Ayon kay Lucas 7:1-50
Talababa
Study Notes
Capernaum: Tingnan ang study note sa Mat 4:13.
nagsugo siya ng ilang matatandang lalaki ng mga Judio: Sa kaparehong ulat sa Mat 8:5, sinabi na “isang opisyal ng hukbo ang lumapit” kay Jesus. Lumilitaw na ang matatandang lalaki ng mga Judio ay kumatawan lang sa opisyal ng hukbo. Si Lucas lang ang bumanggit ng detalyeng ito.
Di-nagtagal pagkatapos nito: Ang mababasa sa ilang sinaunang manuskrito ay “Kinabukasan,” pero ang ginamit sa tekstong ito ay batay sa mas luma at maaasahang mga manuskrito.
Nain: Isang lunsod ng Galilea na mga 35 km (22 mi) sa timog-kanluran ng Capernaum, kung saan lumilitaw na galing si Jesus. (Luc 7:1-10) Ang Nain, na dito lang nabanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay sinasabing ang bayan ng Nein sa ngayon, na nasa hilagang-kanluran ng burol ng More, na mga 10 km (6 mi) sa timog-silangan ng Nazaret. Sa ngayon, maliit lang ang bayang ito, pero makikita sa mga guho sa lugar na iyon na malaki ito dati. Maganda ang kapaligiran sa Nain, at mula rito, matatanaw ang Kapatagan ng Jezreel. Sa Nain nangyari ang una sa tatlong pagbuhay-muli na ginawa ni Jesus na nakaulat sa Bibliya. Ang iba pa ay sa Capernaum at sa Betania. (Luc 8:49-56; Ju 11:1-44) Mga 900 taon bago nito, binuhay-muli ni propeta Eliseo ang anak na lalaki ng babaeng Sunamita sa kalapít na bayan ng Sunem.—2Ha 4:8-37.
pintuang-daan ng lunsod: Ang salitang Griego na poʹlis (“lunsod”) ay tatlong beses na ginamit para tumukoy sa Nain. Kadalasan na, tumutukoy ang terminong ito sa isang napapaderang lunsod, pero hindi tiyak kung talagang napapaderan ang Nain. Kung wala itong pader, ang “pintuang-daan” ay posibleng tumutukoy lang sa espasyo sa pagitan ng mga bahay na nagsisilbing daan papasok sa Nain. Pero naniniwala ang ilang arkeologo na napapaderan ang Nain. Napapaderan man ito o hindi, posibleng nakasalubong ni Jesus at ng mga alagad ang prusisyon ng patay sa “pintuang-daan” sa silangan ng Nain, na malapit sa mga libingan sa gilid ng burol sa timog-silangan ng bayan ng Nein sa ngayon.
kaisa-isang: Ang salitang Griego na mo·no·ge·nesʹ ay nangangahulugang “kaisa-isa; bugtong; nag-iisa sa kaniyang uri; natatangi.” Ang terminong ito ay ginagamit para ilarawan ang kaugnayan ng anak na lalaki o babae sa mga magulang niya. Sa kontekstong ito, ginamit ang terminong ito para tumukoy sa kaisa-isang anak. Ginamit din ang salitang Griego na ito para tumukoy sa ‘nag-iisang’ anak na babae ni Jairo at sa pinagaling ni Jesus na “nag-iisang” anak ng isang lalaki. (Luc 8:41, 42; 9:38) Ginamit ng Griegong Septuagint ang mo·no·ge·nesʹ para sa anak na babae ni Jepte. Mababasa doon: “Ito ang kaisa-isa niyang anak. Wala siyang ibang anak, lalaki man o babae.” (Huk 11:34) Sa mga ulat ni apostol Juan, limang beses niyang ginamit ang mo·no·ge·nesʹ para tukuyin si Jesus.—Para sa kahulugan ng terminong ito kapag ginagamit patungkol kay Jesus, tingnan ang study note sa Ju 1:14; 3:16.
naawa: O “nahabag.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito (splag·khniʹzo·mai) ay may kaugnayan sa salita para sa “bituka” (splagʹkhna), na nagpapahiwatig ng isang damdaming nadarama sa kaloob-looban ng isang tao, isang matinding emosyon. Isa ito sa pinakamapuwersang salita sa Griego para sa pagkadama ng awa.
dalawa sa mga alagad niya: Sa kaparehong ulat sa Mat 11:2, 3, sinabi lang na isinugo ni Juan Bautista ang “mga alagad niya.” Idinagdag ni Lucas ang detalye tungkol sa bilang ng mga alagad.
ketongin: Tingnan ang study note sa Mat 8:2 at Glosari, “Ketong; Ketongin.”
nabautismuhan: Ang salitang Griego na baʹpti·sma ay nangangahulugang “paglulubog; paglulublob.”—Tingnan ang study note sa Mat 3:11; Mar 1:4.
hindi kumakain ng tinapay o umiinom ng alak: Tingnan ang study note sa Mat 11:18.
maniningil ng buwis: Tingnan ang study note sa Mat 5:46.
bunga: Lit., “lahat ng anak.” O “resulta.” Sa orihinal na Griego, inihalintulad sa isang tao ang karunungan at sinasabing may mga anak ito. Sa kaparehong ulat sa Mat 11:19, sinasabi namang ang karunungan ay may mga “gawa.” Ang mga anak ng karunungan—o ang mga gawa nina Juan Bautista at Jesus—ang magpapatunay na mali ang mga akusasyon sa kanila. Para bang sinasabi ni Jesus: ‘Tingnan ninyo ang matuwid na mga gawa namin at makikita ninyong hindi totoo ang paratang sa amin.’
pumasok siya sa bahay ng Pariseo: Sa apat na manunulat ng Ebanghelyo, si Lucas lang ang bumanggit na tumanggap si Jesus ng mga imbitasyon mula sa mga Pariseo para kumaing kasama nila. Ang iba pang ulat ay makikita sa Luc 11:37; 14:1.
isang babae, na kilalang makasalanan: Ipinapakita ng Bibliya na lahat ng tao ay makasalanan. (2Cr 6:36; Ro 3:23; 5:12) Kaya mas espesipiko ang pagkakagamit dito ng terminong “makasalanan” at maliwanag na tumutukoy sa mga taong kilalang makasalanan, halimbawa, mga taong imoral o kriminal. (Luc 19:7, 8) Si Lucas lang ang nag-ulat tungkol sa makasalanang babaeng ito, posibleng isang babaeng bayaran, na nagbuhos ng langis sa paa ni Jesus. Ang ekspresyong Griego para sa “kilalang” ay puwedeng literal na isaling “isang,” pero sa kontekstong ito, malamang na tumutukoy ito sa katangian na pagkakakilanlan ng isang tao o sa isang partikular na uri na kinabibilangan ng isang tao.
Dalawang tao ang may utang: Pamilyar ang mga Judio noong unang siglo C.E. sa ugnayan ng nagpapautang at nangungutang, at kung minsan, ginagamit ito ni Jesus sa mga ilustrasyon niya. (Mat 18:23-35; Luc 16:1-8) Si Lucas lang ang nag-ulat ng ilustrasyon tungkol sa dalawang may utang, kung saan ang utang ng isa ay mas malaki nang 10 beses kaysa sa isa. Sinabi ni Jesus ang ilustrasyong ito dahil si Simon, na nag-imbita sa kaniya, ay may maling pananaw sa babaeng dumating at nagbuhos ng mabangong langis sa paa ni Jesus. (Luc 7:36-40) Inihalintulad ni Jesus ang kasalanan sa isang napakalaking utang na hindi kayang bayaran at idiniin ang katotohanang ito: “Siya na pinatatawad nang kaunti ay nagmamahal nang kaunti.”—Luc 7:47; tingnan ang study note sa Mat 6:12; 18:27; Luc 11:4.
denario: Baryang pilak ng mga Romano na may timbang na mga 3.85 g at may larawan ni Cesar sa isang panig. Gaya ng makikita sa Mat 20:2, ang mga trabahador sa bukid noong panahon ni Jesus ay karaniwan nang tumatanggap ng isang denario para sa 12-oras na trabaho.—Tingnan sa Glosari at Ap. B14.
tubig para sa mga paa ko: Noon, gaya ng ginagawa sa maraming lugar sa ngayon, paglalakad ang pangunahing paraan ng paglalakbay. May ilang pangkaraniwang tao na nakayapak lang, pero marami ang nagsusuot ng sandalyas na suwelas lang na tinalian ng katad. Bago pumasok ng bahay, naghuhubad sila ng sandalyas. Tanda ng pagkamapagpatuloy ang paghuhugas sa paa ng bisita. Ginagawa ito ng may-ari ng bahay o ng isang alipin. Kung hindi man hugasan ang paa ng bisita, bibigyan siya ng tubig para ipanghugas.—Gen 18:4; 24:32; 1Sa 25:41; Luc 7:37, 38.
Hindi mo ako hinalikan: Noong panahon ng Bibliya, ang paghalik ay tanda ng pagmamahal o paggalang. Ang paghalik ay puwedeng sa labi (Kaw 24:26), sa pisngi, o sa iilang pagkakataon, sa paa (Luc 7:37, 38). Karaniwan itong ginagawa ng babae at lalaking magkamag-anak (Gen 29:11; 31:28) at ng dalawang lalaking magkamag-anak (Gen 27:26, 27; 45:15; Exo 18:7; 2Sa 14:33). Tanda rin ito ng pagmamahal ng malalapít na magkakaibigan.—1Sa 20:41, 42; 2Sa 19:39.