Liham sa mga Taga-Roma 10:1-21
Study Notes
tumpak na kaalaman: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, may dalawang salita na karaniwang isinasaling “kaalaman,” ang gnoʹsis at e·piʹgno·sis. Pareho itong kaugnay ng pandiwang gi·noʹsko, na nangangahulugang “malaman; maintindihan; makilala.” Ang salitang ginamit dito, e·piʹgno·sis, ay pinatinding anyo ng gnoʹsis (e·piʹ, literal na nangangahulugang “sa ibabaw” pero nangangahulugan ditong “karagdagan”). Batay sa mga konteksto, karaniwan na itong nangangahulugang “eksakto, totoo, o lubos na kaalaman.” Dito, ginamit ni Pablo ang salitang ito para ipakita na masigasig para sa maling bagay ang mga kababayan niya, ang mga Judio. Hindi ito nakabatay sa tamang unawa sa kalooban ng Diyos, na naisiwalat sa pamamagitan ni Jesus, ang ipinangakong Mesiyas.
wakas: May iba’t ibang kahulugan ang salitang Griego na teʹlos, na karaniwang isinasaling “wakas.” Puwede itong tumukoy sa katapusan ng isang bagay, na kabaligtaran ng pasimula nito. (Mat 24:14; Mar 3:26; Apo 21:6) Angkop ang kahulugang iyan sa pagkakagamit dito ng teʹlos, dahil lubusang natapos ang Kautusang Mosaiko nang mamatay, buhaying muli, at umakyat sa langit si Jesus. (Ju 1:17; Ro 6:14; Gal 5:18; Col 2:14, 16, 17) Pero ang teʹlos ay puwede ring tumukoy sa pag-abot ng isang tunguhin o layunin. (Ihambing ang 1Ti 1:5, kung saan ang salitang Griegong ito ay ginamit sa ganiyang paraan at isinaling “para.”) Inilarawan ni Pablo ang Kautusang Mosaiko bilang isang “tagapagbantay . . . na umaakay kay Kristo,” kaya masasabing si Kristo ang pinakatunguhin ng Kautusan. (Gal 3:24) Kaya sa kontekstong ito, lumilitaw na saklaw ng teʹlos ang dalawang kahulugang ito.
kalaliman: Ang salitang Griego na aʹbys·sos ay pangunahin nang nangangahulugang “napakalalim” o “di-maarok; walang hangganan.” Lumitaw ito nang siyam na beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, kung saan tumutukoy ito sa isang bilangguan o sa pagiging bilanggo. (Tingnan ang study note sa Luc 8:31.) Dito sa Ro 10:7, tumutukoy ito sa isang makasagisag na lugar kung saan nanatili si Kristo Jesus nang tatlong araw hanggang sa buhayin siyang muli ng kaniyang Ama. (Ihambing ang Aw 71:19, 20; Mat 12:40.) Si Jesus ay parang nabilanggo nang mamatay siya, dahil wala siyang anumang magagawa at wala rin siyang alam. Ang Ama lang niya ang makakapagpalaya sa kaniya mula sa bilangguang iyon. (Ihambing ang 2Sa 22:5, 6; Job 38:16, 17; Aw 9:13; 107:18; 116:3; Gaw 2:24.) Pero hindi lang sa libingan ng mga tao tumutukoy ang “kalaliman.” (Tingnan sa Glosari, “Libingan.”) Kapansin-pansin na sa Griegong Septuagint, hindi ipinanumbas ang aʹbys·sos sa salitang Hebreo na sheʼohlʹ (“ang Libingan”). Isa pa, tinawag ding “kalaliman” at “bilangguan” ang makasagisag na lugar kung saan ihahagis si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. Karagdagang patotoo ito na ang “kalaliman” ay hindi lang tumutukoy sa libingan ng tao.—Luc 8:31; Apo 20:1, 3, 7.
ipinangangaral: Ibig sabihin, inihahayag sa publiko.—Tingnan ang study note sa Mat 3:1.
hayagan mong sinasabi: Ang salitang Griego na ho·mo·lo·geʹo ay isinaling “inaamin” sa ilang Bibliya. Sa maraming diksyunaryo, ang salitang ito ay nangangahulugang “ihayag (kilalanin nang hayagan).” Sa talata 10, ang pandiwang ito ay isinalin namang “ipinahahayag.” Sinasabi dito ni Pablo na hindi sapat na basta manampalataya ang mga Kristiyano; dapat nila itong ihayag para maligtas sila. (Aw 40:9, 10; 96:2, 3, 10; 150:6; Ro 15:9) Hindi lang nila isang beses gagawin ang ganitong paghahayag sa publiko, gaya ng sa panahon ng bautismo, kundi patuloy nila itong gagawin kapag nagtitipon silang kasama ng mga kapananampalataya nila at kapag naghahayag sila ng mabuting balita ng kaligtasan sa mga di-sumasampalataya.—Heb 10:23-25; 13:15.
si Jesus ay Panginoon: Noong nasa lupa si Jesus, tinatawag siyang “Panginoon” bilang paggalang, kahit ng mga hindi niya tagasunod. Tanda rin ng paggalang ang pagtawag sa kaniya ng Samaritana na “Ginoo.” Malawak ang kahulugan ng salitang Griego (Kyʹri·os) na ginamit ng mga manunulat ng Bibliya, at puwede itong isaling “Ginoo” o “Panginoon” depende sa konteksto. (Mat 8:2; Ju 4:11) Pero ipinahiwatig ni Jesus na kapag tinatawag siyang Panginoon ng mga alagad (estudyante) niya, tinatanggap nilang sila ay mga alipin niya. (Ju 13:13, 16) Nang mamatay si Jesus, buhaying muli, at iluklok sa mas mataas na posisyon sa langit, naging mas malalim pa ang kahulugan ng titulo niyang Panginoon. Dahil sa isinakripisyo niyang buhay, nabili ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod kaya siya na ang kanilang May-ari (1Co 7:23; 2Pe 2:1; Jud 4; Apo 5:9, 10) at Hari (Col 1:13; 1Ti 6:14-16; Apo 19:16). Kung tinatanggap ng isang tao si Jesus bilang Panginoon, hindi sapat na tawagin lang siya sa titulong iyan. Dapat kilalanin ng mga tunay na Kristiyano ang posisyon niya at sundin siya.—Mat 7:21; Fil 2:9-11.
Panginoon: Ang salitang Griego na ginamit dito, Kyʹri·os (Panginoon), ay karaniwan nang ginagamit sa Kasulatan bilang pangngalan. Pero isa talaga itong pang-uri na tumutukoy sa pagkakaroon ng kapangyarihan (kyʹros) o awtoridad. Makikita ang salitang ito sa bawat aklat sa Kristiyanong Griegong Kasulatan maliban sa liham ni Pablo kay Tito at sa mga liham ni Juan. Bilang Anak at Lingkod na nilalang ng Diyos, tama lang na tawagin ni Jesu-Kristo na “Panginoon” (Kyʹri·os) ang kaniyang Ama at Diyos (Ju 20:17), ang kaniyang Ulo, na may mas malaking awtoridad at kapangyarihan kaysa sa kaniya. (Mat 11:25; 1Co 11:3) Pero sa Bibliya, ang titulong “Panginoon” ay hindi lang tumutukoy sa Diyos na Jehova. Ginagamit din ito para kay Jesu-Kristo (Mat 7:21; Ro 1:4, 7), sa isa sa matatanda sa langit na nakita ni Juan sa pangitain (Apo 7:13, 14), sa mga anghel (Dan 12:8), sa mga tao (Gaw 16:16, 19, 30; isinalin ditong “amo” o “ginoo”), at sa huwad na mga diyos (1Co 8:5). Sinasabi ng ilan na ang pariralang “si Jesus ay Panginoon” ay nangangahulugang iisa lang sila ng kaniyang Ama na si Jehova. Pero malinaw sa konteksto na hindi iyan totoo, dahil “binuhay siyang [Jesus] muli ng Diyos.” Ang awtoridad ni Jesus bilang Panginoon ay galing sa kaniyang Ama.—Mat 28:18; Ju 3:35; 5:19, 30.—Tingnan ang study note sa si Jesus ay Panginoon sa talatang ito.
Walang sinumang nananampalataya sa kaniya ang mabibigo: Dito, sinipi ni Pablo ang salin ng Septuagint sa Isa 28:16. Ang ekspresyong Griego na ito na isinaling “mabibigo” ay pangunahin nang nangangahulugang “mahihiya (mapapahiya).” Ipinapakita dito ni Pablo na ang mga nananampalataya kay Jesu-Kristo ay hindi mapapahiya at mabibigo, di-gaya ng iba na walang saysay ang pananampalataya. Ito rin ang ekspresyong ginamit sa Ro 9:33 at 1Pe 2:6.
Panginoon: Hindi matitiyak mula sa konteksto kung sino ang “Panginoon” (Kyʹri·os) na binabanggit dito; hindi rin nagkakasundo ang mga iskolar ng Bibliya kung ang tinutukoy ni Pablo ay ang Panginoong Jesu-Kristo o ang Panginoong Jehova. Sa Ro 10:9, malinaw na tinukoy si Jesu-Kristo bilang Panginoon, at siya rin ang Panginoon na binabanggit sa Ro 10:11, na sumipi mula sa Isa 28:16. Kaya kung ang “Panginoon” sa Ro 10:12 ay iuugnay sa “kaniya” sa Ro 10:11, ang “Panginoon” na tinutukoy dito ay si Jesu-Kristo. Pero sa Ro 10:9, binanggit din ni Pablo ang pananampalataya ng isang tao ‘sa puso niya na binuhay muli ng Diyos si Jesus.’ Isa pa, sinipi rin sa Ro 10:13 ang Joe 2:32, na nagsasabi: “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” Kaya kung ang “Panginoon” sa Ro 10:12 ay ang tinutukoy din sa Ro 10:13, ang “Panginoon” doon ay ang Diyos na Jehova. Kung gayon, ang magiging kahulugan ng tekstong iyon ay katulad ng sa Ro 3:29—na may iisang Diyos ang mga Judio at mga Gentil. Isa itong halimbawa kung paano sinusuri ng New World Bible Translation Committee ang konteksto ng bawat paglitaw ng salitang Kyʹri·os (Panginoon) para malaman kung saan nila ibabalik ang pangalan ng Diyos. Kung walang matibay na basehan mula sa Hebreong Kasulatan at konteksto para ibalik ang pangalan ng Diyos, pinananatili ng komite ang saling “Panginoon” para hindi sila makapagpasok ng sarili nilang interpretasyon at lumampas sa papel nila bilang tagapagsalin.—Tingnan ang Ap. C1.
bawat isa: Dito, sumipi si Pablo mula sa Joe 2:32. Sa naunang talata, sinabi ni Pablo na “walang pagkakaiba ang Judio at ang Griego” at na “iisa lang ang Panginoon ng lahat, na bukas-palad sa lahat ng tumatawag sa kaniya.” Kaya ang “bawat isa” sa kontekstong ito ay lalo pang nagdiriin na pantay-pantay ang tingin ng Diyos sa mga Judio at di-Judio.
tumatawag sa pangalan ni Jehova: Malawak ang kahulugan ng pagtawag sa pangalan ni Jehova; higit pa ito sa pag-alam at paggamit ng pangalan ng Diyos. Ang ekspresyong “tumawag sa pangalan [ng isa]” ay ginagamit din sa Hebreong Kasulatan. Dito, sumipi si Pablo sa Joe 2:32, kung saan idiniriin sa konteksto ang tunay na kapatawaran at pagtitiwala sa pagiging mapagpatawad ni Jehova. (Joe 2:12, 13) Noong Pentecostes 33 C.E., sinipi rin ni Pedro ang hulang ito ni Joel at pinayuhan ang kaniyang mga tagapakinig na magsisi at kumilos para makuha ang pagsang-ayon ni Jehova. (Gaw 2:21, 38) Makikita rin sa ibang konteksto na kasama sa pagtawag sa pangalan ng Diyos ang pagkilala sa kaniya, pagtitiwala, at paghingi ng tulong at patnubay niya. (Aw 20:7; 99:6; 116:4; 145:18) Sa ibang konteksto naman, ang pagtawag sa pangalan ni Jehova ay nangangahulugang paghahayag sa pangalan niya at mga katangian. (Gen 12:8; ihambing ang Exo 34:5, kung saan ang kaparehong Hebreong ekspresyon ay isinaling “ipinahayag ang pangalan ni Jehova.”) Sa kasunod na talata ng Ro 10:13, iniugnay ni Pablo ang pagtawag sa pangalan ng Diyos sa pananampalataya sa Kaniya.—Ro 10:14.
pangalan ni Jehova: Dito, sumipi si Pablo mula sa Joe 2:32, kung saan mababasa ang ekspresyong “pangalan ni Jehova.” Ang kombinasyong ito ng salitang Hebreo para sa “pangalan” at ng Tetragrammaton ay lumitaw nang mahigit 90 beses sa Hebreong Kasulatan, gaya sa Gen 12:8; Exo 33:19; 34:5; Deu 28:10; 32:3; Job 1:21; Aw 118:26; Kaw 18:10; Mik 4:5. Ayon sa isang reperensiya, ang Hebreong ekspresyon na ito ay “hindi lang tumutukoy sa pangalan kundi sa buong personalidad at kapangyarihan [ni Jehova].” Ang paggamit dito ng anyong possessive na “pangalan ni Jehova” sa halip na “pangalang Jehova” ay nagpapakitang hindi ginagamit bilang anting-anting ang pangalan ng Diyos. Ang pangalan niya ay kaugnay ng personalidad, pamamaraan, at mga layunin niya. Kaya ang pagtawag sa pangalan ni Jehova ay hindi lang basta pag-alam at paggamit sa pangalan niya. Dapat makilala ng isang tao kung sino talaga si Jehova, sambahin siya, at mamuhay kaayon ng mga pamantayan niya. Kasama rin sa pagtawag sa pangalan ni Jehova ang pananampalataya sa kaniya, gaya ng makikita sa Ro 10:14.
Jehova: Sa pagsiping ito sa Joe 2:32, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo. Sinipi rin ito ni Pedro sa pahayag niya noong Pentecostes, na mababasa sa Gaw 2:21.—Tingnan ang Ap. C.
Napakaganda ng mga paa: Dito, sumipi si Pablo mula sa Isa 52:7. Sa Kasulatan, madalas gamitin ang mga bahagi ng katawan ng tao para kumatawan sa mismong indibidwal. Sa makasagisag na ulat ni Isaias, may isang mensahero mula sa kalapít na kabundukan ng Juda na paparating sa Jerusalem. Pero imposibleng makita ang mga paa ng mensahero sa ganoong layo, kaya ang idinidiin lang dito ay ang pagdating ng mensahero. Ang “mga paa” ay kumakatawan sa mensahero at sa pagsisikap niya na maihayag ang mabuting balita. Para sa Diyos, napakaganda ng “mga paa” ni Jesus at ng mga alagad niya, dahil tinupad nila ang hulang ito at dinala nila ang “mabuting balita ng mabubuting bagay.”—Tingnan ang study note sa mga naghahayag ng mabuting balita ng mabubuting bagay sa talatang ito.
mga naghahayag ng mabuting balita ng mabubuting bagay: Sumipi si Pablo sa Isa 52:7, kung saan binanggit ang “nagdadala ng mabuting balita” na nasa anyong pang-isahan. Noong bihag ng Babilonya ang Israel, siguradong tuwang-tuwa ang mga tao na makita ang isang mensahero na may dalang mensahe ng kaligtasan. Pero nagkaroon ng mas malaking katuparan ang hula ni Isaias kay Jesu-Kristo, ang pinakadakilang tagapaghayag ng mabuting balita. At pinalawak pa ni Pablo ang saklaw ng hula ni Isaias nang gumamit siya ng anyong pangmaramihan para tukuyin ang “mga naghahayag ng mabuting balita.” Dahil tinutularan si Jesus ng mga Kristiyano, lahat sila ay mensahero ng mabuting balita ng kapayapaan.
Jehova, sino ang nanampalataya sa sinabi namin?: Dito, sinipi ni Pablo ang unang bahagi ng Isa 53:1 tungkol sa lingkod ni Jehova at ipinakitang kay Jesus natupad ang hulang iyon ni Isaias. Mabuting balita ang pagdating ni Jesus na Mesiyas at ang pagluwalhati sa kaniya, pero sinabi ni Pablo tungkol sa mga di-sumasampalatayang Judio: Hindi lahat ay tumanggap sa mabuting balita. Kaunti lang noong panahon ni Pablo ang nanampalataya sa mabuting balita tungkol sa Lingkod ng Diyos.—Para sa paliwanag kung bakit ginamit dito ang pangalan ng Diyos, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Ro 10:16.
mensahe . . . tungkol kay Kristo: Ang Griegong ekspresyon na ito ay puwedeng mangahulugang “mensahe ni Kristo,” ibig sabihin, mensaheng sinabi ni Kristo. Pero batay sa konteksto, mas angkop ang saling ginamit dito. Sa ilang manuskrito, ang mababasa dito ay “mensahe ng Diyos,” pero kung pagbabatayan ang iba pang manuskrito, matibay ang basehan ng saling “mensahe . . . tungkol kay [ni] Kristo.”
nakarating sa buong lupa ang tunog nila: Dito, sumipi si Pablo mula sa Aw 19:4, kung saan binanggit na nakakapagbigay ng patotoo sa buong mundo ang mga pisikal na nilalang ng Diyos kahit hindi sila nakakapagsalita. Pero ginamit din ni Pablo ang ekspresyong ito para tumukoy sa pangangaral. Ipinakita niya na kung paanong nakarating sa buong mundo ang patotoo ng mga nilalang na may Diyos kaya hindi ito maitatanggi ng mga tao (Ro 1:20), napakalawak din ng pangangaral ng “mabuting balita” (Ro 10:15) tungkol kay Kristo kaya marami sanang pagkakataon ang mga Judio na maniwala sa kaniya. Pero hindi sila naniwala dahil wala silang pananampalataya. Malamang na nasa isip din ni Pablo na ang mga nilalang ay nakakapagbigay ng patotoo sa lahat ng tao na may Diyos kahit hindi nakakapagsalita ang mga ito, kaya hindi maitatanggi ng sinuman na may isang Diyos na Maylalang.—Tingnan ang study note sa Ro 1:20.
lupa: Dito, ang salitang Griego para sa “lupa” (oi·kou·meʹne) ay tumutukoy sa lupa, o mundo, na tirahan ng mga tao. (Luc 4:5; Gaw 17:31; Apo 12:9; 16:14) Pero noong unang siglo, ginamit din ang terminong ito para sa malawak na Imperyo ng Roma, kung saan nakapangalat ang mga Judio. (Luc 2:1; Gaw 24:5) Dito, sumipi si Pablo sa Aw 19:4, at sa salin ng Septuagint (Aw 18:5, LXX), ito rin ang salitang Griego na ginamit para ipanumbas sa terminong Hebreo na tumutukoy sa mga bahagi ng lupa na tinitirhan ng mga tao.
iniuunat ang mga kamay ko: Dito, sumipi si Pablo mula sa Isa 65:2. Ang pag-uunat ng kamay ng isa ay nagpapahiwatig ng isang paanyaya o pakiusap. Gaya ng isang ama na gustong manumbalik ang rebeldeng anak niya, para bang iniuunat ni Jehova ang mga kamay niya para hikayatin ang kaniyang masuwaying bayan na manumbalik.