Liham sa mga Taga-Roma 15:1-33
Talababa
Study Notes
sama-sama at may pagkakaisa: Lit., “may iisang bibig at iisang kaisipan.” Kung paanong ipinanalangin ni Jesus ang mga tagasunod niya na magkaisa, ipinanalangin din ni Pablo ang mga kapananampalataya niya na magkaisa sa isip at gawa. (Ju 17:20-23; tingnan ang study note sa Ju 17:23.) Sa talatang ito, gumamit si Pablo ng dalawang termino para idiin ang pagkakaisa. Sa aklat ng Gawa, maraming beses na ginamit ang salitang isinaling “may pagkakaisa” para ilarawan ang kahanga-hangang pagkakaisa ng mga Kristiyano noon. (Gaw 1:14, “may iisang kaisipan”; 4:24, “sama-sama”; 15:25, “lahat”) Ipinapakita ng ekspresyon para sa “iisang bibig” na gusto ni Pablo na sama-samang pumuri sa Diyos ang mga Kristiyanong Judio at Gentil sa kongregasyon sa Roma.
malugod ninyong tanggapin: O “tanggapin ninyo.” Ang salitang Griego na ginamit dito ay tumutukoy sa mainit na pagtanggap sa isang tao, gaya ng pagpapatuloy sa kaniya sa bahay o pagtanggap sa kaniya sa grupo ng mga kaibigan ng isa. Ang salitang ito ay puwede ring isaling “inasikaso” (Gaw 28:2) o “isinama” (Gaw 18:26).
lingkod: Sa Bibliya, ang salitang Griego na di·aʹko·nos ay kadalasan nang tumutukoy sa mga mapagpakumbabang naglilingkod para sa kapakanan ng iba. (Tingnan ang study note sa Mat 20:26.) Dito, ginamit ang terminong ito para ilarawan si Kristo. Bago naging tao si Jesus, naglingkod siya kay Jehova sa loob ng napakahabang panahon. Pero nang bautismuhan siya, pinasimulan niya ang isang bagong paraan ng paglilingkod, na sasapat sa espirituwal na pangangailangan ng makasalanang mga tao. Kasama pa nga rito ang pagbibigay ng sarili niyang buhay bilang pantubos. (Mat 20:28; Luc 4:16-21) Dito, inilarawan si Jesus na lingkod ng mga tuling Judio para mapatunayan na tapat ang Diyos, dahil natupad ang mga pangako ng Diyos sa mga ninuno ng mga Judio sa pamamagitan ng paglilingkod niya. Kasama rito ang pangako kay Abraham na pagpapalain ang lahat ng bansa sa pamamagitan ng supling niya. (Gen 22:17, 18) Kaya dahil sa paglilingkod ni Jesus, makikinabang din ang mga tao ng ibang mga bansa na “aasa” sa kaniya.—Ro 15:9-12.
Gaya ng nasusulat: Sa kontekstong ito (Ro 15:9-12), ang apat na pagsipi ni Pablo mula sa Hebreong Kasulatan ay nagpapakitang matagal nang sinabi ni Jehova na pupurihin Siya ng mga tao ng lahat ng bansa. Kaya bukod sa mga Judio, makikinabang din ang mga Gentil sa ministeryo ni Kristo. Ang pangangatuwirang ito ay sumusuporta sa payo ni Pablo sa mga Kristiyanong Judio at Gentil sa kongregasyon sa Roma na ‘malugod na tanggapin ang isa’t isa.’—Ro 15:7; tingnan ang study note sa Ro 1:17.
sa gitna ng mga bansa: Dito, lumilitaw na sinipi ni Pablo ang isang bahagi ng Aw 18:49, kung saan mababasa sa tekstong Hebreo: “Luluwalhatiin kita sa gitna ng mga bansa, O Jehova.” (Kahawig iyan ng mababasa sa 2Sa 22:50.) Maraming manuskrito ang sumusuporta sa saling ito sa Ro 15:9, pero may ilang manuskrito na ang mababasa ay “sa gitna ng mga bansa, O Panginoon.” Gaya ng makikita sa natitirang mga kopya ng Septuagint, lumilitaw na sinipi ng mas bagong mga tagakopya sa Ro 15:9 ang kabuoan ng Aw 18:49 (17:50, LXX) at 2Sa 22:50.
Jehova: Sa pagsiping ito sa Aw 117:1, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. A5 at C.
ugat ni Jesse: Sinipi ni Pablo ang pananalitang ito tungkol sa “mga bansa” na “aasa” sa “ugat ni Jesse” para ipakita na ang mga tao ng ibang mga bansa ay magiging bahagi ng kongregasyong Kristiyano. Si Jesse ang ama ni David. (Ru 4:17, 22; 1Sa 16:5-13) Dito, sinipi ni apostol Pablo ang salin ng Septuagint sa Isa 11:10, kung saan inihula na ang darating na Mesiyas ay tatawaging “ugat ni Jesse.” (Ihambing ang Apo 5:5, kung saan si Jesus ay tinawag namang “ugat ni David”; tingnan din ang Apo 22:16.) Karaniwan na, ang isang puno o halaman ay nagkakaugat muna bago magkaroon ng katawan o mga sanga. Kaya parang mas makatuwirang tawagin si Jesse (o ang anak niyang si David) na ugat na pinagmulan ni Jesus, dahil ang Mesiyas ay inapo at hindi ninuno ni Jesse (o ni David). (Mat 1:1, 6, 16) Pero sinusuportahan ng ibang bahagi ng Bibliya ang ideya na si Jesus ang ugat ni Jesse. Dahil imortal si Jesus, hindi mapuputol ang angkan ni Jesse. (Ro 6:9) Ang pagiging Hukom at Hari ni Jesus sa langit ay may epekto sa kaugnayan niya kahit sa kaniyang mga ninuno. (Luc 1:32, 33; 19:12, 15; 1Co 15:25) Tinawag ni David si Jesus na kaniyang Panginoon. (Aw 110:1; Gaw 2:34-36) At sa darating na Milenyo, si Jesse ay mabubuhay sa lupa at patuloy na mabubuhay dahil sa mga pagpapala ng pantubos ni Jesus. Kaya sa panahong iyon, si Jesus ay magiging “Walang-Hanggang Ama” nina Jesse at David.—Isa 9:6.
lingkod: Ang salitang Griego na lei·tour·gosʹ ay mula sa mga salitang la·osʹ, “mga tao,” at erʹgon, “trabaho.” Noong una, ang salitang ito ay ginagamit ng mga Griego para tumukoy sa mga nagtatrabaho sa ilalim ng sekular na mga awtoridad para sa kapakanan ng mga tao, at karaniwan nang mga boluntaryo sila. Mayroon ding ganitong kaayusan ang mga Romano. Sa Bibliya, ang terminong ito ay karaniwan nang tumutukoy sa mga gumagawa ng sagradong paglilingkod. Madalas gamitin ng Septuagint ang kaugnay na terminong lei·tour·giʹa para tumukoy sa “mga atas” (Bil 7:5), “gawain” (Bil 4:28), at ‘paglilingkod’ (1Cr 6:32 [6:17, LXX]) ng mga saserdote sa tabernakulo at templo ni Jehova sa Jerusalem. Dito, ginamit ni Pablo ang terminong lei·tour·gosʹ para tumukoy sa sarili niya bilang “isang apostol para sa ibang mga bansa [o, mga bansang Gentil]” na naghahayag sa kanila ng mabuting balita ng Diyos. (Ro 11:13) Makikinabang nang husto ang publiko sa pangangaral na ito, lalo na ang mga tao ng ibang mga bansa.
Nakikibahagi . . . sa banal na gawain: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang lumitaw ang pandiwang Griego na hi·e·rour·geʹo, at tumutukoy ito sa pakikibahagi sa isang banal na gawain o atas. Ang “banal na gawain” ni Pablo ay may kaugnayan sa paghahayag ng mabuting balita ng Diyos, ang mensaheng dala ng mga Kristiyano sa mga tao ng lahat ng bansa. (Tingnan ang study note sa Ro 1:1; 1:9.) Ginamit ni Pablo ang terminong ito para ipakitang alam niya kung gaano kabanal at kahalaga ang gawaing iyon. Ang ekspresyong ginamit ni Pablo ay kaugnay ng pandiwang isinaling ‘nagsisilbing saserdote’ (hi·e·ra·teuʹo) sa Luc 1:8 at ng termino para sa “templo” (hi·e·ronʹ) na ginamit sa Mat 4:5 at sa maraming iba pang talata. Posibleng ipinapakita ng magkakaugnay na terminong ito na ang nasa isip ni Pablo ay ang mga handog ng mga saserdote sa templo nang sabihin niyang ang mga bansang iyon na tatanggap sa mensahe ay mga handog sa Diyos. Ang mga handog na iyon ay kaayaaya sa Diyos at pinagpala niya sa pamamagitan ng kaniyang espiritu.—Ro 1:1, 16.
kamangha-manghang mga bagay: O “mga himala.”—Tingnan ang study note sa Gaw 2:19.
espiritu ng Diyos: “Banal na espiritu” o “espiritu” ang mababasa sa ilang sinaunang manuskrito, pero “espiritu ng Diyos” ang mababasa sa mas maaasahang mga manuskrito.
lumibot ako hanggang sa Ilirico: Ang Ilirico ay isang Romanong lalawigan at rehiyon na ang pangalan ay isinunod sa mga tribong Illyrian na nakatira doon. Makikita ito sa hilagang-kanlurang bahagi ng Peninsula ng Balkan sa baybayin ng Dagat Adriatico. (Tingnan ang Ap. B13.) Paiba-iba ang hangganan at pagkakahati nito sa buong panahon ng pamamahala ng Roma. Hindi tiyak kung ang orihinal na terminong Griego na isinaling “hanggang sa” ay nangangahulugang nakapangaral si Pablo sa Ilirico o hanggang sa hangganan lang nito.
lahat ng teritoryo: Gustong-gustong palawakin ni Pablo ang gawaing pangangaral at mapaabot ang mabuting balita sa mga lugar na hindi pa napapangaralan. (Ihambing ang 2Co 10:15, 16.) Sa sumunod na talata, binanggit ni Pablo ang plano niyang palawakin ang pangangaral niya sa kanluran, papuntang Espanya. Isinulat ito ni Pablo noong malapit nang matapos ang kaniyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero, sa pasimula ng 56 C.E.
Espanya: Dalawang beses na binanggit ni Pablo ang Espanya sa liham niya sa mga taga-Roma, dito at sa Ro 15:28. Hindi tiyak kung talagang nakarating si Pablo sa Espanya. Pero sinabi ni Clemente ng Roma (mga 95 C.E.) na nakarating si Pablo “sa pinakadulo ng kanluran,” at posibleng kasama roon ang Espanya. Kung nakarating si Pablo sa Espanya, posibleng naroon siya sa pagitan ng mga 61 C.E. (pagkalaya niya mula sa unang pagkakabilanggo sa Roma) at mga 65 C.E. (bago siya muling mabilanggo doon). Nang panahong iyon, nasa pamamahala ng Roma ang Espanya. Mas ginagamit ng mga tao roon ang wikang Latin kaysa sa Griego.
Macedonia: Tingnan sa Glosari.
Acaya: Tingnan ang study note sa Gaw 18:12.
obligasyon nila iyon: O “utang nila iyon.” Sa Kasulatan, ang salitang Griego para sa “may utang” at ang iba pang termino na may kaugnayan sa pagkakautang ay hindi lang tumutukoy sa literal na utang, kundi pati sa iba pang obligasyon o pananagutan. (Tingnan ang study note sa Ro 1:14.) Sinasabi dito ni Pablo na may utang na loob ang mga mánanampalatayáng Gentil sa mga Judiong Kristiyano sa Jerusalem dahil natulungan sila ng mga ito sa espirituwal. Kaya tama lang na tulungan nila sa materyal ang mahihirap nilang kapatid na Judio.—Ro 15:26.
abuloy: Lit., “bunga.” Dito, ang salitang “bunga” ay nangangahulugang “resulta; produkto” at lumilitaw na tumutukoy sa perang nakolekta para sa mga kapatid sa Jerusalem.
tulong na dala ko: Ang ginamit na salitang Griego na di·a·ko·niʹa, na kadalasang isinasaling “ministeryo,” ay nangangahulugan ditong “pagbibigay ng tulong,” gaya sa Gaw 11:29; 12:25; 2Co 8:4; 9:13. ‘Nagbigay ng tulong,’ o nag-abuloy, ang mga kongregasyon sa Macedonia at Acaya, at dinala ito ni Pablo sa mga kapatid sa Judea na nangangailangan. (2Co 8:1-4; 9:1, 2, 11-13) Sa halip na di·a·ko·niʹa, do·ro·pho·riʹa (pagdadala ng regalo) ang ginamit dito sa ilang sinaunang manuskrito. Sinasabi ng ilan na pinalitan ito ng isang eskriba dahil gusto niyang ipaliwanag kung anong uri ng ministeryo ang tinutukoy rito ni Pablo.—Tingnan ang study note sa Gaw 11:29.