Ayon kay Marcos 7:1-37

7  Ang mga Pariseo at ang ilan sa mga eskriba na dumating mula sa Jerusalem ay lumapit sa kaniya.+ 2  At nakita nila ang ilan sa mga alagad niya na kumakain na marumi ang kamay, ibig sabihin, hindi nahugasan. 3  (Dahil ang mga Pariseo at ang lahat ng Judio ay hindi kumakain malibang nakapaghugas na sila ng mga kamay hanggang sa siko, bilang pagsunod sa tradisyon ng mga ninuno nila, 4  at kapag galing sila sa pamilihan, hindi sila kumakain nang hindi muna naglilinis ng sarili. Marami pa silang minanang tradisyon na sinusunod nila, gaya ng paglulubog sa tubig ng mga kopa, pitsel, at mga tansong sisidlan.)+ 5  Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at mga eskribang ito: “Bakit hindi sinusunod ng mga alagad mo ang tradisyon ng mga ninuno natin at kumakain sila na marumi ang kamay?”+ 6  Sinabi niya sa kanila: “Mga mapagkunwari, tama ang inihula ni Isaias tungkol sa inyo. Nasusulat: ‘Pinararangalan ako ng bayang ito sa pamamagitan ng mga labi nila, pero malayong-malayo ang puso nila sa akin.+ 7  Walang saysay ang patuloy na pagsamba nila sa akin, dahil mga utos ng tao ang itinuturo nila bilang doktrina.’+ 8  Binabale-wala ninyo ang utos ng Diyos at sinusunod ang tradisyon ng mga tao.”+ 9  Sinabi pa niya sa kanila: “Ang galing ninyong gumawa ng paraan para malusutan ang utos ng Diyos at masunod ang tradisyon ninyo.+ 10  Halimbawa, sinabi ni Moises, ‘Parangalan mo ang iyong ama at ina,’+ at, ‘Ang nagsasalita ng masama* sa kaniyang ama o ina ay papatayin.’+ 11  Pero sinasabi ninyo, ‘Kapag sinabi ng isa sa kaniyang ama o ina: “Anumang mayroon ako na makatutulong sa inyo ay korban (ibig sabihin, naialay na sa Diyos),”’ 12  hindi na ninyo siya hinahayaang gumawa ng anumang bagay para sa kaniyang ama o ina.+ 13  Kaya winawalang-halaga ninyo ang salita ng Diyos dahil sa tradisyong ipinamamana ninyo.+ At marami kayong ginagawa na gaya nito.”+ 14  Tinawag niyang muli ang mga tao at sinabi sa kanila: “Makinig kayo sa akin, lahat kayo, at unawain ninyo ang kahulugan nito.+ 15  Walang anumang pumapasok sa isang tao ang magpaparumi sa kaniya, kundi ang lumalabas sa kaniya ang nagpaparumi sa kaniya.”+ 16  —— 17  Nang makapasok na siya sa isang bahay na malayo sa mga tao, tinanong siya ng mga alagad niya tungkol sa ilustrasyon.+ 18  Kaya sinabi niya sa kanila: “Hindi rin ba ninyo naiintindihan? Hindi ba ninyo alam na walang anumang pumapasok sa isang tao ang magpaparumi sa kaniya, 19  dahil pumapasok ito, hindi sa puso niya, kundi sa kaniyang tiyan, at lumalabas ito papunta sa imburnal?” Sa pagsasabi nito, ipinakita niya na malinis ang lahat ng pagkain. 20  Sinabi pa niya: “Ang lumalabas sa isang tao ang nagpaparumi sa kaniya.+ 21  Dahil nanggagaling sa loob, sa puso ng tao,+ ang nakapipinsalang mga kaisipan: seksuwal na imoralidad, pagnanakaw, pagpatay, 22  pangangalunya, kasakiman, kasamaan, pandaraya, paggawi nang may kapangahasan, inggit, pamumusong,* kayabangan, at kawalang-katuwiran. 23  Ang lahat ng masasamang bagay na ito ay nagmumula sa loob at nagpaparumi sa tao.”+ 24  Mula roon ay nagpunta siya sa rehiyon ng Tiro at Sidon.+ Pumasok siya sa isang bahay at ayaw niya itong malaman ng sinuman. Pero may nakakita pa rin sa kaniya. 25  Isang babae na may anak na sinasaniban ng masamang* espiritu ang nakabalita agad tungkol sa kaniya. Pumunta siya kay Jesus at sumubsob sa paanan nito.+ 26  Ang babae ay isang Griego, na Sirofenisa ang nasyonalidad;* at paulit-ulit siyang nakiusap kay Jesus na palayasin ang demonyo mula sa anak niyang babae. 27  Pero sinabi niya sa babae: “Dapat munang mabusog ang mga anak, dahil hindi tama na kunin ang tinapay ng mga anak at ihagis ito sa maliliit na aso.”+ 28  Sumagot ang babae: “Oo, Ginoo, pero kinakain ng maliliit na aso sa ilalim ng mesa ang mga mumo ng maliliit na anak.” 29  Kaya sinabi ni Jesus: “Dahil sa sinabi mo, umuwi ka na; lumabas na ang demonyo mula sa anak mo.”+ 30  Umuwi siya at nakita ang bata na nakahiga sa higaan, at wala na ang demonyo.+ 31  Nang bumalik si Jesus sa Lawa ng Galilea mula sa rehiyon ng Tiro, dumaan siya sa Sidon at sa rehiyon ng Decapolis.+ 32  Dito ay dinala sa kaniya ng mga tao ang isang lalaking bingi at may kapansanan sa pagsasalita,+ at nakiusap sila sa kaniya na ipatong sa lalaki ang kamay niya. 33  At inilayo niya ang lalaki mula sa mga tao. Pagkatapos, inilagay niya ang mga daliri niya sa mga tainga nito, at matapos dumura, hinipo niya ang dila nito.+ 34  Tumingala siya sa langit, huminga nang malalim, at sinabi sa lalaki: “Effata,” ibig sabihin, “Mabuksan ka.” 35  At nakarinig ang lalaki.+ Nawala rin ang kapansanan niya sa pagsasalita, at nakapagsasalita na siya nang normal. 36  Pagkatapos, inutusan niya silang huwag itong sabihin kahit kanino,+ pero habang pinagbabawalan niya sila, lalo naman nila itong ipinamamalita.+ 37  Talagang namangha sila,+ at sinabi nila: “Kahanga-hanga ang lahat ng ginagawa niya. Napagagaling niya kahit ang mga pipi at bingi.”+

Talababa

O “Ang nanlalait.”
Tingnan sa Glosari.
Lit., “maruming.”
Isinilang sa Fenicia.

Study Notes

marumi ang kamay, ibig sabihin, hindi nahugasan: Makakatulong ang paliwanag ni Marcos dito at sa talata 3 at 4 sa mga mambabasang di-pamilyar sa ekspresyong “marumi ang kamay” o sa kaugalian ng mga Judio sa paghuhugas ng kamay. (Tingnan ang “Introduksiyon sa Marcos.”) Ang kaugaliang ito ay tumutukoy sa paglilinis sa seremonyal na paraan bilang pagsunod sa tradisyon at hindi para sa kalinisan. Nang maglaon, sinabi sa Babilonyong Talmud (Sotah 4b) na ang hindi paghuhugas ng kamay bago kumain ay kasimbigat ng pakikipagtalik sa babaeng bayaran. Sinabi pa nito na ang mga nagwawalang-bahala sa paghuhugas ng kamay ay “bubunutin mula sa sanlibutan.”

nakapaghugas na sila ng mga kamay: Sa Kautusang Mosaiko, kailangan muna ng mga saserdote na maghugas ng mga kamay at paa bago sila maglingkod sa altar o pumasok sa tolda ng pagpupulong. (Exo 30:18-21) Pero gaya ng mababasa sa study note sa Mar 7:2, tradisyon ng tao ang sinusunod ng mga Pariseo at iba pang Judio noong panahon ni Jesus kapag nililinis nila ang kanilang sarili sa seremonyal na paraan. Sa apat na Ebanghelyo, si Marcos lang ang bumanggit na ang paghuhugas ng kamay sa seremonyal na paraan ay umaabot hanggang sa siko.

naglilinis ng sarili: Maraming sinaunang manuskrito ang gumamit dito ng salitang Griego na ba·ptiʹzo (ilublob; ilubog), na madalas gamitin para ilarawan ang bautismong Kristiyano, pero sa Luc 11:38, tumutukoy ito sa ritwal ng paulit-ulit na paghuhugas na kaayon ng tradisyon ng mga Judio. Sa ibang sinaunang manuskrito, ginamit dito ang terminong Griego na rhan·tiʹzo, na nangangahulugang “wisikan; linisin sa pamamagitan ng pagwiwisik.” (Heb 9:13, 19, 21, 22) Anumang manuskrito ang pagbatayan, hindi magbabago ang pinakadiwa ng tekstong ito—hindi kumakain ang mga panatikong Judio malibang nakapaglinis na sila ng sarili sa seremonyal na paraan. Sa Jerusalem, may natagpuang mga ebidensiya na nagpapakitang ginagawa talaga ng mga Judio nang panahong iyon ang ritwal na paliligo, na sumusuporta sa mga manuskritong gumamit sa kontekstong ito ng pandiwang ba·ptiʹzo, “ilubog ang sarili.”

paglulubog sa tubig: Lit., “pagbabautismo.” Ginamit dito ang salitang Griego na ba·pti·smosʹ para tumukoy sa ritwal na paglilinis na ginagawa ng ilang relihiyosong Judio noong panahon ni Jesus. Binabautismuhan nila, o inilulubog sa tubig, ang mga kopa, pitsel, at tansong sisidlan na ginagamit sa pagkain.

mapagkunwari: Tingnan ang study note sa Mat 6:2.

korban: Ang salitang Griego na kor·banʹ ay salitang hiram mula sa Hebreo na qor·banʹ, na nangangahulugang “isang handog.” Ang salitang Hebreong ito ay madalas gamitin sa Levitico at Bilang para tumukoy sa mga handog na may dugo at walang dugo. (Lev 1:2, 3; 2:1; Bil 5:15; 6:14, 21) Ang kaugnay nitong salita na kor·ba·nasʹ ay ginamit sa Mat 27:6, kung saan isinalin itong “sagradong kabang-yaman.”—Tingnan ang study note sa Mat 27:6.

naialay na sa Diyos: Itinuturo ng mga eskriba at Pariseo na ang pera, pag-aari, o anumang bagay na inialay ng isa sa Diyos ay nakalaan na sa templo. Ayon sa tradisyong ito, anumang bagay na inialay ng isang anak ay puwede niyang itabi para sa sarili niyang kapakanan, at puwede niyang sabihing nakalaan na ito sa templo. Lumilitaw na may mga gustong tumakas sa pananagutan nilang pangalagaan ang mga magulang nila kaya iniaalay nila ang mga pag-aari nila sa ganitong paraan.—Mar 7:12.

Sa ilang manuskrito, mababasa rito ang pananalitang “Ang may tainga para makinig ay makinig,” pero hindi ito makikita sa maaasahang sinaunang mga manuskrito. Kaya lumilitaw na hindi ito bahagi ng orihinal na isinulat ni Marcos. Pero may katulad na pananalita na mababasa sa Mar 4:9, 23 na talagang bahagi ng Kasulatan. Iniisip ng ilang iskolar na idinagdag lang ito ng isang tagakopya bilang kapares ng pananalita sa talata 14, at ang pinagbatayan niya ay ang mga pananalita sa Mar 4:9, 23.​—Tingnan ang Ap. A3.

Sa pagsasabi nito, ipinakita niya na malinis ang lahat ng pagkain: Sa tekstong Griego, puwedeng maisip na si Jesus mismo ang nagsabi nito, pero mas marami ang naniniwala na si Marcos ang nagsabi nito bilang konklusyon sa ipinaliwanag ni Jesus. Hindi ito nangangahulugang sinasabi ni Jesus na puwede nang kainin ng mga Judio ang mga pagkaing itinuturing na marumi sa Kautusang Mosaiko. Nawalan lang ng bisa ang Kautusang iyon nang mamatay si Jesus, at dapat isaisip ang katotohanang ito sa pag-unawa sa komento ni Marcos. (Lev, kab. 11; Gaw 10:9-16; Col 2:13, 14) Para sa mga relihiyosong lider na tradisyon ng tao ang sinusunod, kahit ang “malinis” na pagkain ay makapagpaparumi sa isang tao malibang maglinis muna siya ng sarili sa seremonyal na paraan, na hindi naman hinihiling ng Kautusan. Kaya maliwanag na ito ang ibig sabihin ni Marcos: Sinasabi ni Jesus na ang mga pagkaing itinuturing na “malinis” sa Kautusang Mosaiko ay hindi makapagpaparumi sa isang tao kahit hindi siya nakapaghugas ng kamay sa seremonyal na paraan ayon sa tradisyon ng tao. Pero may ilang nagsasabi na para kay Marcos, ang sinabi ni Jesus ay tumutukoy din sa magiging kaayusan para sa mga Kristiyano sa hinaharap. Noong isulat ni Marcos ang Ebanghelyo niya, nakita na ni Pedro ang pangitain, kung saan sinabi sa kaniya na “nilinis na ng Diyos” ang mga pagkaing itinuturing noon na marumi sa Kautusang Mosaiko, at ang pananalitang iyan ay katulad ng nasa ulat ni Marcos. (Gaw 10:13-15) Anuman ang totoo, maliwanag na hindi si Jesus ang nagsabi ng pananalitang ito, kundi komento ito ni Marcos sa kahulugan ng sinabi ni Jesus, na isinulat niya sa patnubay ng espiritu.

seksuwal na imoralidad: Tingnan ang study note sa Mat 15:19.

pangangalunya: Ginamit dito ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego para sa “pangangalunya” (moi·kheiʹa), at puwede itong isaling “mga kaso ng pangangalunya.”—Tingnan sa Glosari.

paggawi nang may kapangahasan: O “paggawi nang walang kahihiyan.” Ang salitang Griego na a·selʹgei·a ay tumutukoy sa mabigat na paglabag sa mga batas ng Diyos at sa pagiging pangahas at lapastangan.—Tingnan sa Glosari.

inggit: Lit., “masamang mata.” Ginamit dito ang terminong “mata” sa makasagisag na paraan, at tumutukoy ito sa intensiyon, saloobin, o damdamin ng isang tao. Ang “inggit” sa tekstong ito ay puwede ring isaling “mainggiting mata.”—Tingnan ang study note sa Mat 6:23; 20:15.

isang Griego: Ang babaeng ito na di-Israelita ay malamang na may dugong Griego.

Sirofenisa: Ang ekspresyong ito, na kombinasyon ng “Siryano” at “taga-Fenicia,” ay posibleng nabuo dahil ang Fenicia ay bahagi ng Romanong lalawigan ng Sirya.—Tingnan ang study note sa Mat 15:22, kung saan sinabing ang babae ay ‘mula sa Fenicia,’ o isang “Canaanita.”

mga anak . . . maliliit na aso: Dahil ang mga aso ay itinuturing na marumi sa Kautusang Mosaiko, madalas gamitin ang terminong ito sa Kasulatan sa negatibong paraan. (Lev 11:27; Mat 7:6; Fil 3:2, tlb.; Apo 22:15) Pero sa ulat nina Mateo (15:26) at Marcos tungkol sa pakikipag-usap na ito ni Jesus, pareho silang gumamit ng pangmaliit na anyo ng termino para sa aso na nangangahulugang “maliit na aso” o “alagang aso sa bahay,” kaya hindi ito nakakainsulto. Ipinapahiwatig nito na ang ginamit ni Jesus ay isang malambing na termino para sa mga alagang aso sa tahanan ng mga di-Judio. Dahil itinulad ni Jesus ang mga Israelita sa “mga anak” at ang mga di-Judio sa “maliliit na aso,” maliwanag na gusto lang sabihin ni Jesus kung sino ang dapat unahin. Sa isang bahay na may mga anak at aso, ang mga anak muna ang pakakainin.

Decapolis: Tingnan sa Glosari at Ap. B10.

isang lalaking bingi at may kapansanan sa pagsasalita: Si Marcos lang ang nag-ulat sa pagpapagaling ni Jesus sa isang lalaking bingi na may kapansanan sa pagsasalita.—Mar 7:31-37.

inilayo niya ang lalaki: Karaniwan nang hindi ito ginagawa ni Jesus kapag may pinapagaling siya. Posibleng ayaw niyang mapahiya ang lalaki. Gusto siyang tulungan ni Jesus sa pinakamabait na paraan.

dumura: Para sa ilang Judio at Gentil noon, ang pagdura ay paraan o tanda ng pagpapagaling. Kaya posibleng dumura si Jesus para ipakita sa lalaki na pagagalingin na niya ito. Anuman ang dahilan ni Jesus, hindi niya ginamit ang laway niya para pagalingin ang lalaki.

huminga nang malalim: Madalas iulat ni Marcos ang nadarama ni Jesus, na posibleng mula sa paglalahad ni Pedro, na nakadarama rin ng matitinding emosyon. (Tingnan ang “Introduksiyon sa Marcos.”) Ang pandiwang ito ay posibleng tumutukoy sa paghinga nang malalim o pagdaing habang nananalangin, na nagpapakita ng simpatiya ni Jesus sa lalaki o ng sakit na nararamdaman ni Jesus dahil sa pagdurusa ng lahat ng tao. Sa Ro 8:22, ginamit ang kaugnay na pandiwa para lumarawan sa ‘pagdaing’ ng lahat ng nilalang.

Effata: Transliterasyon sa Griego na ipinapalagay ng ilan na nagmula sa Hebreong salitang-ugat na isinaling “mabubuksan” sa Isa 35:5. Siguradong ang paggamit ni Jesus ng ekspresyong ito ay tumatak sa isip ng mga nakasaksi sa pangyayaring ito, at posibleng kasama dito si Pedro, na maaaring naglahad nito kay Marcos nang salita-por-salita. Gaya noong bigkasin ni Jesus ang “Talita kumi” (Mar 5:41), isa ito sa iilang pagkakataon na iniulat ang sinabi ni Jesus nang salita-por-salita.

Media