas mula sa lebel ng dagat, kaya nang sabihin ng ulat na pumunta si Jesus sa Capernaum, ang ibig sabihin nito ay bumaba siya sa Capernaum mula sa Nazaret.
demonyo, isang masamang espiritu: O “maruming demonyong espiritu.”—Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”
Bakit nandito ka, . . . ?: Tingnan ang study note sa Mat 8:29.
biyenang babae ni Simon: Biyenang babae ni Pedro (kilala ring Cefas). (Ju 1:42) Kaayon ito ng sinabi ni Pablo sa 1Co 9:5 na nagpapakitang may asawa si Cefas. Lumilitaw na nakatira ang biyenang babae ni Pedro sa bahay nila, kasama ang kapatid niyang si Andres.—Mar 1:29-31; tingnan ang study note sa Mat 10:2, kung saan ipinaliwanag ang iba’t ibang pangalan ni apostol Pedro.
Mataas ang lagnat: Parehong sinabi nina Mateo at Marcos na “nakahiga at nilalagnat” ang biyenang babae ni Pedro. (Mat 8:14; Mar 1:30) Si Lucas lang, malamang na dahil isa siyang doktor, ang nagsabi na “mataas ang lagnat” ng biyenang babae ni Pedro, na nagpapakitang malala ang kalagayan nito.—Tingnan ang “Introduksiyon sa Lucas.”
ihayag . . . ang mabuting balita: Ang pandiwang Griego na ginamit dito, eu·ag·ge·liʹzo·mai (“ihayag ang mabuting balita”), ay lumitaw nang 54 na beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Madalas itong mabasa sa mga ulat ni Lucas. (Luc 1:19; 2:10; 3:18; 4:18; 8:1; 9:6; 20:1; Gaw 5:42; 8:4; 10:36; 11:20; 13:32; 14:15, 21; 15:35; 16:10; 17:18) May pagkakaiba ang mga terminong ke·rysʹso, “ipangaral; ihayag” (Mat 3:1; 4:17; 24:14; Luc 4:18, 19; 8:1, 39; 9:2; 24:47; Gaw 8:5; 28:31; Apo 5:2), at eu·ag·ge·liʹzo·mai, “ihayag ang mabuting balita.” Idinidiin ng ke·rysʹso ang paraan ng paghahayag—awtorisado at sa publiko. Idinidiin naman ng eu·ag·ge·liʹzo·mai ang mensaheng inihahayag—“ang mabuting balita.” Ang kaugnay na pangngalang eu·ag·geʹli·on (“mabuting balita”) ay lumitaw nang 76 na beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.—Tingnan ang study note sa Mat 4:23; 24:14 at Glosari, “Mabuting balita.”
Kaharian ng Diyos: Sa buong Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang mabuting balita ay laging iniuugnay sa Kaharian ng Diyos, ang paksa ng pangangaral at pagtuturo ni Jesus. Ang ekspresyong “Kaharian ng Diyos” ay lumitaw nang 32 beses sa Ebanghelyo ni Lucas, 14 na beses sa Ebanghelyo ni Marcos, at 4 na beses sa Ebanghelyo ni Mateo. Pero ginamit naman ni Mateo ang kahawig na ekspresyong “Kaharian ng langit” nang mga 30 beses.—Tingnan ang study note sa Mat 3:2; 24:14; Mar 1:15.