Ayon kay Mateo 12:1-50
Talababa
Study Notes
Sabbath: Tingnan sa Glosari.
sa gitna ng bukid: Posibleng sa mga daanan ng tao sa pagitan ng mga lupang pinagtatamnan.
Ipinagbabawal: Iniutos ni Jehova sa mga Israelita na huwag magtrabaho kapag Sabbath. (Exo 20:8-10) Inaangkin ng mga Judiong lider ng relihiyon na may karapatan silang magtakda kung ano ang maituturing na trabaho kapag Sabbath. Ayon sa kanila, ang mga alagad ni Jesus ay lumabag sa Sabbath dahil nag-ani sila (pumitas) at naggiik (nagkiskis) ng mga butil. (Luc 6:1, 2) Pero lampas na iyon sa kung ano lang ang iniuutos ni Jehova.
bahay ng Diyos: Tingnan ang study note sa Mar 2:26.
tinapay na panghandog: O “tinapay na pantanghal.” Ang ekspresyong Hebreo na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “tinapay ng mukha.” Ang tinapay ay nasa harap ni Jehova bilang regular na handog sa kaniya.—Exo 25:30; tingnan sa Glosari at Ap. B5.
nagpapatuloy sa gawain: O “lumalabag sa Sabbath.” Ibig sabihin, itinuturing nila ang Sabbath na gaya ng karaniwang araw. Kahit Sabbath, nagkakatay pa rin sila at gumagawa ng ibang gawaing may kaugnayan sa paghahandog ng hayop.—Bil 28:9, 10.
ang kahulugan nito: Lit., “kung ano ito.” Ang salitang Griego dito na e·stinʹ ay nangangahulugang “ibig sabihin.”—Tingnan ang study note sa Mat 26:26.
awa at hindi hain: Tingnan ang study note sa Mat 9:13.
Anak ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 8:20.
Panginoon ng Sabbath: Itinawag ito ni Jesus sa kaniyang sarili (Mar 2:28; Luc 6:5), na nagpapakitang puwede niyang gamitin ang Sabbath para gawin ang ipinag-uutos ng kaniyang Ama sa langit. (Ihambing ang Ju 5:19; 10:37, 38.) Ginawa ni Jesus sa araw ng Sabbath ang ilan sa pinakakahanga-hangang mga himala niya, kasama na ang pagpapagaling ng maysakit. (Luc 13:10-13; Ju 5:5-9; 9:1-14) Maliwanag na ipinapakita nito ang kaginhawahang ibibigay niya sa mga tao sa panahon ng pamamahala niya sa Kaharian; magiging gaya ito ng pahinga kapag Sabbath.—Heb 10:1.
kamay: Ang salitang Griego na isinaling “kamay” ay may malawak na kahulugan at puwedeng tumukoy sa braso, kamay, at mga daliri.—Tingnan din ang Mat 12:13.
Di-hamak na mas: Tingnan ang study note sa Mat 7:11.
pinagbawalang sabihin sa iba ang tungkol sa kaniya: Tingnan ang study note sa Mar 3:12.
para matupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng propetang si Isaias: Tingnan ang study note sa Mat 1:22.
kinalulugdan: O “sinasang-ayunan.”—Tingnan ang study note sa Mat 3:17.
ko: Sa pagsiping ito sa Isa 42:1, ang salitang Griego na psy·kheʹ ang ginamit na panumbas sa salitang Hebreo na neʹphesh, at isinalin itong “ko” sa tekstong ito.—Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
aandap-andap na mitsa: Ang karaniwang lampara noon ay isang maliit na sisidlang luwad na may lamang langis ng olibo. Sinisipsip ng linong mitsa ang langis para magtuloy-tuloy ang apoy. Ang pananalitang Griego para sa “aandap-andap na mitsa” ay maaaring tumukoy sa mitsang umuusok dahil may baga pa, pero papahina na ang apoy o patay na. Inihula sa Isa 42:3 ang pagkamahabagin ni Jesus; hinding-hindi niya papatayin ang natitirang pag-asa ng mga mapagpakumbaba at inaapi.
maitama niya ang lahat ng mali: O “magtagumpay siya sa paglalapat ng katarungan.” Ang salitang Griego na niʹkos ay isinaling “tagumpay” sa 1Co 15:55, 57.
Beelzebub: Tumutukoy kay Satanas.—Tingnan ang study note sa Mat 10:25.
pamilya: O “sambahayan.” Ang terminong Griego para sa “pamilya” ay puwedeng tumukoy sa isang pamilya o sa isang buong sambahayan; halimbawa, kasama sa sambahayan ng isang hari ang iba pang nasa palasyo niya. (Gaw 7:10; Fil 4:22) Ginamit ang terminong ito para tumukoy sa mga namamahalang dinastiya, gaya ng mga Herodes at mga Cesar, na ang mga pamilya ay karaniwan nang di-nagkakasundo at naglalabanan. Sa ulat ni Mateo, binanggit na bukod sa “pamilya,” ang lunsod na nababahagi ay mawawasak din.
Satanas: Tingnan ang study note sa Mat 4:10.
ang magpapatunay na mali kayo: Lit., “ang magiging hukom ninyo.” Ibig sabihin, ang ginagawa ng mga tagasunod nila ang magpapawalang-saysay sa argumento ng mga Pariseo.
espiritu ng Diyos: O “aktibong puwersa ng Diyos.” Nangyari ulit ang ganitong pag-uusap sa Luc 11:20. Doon, binanggit ni Jesus ang pagpapalayas ng demonyo “sa tulong ng daliri ng Diyos.”—Tingnan ang study note sa Luc 11:20.
pamumusong: Tumutukoy sa mapanghamak, mapaminsala, o mapang-abusong pananalita laban sa Diyos o sa sagradong mga bagay. Dahil ang banal na espiritu ay nanggagaling mismo sa Diyos, ang sadyang pagkontra at hindi pagkilala sa pagkilos nito ay katumbas ng pamumusong sa Diyos. Gaya ng ipinapakita sa Mat 12:24, 28, nakita ng mga Judiong lider ng relihiyon ang pagkilos ng espiritu ng Diyos kay Jesus nang gumawa siya ng mga himala, pero sinasabi nilang nagmula ang kapangyarihang ito kay Satanas na Diyablo.
sistema: Ang salitang Griego na ai·onʹ, na literal na nangangahulugang “panahon,” ay puwedeng tumukoy sa kalakaran o sa mga pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon. Sinasabi ni Jesus na ang pamumusong laban sa banal na espiritu ay hindi mapapatawad sa kasalukuyang di-makadiyos na sistema sa ilalim ng pamamahala ni Satanas (2Co 4:4; Efe 2:2; Tit 2:12), pati sa darating na sistema sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, kung saan matutupad ang ipinangakong “buhay na walang hanggan” (Luc 18:29, 30).—Tingnan sa Glosari.
mga anak ng ulupong: Tingnan ang study note sa Mat 23:33.
taksil: Tumutukoy sa espirituwal na pangangalunya, o kawalang-katapatan sa Diyos.—Tingnan ang study note sa Mar 8:38.
tanda ng propetang si Jonas: Ikinumpara ni Jonas sa pagbangon mula sa Libingan ang pagliligtas sa kaniya mula sa tiyan ng isda pagkatapos ng mga tatlong araw. (Jon 1:17–2:2) Ang pagkabuhay-muli ni Jesus mula sa literal na libingan ay tiyak na mangyayari, gaya ng pagliligtas kay Jonas mula sa tiyan ng isda. Pero kahit nabuhay-muli si Jesus pagkatapos maging patay sa loob ng tatlong araw, hindi pa rin nanampalataya sa kaniya ang mga kritikong may matitigas na puso.
tatlong araw at tatlong gabi: Ipinapakita ng ibang ulat sa Bibliya na ang pananalitang ito ay puwedeng mangahulugang mga bahagi ng tatlong araw at ang bahagi ng isang araw ay puwedeng ituring na isang buong araw.—Gen 42:17, 18; 1Ha 12:5, 12; Mat 27:62-66; 28:1-6.
reyna ng timog: Ang reyna ng Sheba. Ang kaharian niya ay sinasabing nasa timog-kanluran ng Arabia.—1Ha 10:1.
mga kapatid: Mga kapatid ni Jesus sa ina. Binanggit ang mga pangalan nila sa Mat 13:55 at Mar 6:3.—Tingnan ang study note sa Mat 13:55 para sa ibig sabihin ng terminong “kapatid.”
Kaya may . . . sa iyo: Ang talatang ito ay inalis sa ilang sinaunang manuskrito.
Tingnan ninyo! Ang aking ina at mga kapatid!: Ipinapakita dito ni Jesus ang kaibahan ng mga kapatid niya sa espirituwal, ang kaniyang mga alagad, sa mga kapatid niya sa dugo, na ang ilan ay lumilitaw na hindi nananampalataya sa kaniya. (Ju 7:5) Ipinapakita niyang gaanuman kalapít ang ugnayan niya sa kaniyang mga kapamilya, mas malapít ang kaugnayan niya sa mga gumagawa ng “kalooban ng [kaniyang] Ama.”—Mat 12:50.