Ayon kay Mateo 24:1-51

24  Nang paalis na si Jesus sa templo, lumapit sa kaniya ang mga alagad niya at itinuro ang mga gusali ng templo. 2  Sinabi niya sa kanila: “Nakikita ba ninyo ang lahat ng gusaling ito? Sinasabi ko sa inyo, walang matitirang magkapatong na bato rito. Lahat ay ibabagsak.”+ 3  Habang nakaupo siya sa Bundok ng mga Olibo,+ lumapit sa kaniya ang mga alagad nang sarilinan at nagsabi: “Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga ito, at ano ang magiging tanda ng presensiya mo+ at ng katapusan ng sistemang ito?”+ 4  Sumagot si Jesus: “Mag-ingat kayo para hindi kayo mailigaw ng sinuman,+ 5  dahil marami ang gagamit sa pangalan ko at magsasabi, ‘Ako ang Kristo,’ at marami silang maililigaw.+ 6  Makaririnig kayo ng ingay ng mga digmaan at ng mga ulat ng digmaan. Huwag kayong matakot, dahil kailangang mangyari ang mga ito, pero hindi pa ito ang wakas.+ 7  “Dahil maglalabanan ang mga bansa at mga kaharian,+ at magkakaroon ng taggutom+ at lindol sa iba’t ibang lugar.+ 8  Ang lahat ng ito ay pasimula ng matinding paghihirap. 9  “Pagkatapos, pag-uusigin kayo ng mga tao+ at papatayin,+ at kapopootan kayo ng lahat ng bansa dahil sa pangalan ko.+ 10  At marami rin ang mawawalan ng pananampalataya at magtatraidor sa isa’t isa at mapopoot sa isa’t isa. 11  Marami ang magkukunwaring propeta at marami silang maililigaw;+ 12  at dahil sa paglaganap ng kasamaan, ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.+ 13  Pero ang makapagtitiis hanggang sa wakas ay maliligtas.+ 14  At ang mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian ay ipangangaral sa buong lupa para marinig ng lahat ng bansa,+ at pagkatapos ay darating ang wakas. 15  “Kaya kapag nakita ninyong nakatayo na sa isang banal na lugar ang kasuklam-suklam na bagay na dahilan ng pagkatiwangwang, na sinabi ng propetang si Daniel+ (kailangan itong unawain ng mambabasa), 16  ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan.+ 17  Ang nasa bubungan ay huwag nang bumaba para kunin ang mga pag-aari niya mula sa kaniyang bahay, 18  at ang nasa bukid ay huwag nang bumalik para kunin ang balabal niya.+ 19  Kaawa-awa ang mga nagdadalang-tao at nagpapasuso ng sanggol sa mga araw na iyon!+ 20  Patuloy na ipanalanging hindi matapat sa taglamig o sa araw ng Sabbath ang pagtakas ninyo; 21  dahil sa panahong iyon ay magkakaroon ng malaking kapighatian+ na hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng mundo* hanggang sa ngayon at hindi na mangyayari pang muli.+ 22  Sa katunayan, kung hindi paiikliin ang mga araw na iyon, walang taong maliligtas; pero dahil sa mga pinili ay paiikliin ang mga araw na iyon.+ 23  “Kung may magsabi sa inyo, ‘Nandito ang Kristo!’+ o, ‘Nandoon!’ huwag ninyong paniwalaan iyon.+ 24  Dahil may mga magpapanggap na Kristo at magkukunwaring mga propeta+ na gagawa ng mga himala at kababalaghan para iligaw,+ kung posible, maging ang mga pinili. 25  Nabigyan ko na kayo ng babala. 26  Kaya kung sabihin sa inyo ng mga tao, ‘Nasa ilang siya,’ huwag kayong pumunta roon; ‘Nasa loob siya ng kuwarto,’ huwag kayong maniwala.+ 27  Dahil kung paanong ang kidlat sa silangan ay nagliliwanag hanggang sa kanluran, magiging ganoon ang presensiya ng Anak ng tao.+ 28  Kung nasaan ang bangkay, doon magpupuntahan ang mga agila.+ 29  “Agad-agad pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na iyon, ang araw ay magdidilim,+ at ang buwan ay hindi magliliwanag, at ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit, at ang mga kapangyarihan ng langit ay mayayanig.+ 30  Pagkatapos, lilitaw sa langit ang tanda ng Anak ng tao, at ang lahat ng tribo sa lupa ay magdadalamhati,+ at makikita nila ang Anak ng tao+ na dumarating na nasa mga ulap sa langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.*+ 31  At isusugo niya ang kaniyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta, at titipunin nila ang mga pinili niya mula sa apat na direksiyon, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabilang dulo nito.+ 32  “Ngayon ay matuto kayo sa ilustrasyon tungkol sa puno ng igos: Sa sandaling tubuan ito ng malalambot na sanga at umusbong ang mga dahon nito, alam ninyo na malapit na ang tag-araw.+ 33  Sa katulad na paraan, kapag nakita ninyong nangyayari na ang lahat ng ito, makakatiyak kayong malapit na siya at nasa pintuan na.+ 34  Sinasabi ko sa inyo na ang henerasyong ito ay hindi lilipas hanggang sa mangyari ang lahat ng ito. 35  Ang langit at lupa ay maglalaho, pero ang mga salita ko ay hindi maglalaho.+ 36  “Tungkol sa araw at oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam,+ kahit ang mga anghel sa langit o kahit ang Anak, kundi ang Ama lang.+ 37  Dahil ang presensiya ng Anak ng tao ay magiging gaya noong panahon ni Noe.+ 38  Noong panahong iyon bago ang Baha, ang mga tao ay kumakain at umiinom, ang mga lalaki at babae ay nag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa arka,+ 39  at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang Baha at tinangay silang lahat.+ Magiging gayon ang presensiya ng Anak ng tao. 40  Sa panahong iyon, dalawang lalaki ang magtatrabaho sa bukid; ang isa ay isasama at ang isa naman ay iiwan. 41  Dalawang babae ang maggigiling ng trigo; ang isa ay isasama at ang isa naman ay iiwan.+ 42  Kaya patuloy kayong magbantay, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon.+ 43  “Pero isipin ninyo ito: Kung nalaman lang ng may-bahay kung anong oras sa gabi darating ang magnanakaw,+ nanatili sana siyang gisíng at hindi hinayaang mapasok ang bahay niya.+ 44  Kaya maging handa rin kayo,+ dahil ang Anak ng tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan. 45  “Sino talaga ang tapat at matalinong alipin na inatasan ng panginoon niya sa mga lingkod ng sambahayan nito, para magbigay sa kanila ng pagkain sa tamang panahon?+ 46  Maligaya ang aliping iyon kung sa pagdating ng panginoon niya ay madatnan siyang gayon ang ginagawa!+ 47  Sinasabi ko sa inyo, aatasan siya ng panginoon sa lahat ng pag-aari nito. 48  “Pero kung masama ang aliping iyon at sabihin niya sa sarili, ‘Matatagalan pa ang panginoon ko,’+ 49  at bugbugin ang mga kapuwa niya alipin at kumain at uminom na kasama ng kilalang mga lasenggo, 50  ang panginoon ng aliping iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam,+ 51  at paparusahan siya nang napakatindi at itatapon sa kinaroroonan ng mga mapagkunwari. Iiyak siya roon at magngangalit ang mga ngipin niya.+

Talababa

O “sanlibutan.”
O posibleng “malaking kapangyarihan at kaluwalhatian.”

Study Notes

Sinasabi ko sa inyo: Tingnan ang study note sa Mat 5:18.

walang matitirang magkapatong na bato rito: Kahanga-hanga ang katuparan ng hulang ito ni Jesus noong 70 C.E. nang wasakin ng mga Romano ang Jerusalem at ang templo nito. Maliban sa iilang bahagi ng pader, lubusang gumuho ang lunsod.

Bundok ng mga Olibo: Ito ay nasa silangan ng Jerusalem, at nasa pagitan nito at ng lunsod ang Lambak ng Kidron. Mula rito, tanaw ni Jesus at ng mga alagad niyang sina “Pedro, Santiago, Juan, at Andres” (Mar 13:3, 4) ang lunsod at ang templo nito.

presensiya: Ang salitang Griego na pa·rou·siʹa (“pagparito” sa maraming salin) ay literal na nangangahulugang “pagiging nasa tabi.” Tumutukoy ito sa presensiya sa isang yugto ng panahon sa halip na sa mismong pagdating. Ang ganitong kahulugan ng pa·rou·siʹa ay makikita sa Mat 24:37-39, kung saan ang “panahon ni Noe . . . bago ang Baha” ay ikinumpara sa “presensiya ng Anak ng tao.” Sa Fil 2:12, ginamit ni Pablo ang salitang ito para tukuyin ang panahong “kasama” siya ng mga kapuwa niya Kristiyano, kabaligtaran ng panahong “wala” siya.

katapusan: Mula sa salitang Griego na syn·teʹlei·a, na nangangahulugang “sabay-sabay na katapusan; magkakasamang magtatapos.” (Mat 13:39, 40, 49; 28:20; Heb 9:26) Tumutukoy ito sa yugto ng panahon kung kailan sabay-sabay na magaganap ang mga pangyayari na hahantong sa ganap na “wakas” na binanggit sa Mat 24:6, 14, kung saan ibang salitang Griego (teʹlos) ang ginamit.​—Tingnan ang study note sa Mat 24:6, 14 at Glosari, “Katapusan ng sistemang ito.”

sistemang ito: O “panahong ito.” Dito, ang salitang Griego na ai·onʹ ay tumutukoy sa kalakaran o sa mga pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon.—Tingnan sa Glosari, “Sistema.”

ang Kristo: Sa Griego, ho Khri·stosʹ. Ang titulong “Kristo” ay katumbas ng “Mesiyas” (mula sa Hebreo na ma·shiʹach), na parehong nangangahulugang “Pinahiran.” Sinabi ng Judiong istoryador na si Josephus na noong unang siglo C.E., may mga lumitaw na nag-aangking propeta o tagapagligtas na nangangako sa mga tao ng kalayaan mula sa malupit na pamamahala ng mga Romano. Posibleng itinuturing sila ng mga tagasunod nila na politikal na Mesiyas.

wakas: O “ganap na wakas.” Ang salitang Griego na ginamit dito (teʹlos) ay iba sa salitang Griego na isinaling “katapusan” (syn·teʹlei·a) sa Mat 24:3.​—Tingnan ang study note sa Mat 24:3 at Glosari, “Katapusan ng sistemang ito.”

bansa: Ang salitang Griego na eʹthnos ay may malawak na kahulugan at puwedeng tumukoy sa mga taong nakatira sa isang partikular na lupain o sa teritoryong sakop ng isang gobyerno. Puwede rin itong tumukoy sa isang etnikong grupo.—Tingnan ang study note sa Mat 24:14.

maglalabanan: Lit., “titindig laban sa isa’t isa.” O “magkakagulo.” Dito, ang salitang Griego para sa “titindig” ay nangangahulugang “maglalabanan” at puwede ring isaling “magdidigmaan.”

matinding paghihirap: Ang salitang Griego ay literal na tumutukoy sa matinding kirot sa panganganak. Dito, tumutukoy ito sa paghihirap, kirot, at pagdurusa na mararanasan ng mga tao. Pero posibleng gaya ng kirot sa panganganak, ang inihulang paghihirap at pagdurusa ay mas dadalas, titindi, at tatagal hanggang sa dumating ang malaking kapighatiang binabanggit sa Mat 24:21.

dahil sa pangalan ko: Sa Bibliya, ang terminong “pangalan” ay tumutukoy kung minsan sa mismong tao na nagtataglay nito, sa reputasyon niya, at sa lahat ng kinakatawan niya. (Tingnan ang study note sa Mat 6:9.) Ang pangalan ni Jesus ay kumakatawan din sa awtoridad at posisyong ibinigay sa kaniya ng kaniyang Ama. (Mat 28:18; Fil 2:9, 10; Heb 1:3, 4) Ipinapaliwanag dito ni Jesus na kapopootan ang mga tagasunod niya dahil sa kinakatawan ng pangalan niya—ang posisyon niya bilang hinirang ng Diyos na Tagapamahala, ang Hari ng mga hari, na dapat sundin ng lahat ng tao para magkaroon sila ng buhay na walang hanggan.—Tingnan ang study note sa Ju 15:21.

mawawalan ng pananampalataya: Lit., “matitisod.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang Griego na skan·da·liʹzo ay tumutukoy sa makasagisag na pagkatisod. Puwede itong tumukoy sa pagkakasala o pagiging dahilan ng pagkakasala ng iba. Sa Bibliya, ang kasalanan ay puwedeng tumukoy sa paglabag sa kautusan ng Diyos sa moral, sa kawalan ng pananampalataya, o sa pagtanggap sa huwad na mga turo. Sa kontekstong ito, ang termino ay puwede ring isaling “magkakasala.” Ang salitang Griego ay puwede ring mangahulugan na “maghinanakit.”—Tingnan ang study note sa Mat 13:57; 18:7.

kasamaan: Ang salitang Griego dito na isinaling “kasamaan” ay nangangahulugang paglabag at kawalang-respeto ng mga tao sa mga batas, na para bang walang umiiral na mga batas. Sa Bibliya, tumutukoy ito sa paglapastangan sa mga batas ng Diyos.—Mat 7:23; 2Co 6:14; 2Te 2:3-7; 1Ju 3:4.

nakararami: Hindi lang ito nangangahulugang basta “maraming tao,” gaya ng pagkakasalin dito ng ibang Bibliya. Tumutukoy ito sa “karamihan” sa mga taong naimpluwensiyahan ng mga ‘nagkukunwaring propeta’ at ng “kasamaan” na binabanggit sa Mat 24:11, 12.

makapagtitiis: O “nagtitiis.” Ang salitang Griego na isinasaling “magtiis” (hy·po·meʹno) ay literal na nangangahulugang “manatili sa ilalim.” Karaniwan na, nangangahulugan itong “pananatili sa halip na pagtakas; paninindigan; pagtitiyaga; pananatiling matatag.” (Mat 10:22; Ro 12:12; Heb 10:32; San 5:11) Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa patuloy na pagsunod kay Kristo bilang alagad niya sa kabila ng mga pag-uusig at pagsubok.—Mat 24:9-12.

wakas: Tingnan ang study note sa Mat 24:6, 14.

ang mabuting balitang ito: Ang salitang Griego na eu·ag·geʹli·on ay mula sa mga salitang eu, na nangangahulugang “mabuti; maganda” at agʹge·los, “tagapagdala ng balita; tagapaghayag.” (Tingnan sa Glosari, “Mabuting balita.”) Isinasalin itong “ebanghelyo” sa ilang Bibliya. Ang kaugnay na ekspresyong isinasaling “ebanghelisador” (sa Griego, eu·ag·ge·li·stesʹ) ay nangangahulugang “mángangarál ng mabuting balita.”—Gaw 21:8; Efe 4:11, tlb.; 2Ti 4:5, tlb.

Kaharian: Tumutukoy sa Kaharian ng Diyos. Sa buong Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang ‘mabuting balita’ (tingnan ang naunang study note sa ang mabuting balitang ito sa tekstong ito) ay iniuugnay sa Kaharian ng Diyos, ang paksa ni Jesus sa kaniyang pangangaral at pagtuturo.​—Tingnan ang study note sa Mat 3:2; 4:23; Luc 4:43.

ipangangaral: O “ihahayag sa maraming tao.”—Tingnan ang study note sa Mat 3:1.

sa buong lupa . . . lahat ng bansa: Idiniriin ng mga ekspresyong ito ang lawak ng gawaing pangangaral. Ang salitang Griego para sa “lupa” (oi·kou·meʹne) ay tumutukoy sa lupa, o mundo, na tirahan ng mga tao. (Luc 4:5; Gaw 17:31; Ro 10:18; Apo 12:9; 16:14) Pero noong unang siglo, ginamit din ang terminong ito para sa malawak na Imperyo ng Roma, kung saan nakapangalat ang mga Judio. (Luc 2:1; Gaw 24:5) Ang salitang Griego naman para sa “bansa” (eʹthnos) ay karaniwan nang tumutukoy sa grupo ng mga tao na magkakalahi at may iisang wika. Ang ganoong bayan o etnikong grupo ay kadalasan nang naninirahan sa isang partikular na teritoryo.

para marinig ng: Lit., “bilang patotoo sa.” Katiyakan ito na ang mabuting balita ay maririnig ng lahat ng bansa. Ang salitang Griego na mar·tyʹri·on (patotoo) at ang mga kaugnay nitong salitang Griego ay kadalasang tumutukoy sa pagsasabi ng detalye at mga pangyayari tungkol sa isang paksa. (Tingnan ang study note sa Gaw 1:8.) Dito, sinasabi ni Jesus na may mga magpapatotoo sa buong mundo tungkol sa gagawin ng Kaharian ng Diyos at maglalahad ng mga pangyayaring may kaugnayan sa Kaharian. Ipinakita ni Jesus na ang pangangaral tungkol sa Kaharian sa buong mundo ay isang napakahalagang bahagi ng “tanda ng [kaniyang] presensiya.” (Mat 24:3) Bagaman tatanggap ng patotoo ang lahat ng bansa, hindi ito nangangahulugang lahat ng bansa ay magiging tunay na mga Kristiyano; maririnig lang nila ang patotoo.

wakas: O “ganap na wakas.”—Tingnan ang study note sa Mat 24:3, 6.

banal na lugar: Sa unang katuparan ng hula, tumutukoy ito sa Jerusalem at sa templo nito.—Tingnan ang study note sa Mat 4:5.

ang kasuklam-suklam na bagay na dahilan ng pagkatiwangwang: Sa hula ni Daniel, ang “kasuklam-suklam na (mga) bagay” ay iniugnay sa pagkatiwangwang. (Dan 9:27; 11:31; 12:11) Dito, ipinapakita ni Jesus na “ang kasuklam-suklam na bagay na dahilan ng pagkatiwangwang” ay hindi pa lumilitaw, kundi sa hinaharap pa. At 33 taon pagkamatay ni Jesus, nakita ng mga Kristiyano ang unang katuparan ng hulang ito nang makita nilang nakatayo na sa isang banal na lugar ang kasuklam-suklam na bagay. Mababasa sa kaparehong ulat sa Luc 21:20: “Kapag nakita ninyong napaliligiran ang Jerusalem ng nagkakampong mga hukbo, kung gayon, makakatiyak kayong malapit na ang pagtitiwangwang sa kaniya.” Noong 66 C.E., pinaligiran ng mga paganong hukbo ng Roma ang “banal na lunsod,” ang Jerusalem, na itinuturing na banal ng mga Judio at sentro ng pagrerebelde ng mga Judio laban sa Roma. (Mat 4:5; 27:53) Natukoy agad ng mga Kristiyanong may kaunawaan ang “kasuklam-suklam na bagay”—ang hukbong Romano na may dalang idolatrosong mga watawat. Naunawaan nilang iyon na ang senyales para “tumakas papunta sa kabundukan.” (Mat 24:15, 16; Luc 19:43, 44; 21:20-22) Pagkatapos tumakas ng mga Kristiyano, ang lunsod at ang bansa ay ginawang tiwangwang ng mga Romano. Winasak ang Jerusalem noong 70 C.E., at ang huling moog ng mga Judio, ang Masada, ay pinabagsak ng mga Romano noong 73 C.E. (Ihambing ang Dan 9:25-27.) Ang unang katuparan ng lahat ng detalye sa hulang ito ay patunay na mangyayari din ang malaking katuparan nito, na magtatapos sa pagdating ni Jesus “na nasa mga ulap sa langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.” (Mat 24:30) Binabale-wala ng maraming tao ang sinabi ni Jesus na matutupad ang hula ni Daniel pagkamatay ni Jesus. Naniniwala sila sa katuruan ng mga Judio na ang hula ni Daniel ay natupad noong 168 B.C.E. nang lapastanganin ng Siryanong hari na si Antiochus IV (Epiphanes) ang templo ni Jehova sa Jerusalem. Sinubukan ni Antiochus na lubusang patigilin ang pagsamba kay Jehova; nagtayo pa nga siya ng altar sa ibabaw ng malaking altar ni Jehova at naghandog ng mga baboy sa paganong diyos na si Zeus ng Olympus. (Tingnan ang study note sa Ju 10:22.) Ang apokripal na aklat na 1 Macabeo (1:54) ay gumamit ng ekspresyong gaya ng nasa aklat na Daniel (na nag-uugnay ng kasuklam-suklam na mga bagay sa pagkatiwangwang), at sinasabi nitong tumutukoy ito sa pangyayari noong 168 B.C.E. Pero ang katuruang iyon ng mga Judio at ang ulat sa 1 Macabeo ay interpretasyon lang ng tao, hindi mula sa Diyos. Totoo, kasuklam-suklam ang paglapastangan ni Antiochus sa templo, pero hindi niya nagawang tiwangwang ang Jerusalem, ang templo, o ang bansang Judio.

(kailangan itong unawain ng mambabasa): Kailangan lagi ng kaunawaan kapag nag-aaral ng Salita ng Diyos, pero lumilitaw na higit na kailangan ng kaunawaan sa bahaging ito ng hula ni Daniel. Sinasabi ni Jesus sa mga tagapakinig niya na ang hulang ito ay hindi pa natutupad kundi mangyayari pa lang sa hinaharap.​—Tingnan ang study note sa ang kasuklam-suklam na bagay na dahilan ng pagkatiwangwang sa tekstong ito.

Judea: Tumutukoy sa Judea na lalawigan ng Roma.

papunta sa kabundukan: Ayon sa istoryador noong ikaapat na siglo na si Eusebius, ang mga Kristiyano sa Judea at Jerusalem ay tumawid ng Ilog Jordan papuntang Pela, isang lunsod sa mabundok na rehiyon ng Decapolis.

nasa bubungan: Ang bubungan ng mga bahay noon ay patag at puwedeng gamitin na imbakan (Jos 2:6), pahingahan (2Sa 11:2), tulugan (1Sa 9:26), at para sa mga kapistahan ng pagsamba (Ne 8:16-18). Kaya kailangan na may halang ito. (Deu 22:8) Karaniwan na, may hagdan ito sa labas ng bahay para makababa ang nasa bubungan nang hindi na pumapasok sa bahay. Idiniriin nito ang pagkaapurahan ng babala ni Jesus na tumakas.

sa taglamig: Malakas ang ulan, bumabaha, at malamig sa ganitong panahon kaya mahirap maglakbay para humanap ng pagkain at matitirhan.—Ezr 10:9, 13.

sa araw ng Sabbath: Sa mga teritoryong gaya ng Judea, may mga restriksiyon na nauugnay sa kautusan ng Sabbath kaya mahihirapan ang isa na maglakbay nang malayo at magdala ng mabibigat na bagahe; sarado rin ang mga pintuang-daan sa araw ng Sabbath.—Tingnan ang Gaw 1:12 at Ap. B12.

magpapanggap na Kristo: O “magpapanggap na Mesiyas.” Ang salitang Griego na pseu·doʹkhri·stos ay dito lang lumitaw at sa kaparehong ulat sa Mar 13:22. Tumutukoy ito sa sinumang nagkukunwaring Kristo, o Mesiyas (lit., “Pinahiran”).​—Tingnan ang study note sa Mat 24:5.

presensiya: Tingnan ang study note sa Mat 24:3.

Anak ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 8:20.

ang tanda ng Anak ng tao: Iba ito sa “tanda ng presensiya” ni Jesus na binabanggit sa Mat 24:3. Ang tanda na binabanggit dito ay may kaugnayan sa ‘pagdating’ ng Anak ng tao bilang Hukom para maghayag at maglapat ng hatol sa panahon ng malaking kapighatian.—Tingnan ang study note sa dumarating sa tekstong ito.

magdadalamhati: O “susuntok sa dibdib dahil sa pagdadalamhati.” Noon, paulit-ulit na sinusuntok ng isa ang kaniyang dibdib para ipakita ang kaniyang matinding pagdadalamhati o pagsisisi.—Isa 32:12; Na 2:7; Luc 23:48.

makikita: Ang pandiwang Griego na isinasaling “makita” ay puwedeng literal na mangahulugang “makita ang isang bagay; tingnan; pagmasdan,” pero puwede rin itong makasagisag, na nangangahulugang “maintindihan; maunawaan.”—Efe 1:18.

dumarating: Ang una sa walong pagtukoy sa pagdating ni Jesus sa kabanata 24 at 25 ng Mateo. (Mat 24:42, 44, 46; 25:10, 19, 27, 31) Sa mga pagtukoy na ito, gumamit ng iba’t ibang anyo ng pandiwang Griego na erʹkho·mai, “dumating.” Dito, ginamit ang terminong ito may kaugnayan sa mga tao sa pangkalahatan, partikular na sa pagdating ni Jesus bilang Hukom para maghayag at maglapat ng hatol sa panahon ng malaking kapighatian.

mga ulap sa langit: Karaniwan nang nakakahadlang ang ulap para makita nang malinaw ang isang bagay, pero dito, ‘makakakita’ ang mga nagmamasid sa pamamagitan ng mata ng pang-unawa.—Gaw 1:9.

apat na direksiyon: Lit., “apat na hangin.” Isang idyoma na tumutukoy sa apat na direksiyon ng kompas—silangan, kanluran, hilaga, at timog—ibig sabihin, “sa lahat ng direksiyon; sa lahat ng lugar.”—Jer 49:36; Eze 37:9; Dan 8:8.

ilustrasyon: O “talinghaga; aral.”​—Tingnan ang study note sa Mat 13:3.

Ang langit at lupa ay maglalaho: Ipinapakita ng ibang teksto na mananatili magpakailanman ang langit at lupa. (Gen 9:16; Aw 104:5; Ec 1:4) Kaya posibleng ang pananalitang ito ni Jesus ay isang eksaherasyon, na nangangahulugang kahit pa mangyari ang isang bagay na imposible, gaya ng pagkawala ng langit at lupa, matutupad pa rin ang sinabi ni Jesus. (Ihambing ang Mat 5:18.) Pero posible ring makasagisag ang langit at lupa na binabanggit dito at tumutukoy sa ‘dating langit at dating lupa’ na nasa Apo 21:1.

ang mga salita ko ay hindi maglalaho: O “ang mga salita ko ay hinding-hindi maglalaho.” Ang paggamit dito ng dalawang salitang negatibo sa Griego ay pagdiriin na hindi mangyayari ang isang bagay. Ipinapakita nitong talagang mananatili ang mga salita ni Jesus.

panahon ni Noe: Lit., “mga araw ni Noe.” Sa Bibliya, ang terminong “panahon ni” ay tumutukoy kung minsan sa panahong nabuhay ang isang partikular na tao. (Isa 1:1; Jer 1:2, 3; Luc 17:28) Dito, ang “panahon ni Noe” ay ikinumpara sa presensiya ng Anak ng tao. Sa katulad na pananalita na nasa Luc 17:26, ginamit ang ekspresyong “mga araw ng Anak ng tao.” Hindi lang ikinukumpara ni Jesus ang presensiya niya sa mismong araw kung kailan dumating ang Baha sa sukdulang bahagi ng panahon ni Noe. Maraming taon ang saklaw ng “panahon ni Noe.” Kaya may basehan sa unawa na ang inihulang “presensiya [o “mga araw”] ng Anak ng tao” ay sasaklaw rin ng maraming taon. Kung paanong dumating ang Baha sa sukdulang bahagi ng panahon ni Noe, ang sukdulang bahagi ng “presensiya ng Anak ng tao” ay ang pagkapuksa ng mga hindi naghahanap ng kaligtasan.—Tingnan ang study note sa Mat 24:3.

presensiya: Tingnan ang study note sa Mat 24:3.

Baha: O “delubyo.” Ang salitang Griego na ka·ta·kly·smosʹ ay tumutukoy sa malaking baha na mapaminsala, at ginagamit ng Bibliya ang salitang ito para sa Delubyo noong panahon ni Noe.—Mat 24:39; Luc 17:27; 2Pe 2:5.

arka: Ang terminong Griego ay puwede ring isaling “baul; kahon,” posibleng para ipakitang isa itong malaking istraktura na hugis-kahon. Sa Vulgate, ang salitang Griegong ito ay isinaling arca, na nangangahulugang “kahon; baul,” at dito nagmula ang terminong Ingles na “ark.”

isasama . . . iiwan: Tingnan ang study note sa Luc 17:34.

patuloy kayong magbantay: Ang terminong Griego ay literal na nangangahulugang “manatiling gisíng,” pero sa maraming konteksto, ang ibig sabihin nito ay “magbantay; maging alisto.” Ginamit ni Mateo ang terminong ito sa Mat 24:43; 25:13; 26:38, 40, 41. Sa Mat 24:44, iniugnay niya ito sa kahalagahan ng pagiging “handa.”—Tingnan ang study note sa Mat 26:38.

matalinong: Ang salitang Griego para dito ay nangangahulugang may kaunawaan, nag-iisip muna, maingat, at marunong sa praktikal na paraan. Ginamit din ang salitang Griegong ito sa Mat 7:24 at 25:2, 4, 8, 9. Ginamit ng Septuagint ang salitang ito sa Gen 41:33, 39 sa paglalarawan kay Jose.

alipin: Ang paggamit ng pang-isahang anyo na “alipin” sa ilustrasyon ni Jesus ay hindi nangangahulugang tumutukoy lang ito sa isang partikular na tao. Gumagamit kung minsan ang Kasulatan ng pangngalang nasa pang-isahang anyo para tumukoy sa isang grupo, gaya noong sabihin ni Jehova sa bansang Israel: “Kayo [pangmaramihan] ang mga saksi ko, . . . oo, ang lingkod [pang-isahan] ko na aking pinili.” (Isa 43:10) Sa kaparehong ilustrasyon na nasa Luc 12:42, ang aliping ito ay tinawag na “ang tapat na katiwala, ang matalino.”—Tingnan ang study note sa Luc 12:42.

mga lingkod ng sambahayan: Ang terminong ito ay tumutukoy sa lahat ng nagtatrabaho sa sambahayan ng panginoon.

pagdating: Tingnan ang study note sa Mat 24:30.

masama ang aliping iyon: Ang pananalitang ito ni Jesus ay babala para sa tapat at matalinong alipin, na binabanggit sa Mat 24:45. Hindi sinasabi ni Jesus na magiging “masama ang aliping iyon” o na may aatasan siyang ‘masamang alipin.’ Sa halip, binababalaan niya ang tapat na alipin sa mangyayari kung magkakaroon siya ng mga katangiang gaya ng sa isang masamang alipin. Ang ganoong di-tapat na alipin ay paparusahan “nang napakatindi.”—Mat 24:51; tingnan ang study note sa Luc 12:45.

paparusahan siya nang napakatindi: Lit., “hahatiin siya sa dalawa.” Maliwanag na hindi naman literal ang ibig sabihin nito; nangangahulugan lang ito ng matinding parusa.

mapagkunwari: Tingnan ang study note sa Mat 6:2.

magngangalit ang mga ngipin niya: Tingnan ang study note sa Mat 8:12.

Media