Ayon kay Marcos 10:1-52

10  Pag-alis ni Jesus doon, tumawid siya ng Jordan at nakarating sa hangganan ng Judea, at pinuntahan siya uli ng maraming tao. At gaya ng lagi niyang ginagawa, muli niya silang tinuruan.+ 2  Lumapit sa kaniya ang mga Pariseo para subukin siya. Nagtanong sila kung puwedeng diborsiyuhin ng isang lalaki ang kaniyang asawa.+ 3  Sumagot siya: “Ano ang iniutos ni Moises sa inyo?” 4  Sinabi nila: “Ipinahintulot ni Moises ang pagsulat ng isang kasulatan ng paghihiwalay para madiborsiyo ang asawang babae.”+ 5  Pero sinabi ni Jesus sa kanila: “Isinulat niya ang utos na ito dahil sa katigasan ng puso ninyo.+ 6  Pero mula sa pasimula ng paglalang, ‘ginawa Niya silang lalaki at babae.+ 7  Dahil dito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina,+ 8  at ang dalawa ay magiging isang laman,’+ kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman. 9  Kaya ang pinagsama* ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”+ 10  Nang nasa bahay na uli sila, tinanong siya ng mga alagad tungkol dito. 11  Sinabi niya sa kanila: “Ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae at mag-asawa ng iba ay nangangalunya+ at nagkakasala sa kaniyang asawa, 12  at kung ang isang babae ay mag-asawa ng iba pagkatapos makipagdiborsiyo sa asawa niya, nangangalunya siya.”+ 13  May mga taong nagdala sa kaniya ng mga bata para mahawakan niya ang mga ito, pero pinagalitan sila ng mga alagad.+ 14  Nang makita ito ni Jesus, nagalit siya at sinabi sa kanila: “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata; huwag ninyo silang pigilan, dahil ang Kaharian ng Diyos ay para sa mga gaya nila.+ 15  Sinasabi ko sa inyo, ang sinumang hindi tumatanggap sa Kaharian ng Diyos na gaya ng isang bata ay hindi makakapasok dito.”+ 16  At kinalong niya ang mga bata at ipinatong sa kanila ang mga kamay niya para pagpalain sila.+ 17  Habang naglalakad siya, isang lalaki ang tumakbo palapit sa kaniya at lumuhod sa harap niya. Nagtanong ito: “Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin para tumanggap* ng buhay na walang hanggan?”+ 18  Sinabi ni Jesus: “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Isa lang ang mabuti, ang Diyos.+ 19  Alam mo ang mga utos: ‘Huwag kang papatay,+ huwag kang mangangalunya,+ huwag kang magnanakaw,+ huwag kang tetestigo nang may kasinungalingan,+ huwag kang mandaraya,+ parangalan* mo ang iyong ama at ina.’”+ 20  Sinabi sa kaniya ng lalaki: “Guro, sinusunod ko ang lahat ng iyan mula pa sa pagkabata.” 21  Tumingin si Jesus sa kaniya at nakadama ng pagmamahal sa kaniya. Sinabi ni Jesus: “May isa ka pang kailangang gawin: Ipagbili mo ang mga pag-aari mo at ibigay mo sa mahihirap ang napagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit; pagkatapos, sumama ka sa akin, at maging tagasunod kita.”+ 22  Nang marinig ito ng lalaki, nanlumo siya at malungkot na umalis, dahil marami siyang pag-aari. 23  Matapos tumingin sa palibot, sinabi ni Jesus sa mga alagad niya: “Napakahirap para sa mayayaman na makapasok sa Kaharian ng Diyos!”+ 24  Nabigla ang mga alagad sa sinabi niya. Sinabi pa ni Jesus: “Mga anak, napakahirap makapasok sa Kaharian ng Diyos! 25  Mas madali pang makakapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa makapasok ang isang mayaman sa Kaharian ng Diyos.”+ 26  Lalo silang nagulat at sinabi nila sa kaniya: “Kung gayon, sino pa ang makaliligtas?”+ 27  Tiningnan sila ni Jesus at sinabi: “Sa mga tao ay imposible ito, pero hindi sa Diyos, dahil ang lahat ng bagay ay posible sa Diyos.”+ 28  Sinabi ni Pedro sa kaniya: “Iniwan na namin ang lahat at sumunod kami sa iyo.”+ 29  Sinabi ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng umiwan sa kanilang bahay, mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, ina, ama, mga anak, o mga bukid alang-alang sa akin at alang-alang sa mabuting balita+ 30  ay tatanggap ng 100 ulit sa panahong ito—ng mga bahay, mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, mga ina, mga anak, at mga bukid, kasama ng mga pag-uusig+—at sa darating na sistema ay ng buhay na walang hanggan. 31  Pero maraming nauuna ang mahuhuli at maraming nahuhuli ang mauuna.”+ 32  Si Jesus at ang mga alagad niya ay papunta ngayon sa Jerusalem, at nauuna sa kanila si Jesus. Namangha ang mga alagad, pero ang mga sumusunod sa kanila ay natakot. Muling ibinukod ni Jesus ang 12 apostol at sinabi sa kanila ang mga bagay na ito na mangyayari sa kaniya:+ 33  “Makinig kayo. Pupunta tayo sa Jerusalem, at ang Anak ng tao ay ibibigay sa mga punong saserdote at mga eskriba. Hahatulan nila siya ng kamatayan at ibibigay sa mga tao ng ibang mga bansa, 34  at tutuyain siya ng mga ito, duduraan,+ hahagupitin, at papatayin, pero pagkaraan ng tatlong araw ay mabubuhay siyang muli.”+ 35  Sina Santiago at Juan, ang mga anak ni Zebedeo,+ ay lumapit sa kaniya at nagsabi: “Guro, gusto naming gawin mo para sa amin ang anumang hilingin namin sa iyo.”+ 36  Sinabi niya sa kanila: “Ano ang gusto ninyong gawin ko para sa inyo?” 37  Sumagot sila: “Paupuin mo kami sa tabi mo, ang isa sa kanan mo at ang isa sa kaliwa mo, kapag namamahala ka na sa Kaharian mo.”+ 38  Pero sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Kaya ba ninyong inuman ang kopa na iniinuman ko o danasin ang bautismong pinagdadaanan ko?”+ 39  Sinabi nila sa kaniya: “Kaya namin.” Sumagot si Jesus: “Ang kopa na iniinuman ko ay iinuman ninyo, at ang pinagdadaanan kong bautismo ay pagdadaanan ninyo.+ 40  Pero hindi ako ang magpapasiya kung sino ang uupo sa kanan ko o sa kaliwa ko. Ang aking Ama ang magpapasiya kung para kanino ang mga puwestong iyon.” 41  Nang marinig ito ng 10 iba pa, nagalit sila kina Santiago at Juan.+ 42  Pero tinawag sila ni Jesus at sinabi sa kanila: “Alam ninyo na ang mga itinuturing na tagapamahala ng mga bansa ay nag-aastang panginoon sa mga nasasakupan nila at ipinapakita ng mga may kapangyarihan na sila ang dapat masunod.+ 43  Hindi kayo dapat maging ganiyan; sa halip, ang sinumang gustong maging dakila sa inyo ay dapat na maging lingkod ninyo,+ 44  at ang sinumang gustong maging una sa inyo ay dapat na maging alipin ng lahat. 45  Dahil maging ang Anak ng tao ay dumating, hindi para paglingkuran, kundi para maglingkod+ at ibigay ang buhay* niya bilang pantubos na kapalit ng marami.”+ 46  At dumating sila sa Jerico. Pero nang si Jesus at ang mga alagad niya at ang napakaraming tao ay papalabas na sa Jerico, si Bartimeo (na anak ni Timeo), isang pulubing bulag, ay nakaupo sa tabi ng daan.+ 47  Nang marinig niyang si Jesus na Nazareno ang dumadaan, nagsisigaw siya: “Anak ni David,+ Jesus, maawa ka sa akin!”+ 48  Kaya sinaway siya ng mga tao at pinagsabihan siyang tumahimik, pero lalo lang niyang isinigaw: “Anak ni David, maawa ka sa akin!” 49  Kaya huminto si Jesus, at sinabi niya: “Papuntahin ninyo siya sa akin.” Kaya tinawag nila ang lalaking bulag at sinabi sa kaniya: “Lakasan mo ang loob mo! Tumayo ka; tinatawag ka niya.” 50  Inihagis niya ang kaniyang panlabas na damit at agad na tumayo at lumapit kay Jesus. 51  Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?” Sumagot ang lalaking bulag: “Rabboni,+ gusto kong makakita uli.” 52  Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Makakauwi ka na. Pinagaling* ka ng pananampalataya mo.”+ At agad siyang nakakita,+ at sumunod siya kay Jesus sa daan.

Talababa

O “pinagtuwang.”
Lit., “magmana.”
O “igalang.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
O “Iniligtas.”

Study Notes

tumawid siya ng Jordan . . . sa hangganan ng Judea: Lumilitaw na tumutukoy ito sa Perea, isang rehiyon sa silangan ng Ilog Jordan, partikular na sa bahagi ng Perea na hangganan ng Judea.​—Tingnan ang study note sa Mat 19:1 at Ap. A7, Mapa 5.

kasulatan ng paghihiwalay: Tingnan ang study note sa Mat 19:7.

pasimula ng paglalang: Maliwanag na tumutukoy sa paglalang sa tao. Sinasabi dito ni Jesus kung paano pinasimulan ng Maylalang ang pag-aasawa sa pagitan ng lalaki at babae, na naging pinakapundasyon ng lipunan ng tao.

Niya: Sa ilang sinaunang manuskrito, espesipikong binanggit ang “Diyos.”

isang laman: Tingnan ang study note sa Mat 19:5.

dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae: O “magpalayas sa kaniyang asawang babae.” Dapat unawain ang sinabing ito ni Jesus sa ulat ni Marcos kaayon ng binabanggit sa ulat sa Mat 19:9, kung saan idinagdag ang pananalitang “malibang dahil sa seksuwal na imoralidad.” (Tingnan ang study note sa Mat 5:32.) Ang sinabi ni Jesus na sinipi ni Marcos ay tumutukoy sa mga kaso ng diborsiyo kung saan hindi naman nagkasala ng “seksuwal na imoralidad” (sa Griego, por·neiʹa) ang di-tapat na asawa.

nangangalunya at nagkakasala sa kaniyang asawa: Dito, ipinapakita ni Jesus na mali ang popular na turo ng mga rabbi na puwedeng diborsiyuhin ang asawang babae “sa kahit anong dahilan.” (Mat 19:3, 9) Hindi naniniwala ang karamihan sa mga Judio na puwede silang magkasala sa kanilang asawang babae ng pangangalunya. Itinuturo kasi ng mga rabbi na ang mga babae lang ang nagtataksil, hindi ang mga lalaki. Dahil ipinakita ni Jesus na iisang pamantayang moral lang ang dapat sundin ng mga asawang lalaki at asawang babae, binigyang-dangal niya ang mga babae at itinaas ang katayuan nila sa lipunan.

kung ang isang babae ay . . . makipagdiborsiyo: Kinikilala dito ni Jesus ang karapatan ng isang babae na makipagdiborsiyo sa nagtaksil niyang asawa—isang bagay na hindi katanggap-tanggap sa mga Judio nang panahong iyon. Gayunman, sinabi rin ni Jesus na iisang pamantayan lang ang dapat sundin ng mga Kristiyanong lalaki at babae.

mga bata: Posibleng magkakaiba ang edad ng mga batang tinutukoy rito, dahil ang salitang Griego na isinalin ditong “mga bata” ay ginamit para sa mga sanggol (Mat 2:8; Luc 1:59) at sa 12-anyos na anak ni Jairo (Mar 5:39-42). Pero sa kaparehong ulat sa Luc 18:15, gumamit si Lucas ng ibang salitang Griego, na tumutukoy lang sa maliliit na bata o sanggol.​—Luc 1:41; 2:12.

gaya ng isang bata: Tumutukoy sa pagkakaroon ng magagandang katangian ng mga bata. Kasama sa mga katangiang iyon ang pagiging mapagpakumbaba, madaling turuan, madaling magtiwala, at nakikinig.​—Mat 18:5.

kinalong niya ang mga bata: Si Marcos lang ang bumanggit sa detalyeng ito. Ang salitang Griego para sa “kinalong” ay dito lang lumitaw at sa Mar 9:36, kung saan isinalin itong “niyakap.” Ang ginawa ni Jesus sa mga bata ay higit pa sa inaasahan ng mga adultong nagdala sa mga bata, na ang gusto lang ay “mahawakan” niya ang mga ito. (Mar 10:13) Bilang panganay sa magkakapatid na di-bababa sa pito, alam niya kung ano ang kailangan ng mga bata. (Mat 13:55, 56) Pinagpala pa nga sila ni Jesus. Ang salitang Griego na ginamit dito ay pinatinding anyo ng salita para sa “pagpalain,” kaya masasabing magiliw niyang pinagpala ang mga bata.

Mabuting Guro: Maliwanag na ginamit ito ng lalaki bilang titulo para labis na papurihan si Jesus, dahil karaniwan nang gusto ng mga lider ng relihiyon ang ganoong mga papuri. Hindi naman sinasabi ni Jesus na hindi siya puwedeng tawaging “Guro” at “Panginoon” (Ju 13:13), pero gusto niyang ibigay ang lahat ng kapurihan sa kaniyang Ama.

Isa lang ang mabuti, ang Diyos: Dito, kinilala ni Jesus na ang pamantayan ng kabutihan ay si Jehova, at siya lang ang may karapatan na magtakda ng kung ano ang mabuti at masama. Nang kumain sina Adan at Eva ng ipinagbabawal na bunga mula sa puno ng pagkaalam ng mabuti at masama, nangahas silang agawin ang karapatang iyon. (Gen 2:17; 3:4-6) Di-gaya nila, mapagpakumbabang nagpapasakop si Jesus sa mga itinakdang pamantayan ng kaniyang Ama. Ipinakita at ipinaliwanag ng Diyos kung ano ang mabuti sa pamamagitan ng kaniyang Salita.​—Mar 10:19.

nakadama ng pagmamahal sa kaniya: Si Marcos lang ang nag-ulat ng nadama ni Jesus para sa mayamang tagapamahala. (Mat 19:16-26; Luc 18:18-30) Posibleng si Pedro ang pinagmulan ng ulat na ito tungkol sa naramdaman ni Jesus dahil nakadarama rin siya ng matitinding emosyon.​—Tingnan ang “Introduksiyon sa Marcos.”

Mas madali pang makakapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom: Gumamit si Jesus ng eksaherasyon para ilarawan ang isang punto. Kung paanong hindi makakapasok ang literal na kamelyo sa butas ng karayom, imposible ring makapasok sa Kaharian ng Diyos ang isang mayaman kung patuloy niyang uunahin ang kayamanan niya kaysa sa kaugnayan niya kay Jehova. Hindi naman ibig sabihin ni Jesus na walang mayaman na magmamana ng Kaharian, dahil sinabi rin niya: “Ang lahat ng bagay ay posible sa Diyos.”​—Mar 10:27.

sa kaniya: Mababasa sa ilang manuskrito: “sa isa’t isa.”

sa darating na sistema: O “sa darating na panahon.” Ang salitang Griego na ai·onʹ, na literal na nangangahulugang “panahon,” ay puwedeng tumukoy sa kalakaran o sa mga pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon. Tinutukoy dito ni Jesus ang darating na sistema sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, kung saan matutupad ang ipinangakong buhay na walang hanggan.​—Luc 18:29, 30; tingnan sa Glosari, “Sistema.”

papunta ngayon sa Jerusalem: Lit., “paakyat ngayon sa Jerusalem.” Ang lunsod ay mga 750 m (2,500 ft) ang taas mula sa lebel ng dagat, kaya karaniwan nang sinasabi sa Kasulatan na ang mga mananamba ay “paakyat” sa Jerusalem. (Luc 2:22, tlb.) Manggagaling noon si Jesus at ang mga alagad niya sa Lambak ng Jordan (tingnan ang study note sa Mar 10:1), na ang pinakamababang bahagi ay mga 400 m (1,300 ft) ang baba mula sa lebel ng dagat. Kaya kailangan nilang umakyat nang mga 1,000 m (3,330 ft) para makarating sa Jerusalem.

duduraan: Ang pagdura sa isang tao o sa kaniyang mukha ay nagpapakita ng matinding panghahamak, pakikipag-away, o galit, kaya napapahiya ang sinumang gawan nito. (Bil 12:14; Deu 25:9) Sinasabi ni Jesus na mararanasan niya ito bilang katuparan ng hula tungkol sa Mesiyas: “Hindi ko iniwas ang mukha ko sa kahiya-hiyang mga bagay at sa dura.” (Isa 50:6) Dinuraan siya nang humarap siya sa Sanedrin (Mar 14:65), at dinuraan siya ng mga sundalong Romano matapos siyang litisin ni Pilato (Mar 15:19).

Sina Santiago at Juan, ang mga anak ni Zebedeo, ay lumapit sa kaniya: Sa ulat ni Mateo, ang ina nina Santiago at Juan ang lumapit kay Jesus, pero lumilitaw na galing sa dalawang anak niya ang kahilingang ito. Sinusuportahan iyan ng sinabi ni Mateo na nang marinig ng 10 alagad ang tungkol dito, “nagalit sila,” hindi sa ina, kundi sa “magkapatid.”​—Mat 20:20-24; tingnan ang study note sa Mat 4:21; 20:20.

mga anak: Sa ilang manuskrito, ang mababasa ay “dalawang anak,” pero mas marami sa pinakalumang mga manuskrito ang gumamit ng “mga anak.”

ang isa sa kanan mo at ang isa sa kaliwa mo: Dito, ang mga posisyong ito ay parehong nagpapahiwatig ng karangalan at awtoridad, pero laging nasa kanan ang may pinakamalaking karangalan.​—Aw 110:1; Gaw 7:55, 56; Ro 8:34; tingnan ang study note sa Mat 25:33.

inuman ang kopa: Tingnan ang study note sa Mat 20:22.

danasin ang bautismong pinagdadaanan ko: Ginamit dito ni Jesus ang terminong ‘bautismo’ gaya ng pagkakagamit niya sa “kopa.” (Tingnan ang study note sa Mat 20:22.) Nangyayari na ang bautismong ito ni Jesus noong panahon ng ministeryo niya. At lubusan siyang nabautismuhan, o inilubog, sa kamatayan nang patayin siya sa pahirapang tulos noong Nisan 14, 33 C.E. Nakumpleto ang bautismo niya nang iahon siya, o buhaying muli. (Ro 6:3, 4) Magkaiba ang bautismo ni Jesus sa kamatayan at ang bautismo niya sa tubig, dahil natapos na ang bautismo niya sa tubig noong simulan niya ang kaniyang ministeryo, samantalang ito naman ang naging simula ng bautismo niya sa kamatayan.

nag-aastang panginoon sa mga nasasakupan nila: Apat na beses lang ginamit ang Griegong terminong ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Mat 20:25; Mar 10:42; 1Pe 5:3; at sa Gaw 19:16, kung saan isinalin itong “binugbog”) Maiisip sa payong ito ni Jesus ang pagpapahirap ng mga Romano at ang malupit na pamamahala ng mga Herodes. (Mat 2:16; Ju 11:48) Maliwanag na nakuha ni Pedro ang punto, kaya pinayuhan niya ang Kristiyanong matatanda na manguna sa pamamagitan ng halimbawa at huwag mag-astang panginoon. (1Pe 5:3) Isang kaugnay na pandiwa ang ginamit sa Luc 22:25, kung saan ganito rin ang punto ni Jesus, at ginamit din ito sa 2Co 1:24, kung saan sinabi ni Pablo na ang mga Kristiyano ay hindi “mga panginoon” ng pananampalataya ng mga kapatid nila.

Jerico: Tingnan ang study note sa Mat 20:29.

isang pulubing bulag: Sa ulat ni Mateo (20:30), dalawang bulag ang binanggit. Isa lang ang binanggit nina Marcos at Lucas (18:35), malamang na dahil nagpokus sila kay Bartimeo, na pinangalanan lang sa ulat ni Marcos.

Nazareno: Tumutukoy ito noong una kay Jesus at nang maglaon ay sa mga tagasunod niya. (Gaw 24:5) Dahil maraming Judio noon ang may pangalang Jesus, karaniwang may idinadagdag sa pangalang ito para malaman kung sino ang tinutukoy; nakasanayan na noong panahon ng Bibliya na idugtong sa pangalan ng tao ang lugar na pinagmulan niya. (2Sa 3:2, 3; 17:27; 23:25-39; Na 1:1; Gaw 13:1; 21:29) Sa bayan ng Nazaret lumaki si Jesus, kaya natural lang na gamitin ang terminong ito para tukuyin siya. Madalas tukuyin si Jesus na “Nazareno” ng iba’t ibang indibidwal sa iba’t ibang pagkakataon. (Mar 1:23, 24; 10:46, 47; 14:66-69; 16:5, 6; Luc 24:13-19; Ju 18:1-7) Ginamit ito mismo ni Jesus para sa sarili niya. (Ju 18:5-8; Gaw 22:6-8) Isinulat ni Pilato sa pahirapang tulos ni Jesus ang pananalitang ito sa wikang Hebreo, Latin, at Griego: “Si Jesus na Nazareno, ang Hari ng mga Judio.” (Ju 19:19, 20) Mula noong Pentecostes 33 C.E., si Jesus ay madalas nang tawagin ng mga apostol at ng iba bilang Nazareno o mula sa Nazaret.​—Gaw 2:22; 3:6; 4:10; 6:14; 10:38; 26:9; tingnan din ang study note sa Mat 2:23.

Anak ni David: Sa pagtawag kay Jesus na “Anak ni David,” hayagang kinilala ni Bartimeo na si Jesus ang Mesiyas.​—Tingnan ang study note sa Mat 1:1, 6; 15:25.

Rabboni: Salitang Semitiko na nangangahulugang “Aking Guro.” Posibleng noong una, ang “Rabboni” ay mas magalang at mas magiliw kaysa sa “Rabbi,” isang titulong nangangahulugang “Guro.” (Ju 1:38) Pero noong isulat ito ni Juan, posibleng nawala na ang espesyal na kahulugan ng hulapi (“-i” na nangangahulugang “aking”) sa salitang ito, dahil isinalin na lang itong “Guro” ni Juan.​—Ju 20:16.

Media