Ayon kay Mateo 2:1-23

2  Matapos ipanganak si Jesus sa Betlehem+ ng Judea noong mga araw ng haring si Herodes,+ ang mga astrologo mula sa Silangan ay dumating sa Jerusalem, 2  at nagsabi: “Nasaan ang ipinanganak na hari ng mga Judio?+ Nakita kasi namin ang bituin niya noong nasa Silangan kami, at nagpunta kami rito para magbigay-galang sa kaniya.” 3  Nang marinig ito ni Haring Herodes, natakot siya at ang buong Jerusalem. 4  Tinipon niya ang lahat ng punong saserdote at mga eskriba para tanungin sila kung saan ipanganganak ang Kristo. 5  Sinabi nila sa kaniya: “Sa Betlehem+ po ng Judea, dahil ganito ang isinulat ng propeta: 6  ‘At ikaw, O Betlehem ng lupain ng Juda, hindi ikaw ang pinakahamak na lunsod sa paningin ng mga gobernador* ng Juda, dahil sa iyo manggagaling ang tagapamahala na magpapastol sa bayan kong Israel.’”+ 7  Pagkatapos, palihim na ipinatawag ni Herodes ang mga astrologo at inalam mula sa kanila kung kailan eksaktong lumitaw ang bituin. 8  Bago niya sila papuntahin sa Betlehem, sinabi niya: “Hanapin ninyong mabuti ang bata, at kapag nakita ninyo siya, sabihin ninyo sa akin para makapunta rin ako at makapagbigay-galang sa kaniya.” 9  Pagkarinig sa bilin ng hari, umalis na sila, at ang bituing nakita nila noong naroon sila sa Silangan+ ay nauna sa kanila hanggang sa huminto ito sa itaas ng kinaroroonan ng bata. 10  Nang makita nilang huminto ang bituin, tuwang-tuwa sila. 11  At pagpasok nila sa bahay, nakita nila ang bata kasama ang ina nitong si Maria. Lumuhod sila at nagbigay-galang sa bata. Naglabas din sila ng ginto, olibano, at mira bilang regalo sa kaniya. 12  Pero nagbabala sa kanila ang Diyos sa isang panaginip+ na huwag bumalik kay Herodes, kaya iba ang dinaanan nila pauwi sa kanilang lupain. 13  Pagkaalis nila, ang anghel ni Jehova ay nagpakita kay Jose sa panaginip.+ Sinabi nito: “Bumangon ka, dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina at tumakas ka papuntang Ehipto, at huwag kayong aalis doon hangga’t hindi ko sinasabi, dahil hahanapin ni Herodes ang bata para patayin ito.” 14  Kaya bumangon si Jose nang gabing iyon at dinala ang bata at ang ina nito sa Ehipto. 15  Tumira siya roon hanggang sa pagkamatay ni Herodes. Katuparan ito ng sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propeta: “Tinawag ko mula sa Ehipto ang anak ko.”+ 16  Nang malaman ni Herodes na nilinlang siya ng mga astrologo, galit na galit siya. Kaya nagsugo siya ng mga tauhan para patayin ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem at sa lahat ng distrito nito, mula dalawang taóng gulang pababa, batay sa panahon ng paglitaw ng bituin na sinabi sa kaniya ng mga astrologo.+ 17  Kaya natupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng propetang si Jeremias:+ 18  “Narinig sa Rama ang pag-iyak at labis na paghagulgol. Iniiyakan ni Raquel+ ang mga anak niya dahil wala na sila, at walang sinumang makapagpagaan ng loob niya.”+ 19  Nang mamatay na si Herodes, ang anghel ni Jehova ay nagpakita kay Jose sa Ehipto sa isang panaginip.+ 20  Sinabi nito: “Bumangon ka, dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina at pumunta ka sa Israel, dahil patay na ang mga gustong pumatay sa bata.” 21  Kaya bumangon siya at dinala ang bata at ang ina nito pabalik sa Israel. 22  Pero nang mabalitaan niya na si Arquelao ang namamahala sa Judea kapalit ng ama nitong si Herodes, natakot siyang pumunta roon. Nagbabala rin sa kaniya ang Diyos sa panaginip,+ kaya sa Galilea+ siya nagpunta. 23  Nanirahan siya sa lunsod na tinatawag na Nazaret.+ Kaya natupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta: “Tatawagin siyang Nazareno.”+

Talababa

O “tagapamahala.”

Study Notes

Betlehem ng Judea: Dahil may isa pang Betlehem sa teritoryo ng Zebulon (Jos 19:10, 15), ang bayang ito sa Juda (Judea) ay kadalasang tinatawag na “Betlehem ng Juda” (Huk 17:7-9; 19:1, 2, 18). Lumilitaw na dati itong tinatawag na Eprat, o Eprata, kaya naman sinasabi sa Mik 5:2 na ang Mesiyas ay magmumula sa “Betlehem Eprata.”—Gen 35:19; 48:7.

Herodes: Tumutukoy kay Herodes na Dakila.—Tingnan sa Glosari.

mga astrologo: Sa Griego, maʹgoi (ang anyong pangmaramihan ng maʹgos); malamang na tumutukoy sa mga eksperto sa astrolohiya at iba pang espiritistikong gawain na hinahatulan sa Banal na Kasulatan. (Deu 18:10-12) Hindi sinasabi ng Bibliya kung ilan sila. Ang terminong Griego ay isinaling “mangkukulam” sa Gaw 13:6, 8 at ito rin ang ginamit sa Septuagint para sa salitang Hebreo at Aramaiko na isinaling “salamangkero” sa Dan 2:2, 10.

bituin: Malamang na hindi ito totoong bituin o grupo ng mga planeta. Ang mga astrologo lang ang ‘nakakita’ sa bituin.

noong nasa Silangan kami: Ang salitang Griego na isinaling “Silangan” ay literal na nangangahulugang “sumisikat.” Sa kontekstong ito, lumilitaw na tumutukoy ito sa lokasyon ng mga astrologo nang makita nila ang bituin. Pero para sa ilan, nangangahulugan ito na nakita ng mga astrologo ang bituin sa silangang bahagi ng kalangitan o habang ito ay “sumisikat,” o lumilitaw.

magbigay-galang: O “yumukod.” Kapag ang pandiwang Griego na pro·sky·neʹo ay tumutukoy sa pagsamba sa isang diyos o bathala, isinasalin itong “sumamba.” Pero sa kontekstong ito, ang hinahanap ng mga astrologo ay ang “ipinanganak na hari ng mga Judio.” Kaya malinaw na ang termino ay tumutukoy sa pagbibigay-galang sa isang taong hari, hindi sa isang diyos. Ganiyan din ang pagkakagamit sa Mar 15:18, 19, kung saan sinabing ang mga sundalong nangungutya kay Jesus ay “yumuyukod” sa kaniya at tinatawag siyang “Hari ng mga Judio.”—Tingnan ang study note sa Mat 18:26.

lahat ng punong saserdote: Ang terminong Griego dito ay isinasaling “mataas na saserdote” kapag nasa anyong pang-isahan at tumutukoy sa pangunahing kinatawan ng mga tao sa harap ng Diyos. Dito, ang termino na nasa anyong pangmaramihan ay tumutukoy sa pangunahing mga saserdote, kasama na ang dating matataas na saserdote at posibleng pati ang mga pinuno ng 24 na pangkat ng mga saserdote.

mga eskriba: Noong una, ang terminong ito ay tumutukoy sa mga tagakopya ng Kasulatan, pero noong panahon ni Jesus, tumutukoy ito sa mga eksperto sa Kautusan at mga tagapagturo nito.

ang Kristo: Dito, ang titulong “Kristo” ay may kasamang tiyak na pantukoy sa Griego, maliwanag na para idiin ang katungkulan ni Jesus bilang ang Mesiyas.

Betlehem: Mula sa pangalang Hebreo na nangangahulugang “Bahay ng Tinapay.” Sa Betlehem lumaki si David at tinatawag ito kung minsan na “lunsod ni David.”—Luc 2:4, 11; Ju 7:42.

hindi . . . ang pinakahamak: Makikita sa hula sa Mik 5:2 na sinipi rito na kahit maituturing na hamak ang Betlehem pagdating sa populasyon (tinatawag lang itong nayon sa Ju 7:42) at kapangyarihan, magiging prominente ito dahil magmumula rito ang pinakamahusay na tagapamahala na magpapastol sa bayan ng Diyos na Israel.

makapagbigay-galang sa kaniya: O “maparangalan siya.” Sinasabi dito ni Herodes na gusto niyang magbigay-galang sa isang taong hari, hindi sumamba sa isang diyos.​—Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa salitang Griego, tingnan ang study note sa Mat 2:2.

bahay: Dahil binanggit na sa bahay pumunta ang mga astrologo, ipinapakita nitong hindi sila dumalaw sa sabsaban noong bagong-silang pa lang si Jesus.

bata: Dito, hindi na tinawag si Jesus na “sanggol,” gaya ng tawag sa kaniya sa Luc 2:12, 16.

nagbigay-galang: O “yumukod.” Karaniwan nang tumutukoy ito sa pagbibigay-galang sa tao, gaya ng hari, at hindi sa pagsamba.—Tingnan ang study note sa Mat 2:2; 18:26.

regalo: Kapos pa sina Jose at Maria noong dalhin nila si Jesus sa templo 40 araw mula nang isilang ito. (Luc 2:22-24; Lev 12:6-8) Ibig sabihin, ibinigay ang mga regalo pagkatapos pa nito. Masasabing tamang-tama ang pagkakabigay sa mga regalo dahil nagamit nila ito sa paninirahan nila sa Ehipto.

olibano: Tingnan sa Glosari.

mira: Tingnan sa Glosari.

anghel ni Jehova: Tingnan ang study note sa Mat 1:20 at introduksiyon sa Ap. C3; Mat 2:13.

Ehipto: Nang panahong ito, lalawigan lang ng Roma ang Ehipto at maraming Judio na nakatira dito. Ang Betlehem ay mga 9 km (6 mi) sa timog-kanluran ng Jerusalem, kaya puwedeng maglakbay sina Jose at Maria patimog-kanluran papuntang Ehipto nang hindi dumadaan sa Jerusalem, kung saan naglabas ng utos si Herodes na patayin ang mga bata.

dinala . . . sa Ehipto: Posibleng di-kukulangin sa 120 km (75 mi) ang layo ng Ehipto sa Betlehem.

pagkamatay ni Herodes: Malamang na namatay si Herodes noong 1 B.C.E.

Katuparan ito ng sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propeta: Tingnan ang study note sa Mat 1:22.

Jehova: Ang siniping bahagi ay galing sa Os 11:1, at malinaw na ipinapakita ng konteksto (Os 11:1-11) na ang Diyos na Jehova ang nagsabi nito.—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Mat 2:15.

patayin ang lahat ng batang lalaki: Iniulat ng mga istoryador ang iba pang karahasan na ginawa ni Herodes na Dakila. Ipinapatay niya ang di-kukulangin sa 45 tagasuporta ng isang kalaban niya. Dahil sa paghihinala, ipinapatay niya ang asawa niyang si Mariamne (I), tatlong anak niyang lalaki, kapatid na lalaki ng asawa niya, lolo ng asawa niya (Hyrcanus), ilan sa naging matalik niyang kaibigan, at marami pang iba. Para mabawasan ang pagsasaya kapag namatay siya, sinasabing ipinag-utos niyang patayin ang mga prominenteng Judio kapag namatay siya. Pero hindi sinunod ang utos niya.

Rama: Isang lunsod sa teritoryo ng Benjamin, hilaga ng Jerusalem. Lumilitaw na nang wasakin ang Jerusalem noong 607 B.C.E., tinipon muna sa Rama ang mga bihag na Judio bago dalhin sa Babilonya. Sinasabi ng ilang iskolar na ang tinutukoy sa Jer 31:15 na sinipi rito ay ang kaganapang iyon, nang tipunin ang mga Judio (at posibleng pinatay ang ilan sa kanila nang pagkakataong ito).

Raquel: Kumakatawan sa lahat ng ina sa Israel. Sa hula ni Jeremias, si Raquel, na nakalibing malapit sa Betlehem, ay sinasabing umiiyak dahil dinalang bihag ang mga anak niya patungo sa lupain ng kaaway. Pero inihula rin ni Jeremias na babalik sila mula sa teritoryo ng kaaway. (Jer 31:16) Sa patnubay ng banal na espiritu, ginamit ni Mateo ang hula ni Jeremias para tumukoy sa pagkamatay ng mga bata. Para makabalik mula sa kaaway na kamatayan, kailangan silang buhaying muli.

anghel ni Jehova: Tingnan ang study note sa Mat 1:20 at introduksiyon sa Ap. C3; Mat 2:19.

gustong pumatay sa: O “nagtatangka sa buhay ng.” Ang “buhay” dito ay mula sa salitang Griego na psy·kheʹ at dito unang ginamit ang salitang ito. Isinasalin itong “kaluluwa” sa ilang salin ng Bibliya.—Exo 4:19; tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Arquelao: Isang malupit na tagapamahala na kinamumuhian ng mga Judio gaya ng ama niyang si Herodes na Dakila. Para mapatigil ang isang gulo, 3,000 ang ipinapatay niya sa bakuran ng templo. Nang paalis na sina Jose sa Ehipto, nagbabala ang Diyos sa kaniya tungkol sa panganib, kaya nanirahan muna sila ng pamilya niya sa Nazaret ng Galilea, sa labas ng teritoryo ni Arquelao.

Nazaret: Posibleng nangangahulugang “Bayang Sibol.” Ang bayan ng Nazaret ay nasa Mababang Galilea, kung saan pinakamatagal na nanirahan si Jesus noong nandito siya sa lupa.

sinabi . . . sa pamamagitan ng mga propeta: “Tatawagin siyang Nazareno”: Lumilitaw na tumutukoy ito sa aklat ni propeta Isaias (Isa 11:1), kung saan tinawag ang ipinangakong Mesiyas na “isang sibol [sa Hebreo, neʹtser] mula sa mga ugat” ni Jesse. Dahil “mga propeta” ang sinabi ni Mateo, posibleng kasama rin dito si Jeremias, na sumulat tungkol sa “matuwid na sibol” mula kay David (Jer 23:5; 33:15), at si Zacarias, na may binanggit na isang haring saserdote na “nagngangalang Sibol” (Zac 3:8; 6:12, 13). Ginamit ang terminong “Nazareno” para kay Jesus, at nang maglaon, pati sa mga tagasunod niya.

Media