Ayon kay Mateo 20:1-34

20  “Dahil ang Kaharian ng langit ay tulad ng may-ari ng ubasan na maagang lumabas para kumuha ng mga manggagawa sa ubasan niya.+ 2  Matapos makipagkasundo sa mga manggagawa na susuwelduhan niya sila ng isang denario sa isang araw, pinapunta niya sila sa ubasan niya. 3  Lumabas ulit siya noong mga ikatlong oras, at may nakita siyang mga nakatayo lang sa pamilihan at walang ginagawa; 4  at sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan, at bibigyan ko kayo ng makatuwirang suweldo.’ 5  Kaya pumunta sila roon. Lumabas siya ulit noong mga ikaanim na oras at ikasiyam na oras at ganoon din ang ginawa niya. 6  At noong mga ika-11 oras, lumabas siya at nakita ang iba pa na nakatayo lang, at sinabi niya sa kanila, ‘Bakit maghapon kayong nakatayo rito nang walang ginagawa?’ 7  Sumagot sila, ‘Wala kasing nagbibigay sa amin ng trabaho.’ Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan.’ 8  “Nang gumabi na, sinabi ng may-ari ng ubasan sa katiwala niya, ‘Tawagin mo ang mga manggagawa at suwelduhan sila,+ simula sa pinakahuling dumating hanggang sa pinakauna.’ 9  Nang dumating ang mga lalaking nagtrabaho nang ika-11 oras, bawat isa sa kanila ay tumanggap ng isang denario. 10  Kaya nang dumating ang mga naunang magtrabaho, inisip nila na mas malaki ang tatanggapin nila, pero isang denario din ang isinuweldo sa kanila. 11  Pagkatanggap nito, nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. 12  Sinabi nila, ‘Isang oras lang nagtrabaho ang mga huling dumating, pero ang isinuweldo mo sa kanila, kapareho ng sa amin na nagpakapagod sa buong maghapon at nagtiis ng init!’ 13  Pero sinabi niya sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, wala akong ginagawang mali sa iyo. Nagkasundo tayo sa isang denario, hindi ba?+ 14  Kunin mo ang suweldo mo at umuwi ka. Gusto kong ibigay sa mga huling nagtrabaho ang katulad ng ibinigay ko sa iyo. 15  Wala ba akong karapatang gawin kung ano ang gusto ko sa mga pag-aari ko? O naiinggit ka dahil naging mabuti ako sa kanila?’+ 16  Sa ganitong paraan, ang mga nahuhuli ay mauuna, at ang mga nauuna ay mahuhuli.”+ 17  Habang papunta sa Jerusalem, ibinukod ni Jesus ang 12 alagad. Sinabi niya sa kanila sa daan:+ 18  “Makinig kayo. Pupunta tayo sa Jerusalem, at ang Anak ng tao ay ibibigay sa mga punong saserdote at mga eskriba. Hahatulan nila siya ng kamatayan+ 19  at ibibigay sa mga tao ng ibang mga bansa para tuyain at hagupitin at ibayubay sa tulos;+ at sa ikatlong araw ay bubuhayin siyang muli.”+ 20  Pagkatapos, lumapit kay Jesus ang asawa ni Zebedeo+ kasama ang mga anak niya. Lumuhod ito para makiusap.+ 21  Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ano ang gusto mo?” Sumagot siya: “Kapag naroon ka na sa iyong Kaharian, paupuin mo sana sa tabi mo ang dalawa kong anak, isa sa kanan mo at isa sa kaliwa mo.”+ 22  Sumagot si Jesus: “Hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Kaya ba ninyong inuman ang kopa na malapit ko nang inuman?”+ Sinabi nila sa kaniya: “Kaya namin.” 23  Sinabi niya sa kanila: “Talagang iinuman ninyo ang aking kopa,+ pero hindi ako ang magpapasiya kung sino ang uupo sa kanan ko at sa kaliwa ko. Ang aking Ama ang magpapasiya kung para kanino ang mga puwestong iyon.”+ 24  Nang marinig ito ng 10 iba pa, nagalit sila sa magkapatid.+ 25  Pero tinawag sila ni Jesus at sinabi sa kanila: “Alam ninyo na ang mga tagapamahala ng mga bansa ay nag-aastang panginoon sa mga nasasakupan nila at ipinapakita ng mga may kapangyarihan na sila ang dapat masunod.+ 26  Hindi kayo dapat maging ganiyan;+ sa halip, ang sinumang gustong maging dakila sa inyo ay dapat na maging lingkod ninyo,+ 27  at ang sinumang gustong maging una sa inyo ay dapat na maging alipin ninyo.+ 28  Kung paanong ang Anak ng tao ay dumating, hindi para paglingkuran, kundi para maglingkod+ at ibigay ang buhay* niya bilang pantubos na kapalit ng marami.”+ 29  Habang papalabas sila mula sa Jerico, maraming tao ang sumunod sa kaniya. 30  May dalawang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan. Nang marinig nilang dumadaan si Jesus, sumigaw sila: “Panginoon, maawa ka sa amin, Anak ni David!”+ 31  Pero sinaway sila ng mga tao at sinabihang tumahimik; pero lalo pa nilang nilakasan ang sigaw nila at sinabi: “Panginoon, maawa ka sa amin, Anak ni David!” 32  Kaya huminto si Jesus, tinawag sila, at sinabi: “Ano ang gusto ninyong gawin ko para sa inyo?” 33  Sinabi nila sa kaniya: “Panginoon, gusto naming makakita.” 34  Dahil sa awa,+ hinipo ni Jesus ang mga mata nila,+ at nakakita sila agad, at sumunod sila sa kaniya.

Talababa

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Study Notes

para kumuha ng mga manggagawa: May ilang manggagawa na kinukuha para magtrabaho sa buong panahon ng pag-aani, pero may ilang kinukuha nang paisa-isang araw lang, depende sa pangangailangan.

denario: Baryang pilak ng mga Romano na may timbang na mga 3.85 g at may larawan ni Cesar sa isang panig. Gaya ng makikita sa talatang ito, ang mga trabahador sa bukid noong panahon ni Jesus ay karaniwan nang tumatanggap ng isang denario para sa 12-oras na trabaho.—Tingnan sa Glosari at Ap. B14.

mga ikatlong oras: Mga 9:00 n.u. Noong unang siglo C.E., 12 oras ang maghapon para sa mga Judio, at nagsisimula ang pagbilang sa pagsikat ng araw bandang 6:00 n.u. (Ju 11:9) Kaya ang ikatlong oras ay mga 9:00 n.u., ang ikaanim na oras ay bandang tanghali, at ang ikasiyam na oras ay mga 3:00 n.h. Dahil walang mga orasan noon na makapagbibigay ng eksaktong oras, karaniwan nang tinatantiya lang sa mga ulat ang oras ng isang pangyayari.—Ju 1:39; 4:6; 19:14; Gaw 10:3, 9.

mga ikaanim na oras: Mga 12:00 n.t.​—Tingnan ang study note sa Mat 20:3.

ikasiyam na oras: Mga 3:00 n.h.​—Tingnan ang study note sa Mat 20:3.

mga ika-11 oras: Mga 5:00 n.h.—Tingnan ang study note sa Mat 20:3.

naiinggit ka: Lit., “masama ang mata mo.” Ang salitang Griego na isinaling “naiinggit” ay literal na nangangahulugang “masama.” (Tingnan ang study note sa Mat 6:23.) Dito, ang “mata” ay tumutukoy sa intensiyon, disposisyon, at damdamin ng isang tao.—Tingnan ang study note sa Mar 7:22.

mabuti: O “bukas-palad.” Sa kontekstong ito, ang kabutihan ay may direktang kaugnayan sa pagiging bukas-palad.

Habang papunta: Sa ilang manuskrito, mababasa ang ideya na “bago pumunta,” pero mas maraming manuskrito ang sumusuporta sa ekspresyong ginamit sa saling ito.

papunta sa Jerusalem: Lit., “paakyat sa Jerusalem.” Ang lunsod ay mga 750 m (2,500 ft) ang taas mula sa lebel ng dagat, kaya karaniwan nang sinasabi sa Kasulatan na ang mga mananamba ay “paakyat” sa Jerusalem. (Mar 10:32; Luc 2:22; tlb.) Manggagaling noon si Jesus at ang mga alagad niya sa Lambak ng Jordan (tingnan ang study note sa Mat 19:1), na ang pinakamababang bahagi ay mga 400 m (1,300 ft) ang baba mula sa lebel ng dagat. Kaya kailangan nilang umakyat nang mga 1,000 m (3,330 ft) para makarating sa Jerusalem.

Anak ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 8:20.

ibayubay sa tulos: O “ibitin sa tulos.” Ito ang una sa mahigit 40 paggamit ng pandiwang Griego na stau·roʹo sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ito ang pandiwa ng pangngalang Griego na stau·rosʹ, na isinasaling “pahirapang tulos.” (Tingnan ang study note sa Mat 10:38; 16:24; 27:32 at Glosari, “Tulos”; “Pahirapang tulos.”) Ginamit ng Septuagint ang pandiwang ito sa Es 7:9, kung saan ipinag-utos na ibitin si Haman sa tulos na mahigit 20 m (65 ft) ang taas. Sa klasikal na Griego, nangangahulugan itong “bakuran o palibutan ng tulos o poste.”

asawa ni Zebedeo: Ang ina ng mga apostol na sina Santiago at Juan. Sa ulat ni Marcos, sina Santiago at Juan ang lumapit kay Jesus. (Mar 10:35) Lumilitaw na sila ang may kahilingan, pero ipinadaan nila ito sa ina nilang si Salome, na posibleng tiyahin ni Jesus.—Mat 27:55, 56; Mar 15:40, 41; Ju 19:25.

Lumuhod: O “Yumukod.”—Tingnan ang study note sa Mat 8:2; 18:26.

isa sa kanan mo at isa sa kaliwa mo: Tingnan ang study note sa Mar 10:37.

Hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo: Ipinapakita ng anyong pangmaramihan ng mga pandiwang Griego at ng konteksto na ang kinakausap na ni Jesus ay ang dalawang anak at hindi ang ina.—Mar 10:35-38.

inuman ang kopa: Sa Bibliya, ang “kopa” ay sumasagisag sa kalooban ng Diyos, o “nakalaang bahagi,” para sa isang tao. (Aw 11:6; 16:5; 23:5) Ang ekspresyon dito na “inuman ang kopa” ay nangangahulugang magpasakop sa kalooban ng Diyos. Sa kasong ito, ang “kopa” ay tumutukoy, hindi lang sa paghihirap at kamatayang daranasin ni Jesus dahil sa maling paratang ng pamumusong, kundi pati sa pagkabuhay niyang muli bilang isang imortal na espiritu sa langit.

nag-aastang panginoon sa mga nasasakupan nila: Tingnan ang study note sa Mar 10:42.

lingkod: O “ministro.” Kadalasan nang ginagamit ng Bibliya ang salitang Griego na di·aʹko·nos para tumukoy sa mga patuloy na naglilingkod sa iba nang mapagpakumbaba. Ginamit ang termino para tumukoy kay Kristo (Ro 15:8), sa mga lingkod ni Kristo (1Co 3:5-7; Col 1:23), mga ministeryal na lingkod (Fil 1:1; 1Ti 3:8), mga alipin sa sambahayan (Ju 2:5, 9), at mga opisyal ng pamahalaan (Ro 13:4).

hindi para paglingkuran, kundi para maglingkod: Tingnan ang study note sa Mat 20:26.

pantubos: Ang salitang Griego na lyʹtron (mula sa pandiwang lyʹo, na nangangahulugang “pakawalan; palayain”) ay ginagamit ng sekular na mga Griegong manunulat para tumukoy sa bayad para makalaya ang isang alipin o para pakawalan ang mga bihag sa digmaan. Dalawang beses itong ginamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito at sa Mar 10:45. Ang kaugnay na salitang an·tiʹly·tron na ginamit sa 1Ti 2:6 ay isinalin ding “pantubos,” na nangangahulugang halaga na katumbas ng naiwala. Ang iba pang kaugnay na salita ay ly·troʹo·mai, na nangangahulugang “palayain; tubusin” (Tit 2:14; 1Pe 1:18; pati mga tlb.), at a·po·lyʹtro·sis, na karaniwang isinasalin na “palayain sa pamamagitan ng pantubos” (Efe 1:7; Col 1:14; Heb 9:15; 11:35; Ro 3:24; 8:23).​—Tingnan sa Glosari.

Jerico: Ang unang lunsod sa Canaan sa kanluran ng Ilog Jordan na nasakop ng mga Israelita. (Bil 22:1; Jos 6:1, 24, 25) Noong panahon ni Jesus, nagkaroon ng isang bagong lunsod mga 2 km (mahigit isang milya) sa timog ng naunang lunsod. Posibleng iyan ang dahilan kaya sa kaparehong ulat sa Luc 18:35, ang binanggit ay “habang papalapit si Jesus sa Jerico.” Puwedeng ginawa ni Jesus ang himala habang papalabas siya sa Judiong lunsod at papalapit sa Romanong lunsod o kabaligtaran.—Tingnan ang Ap. B4 at B10.

dalawang lalaking bulag: Isang bulag lang ang binanggit nina Marcos at Lucas, malamang na dahil nagpokus lang sila kay Bartimeo, na pinangalanan sa ulat ni Marcos. (Mar 10:46; Luc 18:35) Mas espesipiko si Mateo sa bilang ng mga bulag na naroroon.

Anak ni David: Sa pagtawag kay Jesus na “Anak ni David,” hayagang kinilala ng mga bulag na si Jesus ang Mesiyas.​—Tingnan ang study note sa Mat 1:1, 6; 15:25.

awa: O “habag.”—Tingnan ang study note sa Mat 9:36.

Media