Ayon kay Mateo 28:1-20
Study Notes
Sabbath: Lit., “mga Sabbath.” Sa talatang ito, dalawang beses na lumitaw ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego na sabʹba·ton. Ang unang paglitaw ay tumutukoy sa isang araw ng Sabbath, ang ikapitong araw ng linggo, at isinalin itong “Sabbath.” Ang ikalawang paglitaw ay tumutukoy sa buong pitong araw, at isinalin itong ng linggo. Ang araw ng Sabbath (Nisan 15) ay natapos sa paglubog ng araw. Iniisip ng ilan na ang ulat ni Mateo ay tumutukoy sa takipsilim “pagkaraan ng Sabbath,” pero maliwanag na ipinapakita ng ibang ulat sa Ebanghelyo na ang mga babae ay dumating para tingnan ang libingan ‘maaga’ noong Nisan 16, “pagsikat ng araw.”—Mar 16:1, 2; Luc 24:1; Ju 20:1; tingnan din sa Glosari at Ap. B12.
unang araw ng linggo: Tumutukoy sa Nisan 16. Para sa mga Judio, ang araw pagkatapos ng Sabbath ay ang unang araw ng linggo.
ang isa pang Maria: Tingnan ang study note sa Mat 27:61.
anghel ni Jehova: Tingnan ang study note sa Mat 1:20 at Ap. C1 at introduksiyon ng C3; Mat 28:2.
sabihin ninyo sa mga alagad niya na binuhay siyang muli: Ang mga babaeng ito ang una sa mga alagad na nakaalam ng pagkabuhay-muli ni Jesus, at sila rin ang inutusang magbalita nito sa iba pang alagad. (Mat 28:2, 5, 7) Ayon sa di-makakasulatang paniniwala ng mga Judio, hindi puwedeng tumestigo sa korte ang isang babae. Pero binigyang-dangal ng anghel ni Jehova ang mga babae nang ibigay niya sa kanila ang magandang atas na ito.
yumukod: O “nagpatirapa; nagbigay-galang.”—Tingnan ang study note sa Mat 8:2; 14:33; 15:25.
mga kapatid ko: Dito, tinawag ni Jesus na “mga kapatid” ang mga alagad niya dahil sa espirituwal na ugnayan nila.—Tingnan ang Mat 28:16; ihambing ang Mat 25:40; Ju 20:17; Heb 2:10-12.
matatandang lalaki: Tingnan ang study note sa Mat 16:21.
ito: Tumutukoy sa kasinungalingang nakatulog sila. Puwedeng ipapatay ang mga sundalong Romano kapag nakatulog sila sa pagbabantay.
gobernador: Tumutukoy kay Poncio Pilato.
magkikita-kita: Lumilitaw na mahigit 500 ang pumunta sa Galilea para magkita-kita.—1Co 15:6.
ang ilan ay nag-alinlangan: Kung pagbabatayan ang 1Co 15:6, malamang na hindi kasama ang mga apostol sa mga nag-alinlangan; sa halip, ang mga nag-alinlangan ay ang mga alagad sa Galilea na hindi pa nakakita kay Jesus mula nang buhayin siyang muli.
gumawa ng mga alagad: O “gumawa ng mga estudyante.” Ang pandiwang Griego na ma·the·teuʹo ay pangunahin nang nangangahulugang “magturo” para makagawa ng mga estudyante o alagad. Sa Mat 13:52, isinalin itong “naturuan,” at sa Mat 27:57, isinalin itong “naging alagad.” Sa Gaw 14:21, ginamit ang pananalitang ito para sabihing marami ang natulungan nina Pablo at Bernabe sa Derbe “na maging alagad.” Ipinapakita ng mga pandiwang “binabautismuhan” at “itinuturo” sa kontekstong ito kung ano ang kailangan sa ‘paggawa ng mga alagad.’—Para sa pagtalakay sa kaugnay na pangngalang Griego na ma·the·tesʹ, tingnan ang study note sa Mat 5:1.
mga tao ng lahat ng bansa: Ang literal na salin nito ay “lahat ng bansa,” pero ipinapakita ng konteksto na ang terminong ito ay tumutukoy sa mga indibidwal mula sa lahat ng bansa, dahil ang panghalip na Griego para sa “sila” sa pananalitang binabautismuhan sila ay nasa kasariang panlalaki at tumutukoy sa mga tao, hindi sa mga “bansa,” na walang kasarian sa Griego. Ang utos na ito na puntahan ang “mga tao ng lahat ng bansa” ay bago. Bago ang ministeryo ni Jesus, makikita sa Kasulatan na ang mga Gentil ay tinatanggap sa Israel kung lalapit sila para maglingkod kay Jehova. (1Ha 8:41-43) Pero sa utos na ito, inatasan ni Jesus ang mga alagad niya na mangaral sa lahat ng tao, hindi lang sa mga Judio. Kaya naidiin nito na pambuong-daigdig ang paggawa ng mga alagad ng mga Kristiyano.—Mat 10:1, 5-7; Apo 7:9; tingnan ang study note sa Mat 24:14.
sa pangalan ng: Ang terminong Griego para sa “pangalan” (oʹno·ma) ay hindi lang tumutukoy sa personal na pangalan. Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa pagkilala sa awtoridad at posisyon ng Ama at ng Anak, pati na sa papel ng banal na espiritu. Sa paggawa nito, nagkakaroon ang isa ng bagong kaugnayan sa Diyos.—Ihambing ang study note sa Mat 10:41.
Ama . . . Anak . . . banal na espiritu: Natural lang na kilalanin natin ang Ama, ang Diyos na Jehova, dahil siya ang ating Maylalang at Tagapagbigay-Buhay. (Aw 36:7, 9; Apo 4:11) Pero sinasabi rin ng Bibliya na hindi makakaligtas ang isang tao kung hindi niya kikilalanin ang papel ng Anak sa layunin ng Diyos. (Ju 14:6; Gaw 4:12) Mahalaga ring kilalanin ang papel ng banal na espiritu ng Diyos dahil ginagamit ng Diyos ang aktibong puwersa niya para magbigay ng buhay (Job 33:4), iparating sa mga tao ang mensahe niya (2Pe 1:21), palakasin sila na gawin ang kalooban niya (Ro 15:19), at iba pa. Iniisip ng ilan na ang magkakasamang pagbanggit sa Ama, Anak, at banal na espiritu ay sumusuporta sa doktrina ng Trinidad, pero hindi kailanman itinuro ng Bibliya na ang tatlong ito ay pantay-pantay sa haba ng pag-iral, kapangyarihan, at posisyon. Ang magkakasamang pagbanggit sa mga ito sa iisang talata ay hindi nagpapatunay na ang tatlong ito ay Diyos, magkakasinghaba ang pag-iral, at magkakapantay.—Mar 13:32; Col 1:15; 1Ti 5:21.
banal na espiritu: O “banal na aktibong puwersa.” Ang terminong “espiritu” (walang kasarian sa Griego) ay tumutukoy, hindi sa isang indibidwal, kundi sa puwersa na ginagamit ng Diyos at nagmumula sa kaniya.—Tingnan sa Glosari, “Banal na espiritu”; “Ruach; Pneuma.”
itinuturo sa kanila: Saklaw ng salitang Griego na isinasaling “magturo” ang pagpapaliwanag, paggamit ng nakakakumbinsing argumento, at paghaharap ng mga katibayan. (Tingnan ang study note sa Mat 3:1; 4:23.) Ang pagtuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ni Jesus ay dapat gawin nang patuluyan, at kasama rito ang pagtuturo sa kanila ng lahat ng itinuro niya, kung paano susundin ang mga ito, at kung paano siya tutularan.—Ju 13:17; Efe 4:21; 1Pe 2:21.
katapusan: Tingnan ang study note sa Mat 24:3 at Glosari, “Katapusan ng sistemang ito.”
sistemang ito: O “panahong ito.”—Tingnan sa Glosari, “Sistema.”