Ayon kay Mateo 13:1-58

13  Nang araw na iyon, umalis si Jesus sa bahay at umupo sa may tabi ng lawa. 2  Dinagsa siya ng napakaraming tao kaya sumakay siya sa bangka at umupo rito, at ang lahat ng tao ay nakatayo sa dalampasigan.+ 3  Nagturo siya sa kanila ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga ilustrasyon.+ Sinabi niya: “Isang magsasaka ang lumabas para maghasik.+ 4  Sa paghahasik niya, ang ilang binhi ay napunta sa tabi ng daan, at dumating ang mga ibon at inubos ang mga ito.+ 5  Ang iba ay napunta sa batuhan kung saan kakaunti ang lupa, at tumubo agad ang mga ito dahil hindi malalim ang lupa.+ 6  Pero nang sumikat ang araw ay nainitan ang mga ito, at dahil walang ugat, nalanta ang mga ito. 7  Ang iba naman ay napunta sa may matitinik na halaman, at lumago ang matitinik na halaman at sinakal ang mga binhing tumubo.+ 8  Ang iba pa ay napunta sa matabang lupa at namunga ang mga ito. May namunga nang 100 ulit, 60 ulit, at 30 ulit na mas marami kaysa sa itinanim.+ 9  Ang may tainga ay makinig.”+ 10  Kaya ang mga alagad ay lumapit sa kaniya at nagsabi: “Bakit ka nagtuturo sa kanila sa pamamagitan ng mga ilustrasyon?”+ 11  Sumagot siya: “Pinahintulutan kayong maintindihan ang mga sagradong lihim+ ng Kaharian ng langit, pero hindi sila pinahintulutang maintindihan ito. 12  Dahil ang sinumang mayroon ay bibigyan pa, at siya ay gagawing masagana; pero ang sinumang wala, kahit ang nasa kaniya ay kukunin.+ 13  Iyan ang dahilan kung bakit ako nagtuturo sa kanila sa pamamagitan ng mga ilustrasyon; dahil tumitingin sila pero walang saysay ang pagtingin nila, at nakikinig sila pero walang saysay ang pakikinig nila, at wala silang naiintindihan.+ 14  Natutupad sa kanila ang hula ni Isaias: ‘Maririnig ninyo iyon pero hindi ninyo mauunawaan, at titingin kayo pero wala kayong makikita.+ 15  Dahil ang puso ng bayang ito ay naging manhid,* at nakaririnig ang mga tainga nila pero hindi sila tumutugon,* at ipinikit nila ang kanilang mga mata, para hindi makakita ang mga mata nila at hindi makarinig ang mga tainga nila at hindi makaunawa ang mga puso nila, kaya hindi sila nanunumbalik at hindi ko sila napagagaling.’+ 16  “Pero maligaya kayo dahil nakakakita ang mga mata ninyo at nakaririnig ang mga tainga ninyo.+ 17  Dahil sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga taong matuwid ang naghangad na makita ang mga nakikita ninyo pero hindi nila nakita ang mga iyon,+ at marinig ang mga naririnig ninyo pero hindi nila narinig ang mga iyon. 18  “Pakinggan ninyo ngayon ang ilustrasyon tungkol sa taong naghasik.+ 19  Kapag naririnig ng isa ang mensahe ng Kaharian pero hindi ito naiintindihan, dumarating ang masama*+ at inaagaw ang naihasik na sa puso niya; ito ang naihasik sa tabi ng daan.+ 20  Kung tungkol sa isa na naihasik sa batuhan, ito ang nakikinig sa mensahe at agad na tinatanggap iyon nang masaya.+ 21  Pero hindi ito nag-uugat sa puso niya at nananatili lang nang sandaling panahon. Pagdating ng mga problema o pag-uusig dahil sa mensahe, agad siyang nawawalan ng pananampalataya. 22  Kung tungkol sa isa na naihasik sa may matitinik na halaman, ito ang nakikinig sa mensahe, pero ang mga kabalisahan sa sistemang ito+ at ang mapandayang kapangyarihan ng* kayamanan ay sumasakal sa mensahe, at ito* ay nagiging di-mabunga.+ 23  Kung tungkol sa isa na naihasik sa matabang lupa, ito ang nakikinig sa mensahe at naiintindihan iyon, at talagang nagbubunga ito. May namumunga nang 100 ulit, 60 ulit, at 30 ulit na mas marami kaysa sa itinanim.”+ 24  Isa pang ilustrasyon ang sinabi niya sa kanila: “Ang Kaharian ng langit ay katulad ng isang tao na naghasik ng mainam na binhi sa bukid niya.+ 25  Habang natutulog ang mga tao, dumating ang kaaway niya at naghasik ng panirang-damo sa gitna ng trigo at umalis. 26  Nang tumubo at mamunga ang trigo, lumitaw rin ang panirang-damo. 27  Kaya ang mga alipin ng may-ari ng bukid ay lumapit sa kaniya at nagsabi, ‘Panginoon, hindi ba mainam na binhi ang inihasik mo sa bukid mo? Paano ito nagkaroon ng panirang-damo?’ 28  Sinabi niya sa kanila, ‘Isang kaaway ang gumawa nito.’+ Sinabi sa kaniya ng mga alipin, ‘Gusto mo bang lumabas kami at tipunin ang mga iyon?’ 29  Sinabi niya, ‘Huwag, baka mabunot din ninyo ang trigo kasama ng panirang-damo. 30  Hayaan ninyong sabay na lumaki ang mga ito hanggang sa pag-aani, at sa panahon ng pag-aani ay sasabihin ko sa mga manggagapas: Tipunin muna ninyo ang panirang-damo at pagbigkis-bigkisin ang mga iyon at sunugin; pagkatapos, tipunin ninyo ang trigo sa kamalig* ko.’”+ 31  Isa pang ilustrasyon ang sinabi niya sa kanila: “Ang Kaharian ng langit ay gaya ng binhi ng mustasa, na kinuha ng isang tao at itinanim sa kaniyang bukid.+ 32  Ito ang pinakamaliit sa lahat ng binhi, pero kapag tumubo na, ito ang pinakamalaki sa mga gulay at nagiging isang puno, kaya ang mga ibon sa langit ay dumadapo at sumisilong sa mga sanga nito.” 33  Isa pang ilustrasyon ang sinabi niya: “Ang Kaharian ng langit ay gaya ng pampaalsa na kinuha ng isang babae at inihalo sa tatlong malalaking takal ng harina kaya umalsa ang buong masa.”+ 34  Itinuro ni Jesus sa mga tao ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga ilustrasyon. Sa katunayan, hindi siya nagtuturo sa kanila nang walang ilustrasyon,+ 35  para matupad ang sinabi ng propeta: “Bibigkas ako ng mga ilustrasyon; ihahayag ko ang mga bagay na nakatago mula pa noong pasimula.”+ 36  Matapos pauwiin ang mga tao, pumasok siya sa bahay. Lumapit sa kaniya ang mga alagad niya at nagsabi: “Ipaliwanag mo sa amin ang ilustrasyon tungkol sa panirang-damo sa bukid.” 37  Sinabi niya: “Ang manghahasik ng mainam na binhi ay ang Anak ng tao; 38  ang bukid ay ang mundo.+ Kung tungkol sa mainam na binhi, ito ang mga anak ng Kaharian, pero ang panirang-damo ay ang mga anak ng masama,*+ 39  at ang kaaway na naghasik ng mga iyon ay ang Diyablo. Ang pag-aani ay ang katapusan ng isang sistema, at ang mga manggagapas ay ang mga anghel. 40  Kung paanong ang panirang-damo ay tinitipon at sinusunog sa apoy, ganoon din ang mangyayari sa katapusan ng sistemang ito.+ 41  Isusugo ng Anak ng tao ang mga anghel niya, at titipunin nila mula sa Kaharian niya ang lahat ng nagiging dahilan ng pagkatisod* ng iba at ang mga gumagawa ng masama, 42  at ihahagis sila sa maapoy na hurno.+ Iiyak sila roon at magngangalit ang mga ngipin nila. 43  Sa panahong iyon, ang mga matuwid ay sisikat nang maliwanag na gaya ng araw+ sa Kaharian ng kanilang Ama. Ang may tainga ay makinig. 44  “Ang Kaharian ng langit ay gaya ng kayamanang nakabaon sa bukid, na nakita ng isang tao at ibinaon ulit; dahil sa saya, umalis siya at ipinagbili ang lahat ng ari-arian niya at binili ang bukid na iyon.+ 45  “Ang Kaharian ng langit ay gaya rin ng isang naglalakbay na negosyante na naghahanap ng magandang klase ng mga perlas. 46  Nang makakita siya ng isang mamahaling perlas, umalis siya at agad na ipinagbili ang lahat ng pag-aari niya at binili iyon.+ 47  “Ang Kaharian ng langit ay gaya rin ng isang lambat na inihahagis sa dagat at nakahuhuli ng bawat uri ng isda. 48  Nang mapuno ito, hinatak nila ito sa dalampasigan, at pagkaupo, inilagay nila sa mga basket ang magagandang klase ng isda,+ pero itinapon nila ang mga hindi mapapakinabangan.+ 49  Ganiyan ang mangyayari sa katapusan ng sistemang ito.+ Darating ang mga anghel at ihihiwalay ang masasama mula sa mga matuwid 50  at ihahagis sila sa maapoy na hurno. Iiyak sila roon at magngangalit ang mga ngipin nila. 51  “Naiintindihan ba ninyo ang lahat ng ito?” Sumagot sila: “Oo.” 52  Pagkatapos, sinabi niya sa kanila: “Kung gayon, ang bawat tagapagturo na naturuan tungkol sa Kaharian ng langit ay gaya ng isang tao, isang may-ari ng bahay, na naglalabas ng mga bagay na bago at luma mula sa kaniyang imbakan ng kayamanan.” 53  Nang masabi na ni Jesus ang mga ilustrasyong ito, umalis siya roon. 54  Pagdating niya sa sarili niyang bayan,+ tinuruan niya sila sa kanilang sinagoga, at namangha sila at sinabi nila: “Saan nakuha ng taong ito ang ganitong karunungan at ang kakayahan niyang gumawa ng mga himala?*+ 55  Hindi ba ito ang anak ng karpintero?+ Hindi ba si Maria ang kaniyang ina, at ang mga kapatid niya ay sina Santiago, Jose, Simon, at Hudas?+ 56  At hindi ba tagarito rin ang lahat ng kapatid niyang babae? Saan niya kinuha ang lahat ng kakayahan niya?”+ 57  Kaya hindi sila naniwala sa kaniya.+ Pero sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang propeta ay pinahahalagahan kahit saan maliban sa sarili niyang bayan at sa sarili niyang sambahayan.”+ 58  At kaunti lang ang ginawa niyang himala* roon dahil hindi sila nananampalataya.

Talababa

Lit., “makapal (mataba).”
O “ayaw nilang tumugon.”
O “Diyablo.”
O “ang mapang-akit na.”
O posibleng “siya,” na tumutukoy sa “nakikinig sa mensahe.”
O “imbakan.”
O “Diyablo.”
O “pagkakasala.”
O “ng makapangyarihang mga gawa.”
O “makapangyarihang mga gawa.”

Study Notes

umupo: Kaugalian ito ng mga gurong Judio.—Mat 5:1, 2.

sa dalampasigan: Sa dalampasigan ng Lawa ng Galilea malapit sa Capernaum, may lugar na parang ampiteatro. Lumalakas dito ang boses ng nagsasalita, kaya naririnig si Jesus ng maraming tao nang magsalita siya mula sa bangka.

ilustrasyon: O “talinghaga.” Ang terminong Griego na pa·ra·bo·leʹ, na literal na nangangahulugang “pagtabihin o pagsamahin,” ay puwedeng tumukoy sa isang talinghaga, kawikaan, o ilustrasyon. Karaniwang ‘pinagtatabi,’ o pinaghahambing, ni Jesus ang dalawang bagay na may pagkakatulad kapag nagpapaliwanag siya. (Mar 4:30) Ang mga ilustrasyon niya ay maikli at karaniwang kathang-isip lang na kapupulutan ng moral at espirituwal na katotohanan.

batuhan: Hindi ito tumutukoy sa lupa na maraming nakakalat na bato, kundi sa mga lugar na bato ang pinakasahig o may patong-patong na bato kung saan kaunti lang ang lupa. Sa kaparehong ulat sa Luc 8:6, sinabi na ang ilang binhi ay nahulog “sa bato.” Sa gayong lugar, hindi mag-uugat nang malalim ang halaman kaya hindi ito makakasipsip ng sapat na tubig.

sa may matitinik na halaman: Maliwanag na ang tinutukoy ni Jesus ay hindi ang matitinik na palumpong, kundi ang mga panirang-damo na hindi naalis sa inararong lupa. Tutubo ang mga ito at masasakal ang bagong-tanim na binhi.

mga sagradong lihim: Ang salitang Griego na my·steʹri·on ay 25 beses na isinaling “sagradong lihim” sa Bagong Sanlibutang Salin. Dahil nasa anyong pangmaramihan ito, tumutukoy ito sa mga bahagi ng layunin ng Diyos na nanatiling lihim hanggang sa lubusan itong isiwalat ng Diyos. At isinisiwalat lang ito ng Diyos sa mga pinili niyang makaunawa nito. (Col 1:25, 26) Kapag naisiwalat na, ang mga sagradong lihim ng Diyos ay inihahayag sa pinakamaraming tao hangga’t posible. Masasabi natin iyan dahil ginamit sa Bibliya ang mga terminong “inihahayag,” “maihayag,” “ipaalám,” “isiniwalat,” at “pangangaral” na kaugnay ng ekspresyong “sagradong lihim.” (1Co 2:1; Efe 1:9; 3:3; Col 1:25, 26; 4:3) Ang pangunahing “sagradong lihim ng Diyos” ay nakasentro sa pagkakakilanlan ni Jesu-Kristo bilang ang ipinangakong “supling,” o Mesiyas. (Col 2:2; Gen 3:15) Pero maraming bahagi ang sagradong lihim na ito, gaya ng papel na ginagampanan ni Jesus sa layunin ng Diyos. (Col 4:3) Ipinakita ni Jesus sa tekstong ito na ang “mga sagradong lihim” ay kaugnay ng Kaharian ng langit, o “Kaharian ng Diyos,” ang gobyerno sa langit kung saan namamahala si Jesus bilang Hari. (Mar 4:11; Luc 8:10; tingnan ang study note sa Mat 3:2.) Iba ang pagkakagamit ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa my·steʹri·on sa pagkakagamit dito ng sinaunang mga kulto. Ang mga kultong iyon, na karaniwan nang may kaugnayan sa pag-aanak na lumaganap noong unang siglo C.E., ay nangangako sa mga miyembro nito na makakatanggap sila ng imortalidad at direktang pagsisiwalat at na makakalapit sila sa mga diyos sa pamamagitan ng mga ritwal. Maliwanag na hindi batay sa katotohanan ang gayong mga lihim. Ang mga umaanib sa mga kultong iyon ay nananatang hindi nila sasabihin kahit kanino ang mga lihim kaya nananatili itong misteryo. Kabaligtaran iyan ng ginagawa ng mga Kristiyano na paghahayag ng mga sagradong lihim. Kapag ginamit ng Kasulatan ang terminong ito may kaugnayan sa huwad na pagsamba, isinasalin itong “palihim” o “misteryo” sa Bagong Sanlibutang Salin.—Para sa tatlong paglitaw ng my·steʹri·on na isinaling “palihim” o “misteryo,” tingnan ang study note sa 2Te 2:7; Apo 17:5, 7.

sinasabi ko sa inyo: Tingnan ang study note sa Mat 5:18.

sistemang: Ang salitang Griego na ai·onʹ, na literal na nangangahulugang “panahon,” ay puwedeng tumukoy sa kalakaran o sa mga pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon. Dito, ang termino ay may kaugnayan sa mga álalahanín at problema na bahagi ng buhay sa kasalukuyang sistema.—Tingnan sa Glosari, “Sistema.”

naghasik ng panirang-damo: Ang masamang gawaing ito ay pamilyar sa mga tao sa sinaunang Gitnang Silangan. Sinasabing ang panirang-damo ay ang bearded darnel (Lolium temulentum). Kapag murà pa, ang nakalalasong damong ito ay kahawig na kahawig ng trigo.

Sinabi . . . ng mga alipin: Sa ilang manuskrito, ang mababasa lang ay “Sinabi nila,” pero mas maraming lumang manuskrito ang sumusuporta sa mas mahabang ekspresyon.

baka mabunot din ninyo ang trigo: Malamang na nagkakasalabid na ang mga ugat ng trigo at panirang-damo. Kaya kahit na matukoy nila ang mga panirang-damo, kapag binunot ang mga ito, puwedeng madamay ang mga trigo.

Tipunin . . . ang panirang-damo: Kapag gumulang na ang bearded darnel (tingnan ang study note sa Mat 13:25), kitang-kita na ang kaibahan nito sa trigo.

binhi ng mustasa: May iba’t ibang uri ng mustasa na tumutubo sa Israel. Ang black mustard (Brassica nigra) ay ang uri na karaniwang itinatanim sa Israel. Ang maliit na binhi nito ay may diyametro na 1-1.6 mm (0.039 hanggang 0.063 in) at may timbang na 1 mg (0.000035 oz), pero tumutubo ito na kasinlaki ng puno. Ang ilang uri ng mustasa ay tumataas nang hanggang 4.5 m (15 ft).

ang pinakamaliit sa lahat ng binhi: Ang binhi ng mustasa ay ginagamit sa mga sinaunang akdang Judio bilang idyoma para sa napakaliliit na bagay. Kahit na may mas maliliit na binhi na kilala ngayon, lumilitaw na ito ang pinakamaliit na binhing tinitipon at inihahasik ng mga magsasaka sa Galilea noong panahon ni Jesus.

pampaalsa: O “lebadura.” Ang pinaalsang masa na itinabi mula sa naunang ginawa at inihahalo sa bagong masa para umalsa ito. Tinutukoy ni Jesus dito ang normal na proseso ng paggawa ng tinapay. Madalas gamitin ng Bibliya ang lebadura bilang sagisag ng kasalanan at kasamaan (tingnan ang study note sa Mat 16:6), pero hindi laging negatibo ang paggamit dito (Lev 7:11-15). Dito, ang proseso ng pag-alsa ay maliwanag na tumutukoy sa paglaganap ng isang bagay na mabuti.

malalaking takal: Ang salitang Griego para sa malaking takal, saʹton, ay katumbas ng Hebreo para sa pantakal na seah. Ang isang seah ay katumbas ng 7.33 L.—Tingnan ang Gen 18:6, tlb.; Glosari, “Seah,” at Ap. B14.

para matupad ang sinabi ng propeta: Sinipi ito mula sa Aw 78:2, kung saan gumamit ang salmista (tinukoy rito na “propeta”) ng makasagisag na pananalita para alalahanin ang mga ginawa ng Diyos para sa bansang Israel. Gumamit din si Jesus ng makasagisag na pananalita sa mga ilustrasyon niya para turuan ang mga alagad niya at ang iba pa na sumusunod sa kaniya.—Tingnan ang study note sa Mat 1:22.

mula pa noong pasimula: Lit., “mula pa nang pagkakatatag.” O posibleng “mula pa nang pagkakatatag ng sanlibutan.” Ang mas mahabang ekspresyong ito ay makikita sa ilang sinaunang manuskrito na nagdagdag ng salitang Griego para sa “sanlibutan.” (Ihambing ang study note sa Mat 25:34.) Pero ang ibang sinaunang manuskrito ay gumamit ng mas maikling ekspresyon.

Anak ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 8:20.

mundo: Tumutukoy sa sangkatauhan.

katapusan: Ang salitang Griego na syn·teʹlei·a, na isinaling “katapusan,” ay lumitaw rin sa Mat 13:40, 49; 24:3; 28:20; Heb 9:26.—Tingnan ang study note sa Mat 24:3 at Glosari, “Katapusan ng sistemang ito.”

isang sistema: O “isang panahon.”—Tingnan ang study note sa Mat 13:22; 24:3 at Glosari, “Katapusan ng sistemang ito”; “Sistema.”

masama: Tingnan ang study note sa Mat 24:12.

magngangalit ang mga ngipin nila: Tingnan ang study note sa Mat 8:12.

lahat: Sa tekstong ito, inalis ng isang lumang manuskrito ang salitang Griego na panʹta (lahat), pero mas maraming luma at bagong manuskrito ang sumusuporta sa ginamit na ekspresyon dito.

perlas: Noong panahon ng Bibliya, ang magagandang klase ng perlas ay nakukuha sa Dagat na Pula, Gulpo ng Persia, at Karagatang Indian. Kaya sinabi ni Jesus na kailangang maglakbay ng negosyante at maghanap nang mabuti para makakita ng ganoong klase ng perlas.

hindi mapapakinabangan: Posibleng tumutukoy sa mga isda na walang palikpik at kaliskis, na marumi ayon sa Kautusang Mosaiko at hindi puwedeng kainin. Puwede rin itong tumukoy sa iba pang nahuling isda na hindi kinakain.—Lev 11:9-12; Deu 14:9, 10.

katapusan ng sistemang ito: Tingnan ang study note sa Mat 13:39; 24:3 at Glosari, “Katapusan ng sistemang ito”; “Sistema.”

tagapagturo: O “may pinag-aralan.” Ang terminong Griego na gram·ma·teusʹ ay isinasaling “eskriba” kapag tumutukoy sa grupo ng mga gurong Judio na eksperto sa Kautusan, pero sa tekstong ito, tumutukoy ito sa mga alagad ni Jesus na sinanay para magturo.

sarili niyang bayan: Lit., “lugar ng kaniyang ama.” Tumutukoy sa Nazaret, ang pinanggalingan ng pamilya niya.

anak ng karpintero: Ang salitang Griego na teʹkton, na isinaling “karpintero,” ay terminong karaniwang ginagamit para sa mga artisano o tagapagtayo. Kapag tumutukoy ito sa manggagawa na gumagamit ng kahoy, puwede itong tumukoy sa tagapagtayo, sa gumagawa ng muwebles, o sa gumagawa ng iba pang kagamitang kahoy. Isinulat ni Justin Martyr, na nabuhay noong ikalawang siglo C.E., na si Jesus ay nagtrabaho “bilang isang karpintero . . . na gumagawa ng mga araro at pamatok.” Sinusuportahan din ng unang mga salin ng Bibliya sa sinaunang mga wika ang ideyang ito. Kilala si Jesus bilang “anak ng karpintero” at “ang karpintero.” (Mar 6:3) Maliwanag na natuto si Jesus ng pagkakarpintero sa kaniyang ama-amahang si Jose. Karaniwang nagsisimula ang pagsasanay na iyon sa edad na 12 hanggang 15 at nagpapatuloy ito nang maraming taon.

kapatid: Ang salitang Griego na a·del·phosʹ ay puwedeng tumukoy sa espirituwal na mga kapatid kapag ginamit sa Bibliya, pero dito, ang tinutukoy ay ang mga kapatid ni Jesus sa ina, mga nakababatang anak nina Jose at Maria. Ang mga naniniwalang nanatiling birhen si Maria pagkapanganak nito kay Jesus ay nagsasabing ang a·del·phosʹ ay tumutukoy sa mga pinsan. Pero ibang termino ang ginamit ng Kristiyanong Griegong Kasulatan para sa “pinsan” (sa Griego, a·ne·psi·osʹ sa Col 4:10) at iba sa “pamangking lalaki ni Pablo” (Gaw 23:16). Sa Luc 21:16 naman, ginamit ang anyong pangmaramihan ng mga salitang Griego na a·del·phosʹ at syg·ge·nesʹ (isinaling “mga . . . kapatid, kamag-anak”). Ipinapakita ng mga halimbawang ito na ang mga termino para sa ugnayang pampamilya ay hindi basta pinagpapalit-palit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.

Santiago: Kapatid ni Jesus sa ina; maliwanag na siya rin ang Santiago na binanggit sa Gaw 12:17 (tingnan ang study note) at Gal 1:19 at ang sumulat ng aklat ng Bibliya na Santiago.—San 1:1.

Hudas: Kapatid ni Jesus sa ina; maliwanag na siya rin ang Judas (sa Griego, I·ouʹdas) na sumulat ng aklat ng Bibliya na Judas.—Jud 1.

hindi sila naniwala sa kaniya: O “natisod sila sa kaniya.” Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na skan·da·liʹzo ay tumutukoy sa makasagisag na pagkatisod, at puwede itong isaling “hindi sila naniwala sa kaniya.” Sa ibang konteksto, ang salitang Griego ay puwedeng tumukoy sa pagkakasala o pagiging dahilan ng pagkakasala ng iba.—Tingnan ang study note sa Mat 5:29.

kaunti lang ang ginawa niyang himala roon: Kaunti lang ang ginawang himala ni Jesus sa Nazaret, hindi dahil kulang siya sa kapangyarihan, kundi dahil hindi iyon hinihiling ng kalagayan. Walang pananampalataya ang mga taga-Nazaret. (Tingnan ang study note sa Mar 6:5.) Hindi dapat sayangin ang kapangyarihan ng Diyos sa mga ayaw tumanggap at maniwala.—Ihambing ang Mat 10:14; Luc 16:29-31.

Media