Liham sa mga Taga-Roma 16:1-27
Talababa
Study Notes
Ipinapakilala ko: O “Inirerekomenda ko.” Lumilitaw na ipinakilala ni Pablo si Febe sa mga Kristiyano sa Roma para tanggapin nila siya at pahalagahan, gaya ng pagpapahalaga sa kaniya ni Pablo. (Ro 16:2) Ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo ay kaugnay ng terminong Griego na ginamit niya sa 2Co 3:1 sa ekspresyong “liham ng rekomendasyon.” Noong panahon ng Bibliya, ang ganitong mga liham ng rekomendasyon ay karaniwang paraan ng pagpapakilala sa isang tao. Posibleng si Febe, na isang ministro sa kongregasyon sa Cencrea, ang nagdala ng liham ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma.
naglilingkod: Malawak ang kahulugan ng salitang Griego na di·aʹko·nos. Nang sabihin ni Pablo na si Febe ay “naglilingkod sa kongregasyon,” lumilitaw na ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang ministeryong Kristiyano, o ang pagpapalaganap ng mabuting balita. Ang pangangaral ng mabuting balita ay pananagutan ng lahat ng ministrong Kristiyano. (Ihambing ang Gaw 2:17, 18 sa study note sa Ro 11:13.) Ginamit din ang kaugnay na terminong di·a·ko·neʹo para sa mga babaeng naglingkod para mailaan ang pagkain at iba pang pangangailangan ni Jesus at ng mga tagasunod niya. (Luc 8:3) Dahil ginagamit kung minsan ang di·aʹko·nos para tumukoy sa isang atas, gaya ng pagiging isang “ministeryal na lingkod” sa kongregasyong Kristiyano (Fil 1:1; 1Ti 3:8, 12), ginamit ng ilang tagapagsalin ang terminong “diyakono” o “diyakonisa” dito sa Ro 16:1. Pero nang banggitin ng Bibliya ang kuwalipikasyon para sa mga “ministeryal na lingkod,” hindi nito sinabi na puwede rito ang mga babae. Sa halip, inilarawan nito ang isang ministeryal na lingkod na “asawa ng isang babae.” (1Ti 3:8-13) Kaya para sa maraming tagapagsalin, malawak ang pagkakagamit ng terminong ito sa talatang ito, at isinalin nila itong “naglilingkod” o “tumutulong.”
Cencrea: Isa sa mga daungan ng Corinto na makikita mga 11 km (7 mi) sa silangan ng Corinto. Pagkatapos manatili ni Pablo sa Corinto nang mahigit 18 buwan, naglayag siya mula Cencrea papuntang Efeso noong mga 52 C.E. (Tingnan ang study note sa Gaw 18:18.) Hindi sinasabi ng Bibliya kung kailan naitatag ang kongregasyong Kristiyano sa Cencrea. May mga nagsasabi na naitatag ito dahil sa matagal na pananatili ni Pablo sa Corinto, pero ang sigurado ay naitatag ito bago 56 C.E., kung kailan isinulat niya ang liham niya para sa mga taga-Roma.
tumutulong sa: O “tagapagtanggol ng.” Ang terminong Griego na ginamit dito, pro·staʹtis, ay pangunahin nang nangangahulugang “pumoprotekta.” Ipinapakita nito na gumagawa si Febe ng mabuti sa iba at tumutulong sa mga nangangailangan. Puwede rin itong mangahulugang aktibo siyang naghahanap ng matutulungan. Malayang nakakapaglakbay si Febe at nakakapaglingkod sa kongregasyon, kaya posibleng biyuda na siya at mayaman din. Kung gayon, posibleng nagamit niya ang estado niya sa lipunan para matulungan ang mga Kristiyano na pinaparatangan ng masama at maprotektahan sila.
Ikumusta ninyo ako: Mula dito hanggang sa talata 15, bumati si Pablo sa 26 na Kristiyano na pinangalanan niya at sa maraming iba pang indibidwal o grupo. Kitang-kitang pinapahalagahan ni Pablo ang mga Kristiyanong babae dahil espesipiko niyang binanggit ang walo sa mga kapatid niyang ito: sina Prisca, Maria, Trifena, Trifosa, Persis, at Julia, gayundin ang ina ni Rufo at kapatid ni Nereo. Nang mga panahong ito, prominente na si Pablo at maraming taon nang naglilingkod bilang apostol ng mga bansa. (Gaw 9:15; Ro 1:1; 11:13) Pero gaya ng makikita sa pagbati niya, nagpapakita pa rin siya ng personal na interes sa mga kapananampalataya niya.
Prisca at Aquila: Napalayas sa Roma ang tapat na mag-asawang ito dahil sa utos ni Emperador Claudio laban sa mga Judio noong 49 C.E. o unang bahagi ng 50 C.E. Namatay si Claudio noong 54 C.E., at nang isulat ni Pablo ang liham niya sa mga Kristiyano sa Roma, noong mga 56 C.E., nakabalik na roon sina Prisca at Aquila. (Tingnan ang study note sa Gaw 18:2.) Tinawag sila ni Pablo na mga kamanggagawa niya. Ang salitang Griego para sa “kamanggagawa,” sy·ner·gosʹ, ay lumitaw nang 12 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, na ang karamihan ay makikita sa mga liham ni Pablo. (Ro 16:9, 21; Fil 2:25; 4:3; Col 4:11; Flm 1, 24) Kapansin-pansin na sa 1Co 3:9, sinabi ni Pablo: “Kami ay mga kamanggagawa ng Diyos.”
nagsapanganib ng buhay nila: May mga nagsasabi na ang ekspresyong Griego para dito, na literal na nangangahulugang “inilagay ang leeg nila sa ilalim,” ay galing sa ginagawa noong panahon ng Roma na pagpugot ng ulo. Tumutukoy ito sa isang nalalapit at kahindik-hindik na kamatayan. Sinabi ni Pablo na isinapanganib nina Aquila at Prisca (Priscila) ang buhay nila para mailigtas siya. May mga nagsasabi na nangyari ito nang magkagulo ang mga panday-pilak sa Efeso. (Gaw 19:28-31) Posibleng sa mapanganib na panahong ito, kung kailan naramdaman ni Pablo na mamamatay na siya, namagitan sina Aquila at Prisca at isinapanganib ang buhay nila. (2Co 1:8) Pero hindi malinaw na sinasabi ng Bibliya kung ano talaga ang pangyayaring tinutukoy dito ni Pablo.
akin: O “aking buhay.” Dito, ang salitang Griego na psy·kheʹ ay tumutukoy sa mismong tao o sa buhay ng isang tao.—Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Maria: Anim na babae sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang may pangalang Maria. Dito lang binanggit ang Maria na ito, na matiyagang naglilingkod para sa kongregasyong Kristiyano sa Roma ayon kay Pablo. Wala nang ibang sinasabi ang Bibliya tungkol sa kaniya.—Tingnan ang study note sa Luc 1:27.
Malugod ninyong batiin ang isa’t isa: Lit., “Batiin ninyo ang isa’t isa ng banal na halik.” Sa apat na liham ni Pablo (dito at sa 1Co 16:20, tlb.; 2Co 13:12, tlb.; 1Te 5:26, tlb.), pinasigla niya ang mga kapuwa niya Kristiyano na batiin ang isa’t isa ng “banal na halik.” Gumamit din si apostol Pedro ng kahawig na ekspresyon: “Batiin ninyo ang isa’t isa ng halik ng pag-ibig.” (1Pe 5:14) Noong panahon ng Bibliya, ang paghalik ay tanda ng pagmamahal, paggalang, o kapayapaan. Normal lang ang paghalik kapag bumabati o nagpapaalam. (Ru 1:14; Luc 7:45) Karaniwan itong ginagawa ng babae at lalaking magkamag-anak (Gen 29:11; 31:28), ng dalawang lalaking magkamag-anak, at ng malapít na magkaibigan (Gen 27:26, 27; 45:15; Exo 18:7; 1Sa 20:41, 42; 2Sa 14:33; 19:39; tingnan ang study note sa Gaw 20:37). Noon, tanda ito ng kapatiran at pagkakaisa ng mga Kristiyanong pinagbuklod ng tunay na pagsamba. Hindi ito basta pormalismo o ritwal, at wala rin itong romantiko o seksuwal na kahulugan.—Ju 13:34, 35.
pagnanasa: O “tiyan.” Ang salitang Griego na koi·liʹa ay literal na tumutukoy sa “sikmura” o mga lamang-loob ng isang tao. Dito at sa Fil 3:19, ginamit ito sa makasagisag na paraan para tumukoy sa makalamang pagnanasa. Ipinaliwanag ni Pablo na ang mga taong nagpapaalipin sa “sarili nilang mga pagnanasa” ay hindi puwedeng maging “alipin ng ating Panginoong Kristo.” Sa Fil 3:19, inilarawan ang mga taong ginagawang diyos ang “kanilang tiyan,” o kanilang makalamang pagnanasa.
durugin . . . si Satanas: Maaalala dito ang unang hula sa Bibliya sa Gen 3:15, kung saan binabanggit na “dudurugin ng supling” ng makasagisag na babae ang “ulo” ng ahas. Tumutukoy ito sa pagpuksa kay Satanas, “ang orihinal na ahas.” (Apo 12:9) Para ilarawan ang pangyayaring iyan, gumamit si Pablo ng isang salitang Griego na nangangahulugang “basagin; pagdurog-durugin; lubusang talunin.” Ito rin ang salitang Griego na ginamit sa Apo 2:27 nang sabihin na ang mga bansa ay ‘magkakadurog-durog gaya ng mga sisidlang luwad.’ Dahil ang sulat ni Pablo ay para sa mga kapuwa niya Kristiyano na “mga kasamang tagapagmana ni Kristo” (Ro 8:17), ginamit niya ang ekspresyong sa ilalim ng inyong mga paa para ipakitang kasama sila sa pagdurog kay Satanas.—Ihambing ang Mal 4:3.
Tercio: Ang tagasulat ni Pablo ng liham niya para sa mga taga-Roma at ang nag-iisang kalihim niya na pinangalanan. Ang pananalitang sa Panginoon ay nagpapakitang isang tapat na Kristiyano si Tercio na posibleng miyembro ng kongregasyon sa Corinto. Nagsingit ng sariling pagbati si Tercio sa liham na ito, posibleng dahil marami siyang kakilalang kapatid sa Roma.
na tinutuluyan ko: Tinutuluyan ni Pablo. Sa naunang talata lang nakapagsingit ng sariling pagbati si Tercio.
ingat-yaman ng lunsod: O “katiwala ng lunsod.” Ang salitang Griego na oi·ko·noʹmos, na pinakamadalas isaling “katiwala,” ay pangunahin nang nangangahulugang “tagapamahala ng isang sambahayan.” Pero dahil ipinares ito sa salitang Griego para sa “lunsod” sa kontekstong ito, lumilitaw na tumutukoy ito sa taong namamahala sa pananalapi ng lunsod ng Corinto. Noong dekada ng 1920, may nahukay sa Corinto ang mga arkeologo na isang batong sahig kung saan nakasulat na ipinagawa ng isang Erasto ang sahig na ito sa sarili niyang gastos. Hindi tiyak kung siya rin ang Erasto na binabanggit ni Pablo sa talatang ito, pero pinaniniwalaang ginawa ang sahig na iyon noong unang siglo C.E.
kapatid niyang: Ang literal na mababasa sa Griegong teksto ay “kapatid na,” at puwede itong unawain na si Cuarto ay literal na kapatid ni Erasto. Pero puwede rin itong mangahulugan na magkapatid sila sa espirituwal, kaya puwede itong isaling “kapatid nating.”
Sa ilang manuskritong Griego at sinaunang salin, idinagdag ang pananalitang ito: “Sumainyo nawang lahat ang walang-kapantay na kabaitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo. Amen.” Sa ibang manuskrito naman, mababasa ito kasunod ng talata 27. Pero sa pinakaluma at pinakamaaasahang mga manuskrito, ang kahawig na pananalita nito ay makikita lang sa talata 20. Hindi ito makikita sa talata 24 o sa kasunod ng talata 27. Ang mga manuskritong iyon ay matibay na ebidensiya na idinagdag lang ang pananalitang ito at hindi talaga bahagi ng orihinal na teksto.—Tingnan ang Ap. A3.
isiniwalat: Madalas gamitin ang terminong Griego na a·po·kaʹly·psis, gaya sa talatang ito, para tumukoy sa pagsisiwalat ng kalooban at mga layunin ng Diyos o ng iba pang espirituwal na mga bagay. (Efe 3:3; Apo 1:1) Sa Diyos lang nagmumula ang mga pagsisiwalat na ito.—Ihambing ang study note sa Luc 2:32.
Amen: Tingnan ang study note sa Ro 1:25.