Liham sa mga Taga-Roma 14:1-23
Talababa
Study Notes
Sino ka para hatulan ang lingkod ng iba?: Sa ulat na ito (Ro 14:1-12), nilinaw ni Pablo na hindi dapat hatulan ng mga Kristiyano ang isa’t isa sa mga bagay na nakadepende sa konsensiya. Iba-iba ang kultura at pinagmulan ng mga Kristiyano sa kongregasyon sa Roma, at may ilan na humahatol sa mga kapananampalataya nila dahil sa mga desisyon at pagkilos na hindi naman labag sa mga prinsipyo ng Bibliya. Sinasabi sa naunang talata (Ro 14:3) na parehong “tinanggap . . . ng Diyos” ang “kumakain” at “hindi kumakain.” Ang tanong na ito ni Pablo dito sa talata 4 ay nagpapaalala sa mga kapananampalataya niya na may pagsang-ayon ni Jehova ang taong hinahatulan nila. Ginamit ni Pablo ang ilustrasyon tungkol sa isang lingkod at sa kaniyang panginoon. Ang panginoon lang ang may karapatang magtakda ng mga patakaran at restriksiyon sa lingkod niya, mag-utos dito, at magdesisyon kung mananatili ito o paaalisin. Kung ibang tao ang gagawa nito, maituturing siyang pangahas, at tama lang na sabihin sa kaniya ng panginoon: ‘Sino ka sa akala mo?’ Kaya ang bawat Kristiyano ay mananagot sa Diyos, na kaniyang Panginoon, sa mga bagay na may kinalaman sa konsensiya. Walang Kristiyano ang may karapatang humatol sa kapatid niya dahil ang Diyos lang ang nagmamay-ari sa kapatid niya.
makatatayo siya: Ibig sabihin, magtatagumpay siya at hindi mawawala sa kaniya ang pagsang-ayon ng kaniyang panginoon. Ganito rin ang pagkakagamit sa terminong “makatayo” sa Luc 21:36.
Jehova: “Panginoon” (sa Griego, ho Kyʹri·os) ang mababasa sa natitirang mga manuskritong Griego. Pero gaya ng ipinapaliwanag sa Ap. C, may makatuwirang mga dahilan para isipin na pangalan ng Diyos ang ginamit sa talatang ito at pinalitan lang ng titulong Panginoon. Makikita sa konteksto na ang tinutukoy dito ay ang Diyos na Jehova. Sa Ro 14:1-12, ipinaliwanag ni Pablo kung gaano kahalagang huwag hatulan ang isa’t isa sa mga bagay na nakadepende sa konsensiya. Sa Ro 14:10, sinabi niya na ang bawat isa ay “tatayo sa harap ng luklukan ng paghatol ng Diyos.” Para suportahan ang argumento niya, sinipi ni Pablo sa Ro 14:11 ang Isa 45:23, kung saan makikita sa konteksto na ang Diyos na Jehova ang nagsasalita (Isa 45:18-22), at ang Isa 49:18, kung saan lumitaw ang pangalan ng Diyos. (Tingnan ang study note sa Ro 14:11.) Sa Ro 14:12, nagtapos si Pablo sa pagsasabi: “Kaya ang bawat isa sa atin ay mananagot sa Diyos para sa kaniyang sarili.” Kaya batay sa konteksto at sa siniping bahagi ng Hebreong Kasulatan, ginamit sa mismong teksto ang pangalang Jehova.—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Ro 14:4.
Jehova: Sa natitirang mga manuskritong Griego, tatlong beses na lumitaw ang terminong “Panginoon” (Kyʹri·os, na walang tiyak na Griegong pantukoy) sa talatang ito. Pero gaya ng ipinapaliwanag sa Ap. C, may makatuwirang mga dahilan para isiping pangalan ng Diyos ang ginamit sa talatang ito at pinalitan lang ng titulong Panginoon. Kaya “Jehova” ang ginamit sa mismong teksto.
Jehova: Sa natitirang mga manuskritong Griego, tatlong beses na lumitaw ang terminong Kyʹri·os (“Panginoon,” na may tiyak na Griegong pantukoy) sa talatang ito. Pero gaya ng ipinapaliwanag sa Ap. C, may makatuwirang mga dahilan para isiping pangalan ng Diyos ang ginamit sa talatang ito at pinalitan lang ng titulong Panginoon. Kaya “Jehova” ang ginamit sa mismong teksto.—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Ro 14:8.
sabi ni Jehova: Sinipi dito ni Pablo ang Isa 45:23, kung saan malinaw na makikita sa konteksto na si Jehova ang nagsasalita. (Isa 45:18-22) Pero hindi mababasa sa Isa 45:23 ang pariralang “sabi ni Jehova.” Sinasabi ng mga iskolar na sumipi rin si Pablo mula sa Isa 49:18, kung saan mababasa ang ekspresyong “‘Isinusumpa ko, kung paanong buháy ako,’ ang sabi ni Jehova.” Puwede ring isinama ni Pablo ang pariralang “sabi ni Jehova” para gawing malinaw kung sino ang nagsasalita; posibleng naiisip niya ang alinman sa maraming teksto sa Hebreong Kasulatan kung saan lumitaw ang pariralang ito at ang kahawig na mga pananalita.—Bil 14:28; Jer 22:24; 46:18 (26:18, LXX); Eze 5:11; 14:16; 16:48; 17:16; 18:3; 20:31, 33; Zef 2:9.