Ayon kay Mateo 6:1-34
Talababa
Study Notes
gagawa ka ng mabuti sa mahihirap: O “magbibigay ka ng kaloob udyok ng awa.” Ang salitang Griego na e·le·e·mo·syʹne, na karaniwang isinasaling “limos,” ay may kaugnayan sa mga salitang Griego para sa “awa” at “magpakita ng awa.” Tumutukoy ito sa pera o pagkaing ibinibigay bilang tulong sa mahihirap.
hihihip ng trumpeta: Makakakuha ito ng atensiyon. Maliwanag, ang paghihip dito ng trumpeta ay makasagisag at nangangahulugang hindi dapat ipagsabi ng isa ang pagtulong niya sa iba.
mapagkunwari: O “mapagpaimbabaw.” Ang salitang Griego na hy·po·kri·tesʹ ay tumutukoy noong una sa mga Griego (at pagkatapos ay sa mga Romano) na umaarte sa entablado at nakasuot ng malalaking maskara na pampalakas ng boses. Nang maglaon, ginamit ang terminong ito para tumukoy sa sinumang nagpapanggap at nagtatago ng totoo niyang motibo o personalidad. Dito, tinawag ni Jesus na “mapagkunwari” ang mga Judiong lider ng relihiyon.—Mat 6:5, 16.
Sinasabi ko sa inyo: Tingnan ang study note sa Mat 5:18.
iyon na ang buong gantimpala nila: Ang terminong Griego na a·peʹkho, na nangangahulugang “makuha nang buo,” ay madalas makita sa mga resibo, na ang ibig sabihin ay “nabayaran nang buo.” Nagbibigay ang mga mapagkunwari para makita ito ng mga tao, at pinupuri sila ng mga tao dahil sa pagkakawanggawa; kaya masasabing nakuha na nila ang buong gantimpala nila. Wala na silang dapat asahang gantimpala mula sa Diyos.
huwag mong ipaalám sa kaliwang kamay mo ang ginagawa ng kanang kamay mo: Nangangahulugan ito ng mahigpit na pagtatago ng sekreto. Kapag tumulong sa iba ang mga tagasunod ni Jesus, hindi nila ito dapat ipagsabi kahit sa mga taong malapít sa kanila, kahit na ang ugnayan nila ay kasinlapit ng kaliwang kamay sa kanang kamay.
huwag kayong maging paulit-ulit sa sinasabi ninyo: O “huwag kayong magsalita lang nang magsalita nang paulit-ulit.” Nagbabala si Jesus sa mga tagasunod niya na huwag manalangin nang hindi pinag-iisipan. Hindi niya sinasabing mali na paulit-ulit na hilingin ang isang bagay. (Mat 26:36-45) Pero mali na gayahin ang paulit-ulit na panalangin ng mga tao ng ibang mga bansa (mga Gentil, o di-Judio) na nakasanayan nang “paulit-ulit” na sabihin ang memoryado nilang mga panalangin.
inyong Ama: Sa ilang sinaunang manuskrito, ang mababasa ay “Diyos na inyong Ama,” pero sa karamihan ng manuskrito, ang mababasa ay ang mas maikling ekspresyon na “inyong Ama.”
kayo: Ipinapakita nito na ang kausap dito ni Jesus ay hindi ang mga mapagkunwari na nauna niyang binanggit.—Mat 6:5.
sa ganitong paraan: Ibig sabihin, iba ito sa nakasanayan ng mga taong “paulit-ulit sa sinasabi” nila sa panalangin.—Mat 6:7.
Ama namin: Sa paggamit ng panghalip na pangmaramihan na “namin,” kinikilala ng taong nananalangin na may iba pa na malapít din sa Diyos at bahagi ng Kaniyang pamilya ng mga mananamba.—Tingnan ang study note sa Mat 5:16.
pakabanalin nawa: O “ituring nawang sagrado; ituring nawang banal.” Kahilingan ito na ang pangalan ng Diyos ay ituring nawang banal ng lahat ng nilalang, kasama na ang mga tao at mga anghel. Hinihiling din dito na kumilos nawa ang Diyos para pakabanalin ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng paglilinis sa pangalan niya, na narumhan mula nang magrebelde ang unang mag-asawa sa hardin ng Eden.
pangalan: Tumutukoy sa personal na pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na Hebreong katinig na יהוה (YHWH) at isinasaling “Jehova” sa Tagalog. Sa Bagong Sanlibutang Salin, ang pangalang ito ay lumilitaw nang 6,979 na beses sa Hebreong Kasulatan at 237 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Para sa impormasyon tungkol sa paggamit ng pangalan ng Diyos sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, tingnan ang Ap. A5 at Ap. C.) Sa Bibliya, ang terminong “pangalan” ay tumutukoy kung minsan sa mismong indibidwal, sa reputasyon niya, at sa lahat ng sinasabi niya tungkol sa kaniyang sarili.—Ihambing ang Exo 34:5, 6; Apo 3:4, tlb.
Dumating nawa ang Kaharian mo: Ang Kaharian ng Diyos ay kumakatawan sa soberanya ni Jehova sa lupa. Kahilingan ito na kumilos na ang Diyos para ang kaniyang Kaharian, na binubuo ng Mesiyanikong Hari at ng mga kasama niyang tagapamahala, ang maging tanging gobyerno na namamahala sa lupa. Sa ilustrasyon ni Jesus sa Luc 19:11-27, maliwanag na ang Kaharian ng Diyos ay ‘darating’ sa diwa na ito ay maglalapat ng hatol, pupuksa sa lahat ng kaaway nito, at magbibigay ng gantimpala sa lahat ng umaasa rito. (Tingnan ang Mat 24:42, 44.) Aalisin nito ang masamang sistemang ito, kasama na ang lahat ng gobyerno ng tao, at papalitan ito ng isang matuwid na bagong sanlibutan.—Dan 2:44; 2Pe 3:13; Apo 16:14-16; 19:11-21.
Mangyari nawa ang kalooban mo: Hindi ito pangunahing tumutukoy sa paggawa ng tao sa kalooban ng Diyos. Tumutukoy ito sa pagkilos ng Diyos para mangyari ang kalooban niya para sa lupa at sa mga nakatira dito. Kahilingan ito na gamitin nawa ng Diyos ang kapangyarihan niya para matupad ang layuning isiniwalat niya. Ipinapakita rin nito na gusto ng taong nananalangin na mangyari ang kalooban ng Diyos at handa siyang magpasakop dito. (Ihambing ang Mat 26:39.) Sa kontekstong ito, ang pariralang kung paano sa langit, gayon din sa lupa ay puwedeng mangahulugan ng dalawang bagay. Puwedeng hinihiling dito na mangyari ang kalooban ng Diyos sa lupa kung paanong nangyayari na ang kalooban niya sa langit. Puwede ring hinihiling dito na lubusang matupad ang kalooban ng Diyos sa langit at sa lupa.
pagkain para sa araw na ito: Lit., “tinapay para sa araw na ito.” Sa maraming konteksto, ang salitang Hebreo at Griego para sa “tinapay” ay nangangahulugang “pagkain.” (Gen 3:19) Kaya ipinapakita ni Jesus na ang mga lingkod ng Diyos ay puwedeng humiling sa Kaniya, hindi ng sobra-sobrang pagkain, kundi ng sapat lang na pagkain sa bawat araw, at makakapagtiwala silang ibibigay ito ng Diyos. Ipinapaalala nito ang iniutos ng Diyos sa mga Israelita nang makahimala siyang maglaan ng manna. Bawat isa sa kanila ay dapat na “kumuha ng kaya niyang kainin” sa bawat araw.—Exo 16:4.
patawarin: Ang salitang Griego ay literal na nangangahulugang “hayaan na” pero puwede ring mangahulugang “hindi na pabayaran ang utang,” gaya ng nasa Mat 18:27, 32.
kasalanan: Lit., “utang.” Kapag ang isa ay nagkasala sa kapuwa niya, nagkakautang siya sa taong iyon, o nagkakaroon ng obligasyon dito, at kailangan niyang hingin ang kapatawaran nito. Patatawarin lang ng Diyos ang isang tao kung napatawad na niya ang mga nagkasala sa kaniya.—Mat 6:14, 15; 18:35; Luc 11:4.
huwag mo kaming hayaang mahulog sa tukso: Lit., “huwag mo kaming dalhin sa tukso.” Kung minsan, sinasabi sa Bibliya na ang Diyos ang gumawa ng isang bagay na ang totoo ay pinahintulutan lang naman niyang mangyari. (Ru 1:20, 21) Kaya hindi sinasabi ni Jesus na tinutukso ng Diyos ang mga tao para magkasala. (San 1:13) Sa halip, hinihimok niya ang mga tagasunod niya na ipanalanging tulungan sila ng Diyos na maiwasan o malampasan ang tukso.—1Co 10:13.
pagkakamali: Ang terminong Griego para sa “pagkakamali” ay puwedeng isaling “maling hakbang” (Gal 6:1) o malaking pagkakamali, kabaligtaran ng paglakad nang matuwid kaayon ng matuwid na mga kahilingan ng Diyos.
nag-aayuno: Ibig sabihin, hindi kumakain sa loob ng maikling panahon. (Tingnan sa Glosari, “Pag-aayuno.”) Hindi iniutos ni Jesus sa mga alagad niya na mag-ayuno, pero hindi rin niya sila pinagbawalan na gawin ito. Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, nag-aayuno ang mga Judio para ipakita ang kanilang taimtim na pagsisisi at pagpapakumbaba sa harap ni Jehova.—1Sa 7:6; 2Cr 20:3.
hindi sila nag-aayos ng sarili: O “pinapapangit nila ang mukha nila.” Posibleng hindi sila naghihilamos at sinasabuyan nila o pinapahiran ng abo ang ulo nila.
langisan mo ang ulo mo at maghilamos ka: Karaniwan nang hindi nakakapag-ayos ng sarili ang taong nag-aayuno, kaya sinasabi ni Jesus sa mga alagad niya na iwasan ang pakitang-taong pagkakait sa sarili.
mata ang lampara ng katawan: Kapag walang diperensiya ang literal na mata, gaya ito ng lampara sa isang madilim na lugar. Dahil dito, nakikita at nalalaman ng isang tao kung ano ang mga nasa paligid niya. Dito, ginamit ang “mata” sa makasagisag na paraan.
nakapokus: O “malinaw; walang diperensiya.” Ang salitang Griego na ha·plousʹ ay nangangahulugang “iisa; simple.” Puwede itong tumukoy sa pagpopokus o pagbibigay ng debosyon sa iisang layunin. Para gumana nang maayos ang literal na mata, dapat ay nakapokus ito sa iisang bagay. Kapag ang makasagisag na mata ng isang tao ay “nakapokus” sa tamang bagay (Mat 6:33), magkakaroon ito ng magandang epekto sa buong pagkatao niya.
mainggitin: Lit., “masama; napakasama.” Ang literal na mata na may diperensiya ay hindi nakakakita nang malinaw. Ganiyan din ang matang mainggitin; hindi ito makapagpokus sa kung ano talaga ang mahalaga. (Mat 6:33) Ang gayong mata ay sakim, hindi nakokontento, at nawawala sa pokus. Ang taong may ganiyang mata ay nagkakamali ng tingin o pagtantiya sa mga bagay-bagay at namumuhay nang makasarili.—Tingnan ang study note sa Mat 6:22.
magpaalipin: Ang pandiwang Griego para dito ay tumutukoy sa pagtatrabaho bilang alipin, na pag-aari ng iisang panginoon. Sinasabi rito ni Jesus na hindi maibibigay ng isang Kristiyano ang kaniyang bukod-tanging debosyon na nararapat sa Diyos kung ibinubuhos din niya ang sarili niya sa pagkakamal ng materyal na mga bagay.
Kayamanan: Ang salitang Griego na ma·mo·nasʹ (mula sa salitang Semitiko) ay puwede ring isaling “Pera.” Dito, ang “Kayamanan” ay ikinumpara sa isang panginoon, o isang klase ng huwad na diyos, pero walang matibay na ebidensiya na ginamit ang salitang ito bilang pangalan ng isang espesipikong bathala.
Huwag na kayong mag-alala: Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay nagsasabing ihinto ang isang bagay na kasalukuyan nang nangyayari. Ang terminong Griego para sa “mag-alala” ay puwedeng tumukoy sa pagkabahala ng isang tao na nagiging dahilan para mahati ang isip niya, mawala siya sa pokus, at mawalan ng kagalakan. Lumitaw rin ang salitang ito sa Mat 6:27, 28, 31, 34.
buhay: Mula sa salitang Griego na psy·kheʹ, na isinasalin kung minsan na “kaluluwa.” Dahil magkasamang binanggit dito ang buhay at katawan, tumutukoy ito sa buong pagkatao ng isa.
makapagpapahaba . . . sa buhay: Maliwanag na ikinukumpara ni Jesus ang buhay sa paglalakbay. Sinasabi niya na hindi makakatulong ang pag-aalala para humaba ang buhay ng isang tao kahit kaunti.
kaunti: Lit., “isang siko.” Ang salitang ginamit dito ni Jesus ay tumutukoy sa maliit na distansiya, na mga 44.5 cm (17.5 in).—Tingnan sa Glosari, “Siko,” at Ap. B14.
Matuto kayo: Ang pandiwang Griego para dito ay puwede ring isaling “Matuto kayong mabuti.”
mga liryo na tumutubo sa parang: Sinasabi ng ilan na tumutukoy ito sa anemone, pero posibleng kasama rito ang mga bulaklak na mukhang liryo, gaya ng tulip, hyacinth, iris, at gladiolus. May nagsasabi naman na ang tinutukoy lang dito ni Jesus ay mga ligáw na bulaklak kaya isinalin nila itong “mga bulaklak sa parang.” Nabuo ang ganiyang konklusyon dahil ginamit sa kaparehong ulat ang terminong “pananim, na nasa parang.”—Mat 6:30; Luc 12:27, 28.
pananim . . . pugon: Kapag tag-init sa Israel, natutuyo na ang mga pananim kahit sa loob lang ng dalawang araw. Ang mga tuyong damo at tangkay ng bulaklak ay kinukuha sa parang para gawing panggatong sa pugon.
kayo na may maliit na pananampalataya: Ang tinutukoy dito ni Jesus ay ang mga alagad niya. Sinasabi niya na hindi matibay ang tiwala o pananampalataya nila. (Mat 8:26; 14:31; 16:8; Luc 12:28) Kaya hindi ibig sabihin nito na wala silang pananampalataya, kundi kulang lang sa pananampalataya.
patuloy ninyong unahin: Ang pandiwang Griego para dito ay nagpapahiwatig ng paggawa ng isang bagay nang patuluyan. Kaya hindi inuuna ng tunay na mga tagasunod ni Jesus ang Kaharian sa loob lang ng ilang panahon at pagkatapos ay magpopokus na sa ibang bagay. Sa halip, laging Kaharian ang pangunahin sa buhay nila.
ang Kaharian: Sa ilang sinaunang Griegong manuskrito, ang mababasa ay “Kaharian ng Diyos.”
katuwiran: Ang mga umuuna sa katuwiran ng Diyos ay handang gawin ang kaniyang kalooban at sumunod sa kaniyang pamantayan ng tama at mali. Ang turong ito ay kabaligtaran ng ginagawa ng mga Pariseo, na gumagawa ng sariling pamantayan ng pagiging matuwid.—Mat 5:20.
niya: Tumutukoy sa Diyos, ang “Ama sa langit” na binanggit sa Mat 6:32.
Huwag kayong mag-alala tungkol sa susunod na araw: Ipinapayo ng Kasulatan ang tamang pagpaplano. (Kaw 21:5) Pero ang sobrang pag-aalala sa kung ano ang posibleng mangyari sa hinaharap ay puwedeng makasira sa kaugnayan ng isang tao sa Diyos; baka magtiwala siya sa sarili niyang karunungan sa halip na sa Diyos.—Kaw 3:5, 6.