Ayon kay Mateo 23:1-39

23  Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tao at sa mga alagad niya: 2  “Ang mga eskriba at mga Pariseo ay umupo sa upuan ni Moises. 3  Kaya gawin ninyo ang lahat ng sinasabi nila, pero huwag ninyong gayahin ang ginagawa nila, dahil hindi nila ginagawa ang sinasabi nila.+ 4  Nagbibigkis sila ng mabibigat na pasan at ipinapapasan ang mga ito sa mga tao,+ pero ayaw man lang nilang galawin ang mga iyon ng kanilang daliri.+ 5  Ang lahat ng ginagawa nila ay ginagawa nila para makita ng mga tao.+ Pinalalaki nila ang mga sisidlang naglalaman ng kasulatan na isinusuot nila bilang proteksiyon+ at pinahahaba ang mga palawit ng mga damit nila.+ 6  Gusto nila ang mga upuan para sa importanteng mga bisita sa mga handaan* at ang pinakamagagandang puwesto sa mga sinagoga.+ 7  Gusto nilang binabati sila ng mga tao sa mga pamilihan at tinatawag na Rabbi. 8  Pero kayo, huwag kayong patawag na Rabbi, dahil iisa ang inyong Guro,+ at lahat kayo ay magkakapatid. 9  Huwag din ninyong tawaging ama ang sinuman sa lupa, dahil iisa ang inyong Ama,+ ang nasa langit. 10  At huwag kayong patawag na mga lider, dahil iisa ang inyong Lider, ang Kristo.+ 11  Sa halip, ang pinakadakila sa inyo ay dapat na maglingkod.+ 12  Sinumang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa,+ at sinumang nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas.+ 13  “Kaawa-awa kayo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Isinasara ninyo ang Kaharian ng langit sa mga tao; dahil kayo mismo ay hindi pumapasok, at hinahadlangan ninyo ang mga papasók na rito.+ 14  —— 15  “Kaawa-awa kayo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari!+ Tinatawid ninyo ang dagat at lupa para gawing proselita ang isa, at kapag naging proselita na siya, ginagawa ninyo siyang mas masahol pa sa inyo at karapat-dapat sa Gehenna gaya ninyo. 16  “Kaawa-awa kayo, mga bulag na tagaakay,+ na nagsasabi, ‘Kung ipanumpa ng isa ang templo, hindi siya obligadong tuparin ang isinumpa niya; pero kung ipanumpa niya ang ginto ng templo, obligado siyang tuparin ito.’+ 17  Mga mangmang at bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto o ang templo na nagpabanal sa ginto? 18  Sinasabi rin ninyo, ‘Kung ipanumpa ng isa ang altar,+ hindi siya obligadong tuparin ang isinumpa niya; pero kung ipanumpa niya ang handog sa ibabaw nito, obligado siyang tuparin ito.’ 19  Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang altar na nagpapabanal sa handog? 20  Kaya kung ipanumpa ng isa ang altar, ipinanunumpa niya ito at ang lahat ng bagay na nasa ibabaw nito; 21  at kung ipanumpa ng isa ang templo, ipinanunumpa niya ito at ang Diyos na nakatira dito;+ 22  at kung ipanumpa ng isa ang langit, ipinanunumpa niya ang trono ng Diyos at ang nakaupo rito.+ 23  “Kaawa-awa kayo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Ibinibigay ninyo ang ikasampu ng yerbabuena at ng eneldo at ng komino,+ pero binabale-wala ninyo ang mas mahahalagang bagay sa Kautusan: ang katarungan+ at awa+ at katapatan.* Kailangan namang gawin ang mga iyon, pero hindi ninyo dapat bale-walain ang iba pang bagay.*+ 24  Mga bulag na tagaakay,+ na sumasala ng niknik*+ pero lumululon ng kamelyo!+ 25  “Kaawa-awa kayo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng kopa at pinggan,+ pero ang loob naman nito ay punô ng kasakiman*+ at pagpapakasasa.+ 26  Bulag na Pariseo, linisin mo muna ang loob ng kopa at pinggan para ang labas nito ay maging malinis din. 27  “Kaawa-awa kayo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari!+ Kagaya kayo ng mga pinaputing libingan,+ na maganda sa labas pero sa loob ay punô ng buto ng mga patay at ng bawat uri ng karumihan. 28  Kayo rin ay mukhang matuwid sa paningin ng mga tao, pero sa loob ay punô kayo ng pagkukunwari at kasamaan.+ 29  “Kaawa-awa kayo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari!+ Iginagawa ninyo ng libingan ang mga propeta at pinapalamutian ang libingan ng mga matuwid,+ 30  at sinasabi ninyo, ‘Kung nabuhay kami noong panahon ng mga ninuno namin, hindi kami sasama sa kanila sa pagpatay sa mga propeta.’ 31  Kayo na rin ang nagsasabi na mga anak kayo ng mga pumatay sa mga propeta.+ 32  Kaya tapusin ninyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno. 33  “Mga ahas, mga anak ng ulupong,+ paano ninyo matatakasan ang parusa sa Gehenna?+ 34  Dahil sa kasamaan ninyo, kapag nagsugo ako sa inyo ng mga propeta+ at marurunong na tao at mga pangmadlang tagapagturo,+ papatayin+ ninyo at ibabayubay sa tulos ang ilan sa kanila, at ang iba ay hahagupitin+ ninyo sa inyong mga sinagoga at pag-uusigin+ sa bawat lunsod. 35  Kaya mananagot kayo sa lahat ng dumanak na dugo ng matuwid na mga tao, mula sa dugo ng matuwid na si Abel+ hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Barakias, na pinatay ninyo sa pagitan ng templo at ng altar.+ 36  Sinasabi ko sa inyo, mangyayari ang lahat ng ito sa henerasyong ito. 37  “Jerusalem, Jerusalem, ang pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinugo sa kaniya+—ilang ulit kong sinikap na tipunin ang mga anak mo, kung paanong tinitipon ng inahing manok ang mga sisiw niya sa ilalim ng kaniyang mga pakpak! Pero ayaw ninyo.+ 38  Kaya pababayaan ng Diyos ang bahay ninyo.+ 39  At sinasabi ko sa inyo, hindi na ninyo ako makikita mula ngayon hanggang sa sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang isa na dumarating sa pangalan ni Jehova!’”+

Talababa

O “hapunan.”
O “pananampalataya.”
Katarungan, awa, at katapatan.
Isang maliit na insekto na nangangagat gaya ng lamok.
O “pandarambong; pagnanakaw.”

Study Notes

umupo sa upuan ni Moises: O “nag-atas sa kanilang sarili bilang kapalit ni Moises,” dahil inaangkin nilang may awtoridad silang bigyang-kahulugan ang sinasabi ng Kautusan.

mabibigat na pasan: Maliwanag na tumutukoy sa mga tuntunin at di-nasusulat na tradisyon na nagpapabigat sa mga tao.

galawin ang mga iyon ng kanilang daliri: Ang ekspresyong ito ay posibleng nangangahulugan na ayaw ng mga lider ng relihiyon na mag-alis ng kahit isang maliit na tuntunin para mabawasan ang nagpapabigat sa mga tao.

sisidlang naglalaman ng kasulatan na isinusuot nila bilang proteksiyon: O “pilakterya nila.” Ang maliit na sisidlang katad na ito na naglalaman ng apat na bahagi ng Kautusan (Exo 13:1-10, 11-16; Deu 6:4-9; 11:13-21) ay isinusuot ng mga lalaking Judio sa noo at kaliwang braso nila. Naging kaugalian nila ito dahil literal ang unawa nila sa utos ng Diyos sa mga Israelita na nasa Exo 13:9, 16; Deu 6:8; 11:18. Kinondena ni Jesus ang mga lider ng relihiyon dahil pinapalaki nila ang mga sisidlan nila na naglalaman ng kasulatan para pahangain ang iba at dahil iniisip nilang pampasuwerte ito, o agimat, na poprotekta sa kanila.

pinahahaba ang mga palawit: Sa Bil 15:38-40, inutusan ang mga Israelita na lagyan ng palawit ang damit nila. Pero para magpasikat, hinahabaan ng mga Pariseo at eskriba ang palawit nila.

pinakamagagandang puwesto: Lit., “mga upuan sa unahan.” Lumilitaw na ang mga punong opisyal ng sinagoga at ang mga espesyal na bisita ay umuupo malapit sa mga balumbon ng Kasulatan, na nakikita ng buong kongregasyon. Ang mga upuang ito ay malamang na nakareserba sa importanteng mga taong gaya nila.

pamilihan: O “pinagtitipunan ng mga tao.” Ang salitang Griego na a·go·raʹ ay ginamit dito para tumukoy sa lugar kung saan namimili at nagbebenta ang mga tao. Ito rin ang lugar kung saan nagtitipon ang mga tao sa mga lunsod at nayon sa sinaunang Gitnang Silangan at sa mga teritoryong sakop ng mga Griego at Romano.

Rabbi: Literal na nangangahulugang “aking kadakilaan,” mula sa salitang Hebreo na rav, na ang ibig sabihin ay “dakila.” Ang “Rabbi” ay karaniwang ginagamit bilang katumbas ng “Guro” (Ju 1:38), pero naging titulo ito nang maglaon. Nagpapatawag sa ganitong titulo ang ilang edukado noon, ang mga eskriba at guro ng Kautusan.

ama: Dito, ipinagbabawal ni Jesus ang paggamit ng terminong “ama” bilang relihiyosong titulo para sa isang tao.

lider: Ang salitang Griego ay kasingkahulugan ng “Guro,” na mababasa sa talata 8. Dito, tumutukoy ito sa espirituwal na mga lider na nagbibigay ng patnubay at tagubilin. Malamang na ginagamit ito noon na relihiyosong titulo.

Lider: Hindi puwedeng maging espirituwal na Lider ng tunay na mga Kristiyano ang sinumang di-perpektong tao, kaya si Jesus lang ang karapat-dapat tawaging Lider.​—Tingnan ang naunang study note sa lider sa tekstong ito.

Kristo: Dito, ang titulong “Kristo,” na nangangahulugang “Pinahiran,” ay may kasamang tiyak na pantukoy sa Griego. Ipinapakita nitong si Jesus ang ipinangakong Mesiyas, na pinahiran, o pinili, para sa isang espesyal na atas.—Tingnan ang study note sa Mat 1:1 at 2:4.

maglingkod: Tingnan ang study note sa Mat 20:26.

Kaawa-awa kayo: Ito ang una sa pitong kaawa-awang kalagayan na sinabi ni Jesus tungkol sa mga lider ng relihiyon noong panahon niya. Dito, tinawag niya silang mga mapagkunwari at bulag na tagaakay.

mapagkunwari: Tingnan ang study note sa Mat 6:2.

Isinasara ninyo ang: O “Isinasara ninyo ang pinto sa,” ibig sabihin, hinahadlangan nila ang mga tao na makapasok.

Idinagdag ang pananalitang ito sa ilang manuskrito: “Kaawa-awa kayo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! dahil nilalamon ninyo ang mga bahay ng mga biyuda at nananalangin kayo nang mahaba para pahangain ang iba, kaya tatanggap kayo ng mas maraming hatol.” Walang ganitong talata sa Mateo sa pinakaluma at pinakamahalagang mga manuskrito. Pero may katulad na pananalita na makikita sa Mar 12:40 at Luc 20:47.—Tingnan ang Ap. A3.

gawing proselita: O “kumbertihin.” Ang salitang Griego na pro·seʹly·tos ay tumutukoy sa mga Gentil na nakumberte sa Judaismo at tinuli, kung mga lalaki sila.

karapat-dapat sa Gehenna: Lit., “anak ng Gehenna,” o karapat-dapat sa pagkapuksa magpakailanman.—Tingnan sa Glosari, “Gehenna.”

Mga mangmang at bulag!: O “Kayong mga bulag na mangmang!” Sa Bibliya, ginagamit ang terminong “mangmang” para tumukoy sa mga taong baluktot ang katuwiran, mababa ang moral, at bumabale-wala sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos.

ikasampu ng yerbabuena at ng eneldo at ng komino: Sa Kautusang Mosaiko, dapat magbigay ang mga Israelita ng ikapu, o ikasampu, ng ani nila. (Lev 27:30; Deu 14:22) Hindi espesipikong iniutos ng Kautusan na ibigay ang ikasampu ng maliliit na halamang pampalasa, gaya ng yerbabuena, eneldo, at komino; pero hindi naman kinondena ni Jesus ang kaugaliang ito. Ang pinuna niya ay ang mga eskriba at mga Pariseo dahil mas mahalaga sa kanila ang maliliit na detalye ng Kautusan kaysa sa mga simulain dito, gaya ng katarungan, awa, at katapatan.

sumasala ng niknik pero lumululon ng kamelyo: Ang niknik at kamelyo ay kasama sa pinakamaliliit at pinakamalalaking maruming hayop na kilala ng mga Israelita. (Lev 11:4, 21-24) Gumamit si Jesus ng eksaherasyon nang sabihin niyang sinasala ng mga lider ng relihiyon ang inumin nila para hindi mahaluan ng niknik at maging marumi ayon sa Kautusan, samantalang binabale-wala nila ang mas mahahalagang bagay sa Kautusan, na maihahambing naman sa paglulon sa isang kamelyo.

pinaputing libingan: Karaniwan nang pinapaputi ng mga Israelita ang mga libingan para makita ng mga dumaraan at hindi sila madikit dito at maging marumi ayon sa Kautusan. (Bil 19:16) Sinasabi ng Judiong Mishnah (Shekalim 1:1) na ang pagpapaputi ng mga libingan ay ginagawa taon-taon, isang buwan bago ang Paskuwa. Ginamit ni Jesus ang ekspresyong ito para ilarawan ang pagkukunwari ng mga eskriba at Pariseo.

kasamaan: Tingnan ang study note sa Mat 24:12.

libingan: O “alaalang libingan.”​—Tingnan sa Glosari, “Alaalang libingan.”

tapusin ninyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno: Lit., “punuin ninyo ang panukat ng inyong mga ninuno.” Ang literal na kahulugan ng idyomang ito ay “punuin ninyo ang panukat na sinimulang salinan ng iba.” Hindi inuutusan ni Jesus ang mga Judiong lider na tapusin ang sinimulan ng mga ninuno nila. Sa halip, ginamit niya ang ekspresyong ito para ihula na papatayin nila siya, gaya ng mga ninuno nila na pumatay sa mga propeta ng Diyos noon.

Mga ahas, mga anak ng ulupong: Si Satanas, “ang orihinal na ahas” (Apo 12:9), ay ang pasimuno ng paglaban sa tunay na pagsamba. Kaya tama lang na tawagin ni Jesus ang mga lider ng relihiyon na “mga ahas, mga anak ng ulupong.” (Ju 8:44; 1Ju 3:12) Namamatay sa espirituwal ang mga taong naimpluwensiyahan ng kasamaan nila. Ginamit din ni Juan Bautista ang ekspresyong “mga anak ng ulupong.”—Mat 3:7.

Gehenna: Tingnan ang study note sa Mat 5:22 at Glosari.

pangmadlang tagapagturo: O “may pinag-aralan.” Ang salitang Griego na gram·ma·teusʹ ay isinasaling “eskriba” kapag tumutukoy sa mga Judiong guro ng Kautusan, pero ang tinutukoy ni Jesus dito ay ang mga alagad na isusugo niya para magturo sa iba.

sinagoga: Tingnan sa Glosari.

mula sa dugo ng matuwid na si Abel hanggang sa dugo ni Zacarias: Ang sinabi ni Jesus ay tumutukoy sa lahat ng pinatay na saksi ni Jehova sa Hebreong Kasulatan, mula kay Abel na binanggit sa unang aklat (Gen 4:8) hanggang kay Zacarias na binanggit naman sa 2Cr 24:20. Ang Cronica ang huling aklat sa tradisyonal na Judiong kanon. Kaya nang sabihin ni Jesus na mula kay ‘Abel hanggang kay Zacarias,’ ang ibig niyang sabihin ay mula sa “unang pagpaslang hanggang sa huli.”

anak ni Barakias: Ayon sa 2Cr 24:20, si Zacarias ay “anak ng saserdoteng si Jehoiada.” Ipinapalagay na may dalawang pangalan si Jehoiada, gaya ng ibang karakter sa Bibliya. (Ihambing ang Mat 9:9 sa Mar 2:14.) Puwede ring si Barakias ay lolo ni Zacarias o ninuno.

na pinatay ninyo: Hindi naman talaga ang mga Judiong lider ng relihiyon ang pumatay kay Zacarias, pero sinabi ni Jesus na mananagot din sila dahil gusto rin nilang pumatay gaya ng mga ninuno nila.—Apo 18:24.

sa pagitan ng templo at ng altar: Ayon sa 2Cr 24:21, si Zacarias ay pinatay sa “looban ng bahay ni Jehova.” Ang altar ng handog na sinusunog ay nasa maliit na looban, sa labas ng santuwaryo at nasa harap ng pasukan nito. (Tingnan ang Ap. B8.) Kaya katugma ito ng sinabi ni Jesus na lugar kung saan naganap ang pangyayaring ito.

Sinasabi ko sa inyo: Tingnan ang study note sa Mat 5:18.

Jerusalem, Jerusalem: Sa Luc 13:34, mababasa na sinabi rin ni Jesus ang katulad na pananalita sa naunang pagkakataon, noong nasa Perea siya. Pero sa ulat na ito, sinabi ito ni Jesus noong Nisan 11, noong huling linggo ng ministeryo niya sa lupa.—Tingnan ang Ap. A7.

pababayaan: Sa ilang sinaunang manuskrito, ang mababasa ay “pababayaang tiwangwang.”

bahay: Ang templo.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Aw 118:26, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.

Media