Ayon kay Lucas 6:1-49

6  Isang araw ng Sabbath, habang dumadaan siya sa gitna ng bukid, ang mga alagad niya ay pumipitas ng mga uhay ng butil+ at ikinikiskis ang mga ito sa mga kamay nila para kainin.+ 2  Kaya sinabi ng ilang Pariseo: “Bakit ninyo ginagawa ang ipinagbabawal kapag Sabbath?”+ 3  Pero sinabi ni Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa kung ano ang ginawa ni David nang magutom siya at ang mga lalaking kasama niya?+ 4  Pumasok siya sa bahay ng Diyos, tinanggap ang mga tinapay na panghandog, kinain ang mga iyon, at binigyan din niya ang mga lalaking kasama niya. Hindi iyon puwedeng kainin ng sinuman dahil para lang iyon sa mga saserdote.”+ 5  Pagkatapos, sinabi niya sa kanila: “Ang Anak ng tao ay Panginoon ng Sabbath.”+ 6  Sa isa pang araw ng Sabbath,+ pumasok siya sa sinagoga at nagturo. At may isang lalaki roon na tuyot* ang kanang kamay.+ 7  Inaabangan ng mga eskriba at mga Pariseo kung magpapagaling si Jesus sa Sabbath para makahanap sila ng maiaakusa sa kaniya.+ 8  Pero alam niya kung ano ang iniisip nila,+ kaya sinabi niya sa lalaki na may tuyot na* kamay: “Tumayo ka sa gitna.” Tumayo siya at pumunta roon. 9  Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila: “Tatanungin ko kayo, Ano ang tamang gawin kapag Sabbath: gumawa ng mabuti o ng masama, magligtas ng buhay* o pumatay?”+ 10  Pagkatingin niya sa lahat ng nakapalibot, sinabi niya sa lalaki: “Iunat mo ang kamay mo.” Gayon nga ang ginawa ng lalaki, at gumaling ang kamay nito. 11  Pero nagalit sila nang husto, at nagsimula silang mag-usap-usap kung ano ang gagawin nila kay Jesus. 12  Nang mga panahong iyon, pumunta siya sa bundok para manalangin,+ at buong gabi siyang nanalangin sa Diyos.+ 13  Nang umaga na, tinawag niya ang mga alagad niya at pumili sa kanila ng 12, at tinawag niya silang mga apostol:+ 14  si Simon na tinawag din niyang Pedro, si Andres na kapatid nito, si Santiago, si Juan, si Felipe,+ si Bartolome, 15  si Mateo, si Tomas,+ si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na tinatawag na “masigasig,” 16  si Hudas na anak ni Santiago, at si Hudas Iscariote na naging traidor. 17  Pagkatapos, bumaba siya ng bundok kasama nila at tumayo sa isang patag na lugar, at napakaraming alagad niya ang naroon. Napakarami ring tao mula sa buong Judea at Jerusalem at mula sa mga baybayin ng Tiro at Sidon ang pumunta roon para makinig sa kaniya at mapagaling sa kanilang mga sakit.+ 18  Napagaling din ang mga pinahihirapan ng masasamang* espiritu. 19  At sinisikap ng lahat na mahawakan siya,+ dahil may lumalabas na kapangyarihan sa kaniya+ at gumagaling silang lahat. 20  At tumingin siya sa kaniyang mga alagad, at sinabi niya: “Maligaya kayong mahihirap,+ dahil sa inyo ang Kaharian ng Diyos.+ 21  “Maligaya kayo na nagugutom ngayon, dahil bubusugin kayo.+ “Maligaya kayo na umiiyak ngayon, dahil tatawa kayo.+ 22  “Maligaya kayo kapag napopoot sa inyo ang mga tao+ at kapag itinatakwil nila kayo+ at nilalait kayo at nilalapastangan ang* inyong pangalan dahil sa Anak ng tao.+ 23  Magsaya kayo sa araw na iyon at tumalon sa tuwa, dahil malaki ang gantimpala ninyo sa langit, dahil iyon din ang ginawa ng mga ninuno nila sa mga propeta.+ 24  “Pero kaawa-awa kayong mayayaman,+ dahil hanggang diyan lang ang tatamasahin ninyong kaginhawahan.+ 25  “Kaawa-awa kayo na busog ngayon, dahil magugutom kayo. “Kaawa-awa kayo na tumatawa ngayon, dahil magdadalamhati kayo at iiyak.+ 26  “Kaawa-awa kayo sa tuwing pinupuri kayo ng lahat ng tao,+ dahil ganito rin ang ginawa ng mga ninuno nila sa huwad na mga propeta. 27  “Pero sinasabi ko sa inyo na nakikinig: Patuloy na mahalin ang inyong mga kaaway, gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo,+ 28  pagpalain ang mga sumusumpa sa inyo, ipanalangin ang mga umiinsulto sa inyo.+ 29  Sa sinumang sumampal sa isa mong pisngi, iharap mo rin ang kabila; at sa sinumang kumuha ng balabal mo, huwag mong ipagkait pati ang damit mo.+ 30  Magbigay sa lahat ng humihingi sa iyo,+ at sa sinumang kumuha ng mga gamit mo, huwag mong bawiin ang mga iyon. 31  “Gayundin, kung ano ang gusto ninyong gawin ng mga tao sa inyo, iyon din ang gawin ninyo* sa kanila.+ 32  “Kung mahal ninyo ang mga nagmamahal sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Mahal din ng mga makasalanan ang mga nagmamahal sa kanila.+ 33  At kung gumagawa kayo ng mabuti sa mga gumagawa ng mabuti sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Ganiyan din ang ginagawa ng mga makasalanan. 34  Isa pa, kung nagpapahiram kayo sa mga taong inaasahan ninyong magbabayad, ano ang kahanga-hanga roon?+ Kahit ang mga makasalanan ay nagpapahiram sa mga makasalanan dahil inaasahan nilang maibabalik sa kanila ang halagang ipinahiram nila. 35  Sa halip, patuloy na mahalin ang mga kaaway ninyo at gumawa ng mabuti at magpahiram nang hindi umaasa ng anumang kabayaran;+ at magiging malaki ang gantimpala ninyo, at kayo ay magiging mga anak ng Kataas-taasan, dahil mabait siya sa mga walang utang na loob at masasama.+ 36  Patuloy na maging maawain, gaya ng inyong Ama na maawain.+ 37  “Isa pa, huwag na kayong humatol, at hinding-hindi kayo hahatulan;+ at huwag na kayong manghusga, at hinding-hindi kayo huhusgahan. Patuloy na magpatawad, at patatawarin kayo.+ 38  Maging mapagbigay,+ at magbibigay ang mga tao sa inyo.+ Napakarami nilang ibubuhos sa tupi* ng inyong damit—siniksik, niliglig, at umaapaw. Dahil kung paano ninyo pinakikitunguhan ang iba, ganoon din nila kayo pakikitunguhan.”* 39  Pagkatapos, nagbigay rin siya sa kanila ng isang ilustrasyon: “Puwede bang akayin ng isang taong bulag ang kapuwa niya bulag? Hindi ba pareho silang mahuhulog sa hukay?+ 40  Ang isang mag-aaral* ay hindi nakahihigit sa guro niya, kundi ang bawat isa na naturuan nang husto ay magiging tulad ng guro niya. 41  Kaya bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng kapatid mo, pero hindi mo nakikita ang troso sa sarili mong mata?+ 42  Paano mo masasabi sa kapatid mo, ‘Kapatid, hayaan mong alisin ko ang puwing sa mata mo,’ samantalang hindi mo nakikita ang troso sa sarili mong mata? Mapagpanggap! Alisin mo muna ang troso sa sarili mong mata para makita mo nang malinaw kung paano aalisin ang puwing sa mata ng kapatid mo.+ 43  “Ang isang mainam na puno ay hindi mamumunga ng bulok, at ang isang bulok na puno ay hindi mamumunga ng maganda.+ 44  Dahil ang bawat puno ay nakikilala sa bunga nito.+ Halimbawa, ang mga tao ay hindi umaani ng igos mula sa mga tinik, at hindi rin sila pumipitas ng ubas mula sa matinik na halaman.* 45  Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabuti mula sa mabubuting bagay na nasa kaniyang puso, pero ang masamang tao ay naglalabas ng masama mula sa masasamang bagay na nasa kaniyang puso; dahil lumalabas sa bibig niya kung ano ang laman ng kaniyang puso.*+ 46  “Bakit nga ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon! Panginoon!’ pero hindi naman ninyo ginagawa ang mga sinasabi ko?+ 47  Ang bawat isa na lumalapit sa akin at nakikinig sa mga sinasabi ko at sumusunod sa mga iyon, ipapakita ko sa inyo kung sino ang tulad niya:+ 48  Katulad siya ng isang tao na nang magtayo ng bahay ay humukay nang malalim at naglagay ng pundasyon sa bato. Kaya nang dumating ang baha at rumagasa ang tubig sa bahay na iyon, hindi man lang iyon nauga dahil matibay ang pagkakatayo nito.+ 49  Sa kabilang dako, siya na nakikinig sa mga sinasabi ko pero hindi sumusunod sa mga iyon+ ay katulad ng isang tao na nagtayo ng bahay nang walang pundasyon. Nang rumagasa ang tubig, agad itong gumuho at nawasak.”

Talababa

O “paralisado.”
O “paralisadong.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Lit., “maruruming.”
O “at itinuturing nilang napakasama ng.”
O “patuloy din ninyong gawin iyon.”
Nagsisilbing bulsa sa bandang dibdib.
Lit., “Dahil sa panukat na ipinanunukat ninyo, susukatin nila kayo.”
O “alagad.”
O “palumpong.”
Lit., “dahil mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kaniyang bibig.”

Study Notes

Sabbath: Tingnan sa Glosari.

sa gitna ng bukid: Tingnan ang study note sa Mat 12:1.

ipinagbabawal: Tingnan ang study note sa Mat 12:2.

bahay ng Diyos: Tingnan ang study note sa Mar 2:26.

tinapay na panghandog: Tingnan ang study note sa Mat 12:4.

Panginoon ng Sabbath: Tingnan ang study note sa Mat 12:8.

tuyot ang kanang kamay: Tatlong manunulat ng Ebanghelyo ang nag-ulat sa pagpapagaling ni Jesus sa lalaking ito noong Sabbath, pero si Lucas lang ang nagsabi na ang kanang kamay ng lalaki ang tuyot, o paralisado. (Mat 12:10; Mar 3:1) Madalas banggitin ni Lucas ang mga detalyeng may kaugnayan sa sakit at panggagamot na hindi na binanggit nina Mateo at Marcos. Para sa katulad na halimbawa, ihambing ang Mat 26:51 at Mar 14:47 sa Luc 22:50, 51.​—Tingnan ang “Introduksiyon sa Lucas.”

alam niya kung ano ang iniisip nila: Sinabi ni Lucas na alam ni Jesus ang iniisip ng mga eskriba at Pariseo, pero hindi na ito binanggit nina Mateo at Marcos.​—Ihambing ang kaparehong mga ulat sa Mat 12:10-13; Mar 3:1-3.

apostol: Tingnan ang study note sa Mat 10:2.

masigasig: Itinatawag kay apostol Simon para ipakitang iba siya sa apostol na si Simon Pedro. (Luc 6:14) Ang salitang Griego, ze·lo·tesʹ, na ginamit dito at sa Gaw 1:13 ay nangangahulugang “panatiko; masigasig.” Sa kaparehong mga ulat sa Mat 10:4 at Mar 3:18, ginamit ang terminong “Cananeo,” na ipinapalagay na mula sa salitang Hebreo o Aramaiko, na nangangahulugan ding “Panatiko; Masigasig.” Posibleng si Simon ay dating kasama sa Mga Panatiko, isang partidong Judio na kontra sa mga Romano, pero posible ring ito ang tawag sa kaniya dahil sa kaniyang sigasig.

naging traidor: Matututuhan natin sa pananalitang ito na nagbago si Hudas. Hindi pa siya traidor nang maging alagad siya o nang piliin siya ni Jesus bilang apostol. Hindi siya itinadhanang maging traidor. Sa halip, ginamit niya sa maling paraan ang kalayaan niyang magpasiya, kaya siya ay “naging traidor” pagkatapos niyang maging apostol. Nang magsimula ang pagbabagong iyon, nakita iyon ni Jesus, gaya ng ipinapahiwatig sa Ju 6:64.

tumayo sa isang patag na lugar: Gaya ng makikita sa konteksto, bumaba si Jesus sa isang bundok kung saan siya nanalangin nang magdamag bago niya piliin ang 12 apostol. (Luc 6:12, 13) May nakita siyang patag na lugar sa tabi ng bundok, malamang na di-kalayuan sa Capernaum, ang sentro ng kaniyang ministeryo. Maraming tao ang nagtipon, at pinagaling silang lahat ni Jesus. Ayon sa kaparehong ulat sa Mat 5:1, 2, “umakyat siya sa bundok . . . at nagsimula siyang magturo.” Posibleng tumutukoy ito sa bahagi ng bundok na mas mataas kaysa sa patag na lugar na nasa gilid nito. Kapag pinagsama ang mga ulat nina Mateo at Lucas, lumilitaw na noong bumaba si Jesus sa bundok, huminto siya sa isang patag na lugar, pumuwesto sa mas mataas na bahagi sa gilid ng bundok, at nagsimulang magturo. O puwede ring ang ulat sa Mat 5:1 ay isang sumaryo lang at hindi na nito binanggit ang mga detalyeng ipinaliwanag ni Lucas.

kaniyang mga alagad: Ang salitang Griego para sa “alagad,” ma·the·tesʹ, ay tumutukoy sa isang estudyante at nagpapahiwatig ng malapít na kaugnayan sa kaniyang guro, na may malaking impluwensiya sa buhay niya. Kahit may malaking grupo na nagkakatipon para makinig kay Jesus, lumilitaw na ang pangunahin niyang kinakausap ay ang mga alagad niya, na nakaupo pinakamalapit sa kaniya.​—Mat 5:1, 2; 7:28, 29.

at sinabi niya: Ang Sermon sa Bundok ay parehong iniulat nina Mateo (kabanata 5-7) at Lucas (6:20-49). Pinaikli ni Lucas ang ulat niya, samantalang ang ulat ni Mateo ay mas mahaba nang apat na beses, at mababasa doon ang buong ulat ni Lucas maliban sa ilang talata. Pareho ang pasimula at katapusan ng mga ulat nila, madalas silang gumamit ng magkatulad na ekspresyon, at halos magkapareho ang nilalaman ng ulat nila at pagkakasunod-sunod ng paksa. Kung minsan, kahit parehong paksa ang iniuulat nila, gumagamit sila ng magkaibang pananalita. Pero magkatugma pa rin ang ulat nila. Kapansin-pansin na ang ilang malalaking bahagi ng sermon na hindi mababasa sa ulat ni Lucas ay inulit ni Jesus sa ibang pagkakataon. Halimbawa, binanggit ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok ang tungkol sa panalangin (Mat 6:9-13) at tamang pananaw sa materyal na mga bagay (Mat 6:25-34). Makalipas ang mga isa’t kalahating taon, binanggit ulit ni Jesus ang mga bagay na ito, at iniulat ito ni Lucas. (Luc 11:2-4; 12:22-31) Isa pa, dahil sumulat si Lucas para sa lahat ng Kristiyano, posibleng inalis niya ang mga bahagi ng sermon na pangunahin nang para sa mga Judio.​—Mat 5:17-27; 6:1-18.

Maligaya: Tingnan ang study note sa Mat 5:3; Ro 4:7.

kayong mahihirap: Ang ekspresyong Griego na isinaling “mahihirap” ay nangangahulugang “kapos; naghihikahos; pulubi.” Ang ulat ni Lucas tungkol sa unang kaligayahan na binanggit ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok ay may kaunting kaibahan sa Mat 5:3. Ginamit din ni Mateo ang salitang Griego para sa “mahihirap,” pero idinagdag niya ang salita para sa “espiritu,” kaya ang buong ekspresyon ay puwedeng literal na isaling “mahihirap (pulubi) sa espiritu.” (Tingnan ang study note sa Mat 5:3; Luc 16:20.) Ang pariralang ito ay nangangahulugang alam na alam ng isang tao na dukha siya sa espirituwal at kailangan niya ang Diyos. Sa ulat ni Lucas, ang tinutukoy lang niya ay ang mahihirap, na tumutugma naman sa ulat ni Mateo, dahil ang mahihirap at naaapi ay kadalasan nang mas nakakaunawa na may espirituwal na pangangailangan sila at alam na alam nilang kailangan nila ang Diyos. Sa katunayan, sinabi ni Jesus na ang isang mahalagang dahilan ng pagdating niya bilang Mesiyas ay ang “maghayag ng mabuting balita sa mahihirap.” (Luc 4:18) Ang mga sumunod kay Jesus at nabigyan ng pag-asang makinabang sa mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos ay kadalasan nang mahirap at pangkaraniwan. (1Co 1:26-29; San 2:5) Pero nilinaw sa ulat ni Mateo na hindi awtomatikong tatanggap ng pabor ng Diyos ang isang tao dahil lang sa mahirap siya. Kaya ang panimulang pananalita nina Mateo at Lucas sa pag-uulat ng Sermon sa Bundok ay sumusuporta sa isa’t isa.

hanggang diyan lang ang tatamasahin ninyong kaginhawahan: O “iyan na ang buong kaginhawahan ninyo.” Ang terminong Griego na a·peʹkho, na nangangahulugang “makuha nang buo,” ay madalas makita sa mga resibo, na ang ibig sabihin ay “nabayaran nang buo.” Sinabi ni Jesus na kaawa-awa ang mayayaman dahil sa kirot, lungkot, at iba pang problema na puwede nilang maranasan. Hindi naman sinasabi ni Jesus na masamang magkaroon ng komportableng buhay. Sa halip, nagbababala si Jesus na kung masyadong pahahalagahan ng isang tao ang materyal na kayamanan, baka mapabayaan niya ang paglilingkod sa Diyos at hindi siya maging totoong masaya. Kaya para bang ‘nakuha na niya nang buo’ ang kaginhawahan na puwede niyang tamasahin. Wala na siyang aasahang gantimpala sa Diyos.​—Tingnan ang study note sa Mat 6:2.

Patuloy na mahalin ang inyong mga kaaway: Tingnan ang study note sa Mat 5:44.

nagpapahiram: Ibig sabihin, nagpapautang nang walang interes. Ipinagbabawal ng Kautusan na magpataw ng interes ang mga Israelita sa kapuwa nila Judio na nangangailangan (Exo 22:25), at pinasisigla sila nito na ipahiram anuman ang kailangan ng isang mahirap.​—Deu 15:7, 8; Mat 25:27.

Patuloy na magpatawad, at patatawarin kayo: O “Patuloy na magpalaya, at kayo ay palalayain.” Ang terminong Griego para sa “magpatawad” ay literal na nangangahulugang “magpalaya (halimbawa, ng isang bilanggo).” Kapag ginagamit ang terminong ito na kabaligtaran ng paghatol at panghuhusga, gaya sa kontekstong ito, nagpapahiwatig ito ng pagpapawalang-sala at pagpapatawad, kahit pa parang karapat-dapat ang isang tao sa parusa at paghihiganti.

Maging mapagbigay: O “Patuloy na magbigay.” Ang anyo ng pandiwang Griego na ginamit dito para sa “magbigay” ay nagpapahiwatig ng patuluyang pagkilos.

tupi ng inyong damit: Ang salitang Griego na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “dibdib,” pero sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa tuping nagagawa kapag hinahatak ang maluwag na damit sa bandang itaas ng sinturon. Ang ‘pagbubuhos sa tupi ng damit’ ay posibleng tumutukoy sa nakaugalian ng mga nagtitinda na ibuhos sa tupi ng damit ng bumibili ang mga napamili niya.

ilustrasyon: O “talinghaga.”​—Tingnan ang study note sa Mat 13:3.

puwing . . . troso: Tingnan ang study note sa Mat 7:3.

Mapagpanggap!: O “Mapagkunwari!” Ang salitang Griego na hy·po·kri·tesʹ ay tumutukoy noong una sa mga Griego (at pagkatapos ay sa mga Romano) na umaarte sa entablado at nakasuot ng malalaking maskara para hindi sila makilala at lumakas ang boses nila. Nang maglaon, ginamit ang terminong ito para tumukoy sa sinumang nagpapanggap at nagtatago ng totoo niyang motibo o personalidad. Sa Mat 6:5, 16, tinawag ni Jesus na “mapagkunwari” ang mga Judiong lider ng relihiyon. Dito naman sa Luc 6:42, ipinatungkol ni Jesus ang terminong ito sa sinumang alagad na nakapokus sa pagkakamali ng iba pero binabale-wala ang sarili niyang pagkakamali.

baha: Ang biglaang pagbagyo sa panahon ng taglamig ay karaniwan sa Israel, lalo na sa buwan ng Tebet, o Disyembre/Enero. Nagdudulot ito ng malakas na hangin at ulan at pagragasa ng tubig.—Tingnan ang Ap. B15.

Media