Ayon kay Marcos 1:1-45
Talababa
Study Notes
Marcos: Mula sa pangalang Latin na Marcus. Marcos ang Romanong apelyido ni “Juan” na binanggit sa Gaw 12:12. Ang kaniyang ina ay si Maria, isa sa mga unang alagad na nakatira sa Jerusalem. Si Juan Marcos ay “pinsan ni Bernabe” (Col 4:10), na nakasama niya sa paglalakbay. Naglakbay rin si Marcos kasama ni Pablo at iba pang misyonerong Kristiyano noon. (Gaw 12:25; 13:5, 13; 2Ti 4:11) Hindi binanggit sa Ebanghelyo kung sino ang sumulat nito, pero sinasabi ng mga manunulat noong ikalawa at ikatlong siglo C.E. na si Marcos ang sumulat nito.
Ayon kay Marcos: Hindi sinabi ng sinumang manunulat ng Ebanghelyo na sila ang sumulat ng ulat nila, at ang mga pamagat ay lumilitaw na hindi bahagi ng orihinal nilang isinulat. Ang ilang manuskrito ng Ebanghelyo ni Marcos ay may pamagat na Eu·ag·geʹli·on Ka·taʹ Marʹkon (“Mabuting Balita [o, “Ebanghelyo”] Ayon kay Marcos”), at sa iba naman ay ginamit ang mas maikling pamagat na Ka·taʹ Marʹkon (“Ayon kay Marcos”). Hindi malinaw kung kailan idinagdag o sinimulang gamitin ang mga pamagat. Sinasabi ng ilan na nagsimula ito noong ikalawang siglo C.E., dahil may mga natagpuang manuskrito ng Ebanghelyo na mula pa noong mga huling bahagi ng ikalawang siglo o mga unang bahagi ng ikatlong siglo kung saan makikita ang mas mahabang pamagat. Ayon sa ilang iskolar, ang mga unang salita sa aklat ni Marcos (“Ang pasimula ng mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos”) ang malamang na dahilan kung bakit ginamit ang salitang “ebanghelyo” (lit., “mabuting balita”) para tukuyin ang mga ulat na iyon. Malamang na naglagay ng mga pamagat kasama ng pangalan ng sumulat ng aklat dahil praktikal ito—mas madaling matukoy ang mga aklat.
mabuting balita: Tingnan ang study note sa Mat 4:23; 24:14 at Glosari.
mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo: Ang pananalitang ito sa Griego ay puwede ring isaling “mabuting balita ni Jesu-Kristo,” ang mabuting balita na inihayag ni Jesus.
ang Anak ng Diyos: Hindi mababasa sa ilang manuskrito ang ekspresyong “ang Anak ng Diyos,” pero mas maraming lumang manuskrito ang sumusuporta sa mas mahabang parirala.
propetang si Isaias: Ang kasunod na bahagi ay mga hulang sinipi sa Mal 3:1 at Isa 40:3. Parehong tumutukoy kay Juan na Tagapagbautismo ang mga hulang ito. Nilagyan ng panaklong ang sinipi mula sa Malakias para maibukod ito sa sinipi mula sa Isaias, na mababasa mula sa talata 3 at nakapokus sa mismong mensahe ni Juan. Ang hula ni Malakias ay tungkol sa papel ni Juan bilang mensahero. Si Isaias lang ang sinabing pinagmulan ng buong pagsipi, posibleng dahil ang idiniriing bahagi ay mula sa Isaias.
Jehova: Sa pagsiping ito sa Isa 40:3, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo. (Tingnan ang Ap. C.) Ipinakita ni Marcos na tinupad ni “Juan na Tagapagbautismo” (Mar 1:4) ang hulang ito nang ihanda niya ang daan para kay Jesus.—Tingnan ang study note sa Mat 3:3; Ju 1:23.
Patagin ninyo ang lalakaran niya: Tingnan ang study note sa Mat 3:3.
Tagapagbautismo: O “Tagalubog.” Ang salitang Griego na isinaling “Tagapagbautismo” dito at sa Mar 6:14, 24 ay puwede ring isaling “isa na nagbabautismo.” Ang anyo ng salitang ito ay may kaunting kaibahan sa pangngalang Griego na Ba·pti·stesʹ, na isinaling “Bautista” sa Mar 6:25; 8:28 at sa Mateo at Lucas. Ang dalawang katawagang ito, “Tagapagbautismo” at “Bautista,” ay parehong ginamit sa Mar 6:24, 25 para tumukoy sa iisang tao.—Tingnan ang study note sa Mat 3:1.
ilang: Tumutukoy sa ilang ng Judea.—Tingnan ang study note sa Mat 3:1.
bautismo bilang sagisag ng pagsisisi: Lit., “bautismo ng pagsisisi.” Hindi inaalis ng bautismo ang mga kasalanan. Sa halip, ang mga binautismuhan ni Juan ay hayagang nagsisi sa mga kasalanan nila laban sa Kautusan, na nagpapakitang determinado silang magbago. Ang pagsisisi nila ay umakay sa kanila sa Kristo. (Gal 3:24) Sa gayon, naihanda ni Juan ang mga tao para makita ang “pagliligtas ng Diyos.”—Luc 3:3-6; tingnan ang study note sa Mat 3:2, 8, 11 at Glosari, “Bautismo”; “Pagsisisi.”
buong Judea . . . lahat ng taga-Jerusalem: Ang paggamit dito ng “buong” at “lahat” ay eksaherasyon; ipinapakita lang nito na napakaraming naging interesado sa pangangaral ni Juan. Hindi ibig sabihin nito na bawat isa sa Judea o Jerusalem ay nagpunta sa kaniya.
Binabautismuhan: O “Inilulubog.”—Tingnan ang study note sa Mat 3:11 at Glosari, “Bautismo.”
hayagang nagtatapat ng kanilang mga kasalanan: Tingnan ang study note sa Mat 3:6.
damit . . . gawa sa balahibo ng kamelyo: Tingnan ang study note sa Mat 3:4.
balang: Tingnan ang study note sa Mat 3:4.
pulot-pukyutang galing sa gubat: Tingnan ang study note sa Mat 3:4.
mas malakas: Tingnan ang study note sa Mat 3:11.
sandalyas: Tingnan ang study note sa Mat 3:11.
Binautismuhan ko kayo: O “Inilubog ko kayo.”—Tingnan ang study note sa Mat 3:11 at Glosari, “Bautismo.”
babautismuhan niya kayo sa pamamagitan ng banal na espiritu: O “ilulubog niya kayo sa banal na aktibong puwersa.” Dito, sinasabi ni Juan na Tagapagbautismo na may bagong kaayusan na sisimulan si Jesus, ang bautismo sa pamamagitan ng banal na espiritu. Ang mga binautismuhan sa ganitong paraan ay nagiging mga anak ng Diyos sa espesyal na paraan, na may pag-asang mabuhay sa langit at pamahalaan ang lupa bilang mga hari.—Apo 5:9, 10.
Nang panahong iyon: Ayon sa Luc 3:1-3, sinimulan ni Juan na Tagapagbautismo ang ministeryo niya noong “ika-15 taon ng pamamahala ni Tiberio Cesar,” noong tagsibol ng 29 C.E. (Tingnan ang study note sa Luc 3:1.) Pagkalipas ng mga anim na buwan, noong taglagas ng 29 C.E., nagpabautismo si Jesus kay Juan.—Tingnan ang Ap. A7.
pagkaahon na pagkaahon: Ang una sa 11 paglitaw ng salitang Griego na eu·thysʹ sa Marcos kabanata 1. (Mar 1:10, 12, 18, 20, 21, 23, 28, 29, 30, 42, 43) Isinalin din ang terminong Griego na “agad.” Naging buhay na buhay ang ulat ni Marcos dahil sa madalas na paggamit niya ng terminong ito—mahigit 40 beses sa Ebanghelyo niya.
niya: Maliwanag na tumutukoy kay Jesus. Gaya ng mababasa sa Ju 1:32, 33, nakita rin ito ni Juan Bautista, pero lumilitaw na nakapokus ang ulat ni Marcos sa nakita ni Jesus.
langit: Tingnan ang study note sa Mat 3:16.
langit na nahahawi: Lumilitaw na ipinaunawa ng Diyos kay Jesus ang mga bagay na nasa langit at ibinalik ang memorya niya noong nasa langit pa siya. Ang mga sinabi ni Jesus pagkatapos ng bautismo niya, partikular na ang napakapersonal na panalangin niya noong gabi ng Paskuwa ng 33 C.E., ay nagpapakitang alam na niya nang pagkakataong iyon ang buhay niya sa langit bago siya maging tao. Makikita rin sa panalanging iyon na naalala niya ang mga narinig niyang sinabi ng kaniyang Ama at nakita niyang ginawa Niya, pati ang kaluwalhatian niya noon sa langit. (Ju 6:46; 7:28, 29; 8:26, 28, 38; 14:2; 17:5) Posibleng naalala niya ang mga iyon noong bautismuhan siya at pahiran.
parang kalapati: Ang mga kalapati ay ginagamit noon sa pagsamba at may makasagisag na kahulugan. Ginagamit ang mga ito sa paghahandog. (Mar 11:15; Ju 2:14-16) Sumasagisag ang mga ito sa pagiging tapat at dalisay. (Mat 10:16) Ang kalapating pinalipad ni Noe ay bumalik sa arka na may tukang dahon ng olibo, na nagpapakitang medyo humupa na ang baha (Gen 8:11) at malapit na ang panahon ng kapahingahan at kapayapaan (Gen 5:29). Kaya noong bautismuhan si Jesus, posibleng ginamit ni Jehova ang kalapati para ipakita ang papel ni Jesus bilang ang Mesiyas, ang dalisay at di-nagkakasalang Anak ng Diyos na maghahandog ng sarili niya para sa sangkatauhan na siyang magbibigay-daan sa panahon ng kapahingahan at kapayapaan habang namamahala siya bilang Hari. Habang bumababa ang espiritu ng Diyos, o aktibong puwersa niya, posibleng mukha itong kalapati na papunta sa dadapuan nito.
bumababa: O “pumapasok.”
isang tinig ang nanggaling sa langit: Ito ang una sa tatlong pagkakataong iniulat sa mga Ebanghelyo na direktang nakipag-usap si Jehova sa mga tao.—Tingnan ang study note sa Mar 9:7; Ju 12:28.
Ikaw ang Anak ko: Bilang espiritung nilalang, si Jesus ay Anak ng Diyos. (Ju 3:16) Mula nang isilang bilang tao, si Jesus ay “anak ng Diyos,” gaya ni Adan nang perpekto pa siya. (Luc 1:35; 3:38) Pero makatuwirang isipin na hindi lang iyan ang ibig sabihin ng Diyos sa pagkakataong ito. Nang sabihin niya ito, kasabay ng pagbubuhos ng banal na espiritu, maliwanag na ipinakita ng Diyos na si Jesus ang kaniyang Anak na ipinanganak sa pamamagitan ng espiritu—“ipinanganak-muli” na may pag-asang mabuhay muli sa langit at pinahiran ng espiritu ng Diyos para maging Hari at Mataas na Saserdote.—Ju 3:3-6; 6:51; ihambing ang Luc 1:31-33; Heb 2:17; 5:1, 4-10; 7:1-3.
nalulugod ako sa iyo: O “sinasang-ayunan kita.” Ginamit din ang ekspresyong iyan sa Mat 12:18, na sinipi mula sa Isa 42:1 na isang hula tungkol sa ipinangakong Mesiyas, o Kristo. Ang pagbubuhos ng banal na espiritu at ang sinabi ng Diyos tungkol sa kaniyang Anak ay malinaw na mga patunay na si Jesus nga ang ipinangakong Mesiyas.—Tingnan ang study note sa Mat 3:17; 12:18.
inudyukan ng espiritu na pumunta: O “pinakilos ng aktibong puwersa na pumunta.” Ang salitang Griego rito na pneuʹma ay tumutukoy sa espiritu ng Diyos, ang puwersa na puwedeng magpakilos sa isang tao na gawin ang mga bagay na kaayon ng kalooban ng Diyos.—Luc 4:1; tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”
Satanas: Tingnan ang study note sa Mat 4:10.
maiilap na hayop: Noong panahon ni Jesus, mas maraming maiilap na hayop sa rehiyong iyon kaysa sa ngayon. Sa ilang na ito, may mga baboy-ramo, hayina, leopardo, leon, at lobo. Si Marcos lang ang manunulat ng Ebanghelyo na nagsabing may maiilap na hayop sa lugar na ito. Maliwanag na sumulat siya pangunahin nang para sa mga di-Judiong mambabasa, kasama na ang mga Romano at iba pang hindi pamilyar sa heograpiya ng Israel.
Dumating na ang takdang panahon: Sa kontekstong ito, ang “takdang panahon” (sa Griego, kai·rosʹ) ay tumutukoy sa panahong inihula ng Kasulatan kung kailan sisimulan ni Jesus ang ministeryo niya, na magbibigay sa mga tao ng pagkakataong manampalataya sa mabuting balita. Ito rin ang salitang Griego na ginamit para sa “panahon” ng pagsisiyasat na nangyari noong panahon ng ministeryo ni Jesus (Luc 12:56; 19:44) at para sa “takdang panahon” ng kamatayan niya.—Mat 26:18.
Kaharian ng Diyos: Lumitaw ito nang 14 na beses sa Ebanghelyo ni Marcos. Apat na beses lang ginamit ni Mateo ang pariralang ito (Mat 12:28; 19:24; 21:31; 21:43), pero mga 30 beses niyang ginamit ang kahawig na ekspresyon na “Kaharian ng langit.” (Ihambing ang Mar 10:23 sa Mat 19:23, 24.) Kaharian ng Diyos ang tema ng pangangaral ni Jesus. (Luc 4:43) Mahigit 100 beses binanggit ang Kaharian sa apat na Ebanghelyo, at karamihan sa mga ito ay mula sa mga sinabi ni Jesus.—Tingnan ang study note sa Mat 3:2; 4:17; 25:34.
Lawa ng Galilea: Tingnan ang study note sa Mat 4:18.
naghahagis ng lambat: Tingnan ang study note sa Mat 4:18.
mga mangingisda: Tingnan ang study note sa Mat 4:18.
mangingisda ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 4:19.
sumunod sa kaniya: Tingnan ang study note sa Mat 4:20.
magkapatid na sina Santiago at Juan: Tingnan ang study note sa Mat 4:21.
Zebedeo: Tingnan ang study note sa Mat 4:21.
kasama ng mga trabahador: Si Marcos lang ang nagsabi na may “mga trabahador” si Zebedeo at ang mga anak niya sa kanilang negosyo ng pangingisda. Posibleng si Pedro ang pinanggalingan ng impormasyong ito dahil lumilitaw na kasosyo siya sa negosyong ito at nakita niya ang karamihan sa mga pangyayaring iniulat ni Marcos. (Luc 5:5-11; tingnan din ang “Introduksiyon sa Marcos.”) Masasabing malago ang negosyo ni Zebedeo at ng mga anak niya dahil may mga trabahador sila, at ayon sa ulat ni Lucas, hindi lang isa ang bangka nila.—Tingnan ang study note sa Mat 4:18.
Capernaum: Tingnan ang study note sa Mat 4:13.
sinagoga: Tingnan sa Glosari.
paraan niya ng pagtuturo: Tumutukoy sa kung paano nagturo si Jesus, kasama na ang mismong itinuro niya.
hindi gaya ng mga eskriba: Imbes na sipiin ni Jesus ang sinasabi ng mga iginagalang na rabbi, gaya ng kaugalian ng mga eskriba, nagsalita siya bilang kinatawan ni Jehova, bilang isa na may awtoridad; at Salita ng Diyos ang ginagamit niyang batayan.—Ju 7:16.
masamang espiritu: Lit., “maruming espiritu.” Parehong ginamit ni Marcos ang ekspresyong ito at ang terminong “demonyo” sa ulat niya. (Ihambing ang Mar 1:23, 26, 27 sa 1:34, 39 at ang Mar 3:11, 30 sa 3:15, 22.) Idiniriin ng ekspresyong ito ang pagiging marumi ng mga demonyo sa moral at espirituwal, pati na ang kanilang masamang impluwensiya sa mga tao.
sumigaw ito: Nang isigaw ng lalaki ang nakaulat sa talata 24, sinaway ni Jesus ang masamang espiritu, ang talagang pinanggalingan ng sinabi ng lalaki.—Mar 1:25; Luc 4:35.
Bakit nandito ka, . . .?: Tingnan ang study note sa Mat 8:29.
kami . . . ko: Dahil isang masamang espiritu lang ang binanggit sa talata 23, lumilitaw na gumamit ang espiritung kumokontrol sa lalaki ng anyong pangmaramihan (“kami”) para isama ang mga kapuwa niya demonyo at gumamit siya ng anyong pang-isahan (“ko”) para tukuyin ang sarili niya.
Tumahimik ka: Lit., “Busalan ka.” Alam ng masamang espiritu na si Jesus ang Kristo, o Mesiyas, at tinawag niya si Jesus na “isinugo ng Diyos” (tal. 24), pero hindi hinayaan ni Jesus na magpatotoo ang mga demonyo tungkol sa kaniya.—Mar 1:34; 3:11, 12.
biyenang babae ni Simon: Tingnan ang study note sa Luc 4:38.
nilalagnat: Tingnan ang study note sa Luc 4:38.
nang lumubog na ang araw: Nagtatapos ang Sabbath sa paglubog ng araw. (Lev 23:32; Mar 1:21; tingnan ang study note sa Mat 8:16; 26:20.) Kaya dahil wala nang pupuna sa mga Judio, hindi na sila matatakot dalhin kay Jesus ang mga maysakit para mapagaling.—Ihambing ang Mar 2:1-5; Luc 4:31-40.
maysakit at sinasaniban ng demonyo: May mga pagkakataong nagkakaroon ng sakit o kapansanan ang mga taong sinasaniban ng demonyo. (Mat 12:22; 17:15-18) Pero malinaw na ipinapakita ng Kasulatan kung galing sa mga demonyo ang sakit o hindi. Anuman ang dahilan ng pagkakasakit ng mga tao, pinapagaling sila ni Jesus.—Mat 4:24; 8:16; Mar 1:34.
buong lunsod: Gaya ng “buong” at “lahat” sa Mar 1:5, ang paggamit dito ng “buong” ay eksaherasyon at nangangahulugan lang ng napakaraming tao.
alam nilang siya ang Kristo: Sa ilang manuskritong Griego, ang mababasa ay “kilala nila siya,” na puwedeng isaling “alam nila kung sino siya.” Mababasa sa kaparehong ulat sa Luc 4:41: “Alam nilang siya ang Kristo.”
lahat: Malinaw na isang eksaherasyon; ginamit ito para idiin na napakaraming tao na naghahanap kay Jesus.
nangaral . . . sa buong Galilea: Ito ang simula ng unang paglalakbay ni Jesus sa Galilea para mangaral kasama ang apat na alagad na kakapili lang niya—sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan.—Mar 1:16-20; tingnan ang Ap. A7.
isang ketongin: Tingnan ang study note sa Mat 8:2 at Glosari, “Ketong; Ketongin.”
nakaluhod: Sa sinaunang Gitnang Silangan, lumuluhod ang mga tao para magpakita ng paggalang, lalo na kapag nakikiusap sa isang nakatataas. Sa mga ulat ng Ebanghelyo tungkol sa pangyayaring ito, si Marcos lang ang espesipikong gumamit ng salitang Griego (go·ny·pe·te′o) para sa pagluhod.
Naawa siya: O “Nahabag siya.” (Tingnan ang study note sa Mat 9:36.) Mababasa sa ilang modernong salin ng Bibliya na “nagalit siya.” Pero ang makikita sa karamihan ng sinaunang manuskrito, kasama na ang mga pinakaluma at pinakamaaasahan, ay “naawa (nahabag) siya.” Makikita rin sa konteksto na kumilos si Jesus dahil sa awa, hindi sa galit.
hinipo ang lalaki: Tingnan ang study note sa Mat 8:3.
Gusto ko: Tingnan ang study note sa Mat 8:3.
Huwag mo itong sasabihin kahit kanino: Malamang na ipinag-utos ito ni Jesus dahil ayaw niyang siya ang matanghal sa halip na ang Diyos na Jehova at ang mabuting balita ng Kaharian. Katuparan ito ng hula tungkol sa lingkod ni Jehova sa Isa 42:1, 2, na nagsasabing “hindi niya iparirinig sa lansangan ang tinig niya” para maging kapansin-pansin. (Mat 12:15-19) Ang pagiging mapagpakumbaba ni Jesus ay ibang-iba sa mga mapagkunwari na kinondena niya dahil nananalangin sila “sa mga kanto ng malalapad na daan para makita sila ng mga tao.” (Mat 6:5) Lumilitaw na gustong makumbinsi ni Jesus ang mga tao na siya ang Kristo sa pamamagitan ng matibay na ebidensiya, hindi ng mga bali-balita tungkol sa mga himala niya.
humarap ka sa saserdote: Ayon sa Kautusang Mosaiko, kailangang kumpirmahin ng saserdote na magaling na ang isang ketongin. Ang gumaling na ketongin ay dapat na pumunta sa templo at maghandog ng mga bagay na iniutos ni Moises, gaya ng binabanggit sa Lev 14:2-32.