Ayon kay Marcos 5:1-43

5  Nakarating sila sa kabilang ibayo ng lawa, sa lupain ng mga Geraseno.+ 2  At pagkababang-pagkababa ni Jesus ng bangka, isang lalaking sinasapian ng masamang* espiritu ang sumalubong sa kaniya mula sa mga libingan. 3  Nakatira siya sa mga libingan; at kapag iginagapos siya, palagi siyang nakakawala, kahit kadena pa ang gamitin. 4  Madalas ikadena ang mga paa at kamay niya, pero nilalagot at dinudurog niya ang mga ito. Walang sinuman ang makapigil sa kaniya. 5  Araw at gabi, sumisigaw siya sa mga libingan at sa mga bundok at hinihiwa ang sarili niya ng bato. 6  Pero nang makita niya si Jesus mula sa malayo, tumakbo siya at yumukod sa kaniya.+ 7  At sumigaw siya nang malakas: “Bakit nandito ka, Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Sumumpa ka sa Diyos na hindi mo ako pahihirapan.”+ 8  Sumigaw siya nang ganiyan dahil sinasabi sa kaniya ni Jesus: “Masamang espiritu, lumabas ka mula sa taong iyan.”+ 9  Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang pangalan mo?” Sumagot ito: “Ang pangalan ko ay Hukbo, dahil marami kami.” 10  At paulit-ulit siyang nakiusap kay Jesus na huwag palayasin ang mga espiritu mula sa lupain.+ 11  Isang malaking kawan ng mga baboy+ ang nanginginain noon sa bundok.+ 12  Kaya nagmakaawa sa kaniya ang mga espiritu: “Payagan mo kaming pumasok sa mga baboy.” 13  At pinayagan niya sila. Kaya lumabas ang masasamang espiritu at pumasok sa mga baboy, at ang mga baboy, na mga 2,000, ay nagtakbuhan sa bangin at nahulog sa lawa at nalunod. 14  Pero ang mga tagapag-alaga ng baboy ay nagtakbuhan at ipinamalita ito sa lunsod at sa kalapít na mga lugar, at dumating ang mga tao para tingnan ang nangyari.+ 15  Kaya pumunta sila kay Jesus, at nakita nila ang lalaking dating sinasapian ng hukbo ng mga demonyo; nakaupo ito at nakadamit at nasa matinong pag-iisip. Natakot sila. 16  Ibinalita sa kanila ng mga nakasaksi kung ano ang nangyari sa lalaking sinasapian ng demonyo at sa mga baboy. 17  Kaya nakiusap sila kay Jesus na umalis sa lugar nila.+ 18  Habang pasakay siya sa bangka, ang lalaki na dating sinasapian ng demonyo ay nakiusap sa kaniya na isama siya.+ 19  Pero hindi pumayag si Jesus. Sinabi niya: “Umuwi ka sa pamilya mo at mga kamag-anak, at ibalita mo sa kanila ang lahat ng ginawa ni Jehova para sa iyo at ang awa na ipinakita niya sa iyo.” 20  Umalis ang lalaki at ipinamalita sa Decapolis ang lahat ng ginawa ni Jesus para sa kaniya, at namangha ang lahat ng tao. 21  Muling tumawid si Jesus sa kabilang ibayo sakay ng bangka. Napakaraming tao ang pumunta sa kaniya sa tabi ng lawa.+ 22  Isa sa mga punong opisyal ng sinagoga, na Jairo ang pangalan, ang dumating. Nang makita niya si Jesus, sumubsob siya sa paanan nito.+ 23  Maraming ulit siyang nakiusap sa kaniya: “Malubha ang lagay ng* anak ko. Pakiusap, sumama ka sa akin at ipatong mo sa kaniya ang mga kamay mo+ para gumaling siya at mabuhay.” 24  Kaya sumama si Jesus sa kaniya. At maraming tao ang sumusunod at sumisiksik sa kaniya. 25  Ngayon, may isang babae na 12 taon nang dinudugo.+ 26  Nahirapan siya sa kamay ng maraming manggagamot at naubos na ang lahat ng pag-aari niya, pero hindi bumuti ang kondisyon niya, sa halip, lumala pa ito. 27  Nang mabalitaan niya ang tungkol kay Jesus, nakipagsiksikan siya sa mga tao at lumapit sa likuran ni Jesus at hinipo ang damit nito,+ 28  dahil paulit-ulit niyang sinasabi: “Mahipo ko lang kahit ang damit niya, gagaling* ako.”+ 29  At tumigil agad ang pagdurugo niya at naramdaman niyang magaling na siya at wala na ang sakit na nagpapahirap sa kaniya. 30  Agad na naramdaman ni Jesus na may lumabas na kapangyarihan+ sa kaniya, at lumingon siya sa mga tao at nagsabi: “Sino ang humipo sa damit ko?”+ 31  Sinabi ng mga alagad niya: “Sinisiksik ka ng mga tao, kaya bakit mo itinatanong, ‘Sino ang humipo sa akin?’” 32  Pero tumingin siya sa paligid para makita kung sino ang gumawa nito. 33  Alam ng babae na gumaling siya. Takot na takot siya at nanginginig na lumapit kay Jesus at sumubsob sa paanan nito, at sinabi niya ang buong katotohanan. 34  Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Anak, pinagaling* ka ng pananampalataya mo. Umuwi ka na at huwag nang mag-alala.+ Wala na ang sakit na nagpapahirap sa iyo.”+ 35  Habang nagsasalita pa siya, dumating ang ilang lalaki mula sa bahay ng punong opisyal ng sinagoga. Sinabi nila: “Namatay na ang anak mo! Bakit mo pa aabalahin ang Guro?”+ 36  Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa punong opisyal ng sinagoga: “Huwag kang* matakot, manampalataya ka lang.”+ 37  Hindi niya pinahintulutang sundan siya ng sinuman maliban kina Pedro, Santiago, at sa kapatid nitong si Juan.+ 38  Kaya pumunta sila sa bahay ng punong opisyal ng sinagoga, at nakita niyang nagkakagulo ang mga tao at may mga umiiyak at humahagulgol nang malakas.+ 39  Pagpasok ni Jesus, sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo umiiyak at nagkakagulo? Hindi namatay ang bata. Natutulog lang siya.”+ 40  At pinagtawanan siya ng mga tao. Matapos niyang palabasin silang lahat, isinama niya ang ama at ina ng bata at ang mga alagad niya sa kinaroroonan ng bata. 41  Hinawakan niya ang kamay ng bata at sinabi rito: “Talita kumi,” na kapag isinalin ay nangangahulugang “Dalagita, bumangon ka!”+ 42  At agad na bumangon ang dalagita at naglakad. (Siya ay 12 taóng gulang.) Nang makita ito ng mga magulang niya, nag-umapaw sa saya ang puso nila. 43  Pero paulit-ulit* silang pinagbilinan ni Jesus na huwag itong sabihin kahit kanino,+ at sinabi niyang bigyan ang bata ng makakain.

Talababa

Lit., “maruming.”
O “Malapit nang mamatay ang.”
O “maliligtas.”
O “iniligtas.”
O “Huwag ka nang.”
O “mahigpit.”

Study Notes

lupain ng mga Geraseno: Ang rehiyon sa kabilang (sa silangang) baybayin ng Lawa ng Galilea. Hindi matukoy sa ngayon ang eksaktong hangganan ng rehiyong ito, pati ang mismong lokasyon nito. Sinasabi ng ilan na ang “lupain ng mga Geraseno” ang rehiyon sa palibot ng Kursi, malapit sa matarik na dalisdis na nasa silangang baybayin ng lawa. Iniisip naman ng iba na ito ang malaking distrito na nakapalibot sa lunsod ng Gerasa (Jarash), na makikita 55 km (34 mi) sa timog-silangan ng Lawa ng Galilea. Tinatawag itong “lupain ng mga Gadareno” sa Mat 8:28. (Tingnan ang study note sa Geraseno sa talatang ito at ang study note sa Mat 8:28.) Kahit magkaibang lugar ang binanggit, ang dalawang lupaing ito ay makikita sa iisang malawak na rehiyon sa silangang baybayin ng Lawa ng Galilea, at malamang na nagpapang-abot ang mga hangganan ng dalawang lupaing ito. Kaya hindi nagkakasalungatan ang mga ulat tungkol dito.—Tingnan din ang Ap. A7, Mapa 3B, “Mga Pangyayari sa May Lawa ng Galilea,” at Ap. B10.

Geraseno: Magkaiba ang pangalan ng lugar na ginamit sa mga kaparehong ulat ng pangyayaring ito. (Mat 8:28-34; Mar 5:1-20; Luc 8:26-39) At sa bawat ulat, iba-iba rin ang mababasa sa sinaunang mga manuskrito. Batay sa pinakamaaasahang mga manuskrito, “Gadareno” talaga ang ginamit ni Mateo at “Geraseno” naman ang ginamit nina Marcos at Lucas. Pero gaya ng makikita sa study note sa lupain ng mga Geraseno sa talatang ito, ang dalawang lugar na ito ay bahagi ng isang malaking rehiyon.

isang lalaking: Dalawang lalaki ang binanggit ng manunulat ng Ebanghelyo na si Mateo (8:28) pero isa lang ang sinabi nina Marcos at Lucas (8:27). Maliwanag na nagpokus sina Marcos at Lucas sa isa sa mga lalaking sinapian ng demonyo dahil siya ang kinausap ni Jesus at mas kapansin-pansin ang nangyari sa kaniya. Posibleng mas marahas siya at mas matagal na sinapian ng demonyo. Posible rin na matapos pagalingin ang dalawang lalaki, siya lang ang gustong sumama kay Jesus.—Mar 5:18-20.

libingan: Tingnan ang study note sa Mat 8:28.

Bakit nandito ka, . . . ?: O “Ano ang kinalaman ko sa iyo?” Ang literal na salin nito ay “Ano sa akin at sa iyo?” Ang Semitikong idyoma na ito ay makikita sa Hebreong Kasulatan (Huk 11:12, tlb.; Jos 22:24; 2Sa 16:10; 19:22; 1Ha 17:18, tlb.; 2Ha 3:13, tlb.; 2Cr 35:21; Os 14:8), at may katumbas itong pariralang Griego na ginagamit naman sa Kristiyanong Griegong Kasulatan (Mat 8:29; Mar 1:24; 5:7; Luc 4:34; 8:28; Ju 2:4). Nag-iiba ang kahulugan nito depende sa konteksto. Sa talatang ito (Mar 5:7), nangangahulugan ito ng pakikipag-away at pagpapalayas, at para sa ilan, puwede itong isalin na “Huwag mo akong pakialaman!” o “Umalis ka dito!” Sa ibang konteksto naman, nangangahulugan lang ito na may ibang pananaw ang nagsasalita o ayaw niyang makisangkot sa isang partikular na gawain pero hindi nangangahulugang nanghahamak siya, nagmamataas, o nakikipag-away.—Tingnan ang study note sa Ju 2:4.

pahihirapan: Ang kaugnay na terminong Griego ay tumutukoy sa mga tagapagbilanggo na ginamit sa Mat 18:34 (tingnan ang study note). Kaya sa kontekstong ito, lumilitaw na ang ‘pagpapahirap’ ay tumutukoy sa paggapos o pagbibilanggo sa “kalaliman” gaya ng binabanggit sa kaparehong ulat sa Luc 8:31.

Hukbo: Malamang na hindi talaga ito ang pangalan ng lalaking sinapian ng demonyo. Ipinapakita lang nito na maraming demonyo ang sumapi sa kaniya. Posibleng ang pinuno ng mga demonyong ito ang kumontrol sa lalaki para sabihing Hukbo ang pangalan niya. Noong unang siglo C.E., ang isang lehiyong Romano ay karaniwan nang binubuo ng mga 6,000 lalaki, na nagpapakitang napakaraming demonyo na sumapi sa kaniya.—Tingnan ang study note sa Mat 26:53.

baboy: Ang mga baboy ay marumi ayon sa Kautusan (Lev 11:7), pero may tindahan ng karne ng baboy sa komunidad ng mga di-Judio na nakatira sa rehiyon ng Decapolis, dahil para sa mga Griego at Romano, masarap na pagkain ang baboy. Hindi sinabi sa ulat kung ang mga tagapag-alaga ng baboy ay mga Judio na lumalabag sa Kautusan.—Mar 5:14.

ibalita mo sa kanila: Karaniwan nang iniuutos ni Jesus na huwag ipamalita ang mga himala niya (Mar 1:44; 3:12; 7:36), pero inutusan niya ang lalaking ito na sabihin sa mga kamag-anak niya ang nangyari. Posibleng ganito ang iniutos niya dahil pinaalis siya ng mga tao sa lugar na iyon kaya hindi na siya makakapagpatotoo; makakatulong din ang patotoo ng lalaki para maitama ang di-magandang balita na posibleng kumalat dahil sa pagkamatay ng mga baboy.

ang lahat ng ginawa ni Jehova para sa iyo: Sa pagsasabi nito, itinuro ni Jesus sa lalaki na hindi sa kaniya galing ang himala kundi sa kaniyang Ama sa langit. Sinusuportahan ito ng paggamit ni Lucas ng salitang Griego na The·osʹ (Diyos) sa ulat niya ng pangyayaring ito. (Luc 8:39) Kahit “Panginoon” (ho Kyʹri·os) ang ginamit sa karamihan ng manuskritong Griego sa Mar 5:19, may makatuwirang dahilan para isiping pangalan ng Diyos ang orihinal na ginamit sa tekstong ito at pinalitan lang ng titulong Panginoon. Kaya “Jehova” ang ginamit sa mismong teksto.—Tingnan ang Ap. C1 at introduksiyon ng Ap. C3; Mar 5:19.

Decapolis: O “Rehiyon ng Sampung Lunsod.”—Tingnan sa Glosari at Ap. B10.

punong opisyal ng sinagoga: Ang terminong Griego na ar·khi·sy·naʹgo·gos ay literal na nangangahulugang “tagapamahala ng isang sinagoga.”—Tingnan ang study note sa Mat 9:18.

dinudugo: Tingnan ang study note sa Mat 9:20.

sakit na nagpapahirap: Lit., “humahagupit.”​—Tingnan ang study note sa Mar 5:34.

Anak: Ang terminong Griego na ginamit dito ay tumutukoy sa isang anak na babae, at sa kaniya lang ginamit ni Jesus ang terminong ito, posibleng dahil maselan ang kalagayan niya at “nanginginig” siya. (Mar 5:33; Luc 8:47) Wala itong ipinapahiwatig tungkol sa edad ng babae, pero sa paggamit ng ganitong termino, naipakita ni Jesus ang malasakit niya sa babae.

Umuwi ka na at huwag nang mag-alala: Lit., “Umalis kang payapa.” Madalas gamitin ang idyomang ito sa Griego at Hebreong Kasulatan, at nangangahulugan itong “Maging maayos sana ang lagay mo.” (Luc 7:50; 8:48; San 2:16; ihambing ang 1Sa 1:17; 20:42; 25:35; 29:7; 2Sa 15:9; 2Ha 5:19.) Malawak ang kahulugan ng salitang Hebreo na madalas isaling “kapayapaan” (sha·lohmʹ). Tumutukoy ito sa pagiging malaya sa digmaan o kaguluhan (Huk 4:17; 1Sa 7:14; Ec 3:8), at puwede rin itong tumukoy sa kalusugan, kaligtasan, maayos na kalagayan (1Sa 25:6; 2Cr 15:5, tlb.; Job 5:24, tlb.), kapakanan (Es 10:3, tlb.), at pagkakaibigan (Aw 41:9). Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang Griego para sa “kapayapaan” (ei·reʹne) ay kasinlawak ng kahulugan ng salitang Hebreo at puwede ring tumukoy sa maayos na kalagayan, kaligtasan, at pagkakaisa, bukod pa sa mapayapang kaugnayan sa iba.

sakit na nagpapahirap sa iyo: Lit., “humahagupit sa iyo.” Ang salitang ito ay literal na tumutukoy sa isang klase ng paghagupit na kadalasang ginagamit para magpahirap. (Gaw 22:24; Heb 11:36) Pero dito, ginamit ito sa makasagisag na paraan para ilarawan kung gaano kahirap ang pinagdaraanan ng babae dahil sa sakit niya.

manampalataya ka lang: O “patuloy ka lang na manampalataya.” Ang anyo ng pandiwang Griego na ginamit dito ay puwedeng mangahulugan ng patuluyang pagkilos. Nagpakita na ng pananampalataya si Jairo nang lumapit siya kay Jesus (Mar 5:22-24), pero pinapatibay siya ngayon ni Jesus na patuloy na manampalataya kahit malapit nang mamatay ang anak niya.

Hindi namatay ang bata. Natutulog lang siya: Sa Bibliya, ang kamatayan ay madalas na ihambing sa pagtulog. (Aw 13:3; Ju 11:11-14; Gaw 7:60, tlb.; 1Co 7:39, tlb.; 15:51; 1Te 4:13, tlb.) Bubuhaying muli ni Jesus ang batang babae, kaya malamang na sinabi niya ito para ipakita na kung paanong puwedeng gisingin ang isang taong mahimbing ang tulog, puwede ring mabuhay-muli ang mga patay. Ang kapangyarihang ginamit ni Jesus para buhayin ang bata ay galing sa kaniyang Ama, “na bumubuhay ng mga patay at tumatawag sa mga bagay na wala, na para bang umiiral ang mga iyon.”—Ro 4:17.

Talita kumi: Iniulat din nina Mateo at Lucas ang pagbuhay-muli sa anak ni Jairo (Mat 9:23-26; Luc 8:49-56), pero si Marcos lang ang bumanggit sa sinabing ito ni Jesus at nagsalin nito. Ang Semitikong ekspresyon na mababasa sa ilang manuskritong Griego ay Talitha cum. Sinasabi ng ilang iskolar na Aramaiko ito, pero para sa iba, puwede itong Hebreo o Aramaiko.—Tingnan ang study note sa Mar 7:34.

nag-umapaw sa saya ang puso nila: O “manghang-mangha sila.” Ang salitang Griego na ekʹsta·sis (mula sa ek, na nangangahulugang “nawala,” at staʹsis, na nangangahulugang “pagkakatayo”) ay puwedeng tumukoy sa isang tao na nawala sa normal na pag-iisip dahil sa pagkamangha o sa isang pangitain mula sa Diyos. Ang salitang Griego ay isinaling “manghang-mangha” sa Mar 16:8 at Luc 5:26. Sa aklat ng Gawa, iniuugnay ang salitang ito sa pagkilos ng Diyos at isinaling “pangitain” sa Gaw 10:10; 11:5; 22:17.​—Tingnan ang study note sa Gaw 10:10.

Media