Ayon kay Mateo 17:1-27

17  Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus si Pedro at si Santiago at ang kapatid nitong si Juan, at umakyat sila sa isang napakataas na bundok nang sila-sila lang.+ 2  At nagbago ang kaniyang anyo sa harap nila; suminag na gaya ng araw ang mukha niya, at nagningning* na gaya ng liwanag ang damit niya.+ 3  At nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Jesus. 4  Sinabi ni Pedro kay Jesus: “Panginoon, mabuti at narito kami. Kung gusto mo, magtatayo ako rito ng tatlong tolda, isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias.” 5  Habang nagsasalita pa siya, isang maliwanag na ulap ang lumilim sa kanila, at isang tinig mula sa ulap+ ang nagsabi: “Ito ang Anak ko, ang minamahal ko at kinalulugdan.+ Makinig kayo sa kaniya.”+ 6  Nang marinig ito ng mga alagad, sumubsob sila sa lupa sa sobrang takot. 7  Lumapit sa kanila si Jesus, hinipo sila, at sinabi: “Tumayo kayo. Huwag kayong matakot.” 8  Pagtingala nila, wala silang ibang nakita kundi si Jesus. 9  Habang bumababa sila ng bundok, inutusan sila ni Jesus: “Huwag ninyong sasabihin kahit kanino ang pangitain hanggang sa buhaying muli ang Anak ng tao.”+ 10  Tinanong siya ng mga alagad: “Pero bakit sinasabi ng mga eskriba na kailangan munang dumating si Elias?”+ 11  Sumagot siya: “Talagang darating si Elias, at ibabalik niya sa ayos ang lahat ng bagay.+ 12  Pero sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias at hindi nila siya nakilala, kundi ginawa nila sa kaniya ang anumang gusto nila.+ Sa ganitong paraan din magdurusa ang Anak ng tao sa kanilang mga kamay.”+ 13  At naintindihan ng mga alagad na ang tinutukoy niya ay si Juan Bautista. 14  Pagdating nila sa kinaroroonan ng mga tao,+ isang lalaki ang lumapit sa kaniya. Lumuhod ito at nagsabi: 15  “Panginoon, maawa ka sa anak ko. May epilepsi siya at malala ang lagay niya. Madalas siyang mabuwal sa apoy at sa tubig.+ 16  Dinala ko siya sa mga alagad mo, pero hindi nila siya mapagaling.” 17  Sinabi ni Jesus: “O henerasyong walang pananampalataya at makasalanan,*+ hanggang kailan ko kayo pakikisamahan? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo siya dito sa akin.” 18  Pagkatapos, sinaway ni Jesus ang demonyo, at lumabas ito sa batang lalaki, at gumaling ang bata nang mismong oras na iyon.+ 19  Lumapit ang mga alagad kay Jesus nang sila-sila lang at nagsabi: “Bakit hindi namin iyon mapalayas?” 20  Sinabi niya sa kanila: “Dahil maliit ang pananampalataya ninyo. Sinasabi ko sa inyo, kung may pananampalataya kayo na kasinliit ng binhi ng mustasa, sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon,’ at lilipat ito, at walang magiging imposible para sa inyo.”+ 21  —— 22  Habang magkakasama sila sa Galilea, sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang Anak ng tao ay ibibigay sa kamay ng mga kaaway,+ 23  at papatayin nila siya, at sa ikatlong araw ay bubuhayin siyang muli.”+ Kaya nalungkot sila nang husto. 24  Pagdating nila sa Capernaum, ang mga lalaking naniningil ng buwis na dalawang drakma ay lumapit kay Pedro at nagsabi: “Nagbabayad ba ang guro ninyo ng buwis na dalawang drakma?”+ 25  Sinabi niya: “Oo.” Pero pagpasok niya sa bahay, tinanong agad siya ni Jesus: “Ano sa palagay mo, Simon? Mula kanino tumatanggap ng buwis ang mga hari sa lupa? Mula sa mga anak nila o sa ibang tao?” 26  Nang sabihin niya: “Mula sa ibang tao,” sinabi ni Jesus sa kaniya: “Kaya libre talaga sa buwis ang mga anak. 27  Pero para wala silang masabi sa atin,+ pumunta ka sa lawa, mamingwit ka, at kunin mo ang unang isda na mahuhuli mo. Kapag ibinuka mo ang bibig nito, makakakita ka ng isang baryang pilak. Kunin mo iyon at ibigay mo sa kanila para sa ating dalawa.”

Talababa

O “naging puti.”
O “masama.”

Study Notes

napakataas na bundok: Posibleng ang Bundok Hermon, na malapit sa Cesarea Filipos. (Tingnan ang study note sa Mat 16:13.) May taas itong 2,814 m (9,232 ft) mula sa lebel ng dagat. Malamang na nangyari ang pagbabagong-anyo sa isa sa matataas na bahagi ng Bundok Hermon.​—Tingnan ang Ap. B10.

nagbago ang kaniyang anyo: O “nagbago ang hitsura niya.” Ito rin ang pandiwang Griego (me·ta·mor·phoʹo) na ginamit sa Ro 12:2.

isang tinig: Ito ang ikalawa sa tatlong pagkakataong iniulat sa Ebanghelyo na narinig ng mga tao na nagsalita si Jehova.—Tingnan ang study note sa Mat 3:17; Ju 12:28.

kinalulugdan: O “sinang-ayunan.”​—Tingnan ang study note sa Mat 3:17; 12:18.

Anak ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 8:20.

Lumuhod: Sa sinaunang Gitnang Silangan, lumuluhod ang mga tao para magpakita ng paggalang, lalo na kapag nakikiusap sa isang nakatataas.

epilepsi: Tingnan ang study note sa Mat 4:24.

maliit ang pananampalataya: Ang pananalitang Griego dito ay may kaugnayan sa terminong isinalin na “maliit na pananampalataya,” “ang liit ng pananampalataya,” at “kakaunting pananampalataya” sa Mat 6:30; 8:26; 14:31; 16:8; Luc 12:28. Sinasabi ni Jesus na mayroon namang pananampalataya ang mga alagad niya pero kailangan pa nila itong palakasin.​—Tingnan ang study note sa Mat 6:30; 8:26.

Sinasabi ko sa inyo: Tingnan ang study note sa Mat 5:18.

kasinliit ng binhi ng mustasa: Tingnan ang study note sa Mat 13:31, 32.

Ganito ang mababasa sa ilang sinaunang manuskrito: “Pero ang ganoong klase ay mapalalabas lang sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno.” (Tingnan ang study note sa Mar 9:29.) Pero hindi ito mababasa sa pinakaluma at pinakamaaasahang mga manuskrito kaya lumilitaw na hindi ito bahagi ng Kasulatan.​—Tingnan ang Ap. A3.

Capernaum: Tingnan ang study note sa Mat 4:13.

buwis na dalawang drakma: Lit., “dobleng drakma.” (Tingnan ang Ap. B14.) Tinutustusan ng buwis ang iba’t ibang gawain sa templo. (Exo 30:12-16) Lumilitaw na noong panahon ni Jesus, naging kaugalian na ng bawat adultong lalaking Judio na mag-abuloy ng espesipikong halaga bilang taunang buwis sa templo.

libre talaga sa buwis ang mga anak: Noong panahon ni Jesus, alam ng mga tao na hindi nagbabayad ng buwis ang mga kapamilya ng mga tagapamahala.

mamingwit ka: O “maghagis ka ng kawil.” Ang salitang Griego sa tekstong ito na puwedeng isaling “kawil” ay isang beses lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Malamang na ang tinutukoy rito ay isang kawil na may pain sa dulo ng tanse ng isang pamingwit. Sa lahat ng iba pang paglitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ng kagamitan sa pangingisda, ang tinutukoy na ay lambat.

baryang pilak: Lit., “baryang estater.” Ipinapalagay na ang baryang ito ay tetradrakma. (Tingnan ang Ap. B14.) Apat na drakma ang halaga nito, na katumbas naman ng isang siklo, ang eksaktong halaga ng buwis sa templo para sa dalawang tao.—Exo 30:13.

Media