Ayon kay Mateo 25:1-46

25  “Ang Kaharian ng langit ay gaya ng 10 dalaga na nagdala ng kanilang lampara+ at lumabas para salubungin ang lalaking ikakasal.+ 2  Ang lima sa kanila ay mangmang, at ang lima ay matalino.+ 3  Dinala ng mga mangmang ang mga lampara nila pero hindi sila nagdala ng langis. 4  Ang matatalino naman ay nagdala ng reserbang langis para sa kanilang mga lampara. 5  Hindi agad dumating ang lalaking ikakasal, kaya silang lahat ay inantok at nakatulog. 6  Pagdating ng kalagitnaan ng gabi, may sumigaw, ‘Nandiyan na ang lalaking ikakasal! Lumabas kayo para salubungin siya.’ 7  Kaya tumayo ang lahat ng dalagang iyon at inayos ang mga lampara nila.+ 8  Sinabi ng mga mangmang sa matatalino, ‘Bigyan ninyo kami ng kaunting langis dahil mamamatay na ang mga lampara namin.’ 9  Sumagot ang matatalino: ‘Baka hindi na ito magkasya sa ating lahat. Mabuti pa, magpunta kayo sa mga nagtitinda nito, at bumili kayo ng para sa inyo.’ 10  Pag-alis nila para bumili, dumating ang lalaking ikakasal. Ang mga dalagang nakahanda ay kasama niyang pumasok sa bahay na pagdarausan ng handaan,+ at isinara na ang pinto. 11  Pagkatapos, dumating din ang ibang dalaga at sinabi nila, ‘Ginoo, Ginoo, pagbuksan mo kami!’+ 12  Sumagot siya, ‘Hindi ko kayo kilala.’ 13  “Kaya patuloy kayong magbantay+ dahil hindi ninyo alam ang araw o ang oras.+ 14  “Ang Kaharian ay gaya ng isang taong maglalakbay sa ibang bayan. Ipinatawag niya ang mga alipin niya at ipinagkatiwala sa kanila ang mga pag-aari niya.+ 15  Binigyan niya sila ng talento ayon sa kakayahan ng bawat isa: sa isa ay lima, sa isa naman ay dalawa, at sa isa pa ay isang talento.+ Pagkatapos, pumunta siya sa ibang bayan. 16  Ang tumanggap ng limang talento ay kumilos agad at ginamit ang mga iyon sa negosyo, at kumita siya ng lima pa. 17  Ang tumanggap naman ng dalawang talento ay kumita ng dalawa pa. 18  Pero ang alipin na tumanggap lang ng isa ay umalis, humukay sa lupa, at ibinaon doon ang pera ng panginoon niya. 19  “Pagkatapos ng mahabang panahon, dumating ang panginoon ng mga aliping iyon at inalam kung ano ang ginawa nila sa pera niya.+ 20  Kaya ang tumanggap ng limang talento ay lumapit dala ang limang karagdagang talento at nagsabi, ‘Panginoon, ipinagkatiwala mo ang limang talento sa akin; tingnan mo, kumita ako ng lima pang talento.’+ 21  Sinabi sa kaniya ng panginoon niya: ‘Mahusay! Mabuti at tapat kang alipin! Naging tapat ka sa kaunting bagay. Aatasan kita sa maraming bagay.+ Makipagsaya ka sa panginoon mo.’+ 22  Pagkatapos, ang tumanggap ng dalawang talento ay lumapit at nagsabi, ‘Panginoon, ipinagkatiwala mo sa akin ang dalawang talento; tingnan mo, kumita ako ng dalawa pang talento.’+ 23  Sinabi sa kaniya ng panginoon niya: ‘Mahusay! Mabuti at tapat kang alipin! Naging tapat ka sa kaunting bagay. Aatasan kita sa maraming bagay. Makipagsaya ka sa panginoon mo.’ 24  “Panghuli, ang aliping tumanggap ng isang talento ay lumapit at nagsabi, ‘Panginoon, alam kong mahigpit* ka. Umaani ka nang hindi nagtatanim at nagtitipon nang hindi nagtatahip.+ 25  Kaya natakot ako at umalis, at ibinaon ko ang talento mo sa lupa. Heto na ang talento mo.’ 26  Sinabi sa kaniya ng panginoon niya: ‘Masama at tamad na* alipin! Alam mo palang umaani ako kahit hindi nagtatanim at nagtitipon kahit hindi nagtatahip. 27  Kaya dapat ay idineposito mo ang pera ko sa bangko, para pagdating ko ay makukuha ko ito nang may interes. 28  “‘Kunin ninyo sa kaniya ang talento at ibigay ito sa may 10 talento.+ 29  Dahil ang bawat isa na mayroon ay bibigyan pa, at magiging masagana siya. Pero ang sinumang wala, kahit ang nasa kaniya ay kukunin.+ 30  Itapon ninyo ang walang-kuwentang alipin sa kadiliman sa labas. Iiyak siya roon at magngangalit ang mga ngipin niya.’ 31  “Sa pagdating ng Anak ng tao+ na may malaking awtoridad, kasama ang lahat ng anghel,+ uupo siya sa kaniyang maluwalhating trono. 32  Ang lahat ng bansa ay titipunin sa harap niya, at pagbubukod-bukurin niya ang mga tao, kung paanong ibinubukod ng pastol ang mga tupa mula sa mga kambing. 33  At ilalagay niya ang mga tupa+ sa kaniyang kanan, pero ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.+ 34  “Pagkatapos, sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang Kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang itatag ang sanlibutan. 35  Dahil nang magutom ako, binigyan ninyo ako ng makakain; nang mauhaw ako, binigyan ninyo ako ng maiinom. Tagaibang bayan ako, at pinatuloy ninyo ako sa bahay ninyo.+ 36  Hubad ako at dinamtan ninyo.+ Nagkasakit ako at inalagaan ninyo. Nabilanggo ako at dinalaw ninyo.’+ 37  Sasabihin ng mga matuwid: ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom at pinakain ka, o uhaw at binigyan ka ng maiinom?+ 38  Kailan ka naging tagaibang bayan at pinatuloy ka namin sa bahay namin? Kailan ka namin nakitang hubad at dinamtan ka? 39  Kailan ka namin nakitang may sakit o nakabilanggo at dinalaw ka?’ 40  Sasagot sa kanila ang Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo, anuman ang ginawa ninyo sa isa sa pinakamababa sa mga kapatid ko ay ginawa ninyo sa akin.’+ 41  “Pagkatapos, sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa niya: ‘Lumayo kayo sa akin,+ kayong mga isinumpa, papunta sa walang-hanggang apoy+ na inihanda para sa Diyablo at sa mga anghel niya.+ 42  Dahil nang magutom ako, hindi ninyo ako binigyan ng makakain; at nang mauhaw ako, hindi ninyo ako binigyan ng maiinom. 43  Tagaibang bayan ako, pero hindi ninyo ako pinatuloy sa bahay ninyo. Nakita ninyo akong hubad, pero hindi ninyo ako dinamtan; may sakit at nakabilanggo, pero hindi ninyo ako inalagaan.’ 44  Sasabihin naman nila: ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom o uhaw o naging tagaibang bayan o hubad o may sakit o nakabilanggo at hindi ka namin inasikaso?’ 45  Sasagot siya sa kanila: ‘Sinasabi ko sa inyo, ang hindi ninyo ginawa sa isa sa mga pinakamababang ito ay hindi ninyo ginawa sa akin.’+ 46  Sila ay paparusahan ng walang-hanggang kamatayan,+ pero ang mga matuwid ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.”+

Talababa

O “malupit.”
O “walang-ginagawang.”

Study Notes

10 dalaga . . . lumabas para salubungin ang lalaking ikakasal: Noong panahon ng Bibliya, isang mahalagang bahagi ng kasalan ang prusisyon kung saan sinusundo ang babaeng ikakasal mula sa bahay ng kaniyang ama papunta sa bahay ng mapapangasawa niya o ng ama ng lalaki. Ang lalaking ikakasal, suot ang pinakamagandang damit niya, ay sinasamahan ng mga kaibigan niya pag-alis sa bahay sa gabi papunta sa bahay ng mga magulang ng babae. Mula roon, pupunta ang mga ikakasal sa bahay ng lalaki kasama ang mga tumutugtog at kumakanta, at karaniwan nang may kasama rin silang iba pa na may dalang lampara. Ang mga tao sa dadaanan ng prusisyon ay nakaabang at nakikisaya. (Isa 62:5; Jer 7:34; 16:9) Lumilitaw na ang mga dalagang may dalang lampara ay sumasama sa prusisyon. Dahil hindi naman nagmamadali ang prusisyon, puwede itong magtagal, kaya posibleng antukin at makatulog ang mga naghihintay sa dadaanan nito. Sa tagal ng paghihintay, baka kailangang lagyan ulit ng langis ang mga lamparang dadalhin sa prusisyon. Maririnig mula sa malayo ang kantahan at pagsasaya. Kapag nakapasok na sa bahay ang lalaking ikakasal at ang mga kasama niya at naisara na ito, hindi na puwedeng pumasok ang mga nahulíng bisita.—Mat 25:5-12; tingnan ang study note sa Mat 1:20.

matalino: O “maingat.”—Tingnan ang study note sa Mat 24:45.

inayos ang mga lampara nila: Maliwanag na tumutukoy sa pagputol sa mitsa, paglalagay ng langis para maging mas maliwanag ang lampara, at iba pang kailangang gawin sa lampara.

patuloy kayong magbantay: Lit., “manatili kayong gisíng.” Ang payong ito na manatiling gisíng sa espirituwal ang pangunahing mensahe ng ilustrasyon tungkol sa 10 dalaga.—Tingnan ang study note sa Mat 24:42; 26:38.

talento: Ang talentong Griego ay hindi isang barya kundi yunit ng timbang at pera. Ang isang talentong pilak na Griego ay 20.4 kg at nagkakahalaga nang mga 6,000 drakma o denariong Romano. Katumbas ito ng mga 20-taóng sahod ng karaniwang trabahador.—Tingnan ang Ap. B14.

pera: Lit., “pilak,” ang pilak na ginagamit na pera noon.

ibinaon ko ang talento mo sa lupa: May ebidensiya ng ganitong gawain noon, dahil nakahukay ang mga arkeologo at magsasaka ng malalaking halaga ng barya at pag-aari sa mga lupaing binanggit sa Bibliya.

bangko . . . interes: Noong unang siglo C.E., maraming nagpapautang, o mga bangko, sa Israel at sa nakapalibot na mga bansa. Pinagbabawalan ng Kautusan ang mga Israelita na magpautang nang may interes sa mahihirap na Judio (Exo 22:25), pero puwedeng magpatong ng interes sa utang ng mga dayuhan, na malamang na gagamitin ng mga ito para sa negosyo (Deu 23:20). Noong panahon ni Jesus, maliwanag na karaniwang nakakakuha ng interes sa perang idineposito sa mga nagpapautang.

magngangalit ang mga ngipin niya: Tingnan ang study note sa Mat 8:12.

pagdating: Tingnan ang study note sa Mat 24:30.

Anak ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 8:20.

kung paanong ibinubukod ng pastol ang mga tupa mula sa mga kambing: Pamilyar sa mga tagapakinig ni Jesus ang sinabi niyang ito. Noong panahon ng Bibliya, magkakahalo ang kawan na inaalagaan ng mga pastol. (Gen 30:32, 33; 31:38) Karaniwan nang nanginginaing magkakasama ang mga tupa at kambing sa Gitnang Silangan, at madali lang makita ng pastol ang dalawang uri ng hayop kapag gusto niyang pagbukurin ang mga ito. May ilang posibleng dahilan sa pagbubukod-bukod. Puwede itong para sa pagpapakain, paglalahi, paggagatas, pagbabalahibo, pagkatay, o pagtulong sa mga hayop na maggrupo-grupo para hindi ginawin sa gabi. Anuman ang dahilan, tamang-tama ang pagkakalarawan ng ilustrasyon sa magaganap na pagbubukod-bukod “sa pagdating ng Anak ng tao na may malaking awtoridad.”—Mat 25:31.

sa kaniyang kanan . . . sa kaniyang kaliwa: Sa ilang konteksto, ang mga posisyong ito ay parehong nagpapahiwatig ng karangalan at awtoridad (Mat 20:21, 23), pero laging nasa kanan ang may pinakamalaking karangalan (Aw 110:1; Gaw 7:55, 56; Ro 8:34). Pero dito at sa Mat 25:34, 41, may malinaw na pagkakaiba ang dalawang puwestong ito: ang mga nasa kanan ay sinasang-ayunan ng Hari, at ang mga nasa kaliwa naman ay hindi niya sinasang-ayunan.—Ihambing ang Ec 10:2, tlb.

mga kambing: Kahit na ang tinutukoy rito ni Jesus ay ang mga hindi sumusuporta sa mga espirituwal na kapatid niya, hindi niya ginamit ang “mga kambing” sa ilustrasyong ito dahil sa ilang pangit na katangian ng mga ito. Totoo na mas mapagsarili ang mga kambing, at kung minsan, mas matigas ang ulo nila kumpara sa mga tupa, pero malinis na hayop ang mga ito ayon sa Kautusan at puwedeng gamitin kapalit ng tupa sa hapunan ng Paskuwa. (Exo 12:5; Deu 14:4) Sinasabi rin sa Kautusang Mosaiko na dugo ng kambing ang dapat gamitin sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala para mabayaran ang kasalanan ng Israel. (Lev 16:7-27) Lumilitaw na ginamit lang ni Jesus ang kambing para kumatawan sa isang uri ng mga tao at ang mga tupa naman sa isa pang uri.—Mat 25:32.

manahin: Ang pangunahing kahulugan ng pandiwang Griego ay ang pagtanggap ng mana dahil sa karapatan, kadalasan na dahil sa ugnayan ng tagapagmana sa nagpapamana, gaya ng isang anak na tumanggap ng mana mula sa kaniyang ama. (Gal 4:30) Pero dito, gaya ng karaniwang paggamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, mas malawak ang kahulugan ng termino, at tumutukoy ito sa pagtanggap ng isang bagay bilang gantimpala mula sa Diyos.—Mat 19:29; 1Co 6:9.

ang Kahariang: Sa Bibliya, ang terminong “kaharian” ay puwedeng tumukoy sa iba’t ibang bagay, gaya ng “rehiyon o bansa na pinamumunuan ng isang hari,” “kapangyarihan bilang hari,” “teritoryong nasasakupan,” at “pagiging sakop ng isang hari.” Dito, lumilitaw na tumutukoy ito sa pagtanggap ng mga pagpapala ng pagiging sakop ng Kaharian ng Diyos at pamumuhay sa teritoryong sakop nito.

nang itatag ang sanlibutan: Ang salitang Griego para sa “itatag” ay isinaling “nagdalang-tao” sa Heb 11:11. Ang ekspresyon dito na “itatag ang sanlibutan” ay lumilitaw na tumutukoy sa pagbubuntis at pagsilang sa mga anak nina Adan at Eva. Iniugnay ni Jesus ang ‘pagkakatatag ng sanlibutan’ kay Abel, dahil maliwanag na siya ang unang tao na puwedeng tubusin at nakasulat ang pangalan niya sa balumbon ng buhay mula pa “nang itatag ang sanlibutan.”—Luc 11:50, 51; Apo 17:8.

Hubad: O “Walang maisuot.” Ang salitang Griego na gy·mnosʹ ay puwedeng mangahulugang “nakasuot lang ng panloob.”—San 2:15, tlb.

Sinasabi ko sa inyo: Tingnan ang study note sa Mat 5:18.

kamatayan: Lit., “pagkaputol.” Ang salitang Griego na koʹla·sis ay puwedeng tumukoy sa “pagputol” o “pagtagpas” sa mga sanga ng puno na hindi na kailangan. Ang “pagkaputol” na ito ay ‘walang hanggan,’ dahil ang tatanggap ng ganitong parusa ay wala nang pag-asang mabuhay-muli.

Media