Ayon kay Mateo 21:1-46
Study Notes
Betfage: Ang pangalan ng nayong ito na nasa Bundok ng mga Olibo ay mula sa salitang Hebreo, na posibleng nangangahulugang “Bahay ng mga Unang Igos.” Ito ay pinaniniwalaang nasa pagitan ng Jerusalem at Betania sa timog-silangang dalisdis ng Bundok ng mga Olibo, malapit sa tuktok nito, mga 1 km (wala pang 1 mi) mula sa Jerusalem.—Mar 11:1; Luc 19:29; tingnan ang Ap. A7, Mapa 6.
isang asnong nakatali, kasama ang isang bisiro: Sa ulat lang ni Mateo parehong binanggit ang asno at bisiro. (Mar 11:2-7; Luc 19:30-35; Ju 12:14, 15) Lumilitaw na isang hayop lang ang binanggit nina Marcos, Lucas, at Juan dahil sa bisiro lang naman sumakay si Jesus.—Tingnan ang study note sa Mat 21:5.
para matupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng propeta: Ang unang bahagi ng sinipi sa Mat 21:5 ay lumilitaw na mula sa Isa 62:11 at ang ikalawang bahagi naman ay mula sa Zac 9:9.—Tingnan ang study note sa Mat 1:22.
anak na babae ng Sion: O “anak na babae na Sion,” gaya ng mababasa sa ilang salin. Sa Bibliya, ang mga lunsod ay madalas ihalintulad sa babae o tukuyin gamit ang mga terminong pambabae. Sa ekspresyong ito, ang “anak na babae” ay puwedeng tumukoy sa mismong lunsod o sa mga nakatira sa lunsod. Ang pangalang Sion ay nauugnay sa lunsod ng Jerusalem.
mahinahon: O “mapagpakumbaba.”—Tingnan ang study note sa Mat 5:5.
sa asno, oo, sa isang bisiro: Kahit dalawang hayop ang binanggit sa Mat 21:2, 7, binanggit sa hula sa Zac 9:9 na sa isang hayop lang sasakay ang hari.—Tingnan ang study note sa Mat 21:2.
ang asno at ang bisiro nito: Tingnan ang study note sa Mat 21:2, 5.
umupo siya sa mga iyon: Tumutukoy sa mga balabal.
Iligtas nawa: Lit., “Hosanna.” Ang terminong Griego ay mula sa ekspresyong Hebreo na nangangahulugang “iligtas mo, aming dalangin” o “pakisuyong iligtas.” Dito, ginamit ang terminong ito para humiling sa Diyos ng kaligtasan o tagumpay; puwede itong isaling “pakisuyong iligtas si.” Nang maglaon, ginagamit na ang ekspresyong ito hindi lang sa panalangin, kundi pati sa pagpuri. Ang ekspresyong Hebreo ay mababasa sa Aw 118:25, na bahagi ng mga Salmong Hallel, na regular na inaawit sa panahon ng Paskuwa. Kaya talagang maiisip agad ang pananalitang ito sa eksenang binanggit sa teksto. Ang isang paraan ng pagsagot ng Diyos sa panalanging ito na iligtas ang Anak ni David ay ang pagbuhay-muli sa kaniya. Sa Mat 21:42, sinipi ni Jesus ang Aw 118:22, 23 para tumukoy sa Mesiyas.
Anak ni David: Dito, ang ekspresyong ito ay nagpapakitang kinikilala ng mga taong iyon na talagang nagmula si Jesus sa angkan ni David at na siya ang ipinangakong Mesiyas.—Tingnan ang study note sa Mat 1:1, 6; 15:25; 20:30.
Jehova: Sa pagsiping ito sa Aw 118:25, 26, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.
nagkagulo: O “nayanig.” Ang tindi ng kaguluhang nangyari sa lunsod ay ipinapahiwatig ng pandiwang Griego na literal na tumutukoy sa mga epekto ng lindol o bagyo. (Mat 27:51; Apo 6:13) Ang kaugnay na pangngalang Griego na sei·smosʹ ay isinasaling “bagyo” o “lindol.”—Mat 8:24; 24:7; 27:54; 28:2.
templo: Posibleng tumutukoy sa bahagi ng templo na tinatawag na Looban ng mga Gentil.—Tingnan ang Ap. B11.
pinalayas ang lahat ng nagtitinda: Tingnan ang study note sa Luc 19:45.
tagapagpalit ng pera: Maraming iba’t ibang uri ng barya na ginagamit noon, pero lumilitaw na isang uri lang ng barya ang puwedeng ipambayad sa taunang buwis sa templo o sa pagbili ng hayop na panghandog. Kaya ang mga Judiong nagpupunta sa Jerusalem ay kailangang magpapalit ng pera para tanggapin sa templo ang ibabayad nila. Maliwanag na nakita ni Jesus na napakalaki ng sinisingil ng mga tagapagpalit ng pera at maituturing na silang nangingikil.
pugad ng mga magnanakaw: O “kuweba ng mga magnanakaw.” Nasa isip ni Jesus ang nasa Jer 7:11. Malamang na tinawag niyang “magnanakaw” ang mga mangangalakal at tagapagpalit ng pera dahil masyadong mataas ang sinisingil nila sa pagbebenta ng hayop na panghandog at sa pagpapalit ng pera. Galit na galit din si Jesus dahil ang bahay-panalanginan ni Jehova, o lugar ng pagsamba sa kaniya, ay ginawang lugar ng negosyo.
templo: Posibleng tumutukoy sa Looban ng mga Gentil. (Ihambing ang study note sa Mat 21:12.) Sa ulat lang ni Mateo mababasa na may lumapit kay Jesus na mga bulag at pilay sa templo at na pinagaling niya sila, gaya ng nagawa na niya sa naunang pagkakataon. (Mat 15:30) Sinasabi ng ilan na ayon sa tradisyong Judio, bawal pumunta ang mga bulag at pilay sa ilang bahagi ng templo, pero wala namang binabanggit na ganoon sa Hebreong Kasulatan. Totoo man o hindi ang pagbabawal na iyon, posibleng ipinapakita ng ulat ni Mateo na ang sigasig ni Jesus noong mga huling araw ng ministeryo niya sa lupa ay hindi lang nakita sa paglilinis ng templo, kundi pati sa pagpapagaling ng mga bulag at pilay na lumalapit sa kaniya roon.—Tingnan ang Ap. A7.
Iligtas nawa ang Anak ni David: Tingnan ang study note sa Mat 21:9.
Betania: Nayon sa timog-silangang dalisdis ng Bundok ng mga Olibo na mga 3 km (2 mi) mula sa Jerusalem. (Ju 11:18) Lumilitaw na ang bahay nina Marta, Maria, at Lazaro sa nayong ito ang pinakatirahan ni Jesus sa Judea. (Ju 11:1) Sa ngayon, nasa lokasyon nito ang isang maliit na nayon na may pangalang Arabiko na nangangahulugang “Lugar ni Lazaro.”
wala itong bunga kundi mga dahon lang: Karaniwan nang hindi namumunga ang puno ng igos sa panahong ito, pero ang punong nakita ni Jesus ay may mga dahon, at kadalasan nang tanda ito na may bunga na ang puno. Dahil puro dahon lang ang puno, alam ni Jesus na hindi na ito mamumunga, kaya nakakadaya ang hitsura nito. Dahil diyan, isinumpa ni Jesus ang punong ito na hindi na mamunga kahit kailan, kaya natuyot ito.
Sinasabi ko sa inyo: Tingnan ang study note sa Mat 5:18.
punong saserdote: Tingnan ang study note sa Mat 2:4.
matatandang lalaki: Tingnan ang study note sa Mat 16:21.
Sinabi nito, ‘Ayoko po’: Sa ilang manuskritong Griego, iba ang pagkakasunod ng sinabi at ginawa ng dalawang anak sa talinghagang ito sa Mat 21:28-31. (Tingnan ang salin sa naunang bersiyon ng Bagong Sanlibutang Salin.) Pareho lang ang ideya ng mga saling ito, pero mas maraming manuskrito ang sumusuporta sa kasalukuyang salin.
maniningil ng buwis: Tingnan ang study note sa Mat 5:46.
ilustrasyon: O “talinghaga.”—Tingnan ang study note sa Mat 13:3.
tore: Dahil mataas ito, ginagamit ito sa pagbabantay laban sa mga magnanakaw at mga hayop.—Isa 5:2.
pinaupahan: Karaniwan ito sa Israel noong unang siglo. Dito, ang ubasan ay inihandang mabuti ng may-ari, kaya makatuwiran lang na umasa siyang kikita siya.
pupuksain niya sila: O “magdadala siya sa kanila ng masamang pagkapuksa.” Sa Griego, ginamit ang magkaibang anyo ng isang salitang-ugat bilang pag-uulit para idiin ang mensahe ng paghatol: “Dahil masama sila, magdadala siya sa kanila ng masamang pagkapuksa.”
sa Kasulatan: Kadalasan nang tumutukoy ito sa buong Hebreong Kasulatan.
pangunahing batong-panulok: O “pinakaimportanteng bato.” Ang ekspresyong Hebreo sa Aw 118:22 at ang ekspresyong Griego na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “ulo ng kanto.” Iba-iba ang intindi rito, pero lumilitaw na tumutukoy ito sa batong inilalagay sa tuktok ng kanto ng pinagdugtong na dalawang pader para maging matibay ang pagkakadugtong ng mga ito. Sinipi ni Jesus ang hulang ito para tukuyin ang sarili niya bilang ang “pangunahing batong-panulok.” Kung paanong kapansin-pansin ang bato sa pinakatuktok ng isang gusali, ganiyan din si Jesu-Kristo, dahil siya ang pinakatuktok na bato sa kongregasyong Kristiyano ng mga pinahiran, na inihalintulad sa isang espirituwal na templo.
Jehova: Sa pagsiping ito sa Aw 118:22, 23, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.