Ayon kay Mateo 9:1-38

9  Kaya sumakay siya sa bangka, naglakbay papunta sa kabilang ibayo, at pumasok sa sarili niyang lunsod.+ 2  At dinala nila sa kaniya ang isang lalaking paralisado na nasa higaan. Nang makita ni Jesus ang pananampalataya nila, sinabi niya sa paralitiko: “Anak, lakasan mo ang loob mo! Pinatatawad na ang mga kasalanan mo.”+ 3  Nagbulong-bulungan ang ilan sa mga eskriba: “Namumusong* ang taong ito.”+ 4  Alam ni Jesus kung ano ang iniisip nila, kaya sinabi niya: “Bakit napakasama ng iniisip ninyo?+ 5  Alin ba ang mas madali, ang sabihing ‘Pinatatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ang sabihing ‘Bumangon ka at lumakad’?+ 6  Pero para malaman ninyo na ang Anak ng tao ay may awtoridad na magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa—” pagkatapos, sinabi niya sa paralitiko: “Bumangon ka, buhatin mo ang higaan mo, at umuwi ka.”+ 7  At bumangon siya at umuwi. 8  Nang makita ito ng mga tao, natakot sila, at pinuri nila ang Diyos, na nagbigay ng gayong awtoridad sa tao. 9  Pagkaalis doon ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa tanggapan ng buwis, at sinabi niya rito: “Maging tagasunod kita.” Kaya tumayo ito at sumunod sa kaniya.+ 10  Pagkatapos, habang kumakain siya* sa bahay, maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan ang dumating at kumaing* kasama ni Jesus at ng mga alagad niya.+ 11  Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila sa mga alagad niya: “Bakit kumakain ang guro ninyo kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?”+ 12  Nang marinig sila ni Jesus, sinabi niya: “Ang malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit.+ 13  Kaya alamin ninyo ang kahulugan nito, ‘Ang gusto ko ay awa at hindi hain.’+ Dahil dumating ako para tawagin, hindi ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.” 14  Pagkatapos, lumapit sa kaniya ang mga alagad ni Juan at nagtanong: “Kami at ang mga Pariseo ay nag-aayuno, pero bakit ang mga alagad mo, hindi?”+ 15  Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang mga kaibigan ng lalaking ikakasal+ ay walang dahilan na malungkot hangga’t kasama nila siya, hindi ba? Pero darating ang panahon na kukunin na siya sa kanila.+ Saka pa lang sila mag-aayuno. 16  Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit, dahil kapag umurong ang bagong tela, mababatak nito ang tinagpian at lalong lálaki ang punit.+ 17  Wala rin namang taong naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang balat. Kapag ginawa ito ng isa, puputok ang sisidlan, matatapon ang alak, at hindi na magagamit ang sisidlan. Kaya inilalagay ng mga tao ang bagong alak sa bagong sisidlang balat, at pareho itong nagtatagal.” 18  Habang sinasabi niya sa kanila ang mga bagay na ito, isang tagapamahala ang lumapit at sumubsob sa paanan niya. Sinabi nito: “Sa ngayon, baka patay na ang anak kong babae, pero sumama ka at ipatong mo ang kamay mo sa kaniya at mabubuhay siya.”+ 19  Kaya tumayo si Jesus at sumunod sa tagapamahala kasama ang mga alagad niya. 20  At isang babaeng 12 taon nang dinudugo+ ang lumapit sa likuran niya at hinipo nito ang palawit* ng damit niya,+ 21  dahil paulit-ulit nitong sinasabi sa sarili: “Mahipo ko lang ang damit niya, gagaling* ako.”+ 22  Lumingon si Jesus, at nang mapansin niya ang babae ay sinabi niya: “Anak, lakasan mo ang loob mo! Pinagaling* ka ng pananampalataya mo.”+ At nang oras ding iyon ay gumaling ang babae.+ 23  Nang pumasok si Jesus sa bahay ng tagapamahala at makita ang mga nagpapatugtog ng plawta at ang mga taong nagkakagulo,+ 24  sinabi niya: “Umalis na kayo, dahil hindi namatay ang bata. Natutulog lang siya.”+ At pinagtawanan siya ng mga tao. 25  Nang mapalabas na ang mga tao, lumapit siya sa bata at hinawakan ang kamay nito,+ at bumangon ang bata.+ 26  Siyempre, napabalita ang tungkol dito sa buong lupaing iyon. 27  Pag-alis ni Jesus doon, dalawang lalaking bulag+ ang sumunod sa kaniya. Sumisigaw sila: “Maawa ka sa amin, Anak ni David!” 28  Nang makapasok siya sa bahay, lumapit sa kaniya ang mga bulag, at tinanong sila ni Jesus: “Nananampalataya ba kayo na mapagagaling ko kayo?”+ Sumagot sila: “Opo, Panginoon.” 29  Kaya hinipo niya ang mga mata nila at sinabi: “Mangyari nawa ang pinaniniwalaan ninyo.” 30  At nakakita sila.+ Mahigpit silang tinagubilinan ni Jesus: “Tiyakin ninyong walang makaaalam nito.”+ 31  Pero pagkalabas nila, ipinamalita nila ang tungkol sa kaniya sa buong lupaing iyon. 32  Nang paalis na sila, dinala ng mga tao kay Jesus ang isang lalaking pipi na sinasaniban ng demonyo;+ 33  at pagkatapos na mapalayas ang demonyo, nagsalita ang pipi.+ Namangha ang mga tao at sinabi nila: “Ngayon lang nangyari ang ganito sa Israel.”+ 34  Pero sinasabi ng mga Pariseo: “Ang pinuno ng mga demonyo ang tumutulong sa kaniya na makapagpalayas ng mga demonyo.”+ 35  At si Jesus ay lumibot sa lahat ng lunsod at nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian, at nagpapagaling ng bawat uri ng sakit at kapansanan.+ 36  Pagkakita sa napakaraming tao, naawa siya sa kanila+ dahil sila ay sugatán at napabayaan tulad ng mga tupang walang pastol.+ 37  Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad niya: “Talagang marami ang aanihin, pero kakaunti ang mga manggagawa.+ 38  Kaya makiusap kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa pag-aani niya.”+

Talababa

Tingnan sa Glosari, “Pamumusong.”
O “humilig sa mesa.”
O “nakahilig siya sa mesa.”
O “laylayan.”
O “maliligtas.”
O “Iniligtas.”

Study Notes

sarili niyang lunsod: Tumutukoy sa Capernaum, ang pinakatirahan ni Jesus sa rehiyong iyon. (Mat 4:13; Mar 2:1) Ang lunsod na ito ay malapit sa Nazaret, kung saan siya lumaki; sa Cana, kung saan ginawa niyang alak ang tubig; sa Nain, kung saan binuhay niyang muli ang anak ng isang biyuda; at sa may Betsaida, kung saan makahimala siyang nagpakain ng mga 5,000 lalaki at nagpagaling ng isang bulag.

Nang makita ni Jesus ang pananampalataya nila: Ang paggamit ng panghalip na pangmaramihan na “nila” ay nagpapakitang nakita ni Jesus kung gaano kalaki ang pananampalataya ng buong grupo, hindi lang ng paralitiko.

Anak: Ginamit ni Jesus ang terminong ito para maipadama ang pagmamahal niya.—2Ti 1:2; Tit 1:4; Flm 10.

Alin ba ang mas madali: Mas madali para sa isa na sabihing kaya niyang magpatawad ng kasalanan, dahil hindi nito kailangan ng nakikitang ebidensiya. Pero kailangan ng isang himala para mangyari ang sinabi ni Jesus na Bumangon ka at lumakad, at ito ang magpapatunay na siya ay may awtoridad ding magpatawad ng mga kasalanan. Sa ulat na ito at sa Isa 33:24, iniuugnay ang pagkakasakit sa pagiging makasalanan natin.

Anak ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 8:20.

magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa—: Ipinapakita ng gatlang na huminto si Jesus sa kalagitnaan ng sinasabi niya. Pagkatapos, pinatunayan niyang totoo ang sinasabi niya sa pamamagitan ng pagpapagaling sa lalaki sa harap ng maraming tao.

Mateo: Ang pangalang Griego na isinaling “Mateo” ay malamang na pinaikling anyo ng pangalang Hebreo na isinaling “Matitias” (1Cr 15:18), na ang ibig sabihin ay “Regalo ni Jehova.”

Mateo: Tingnan ang study note sa Mat Pamagat at 10:3.

tanggapan ng buwis: Puwede itong tumukoy sa isang maliit na gusali o puwesto kung saan umuupo ang isang maniningil ng buwis para sa mga kalakal na iniluluwas o inaangkat at sa mga panindang idinaraan ng mga mangangalakal sa isang bayan. Ang tanggapan ng buwis ni Mateo ay nasa Capernaum o malapit dito.

Maging tagasunod kita: Tingnan ang study note sa Mar 2:14.

kumakain: Tingnan ang study note sa Mar 2:15.

sa bahay: Tumutukoy sa bahay ni Mateo.—Mar 2:14, 15; Luc 5:29.

maniningil ng buwis: Tingnan ang study note sa Mat 5:46.

mga makasalanan: Ipinapakita ng Bibliya na lahat ng tao ay makasalanan. (Ro 3:23; 5:12) Kaya mas espesipiko ang pagkakagamit ng terminong ito dito at maliwanag na tumutukoy sa mga taong kilalang makasalanan, halimbawa, mga taong imoral o kriminal. (Luc 7:37-39; 19:7, 8) Ginagamit din noon ang terminong ito para sa mga di-Judio, at itinatawag ito ng mga Pariseo sa mga Judio na hindi sumusunod sa tradisyon ng mga rabbi.—Ju 9:16, 24, 25.

awa at hindi hain: Dalawang beses ginamit ni Jesus ang pananalitang ito mula sa Os 6:6 (dito at sa Mat 12:7). Si Mateo, isang kinamumuhiang maniningil ng buwis na naging malapít na kasamahan ni Jesus, ang tanging manunulat ng Ebanghelyo na nag-ulat ng pagsiping ito at ng ilustrasyon tungkol sa aliping walang awa. (Mat 18:21-35) Itinatampok sa Ebanghelyo niya ang pagdiriin ni Jesus na hindi lang hain ang kailangan, kundi pati ang awa.

nag-aayuno: Tingnan ang study note sa Mat 6:16.

mga kaibigan ng lalaking ikakasal: Lit., “mga anak na lalaki ng silid-kasalan,” isang idyomang tumutukoy sa mga bisita sa kasal, lalong-lalo na sa mga kaibigan ng lalaking ikakasal.

alak sa . . . sisidlang balat: Karaniwan lang noong panahon ng Bibliya na maglagay ng alak sa sisidlang gawa sa balat ng hayop. (1Sa 16:20) Gawa ito sa buong balat ng hayop, gaya ng tupa o kambing. Ang mga lumang sisidlang balat ay lumulutong at hindi na nababanat. Pero ang mga bagong sisidlang balat ay nababanat at lumalaki kaya nakakayanan nito ang pressure na dulot ng gas na inilalabas ng bagong alak habang tumatagal ito.—Tingnan sa Glosari, “Sisidlang balat.”

isang tagapamahala: Ang pangalan ng “tagapamahala” (sa Griego, arʹkhon), na Jairo, ay mababasa sa kaparehong ulat sa Marcos at Lucas, kung saan siya tinawag na isang punong opisyal ng sinagoga.—Mar 5:22; Luc 8:41.

sumubsob sa paanan niya: O “yumukod sa kaniya; nagbigay-galang sa kaniya.”—Tingnan ang study note sa Mat 8:2.

dinudugo: Malamang na isang malala at nagtatagal na sakit sa pagreregla. Ayon sa Kautusang Mosaiko, marumi ang babaeng nasa ganitong kalagayan. Dahil diyan, hindi siya dapat humawak sa iba.—Lev 15:19-27.

Anak: Ang terminong Griego na ginamit dito ay tumutukoy sa isang anak na babae, at sa kaniya lang ginamit ni Jesus ang terminong ito, posibleng dahil maselan ang kalagayan niya at “nanginginig” siya. (Luc 8:47) Wala itong ipinapahiwatig tungkol sa edad ng babae, pero sa paggamit ng ganitong termino, naipakita ni Jesus ang malasakit niya sa babae.

hindi namatay . . . natutulog lang: Tingnan ang study note sa Mar 5:39.

Anak ni David: Nang tawagin nila si Jesus na “Anak ni David,” ipinakita ng mga lalaking iyon na naniniwala silang si Jesus ang tagapagmana ng trono ni David at na siya ang Mesiyas.—Tingnan ang study note sa Mat 1:1, 6.

nagtuturo . . . nangangaral: Tingnan ang study note sa Mat 4:23.

mabuting balita: Tingnan ang study note sa Mat 4:23.

naawa: Ang pandiwang Griego na ginamit dito (splag·khniʹzo·mai) ay may kaugnayan sa salita para sa “bituka” (splagʹkhna), na nagpapahiwatig ng isang damdaming nadarama sa kaloob-looban ng isang tao, isang matinding emosyon. Isa ito sa pinakamapuwersang salita sa Griego para sa pagkadama ng awa.

sugatán: Ang salitang Griego para dito ay literal na nangangahulugang “nabalatan,” na lumalarawan sa mga tupang nagkasugat-sugat dahil sa pag-atake ng mababangis na hayop at dahil sa pagpapagala-gala sa lugar na may matitinik na halaman at matutulis na bato. Nang maglaon, ang terminong ito ay nangangahulugan na ring “minaltrato, sinaktan, sinugatan.”

napabayaan: Inilalarawan nito ang mga tupang ibinagsak, walang kalaban-laban, at pagod na pagod. Ang mga tupang ito ay makasagisag na tumutukoy sa mga taong ipinagtabuyan, pinabayaan, at walang kalaban-laban.

Media