Ayon kay Marcos 14:1-72

14  Dalawang araw na lang at ipagdiriwang na ang Paskuwa+ at ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa.+ At ang mga punong saserdote at mga eskriba ay naghahanap ng tusong* paraan para madakip si Jesus at mapatay;+ 2  dahil sinasabi nila: “Huwag sa kapistahan; baka magkagulo ang mga tao.” 3  At habang siya ay nasa Betania at kumakain* sa bahay ni Simon na ketongin, isang babae ang dumating na may boteng alabastro na naglalaman ng mabangong langis na gawa sa nardo, puro at napakamamahalin. Binuksan niya ang boteng alabastro at ibinuhos ang langis sa ulo ni Jesus.+ 4  Dahil dito, nagalit ang ilan at sinabi nila sa isa’t isa: “Bakit niya inaaksaya ang mabangong langis? 5  Puwede sanang ipagbili ang mabangong langis na iyan sa mahigit na 300 denario+ at ibigay ang pera sa mahihirap!” At inis na inis sila sa babae.* 6  Pero sinabi ni Jesus: “Hayaan ninyo siya. Bakit ninyo siya ginugulo? Mabuti ang ginawa niya sa akin.+ 7  Lagi ninyong kasama ang mahihirap,+ at puwede ninyo silang gawan ng mabuti kahit kailan ninyo gusto, pero hindi ninyo ako laging makakasama.+ 8  Ginawa niya ang magagawa niya; binuhusan niya ako ng mabangong langis bilang paghahanda sa libing ko.+ 9  Sinasabi ko sa inyo, saanman sa mundo ipangaral ang mabuting balita,+ ang ginawa ng babaeng ito ay sasabihin din bilang pag-alaala sa kaniya.”+ 10  At si Hudas Iscariote, na isa sa 12 apostol, ay nagpunta sa mga punong saserdote para tulungan silang dakpin si Jesus.+ 11  Nang marinig nila ang alok ni Hudas, natuwa sila at nangako silang bibigyan nila siya ng perang pilak.+ Kaya naghanap siya ng pagkakataon para maibigay si Jesus sa kaaway. 12  Ngayon, nang unang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa,+ kung kailan kaugalian nilang ihandog ang hain para sa Paskuwa,+ sinabi sa kaniya ng mga alagad niya: “Saan mo kami gustong pumunta at maghanda ng hapunan para sa Paskuwa?”+ 13  Kaya isinugo niya ang dalawa sa mga alagad niya. Sinabi niya sa kanila: “Pumunta kayo sa lunsod, at sasalubungin kayo ng isang taong may dalang banga ng tubig. Sundan ninyo siya,+ 14  at saanman siya pumasok ay sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinapasabi ng Guro: “Nasaan ang silid para sa bisita kung saan puwede akong kumain ng hapunan para sa Paskuwa kasama ang mga alagad ko?”’ 15  At ipapakita niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas, na nakaayos at nakahanda na. Ihanda ninyo ang hapunan natin doon.” 16  Kaya umalis ang mga alagad, at pumasok sila sa lunsod, at nangyari ang lahat ng sinabi niya sa kanila, at naghanda sila para sa Paskuwa. 17  Pagsapit ng gabi, dumating siya kasama ang 12 apostol.+ 18  At habang nakaupo* sila sa mesa at kumakain, sinabi ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, isa sa inyo na kumakaing kasama ko ang magtatraidor sa akin.”+ 19  Nalungkot sila at isa-isang nagsabi sa kaniya: “Hindi ako iyon, hindi ba?” 20  Sinabi niya sa kanila: “Isa siya sa 12 apostol, na kasabay kong nagsasawsaw sa mangkok.+ 21  Ang Anak ng tao ay aalis, gaya ng nasusulat tungkol sa kaniya, pero kaawa-awa ang taong iyon na magtatraidor sa Anak ng tao!+ Mas mabuti pa para sa taong iyon kung hindi siya ipinanganak.”+ 22  At habang kumakain sila, kumuha siya ng tinapay, nanalangin, pinagpira-piraso ito, ibinigay sa kanila, at sinabi: “Kunin ninyo ito; sumasagisag ito sa aking katawan.”+ 23  Matapos kumuha ng isang kopa, nagpasalamat siya sa Diyos, ibinigay niya sa kanila ang kopa, at uminom silang lahat mula rito.+ 24  At sinabi niya sa kanila: “Sumasagisag ito sa aking ‘dugo+ para sa tipan,’+ na ibubuhos alang-alang sa marami.+ 25  Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom pa ng alak hanggang sa dumating ang araw na iinom ako ng bagong alak sa Kaharian ng Diyos.”+ 26  At pagkatapos umawit ng mga papuri, pumunta sila sa Bundok ng mga Olibo.+ 27  At sinabi ni Jesus sa kanila: “Iiwan ninyo akong lahat,* dahil nasusulat: ‘Sasaktan ko ang pastol,+ at ang mga tupa ay mangangalat.’+ 28  Pero matapos akong buhaying muli, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”+ 29  Pero sinabi sa kaniya ni Pedro: “Kahit na iwan ka nilang lahat,* hindi kita iiwan.”+ 30  Kaya sinabi ni Jesus sa kaniya: “Sinasabi ko sa iyo, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang tandang nang dalawang beses, ikakaila mo ako nang tatlong ulit.”+ 31  Pero iginigiit niya: “Kahit na mamatay akong kasama mo, hinding-hindi kita ikakaila.” Ganoon din ang sinabi ng lahat ng iba pa.+ 32  At nagpunta sila sa lugar na tinatawag na Getsemani, at sinabi niya sa mga alagad niya: “Umupo kayo rito habang nananalangin ako.”+ 33  Isinama niya sina Pedro, Santiago, at Juan.+ At nabagabag siya nang husto at naghirap ang kalooban niya. 34  Sinabi niya sa kanila: “Sukdulan* ang kalungkutang nararamdaman ko.+ Dito lang kayo at patuloy na magbantay.”+ 35  Matapos lumayo nang kaunti, sumubsob siya sa lupa at nanalangin na kung maaari ay hindi na niya pagdaanan ang sandaling ito. 36  At sinabi niya: “Abba, Ama,+ ang lahat ng bagay ay posible sa iyo; alisin mo sa akin ang kopang ito. Pero mangyari nawa, hindi ang gusto ko, kundi ang gusto mo.”+ 37  Bumalik siya at nadatnan niya silang natutulog, at sinabi niya kay Pedro: “Simon, natutulog ka? Wala ka bang lakas para magbantay kahit isang oras?+ 38  Patuloy kayong magbantay at manalangin para hindi kayo mahulog sa tukso.+ Totoo naman, gusto ng puso, pero mahina ang laman.”+ 39  At umalis siya uli at nanalangin, na ganoon din ang sinasabi.+ 40  Pagbalik niya, nadatnan niya uli silang natutulog dahil antok na antok na sila, kaya hindi nila malaman kung ano ang isasagot sa kaniya. 41  At bumalik siya sa ikatlong pagkakataon at sinabi sa kanila: “Sa panahong gaya nito ay natutulog kayo at nagpapahinga? Tama na! Dumating na ang oras!+ Ibibigay na ang Anak ng tao sa kamay ng mga makasalanan. 42  Tumayo kayo, at umalis na tayo. Parating na ang magtatraidor sa akin.”+ 43  Agad-agad, habang nagsasalita pa siya, dumating si Hudas, na isa sa 12 apostol, kasama ang maraming taong may mga espada at pamalo. Isinugo sila ng mga punong saserdote at mga eskriba at matatandang lalaki.+ 44  Ang magtatraidor sa kaniya ay nagbigay na sa kanila ng isang palatandaan. Sinabi niya: “Kung sino ang hahalikan ko, siya iyon; dakpin ninyo siya at bantayang mabuti.” 45  Lumapit siya agad kay Jesus at nagsabi, “Rabbi!” at magiliw itong hinalikan. 46  Kaya sinunggaban nila ito at inaresto. 47  Pero ang isa sa mga nakatayo roon ay humugot ng espada. Tinaga niya ang alipin ng mataas na saserdote, at natagpas ang tainga nito.+ 48  Sinabi ni Jesus sa kanila: “Magnanakaw ba ako at may dala pa kayong mga espada at pamalo para arestuhin ako?+ 49  Araw-araw akong nasa templo kasama ninyo at nagtuturo,+ pero hindi ninyo ako hinuhuli. Gayunman, nangyari ito para matupad ang Kasulatan.”+ 50  At tumakas silang lahat at iniwan siya.+ 51  Pero isang kabataang lalaki, na ang suot lang ay magandang klase ng lino, ang sumunod sa kaniya sa malapit. Nang tangkain itong dakpin ng mga tao, 52  naiwan nito ang damit na lino at tumakas nang hubad. 53  Dinala nila ngayon si Jesus sa mataas na saserdote,+ at ang lahat ng punong saserdote at matatandang lalaki at mga eskriba ay nagtipon.+ 54  Pero mula sa malayo ay sinundan siya ni Pedro hanggang sa looban ng bahay ng mataas na saserdote. Si Pedro ay umupong kasama ng mga tagapaglingkod sa bahay at nagpainit sa harap ng apoy.+ 55  Samantala, ang mga punong saserdote at ang buong Sanedrin ay naghahanap ng testimonya laban kay Jesus para maipapatay siya, pero wala silang mahanap.+ 56  Marami ang nagbibigay ng gawa-gawang testimonya laban sa kaniya,+ pero hindi nagkakatugma ang mga ito. 57  May ilan din na humaharap at nagbibigay ng gawa-gawang testimonya laban sa kaniya. Sinasabi nila: 58  “Narinig naming sinabi niya, ‘Ibabagsak ko ang templong ito na ginawa ng mga kamay, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng iba na hindi ginawa ng mga kamay.’”+ 59  Pero kahit sa bagay na ito, hindi nagkakatugma ang mga testimonya nila. 60  Pagkatapos, ang mataas na saserdote ay tumayo sa gitna nila at nagtanong kay Jesus: “Wala ka bang isasagot? Ano itong sinasabi nila laban sa iyo?”+ 61  Pero nanatili siyang tahimik at hindi sumagot.+ Muli siyang tinanong ng mataas na saserdote: “Ikaw ba ang Kristo, ang Anak ng Kataas-taasan?” 62  Pagkatapos, sinabi ni Jesus: “Ako nga; at makikita ninyo ang Anak ng tao+ na nakaupo sa kanan+ ng Makapangyarihan-sa-Lahat at dumarating na kasama ng mga ulap sa langit.”+ 63  Nang marinig ito ng mataas na saserdote, pinunit niya ang damit niya at sinabi: “Bakit kailangan pa natin ng mga testigo?+ 64  Narinig ninyo ang pamumusong* niya. Ano ang desisyon ninyo?”* Lahat sila ay humatol na nararapat siyang mamatay.+ 65  At dinuraan siya ng ilan,+ tinakpan ang mukha niya, at sinuntok siya at sinabi sa kaniya: “Manghula ka!” At matapos siyang sampalin, kinuha siya ng mga tagapaglingkod ng hukuman.+ 66  Habang si Pedro ay nasa ibaba sa looban, dumating ang isa sa mga alilang babae ng mataas na saserdote.+ 67  Pagkakita kay Pedro na nagpapainit, tumitig ang babae sa kaniya at nagsabi: “Kasama ka rin ng Nazareno, ng Jesus na iyon.” 68  Pero ikinaila niya ito: “Hindi ko siya kilala at hindi ko alam* ang sinasabi mo.” At pumunta siya sa may labasan. 69  Nakita siya roon ng alilang babae at sinabi nito sa mga nakatayo roon: “Isa siya sa kanila.”+ 70  Muli niya itong ikinaila. Mayamaya, ang mga nakatayo roon ay muling nagsabi kay Pedro: “Siguradong isa ka sa kanila, dahil taga-Galilea ka.” 71  Pero sinabi ni Pedro na sumpain nawa siya kung nagsisinungaling siya. At sumumpa siya: “Hindi ko kilala ang taong sinasabi ninyo!” 72  Agad na tumilaok ang tandang sa ikalawang pagkakataon,+ at naalaala ni Pedro ang sinabi ni Jesus sa kaniya: “Bago tumilaok ang tandang nang dalawang beses, ikakaila mo ako nang tatlong ulit.”+ At nanlupaypay siya at humagulgol.

Talababa

O “mapanlinlang na.”
O “nakahilig sa mesa.”
O “At pinagalitan nila ang babae.”
O “nakahilig.”
Lit., “Matitisod kayong lahat.”
Lit., “Kahit na matisod silang lahat.”
O “Nakamamatay.”
Tingnan sa Glosari.
O “Ano sa tingin ninyo?”
O “Hindi ko alam at hindi ko maintindihan.”

Study Notes

Dalawang araw na lang: Ang nakaulat sa Mar 14:1, 2 ay nangyari noong Nisan 12; sinasabi sa teksto na dalawang araw na lang ay Paskuwa na (Nisan 14; tingnan ang study note sa Mat 26:2) at Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa (Nisan 15-21; tingnan sa Glosari).—Tingnan ang Ap. A7, B12, B15, at study note sa Mar 14:3, 10.

habang siya ay nasa Betania: Ang nakaulat sa Mar 14:3-9 ay maliwanag na naganap paglubog ng araw, sa pasimula ng Nisan 9. Pinapatunayan iyan ng kaparehong ulat sa Juan, kung saan sinabing dumating si Jesus sa Betania “anim na araw bago ang Paskuwa.” (Ju 12:1) Malamang na nakarating siya roon sa pasimula (sa paglubog ng araw) ng Sabbath noong Nisan 8, ang araw bago ang hapunan sa bahay ni Simon.—Ju 12:2-11; tingnan ang Ap. A7 at B12.

Simon na ketongin: Ang Simon na ito ay dito lang binanggit at sa kaparehong ulat sa Mat 26:6. Malamang na isa siya sa mga ketongin na pinagaling ni Jesus.—Tingnan ang study note sa Mat 8:2 at Glosari, “Ketong; Ketongin.”

isang babae: Tingnan ang study note sa Mat 26:7.

boteng alabastro: Tingnan sa Glosari, “Alabastro.”

mabangong langis: Sinabi ni Juan na isang libra ang bigat nito. Espesipikong iniulat nina Marcos at Juan na nagkakahalaga ito nang “mahigit na 300 denario.” (Mar 14:5; Ju 12:3-5) Katumbas iyan ng mga isang-taóng sahod ng karaniwang trabahador. Sinasabing ang mabangong langis na ito ay galing sa mabangong halaman (Nardostachys jatamansi) na matatagpuan sa kabundukan ng Himalaya. Ang nardo ay karaniwan nang hinahaluan, o pinepeke pa nga, pero parehong binanggit nina Marcos at Juan na puro ang langis na ginamit ng babae.​—Tingnan sa Glosari, “Nardo.”

ibinuhos ang langis sa ulo ni Jesus: Sa ulat nina Mateo at Marcos, ibinuhos ng babae ang langis sa ulo ni Jesus. (Mat 26:7) Pero sa ulat ni Juan, na isinulat makalipas ang maraming taon, binanggit niyang ibinuhos din ito ng babae sa paa ni Jesus. (Ju 12:3) Sinabi ni Jesus na ang ginawang ito ng babae, na udyok ng pag-ibig, ay para bang paghahanda sa kaniya sa libing.—Tingnan ang study note sa Mar 14:8.

300 denario: Ang sinabi lang ni Mateo sa ulat niya ay “malaking halaga.” (Mat 26:9) Mas espesipiko ang ulat nina Marcos at Juan.​—Tingnan ang study note sa Mar 14:3; Glosari, “Denario”; at Ap. B14.

binuhusan niya ako ng mabangong langis: Ginawa ito ng babae (tingnan ang study note sa Mat 26:7) dahil sa pag-ibig at pagpapahalaga kay Jesus. Sinabi ni Jesus na hindi alam ng babae na naihahanda na pala niya ang katawan ni Jesus para sa libing, dahil karaniwan nang pinapahiran ng mabangong langis at iba pang pamahid ang katawan ng namatay.—2Cr 16:14.

Sinasabi ko sa inyo: Tingnan ang study note sa Mat 5:18.

saanman sa mundo ipangaral: Lit., “saanman sa buong mundo ipangaral.” Gaya ng hula ni Jesus sa Mar 13:10, sinasabi niya rito na ang mabuting balita ay ipangangaral sa buong mundo, at kasama rito ang ginawa ng babaeng ito udyok ng kaniyang debosyon. Ipinasulat ng Diyos sa tatlong manunulat ng Ebanghelyo ang ginawa ng babae.—Mat 26:12, 13; Ju 12:7; tingnan ang study note sa Mar 13:10.

At: Ang mababasa sa talata 10 at 11 ay nangyari noong Nisan 12, kung kailan nangyari din ang nakaulat sa Mar 14:1, 2.​—Tingnan ang Ap. A7, B12, at study note sa Mar 14:1, 3.

Iscariote: Tingnan ang study note sa Mat 10:4.

perang pilak: Lit., “pilak,” ang pilak na ginagamit na pera noon. Ayon sa Mat 26:15, nagkakahalaga ito nang “30 pirasong pilak.” Si Mateo lang ang manunulat ng Ebanghelyo na nag-ulat kung magkano ang ibinayad kay Hudas para magtraidor siya kay Jesus. Posibleng ito ay 30 siklong pilak na gawa sa Tiro. Makikita sa halagang ito kung gaano kababa ang tingin ng mga punong saserdote kay Jesus, dahil sa Kautusan, halaga lang ito ng isang alipin. (Exo 21:32) Nang hingin ni propeta Zacarias ang kabayaran niya mula sa di-tapat na mga Israelita para sa pagganap niya ng kaniyang atas bilang propeta sa bayan ng Diyos, “30 pirasong pilak” din ang ibinigay nila sa kaniya, na nagpapakitang kasinghalaga lang siya ng alipin para sa kanila.—Zac 11:12, 13.

nang unang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa: Ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa ay nagsisimula nang Nisan 15, ang araw pagkatapos ng Paskuwa (Nisan 14), at umaabot ito nang pitong araw. (Tingnan ang Ap. B15.) Pero noong panahon ni Jesus, masyado nang napag-ugnay ang Paskuwa at ang kapistahang ito kaya ang buong walong araw, kasama ang Nisan 14, ay tinutukoy kung minsan na “Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa.” (Luc 22:1) Ang araw na tinutukoy sa tekstong ito ay Nisan 14 dahil sinasabing ito ang araw kung kailan kaugalian nilang ihandog ang hain para sa Paskuwa. (Exo 12:6, 15, 17, 18; Lev 23:5; Deu 16:1-8) Ang nakaulat sa talata 12-16 ay malamang na nangyari noong hapon ng Nisan 13 bilang paghahanda para sa Paskuwa, na ipinagdiriwang “pagsapit ng gabi,” ang pasimula ng Nisan 14.​—Mar 14:17, 18; tingnan ang Ap. B12 at study note sa Mat 26:17.

Pagsapit ng gabi: Ang gabi na pasimula ng Nisan 14.—Tingnan ang Ap. A7 at B12.

kasabay kong nagsasawsaw: Karaniwan nang nagkakamay ang mga tao noon kapag kumakain, o kaya ay gumagamit sila ng piraso ng tinapay bilang kutsara. Ang ekspresyong ito ay puwede ring mangahulugan na “kumaing magkasama.” Ang pagkain na kasama ng isang tao ay nagpapakita ng malapít na pagkakaibigan. Kaya ang pagsira sa ganitong pagkakaibigan ay itinuturing na pinakamasamang klase ng pagtatraidor.—Aw 41:9; Ju 13:18.

mangkok: Ang salitang Griego ay tumutukoy sa isang medyo malalim na mangkok na ginagamit sa pagkain. Sa ilang sinaunang manuskrito, ang ginamit dito ay “iisang mangkok,” pero mas marami sa pinakalumang mga manuskrito ang gumamit ng “mangkok.”

kumuha siya ng tinapay . . . pinagpira-piraso ito: Tingnan ang study note sa Mat 26:26.

nanalangin: O “bumigkas ng pagpapala.” Maliwanag na tumutukoy sa panalangin ng papuri at pasasalamat sa Diyos.

sumasagisag: Tingnan ang study note sa Mat 26:26.

dugo para sa tipan: Tingnan ang study note sa Mat 26:28.

iinom ako ng bagong alak: Tingnan ang study note sa Mat 26:29.

papuri: Tingnan ang study note sa Mat 26:30.

bago tumilaok ang tandang: Mababasa sa apat na Ebanghelyo ang pananalitang ito, pero si Marcos lang ang nagsabi na dalawang beses titilaok ang tandang. (Mat 26:34, 74, 75; Mar 14:72; Luc 22:34, 60, 61; Ju 13:38; 18:27) Ang ulat na iyan ay sinusuportahan ng Mishnah, dahil ayon dito, nag-aalaga ng tandang sa Jerusalem noong panahon ni Jesus. Malamang na madaling-araw noon nang tumilaok ang tandang.—Tingnan ang study note sa Mar 13:35.

Getsemani: Tingnan ang study note sa Mat 26:36.

patuloy na magbantay: Lit., “manatiling gisíng.” Idiniin ni Jesus sa mga alagad niya ang kahalagahan ng pananatiling gisíng sa espirituwal dahil hindi nila alam ang araw at oras ng pagdating niya. (Tingnan ang study note sa Mat 24:42; 25:13; Mar 13:35.) Inulit niya ang paalaalang ito dito at sa Mar 14:38, kung saan iniugnay niya sa pananatiling gisíng ang pagiging matiyaga sa panalangin. May mababasang katulad na payo sa buong Kristiyanong Griegong Kasulatan, na nagpapakitang mahalagang manatiling alerto sa espirituwal ang tunay na mga Kristiyano.—1Co 16:13; Col 4:2; 1Te 5:6; 1Pe 5:8; Apo 16:15.

sumubsob siya sa lupa: Ganito rin ang pananalita sa kaparehong ulat sa Mat 26:39. Iba-iba ang posisyon sa pananalangin na mababasa sa Bibliya; may mga nakatayo at may nakaluhod. Pero masasabing ang pinakamapagpakumbabang posisyon ay ang pagdapa habang marubdob na nananalangin.

Abba: Transliterasyon sa Griego ng salitang Hebreo o Aramaiko na tatlong beses lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Ro 8:15; Gal 4:6) Literal itong nangangahulugang “ang ama” o “O Ama.” May lambing ito gaya ng salitang Ingles na “papa” at dignidad na gaya ng salitang “ama”—di-pormal pero magalang pa rin. Isa ito sa mga unang salita na natututuhan ng mga bata; pero sa sinaunang mga akdang Hebreo at Aramaiko, ginagamit din ito ng isang adultong anak kapag nakikipag-usap sa ama niya. Kaya hindi ito isang titulo kundi isang magiliw na tawag sa ama. Ang paggamit ni Jesus ng ekspresyong ito ay nagpapakitang talagang malapít siya at nagtitiwala sa kaniyang Ama.

Ama: Ang lahat ng tatlong paglitaw ng Abba ay sinusundan ng saling ho pa·terʹ sa Griego, na literal na nangangahulugang “ang ama” o “O Ama.”

alisin mo sa akin ang kopang ito: Sa Bibliya, ang “kopa” ay sumasagisag sa kalooban ng Diyos, o “nakalaang bahagi,” para sa isang tao. (Tingnan ang study note sa Mat 20:22.) Talagang nababahala si Jesus na masiraang-puri ang Diyos dahil sa kamatayan niya bilang isa na inakusahan ng pamumusong at sedisyon, kaya hiniling niya sa panalangin na alisin sa kaniya ang “kopang ito.”

puso: Tingnan ang study note sa Mat 26:41.

laman: Tingnan ang study note sa Mat 26:41.

antok na antok na sila: Lit., “mabigat ang mga mata nila.” Isang idyomang Griego na puwede ring isaling “hindi nila mapanatiling bukás ang mata nila.”

magiliw itong hinalikan: Ang pandiwang Griego na isinaling “magiliw itong hinalikan” ay pinatinding anyo ng pandiwang “hahalikan” na ginamit sa Mar 14:44. Ipinapakita ng magiliw na pagbati ni Hudas kay Jesus kung gaano kalala ang pagiging tuso at mapagkunwari niya.

isa sa mga nakatayo roon: Ipinapakita sa kaparehong ulat sa Ju 18:10 na si Simon Pedro ang humugot ng espada at ang pangalan ng alipin ng mataas na saserdote ay Malco. Mababasa rin sa Lucas (22:50) at Juan (18:10) ang karagdagang detalye na “kanang tainga” ang natagpas.

Tinaga niya ang alipin ng mataas na saserdote: Tingnan ang study note sa Ju 18:10.

Marcos: Mula sa pangalang Latin na Marcus. Marcos ang Romanong apelyido ni “Juan” na binanggit sa Gaw 12:12. Ang kaniyang ina ay si Maria, isa sa mga unang alagad na nakatira sa Jerusalem. Si Juan Marcos ay “pinsan ni Bernabe” (Col 4:10), na nakasama niya sa paglalakbay. Naglakbay rin si Marcos kasama ni Pablo at iba pang misyonerong Kristiyano noon. (Gaw 12:25; 13:5, 13; 2Ti 4:11) Hindi binanggit sa Ebanghelyo kung sino ang sumulat nito, pero sinasabi ng mga manunulat noong ikalawa at ikatlong siglo C.E. na si Marcos ang sumulat nito.

isang kabataang lalaki: Si Marcos lang ang nag-ulat ng pangyayaring ito sa talata 51 at 52. Malamang na ang kabataang lalaking ito ang siya mismong sumulat nito. Lumilitaw na kahit paano ay nakasama ni Marcos si Jesus.—Tingnan ang study note sa Mar Pamagat.

hubad: Tingnan ang study note sa Mat 25:36.

mataas na saserdote: Noong hindi pa nasasakop ang bansang Israel, panghabambuhay ang panunungkulan ng mataas na saserdote. (Bil 35:25) Pero noong nasakop ito ng Roma, ang mga tagapamahalang inatasan ng Roma ay binigyan ng awtoridad na mag-atas at magpatalsik ng mataas na saserdote. Ang mataas na saserdote na nanguna sa paglilitis kay Jesus ay si Caifas (Mat 26:3, 57), isang mahusay na diplomatiko na nanungkulan nang mas mahaba kaysa sa mga nauna sa kaniya. Itinalaga siya noong mga 18 C.E. at nanatili sa puwesto hanggang mga 36 C.E.—Tingnan ang Glosari at Ap. B12 para sa posibleng lokasyon ng bahay ni Caifas.

Sanedrin: Tingnan ang study note sa Mat 26:59.

hindi nagkakatugma ang mga testimonya nila: Si Marcos lang ang manunulat ng Ebanghelyo na nagsabing hindi magkakatugma ang testimonya ng mga testigo sa paglilitis kay Jesus.

Kristo: Tingnan ang study note sa Mat 11:2.

kanan ng Makapangyarihan-sa-Lahat: Tingnan ang study note sa Mat 26:64.

pinunit niya ang damit niya: Pagpapakita ito ng matinding galit. Pero malamang na pinunit ni Caifas ang damit niya sa bandang dibdib para gawing eksaherado ang pagpapakita niya ng galit sa sinabi ni Jesus.

Manghula ka!: Dito, sinasabi nila kay Jesus na kung siya ang Kristo, makakapanghula siya sa tulong ng Diyos. Makikita sa konteksto na tinakpan ng mga mang-uusig ni Jesus ang mukha niya, at mababasa sa kaparehong ulat sa Mat 26:68 ang buong sinabi nila: “Ikaw na Kristo, hulaan mo nga kung sino ang nanakit sa iyo.” Ibig sabihin, hinahamon nila si Jesus na hulaan kung sino ang nanakit sa kaniya habang nakapiring siya.—Tingnan ang study note sa Mat 26:68; Luc 22:64.

labasan: Tingnan ang study note sa Mat 26:71.

sumumpa: Tingnan ang study note sa Mat 26:74.

tumilaok ang tandang: Mababasa sa apat na Ebanghelyo ang pangyayaring ito, pero si Marcos lang ang nagsabi na titilaok ang tandang sa ikalawang pagkakataon. (Mat 26:34, 74, 75; Mar 14:30; Luc 22:34, 60, 61; Ju 13:38; 18:27) Ang ulat na iyan ay sinusuportahan ng Mishnah, dahil ayon dito, nag-aalaga ng tandang sa Jerusalem noong panahon ni Jesus. Malamang na tumilaok ang tandang bago magbukang-liwayway.​—Tingnan ang study note sa Mar 13:35.

Media