Liham sa mga Taga-Roma 2:1-29

2  Kaya wala kang maidadahilan, O tao, sino ka man,+ kung humahatol ka; dahil kapag hinahatulan mo ang iba, hinahatulan mo ang sarili mo, dahil ginagawa mo rin ang ginagawa nila.+ 2  Alam natin na ang hatol ng Diyos, na kaayon ng katotohanan, ay laban sa mga gumagawa ng gayong mga bagay. 3  Pero ikaw na humahatol sa mga gumagawa ng gayong mga bagay, iniisip mo bang matatakasan mo ang hatol ng Diyos kahit ginagawa mo rin ang mga iyon? 4  O hinahamak mo ba ang laki ng kaniyang kabaitan,+ pagtitimpi,+ at pagtitiis,+ dahil hindi mo alam na sinisikap kang akayin ng Diyos sa pagsisisi dahil sa kabaitan niya?+ 5  Pero dahil matigas ang ulo mo at hindi nagsisisi ang iyong puso, ginagalit mo nang husto ang Diyos, at ibubuhos niya ang kaniyang galit sa araw ng poot at ng pagsisiwalat sa matuwid na hatol ng Diyos.+ 6  At ibibigay niya sa bawat isa ang ayon sa kaniyang mga gawa:+ 7  buhay na walang hanggan para doon sa mga naghahanap ng kaluwalhatian, karangalan, at katawang hindi nasisira+ sa pamamagitan ng pagsisikap na gumawa* ng mabuti; 8  pero poot at galit para sa mga mahilig makipagtalo at lumilihis sa katotohanan at sumusunod sa kasamaan.+ 9  Kapighatian at paghihirap ang naghihintay para sa bawat tao na gumagawa ng nakapipinsalang bagay, sa Judio muna at pagkatapos ay sa Griego; 10  pero kaluwalhatian, karangalan, at kapayapaan para sa bawat isa na gumagawa ng mabuti, para sa Judio muna+ at pagkatapos ay sa Griego.+ 11  Dahil hindi nagtatangi ang Diyos.+ 12  Dahil ang lahat ng nagkasala nang walang kautusan ay mamamatay kahit walang kautusan;+ pero ang lahat ng nagkasala sa ilalim ng kautusan ay hahatulan batay sa kautusan.+ 13  Dahil ang mga ipahahayag ng Diyos na matuwid ay hindi ang mga nakikinig sa kautusan kundi ang mga tumutupad dito.+ 14  Kapag likas na ginagawa ng mga tao ng ibang mga bansa ang mga bagay na nasa kautusan, kahit wala naman silang kautusan,+ iyon ay dahil sa kautusang nasa loob nila. 15  Ipinapakita ng kanilang mga gawa na ang kautusan ay nakasulat sa kanilang mga puso, habang ang kanilang konsensiya ay nagpapatotoo, at inaakusahan sila o kaya ay ipinagdadahilan* ng sarili nilang kaisipan. 16  Mangyayari ito sa araw na hahatulan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus ang lihim na mga bagay ng sangkatauhan,+ ayon sa mabuting balita na inihahayag ko. 17  Ngayon, kung tinatawag kang Judio+ at umaasa ka sa kautusan at ipinagmamalaki mo ang kaugnayan mo sa Diyos, 18  at alam mo ang kaniyang kalooban, at sinasang-ayunan* mo ang mga bagay na tunay na mahalaga* dahil naturuan ka sa Kautusan,+ 19  at naniniwala ka na tagaakay ka ng mga bulag, liwanag para sa mga nasa dilim, 20  tagapagtuwid ng mga di-makatuwiran, guro ng mga bata, at alam mo ang saligang kaalaman at katotohanan na nasa Kautusan— 21  bakit ka nagtuturo sa iba pero hindi mo naman tinuturuan ang sarili mo?+ Ikaw, na nangangaral na “Huwag magnakaw,”+ bakit ka nagnanakaw? 22  Ikaw na nagsasabing “Huwag mangalunya,”+ bakit ka nangangalunya? Ikaw na napopoot sa mga idolo, bakit mo ninanakawan ang mga templo? 23  Ikaw, ipinagmamalaki mo ang kautusan, pero bakit mo nilalapastangan ang Diyos dahil sa paglabag mo sa Kautusan? 24  “Ang pangalan ng Diyos ay nalalapastangan sa gitna ng mga bansa dahil sa inyo,” gaya ng nasusulat.+ 25  May pakinabang lang ang pagtutuli+ kung sumusunod ka sa kautusan;+ pero kung nilalabag mo ang kautusan, nawawalan ng silbi ang pagtutuli sa iyo. 26  Pero kung ang isang di-tuli+ ay tumutupad sa matuwid na mga kahilingan ng Kautusan, para na rin siyang nagpatuli, hindi ba?+ 27  Kaya ikaw na tuli at nagtataglay ng nasusulat na kautusan pero hindi sumusunod dito ay hahatulan ng isa na di-tuli pero sumusunod naman sa Kautusan. 28  Dahil ang pagiging tunay na Judio ay hindi lang sa panlabas na hitsura+ o sa pagpapatuli sa laman.+ 29  Ang pagiging tunay na Judio ay nakabatay sa kung ano siya sa loob,+ at ang puso niya+ ay tinuli ayon sa espiritu at hindi sa nasusulat na Kautusan.+ Ang papuri para sa taong iyon ay nanggagaling sa Diyos, hindi sa mga tao.+

Talababa

O “ng pagbabata sa paggawa.”
O “ipinagtatanggol.”
O posibleng “sinusubok ang mga bagay na naiiba.”
O “nauunawaan.”

Study Notes

pagtitimpi: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pangngalang Griego na a·no·kheʹ ay dito lang lumitaw at sa Ro 3:25. Literal itong nangangahulugang “pagpipigil.” Ang kaugnay nitong pandiwang Griego ay ginamit sa ilang talata, kung saan isinalin itong “nagtitiis” at “nagpapasensiya.” (Mat 17:17; 1Co 4:12; Efe 4:2) Ginamit din ng Griegong Septuagint ang pandiwang ito para tumukoy sa pagpipigil ni Jehova. (Isa 42:14; 64:12; LXX) Sa kasaysayan ng tao, nagpakita ang Diyos ng pambihirang kabaitan, pagtitimpi, at pagtitiis sa pamumusong sa pangalan niya, pagpapahirap at pagpatay sa Anak niya, at masamang pagtrato sa kaniyang tapat na mga mananamba. Ginawa ito ng Diyos dahil ‘sinisikap niyang akayin sa pagsisisi’ ang mga tao. Ganiyan din ang sinabi ni apostol Pedro.​—2Pe 3:9.

pagsisisi: Lit., “pagbabago ng isip.” Sa Bibliya, tumutukoy ito sa pagbabago ng isip na may matinding kalungkutan dahil sa dating paraan ng pamumuhay, dahil sa pagkakamali, o dahil hindi nagawa ng isa ang dapat niyang gawin. Sa kontekstong ito, ang “pagsisisi” ay tumutukoy sa kagustuhan ng isang tao na magkaroon ng magandang kaugnayan sa Diyos o maibalik ito. Ang tunay na pagsisisi ay may kasamang pagkilos, ang pagbabago ng landasin.​—Tingnan ang study note sa Mat 3:2, 8; Gaw 3:19; 26:20 at Glosari.

Griego: Dito, tumutukoy ito sa mga Gentil, o di-Judio, sa pangkalahatan.​—Tingnan ang study note sa Ro 1:16.

hindi nagtatangi ang Diyos: Ang ekspresyong Griego para sa “nagtatangi” (pro·so·po·lem·psiʹa) ay puwedeng literal na isaling “tumatanggap ng mukha.” (Ang kaugnay nitong salita ay tinalakay sa study note sa Gaw 10:34.) Ang ekspresyong ito ay galing sa pariralang Hebreo na na·saʼʹ pa·nimʹ, na literal na nangangahulugang “itaas ang mukha” at isinaling “kakampihan” sa Lev 19:15. Sa mga taga-Silangan, karaniwang pagbati sa nakatataas ang pagyuko. Para ipakita ng nakatataas na tinatanggap niya ang pagbating ito, itataas niya ang mukha ng yumuko. Pero ginamit ng mga taong tiwali ang kaugaliang ito para magpakita ng pagtatangi, kaya nang maglaon, dito na tumukoy ang ekspresyong ito. Gustong ituro dito ni Pablo na walang paborito ang Diyos, na hindi niya itinataas ang mukha ng ilan pero binabale-wala ang iba. Pareho niyang tinatanggap ang mga Judio at mga Griego. Paulit-ulit ang paksang ito sa mga liham ni Pablo.​—Efe 6:9.

sa ilalim ng kautusan . . . batay sa kautusan: Sa liham ni Pablo sa mga taga-Roma, ang mga ito ang unang dalawang paglitaw ng salitang Griego para sa “kautusan” (noʹmos). Ang ekspresyong walang kautusan sa talatang ito ay salin para sa salitang Griego na a·noʹmos. Sa kontekstong ito, ang terminong “kautusan” ay tumutukoy sa Kautusang Mosaiko, gaya ng madalas na pagkakagamit dito sa aklat ng Roma. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang terminong “kautusan” ay puwedeng tumukoy sa (1) isang partikular na utos, (2) Kautusan ng Diyos na ibinigay sa pamamagitan ni Moises, (3) buong Hebreong Kasulatan o mga bahagi nito, o (4) isang utos na nagsisilbing prinsipyo.​—Tingnan ang study note sa Mat 5:17; Ju 10:34; Ro 8:2.

konsensiya: O “budhi.” Ang salitang Griego na sy·neiʹde·sis ay mula sa mga salitang syn (kasama) at eiʹde·sis (kaalaman). Kaya ang terminong Griego ay literal na nangangahulugang “kasamang kaalaman” o “kaalaman sa sarili.” Ipinapaliwanag dito ni Pablo na kahit ang mga tao na walang alam sa kautusan ng Diyos ay may konsensiya, o kakayahang suriin ang sarili at masabi kung tama o mali ang ginagawa niya. Pero gagana lang nang tama ang konsensiya kung sinanay ito sa Salita ng Diyos at nakaayon sa kalooban Niya. Ipinapakita ng Kasulatan na hindi lahat ng konsensiya ay gumagana nang tama. Ang isang tao ay puwedeng magkaroon ng konsensiya na mahina (1Co 8:12), manhid (1Ti 4:2), o nadumhan (Tit 1:15). Ganito ang sinabi ni Pablo tungkol sa sarili niyang konsensiya: “Sa pamamagitan ng banal na espiritu, nagpapatotoo ang konsensiya ko.” (Ro 9:1) Laging sinisikap ni Pablo na “magkaroon ng malinis na konsensiya sa harap ng Diyos at mga tao.”​—Gaw 24:16.

naturuan: Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay ka·te·kheʹo at puwedeng isalin na “naturuan nang bibigan.”​—Tingnan ang study note sa Gaw 18:25.

bata: Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa isang taong kailangan pang sumulong sa kaalaman, kaunawaan, at pagkamaygulang.

saligang: O “balangkas ng.” Ang terminong Griego na morʹpho·sis, na isinalin ditong ‘saligan,’ ay tumutukoy sa isang sketch o balangkas. Sa kontekstong ito, lumilitaw na tumutukoy ito sa pangunahin o mahalagang bahagi ng kaalaman at katotohanan na nasa Kautusang Mosaiko. Ang Kautusan ay isa lang balangkas, at hindi mababasa dito ang lahat ng katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang kalooban at layunin. Marami pa tayong natutuhan tungkol sa mga bagay na iyan pagdating ni Jesus. (Ju 1:17) Pero nakilala pa rin ng tapat na mga Judio si Jehova at nalaman ang matuwid niyang mga daan sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga prinsipyong nasa Kautusan. Ito ang lamáng nila sa iba pang bayan sa loob ng maraming siglo. (Deu 4:8; Aw 147:19, 20) Kaya kahit na “balangkas” lang ang Kautusang Mosaiko, naging mahalaga ito para makilala nang lubusan si Jehova at maintindihan ang mga layunin niya.

mangalunya: Tumutukoy sa pagtataksil sa asawa. Sa Bibliya, ang pangangalunya ay kusang pakikipagtalik ng isang taong may asawa sa hindi niya asawa.​—Ihambing ang study note sa Mat 5:32, kung saan tinalakay ang “seksuwal na imoralidad,” na salin para sa salitang Griego na por·neiʹa, at study note sa Mar 10:11.

pagtutuli: Sa Kautusang Mosaiko, kailangang magpatuli ng isang lalaking mananamba ni Jehova. (Lev 12:2, 3; tingnan sa Glosari.) Kahit ang mga dayuhan ay kailangang magpatuli para payagan silang kumain ng hapunan para sa Paskuwa. (Exo 12:43-49) Pero noong 49 C.E., pitong taon bago isulat ni Pablo ang liham niya sa mga taga-Roma, napagpasiyahan ng lupong tagapamahala sa Jerusalem na ang mga di-Judiong tumanggap sa mabuting balita ay hindi na kailangang magpatuli at sumunod sa Kautusang Judio. (Gaw 15:1, 2, 28, 29) Sa sulat ni Pablo sa mga taga-Roma, sinuportahan niya ang desisyong iyon na ginabayan ng espiritu, at sa patnubay rin ng banal na espiritu, nilinaw pa niya ito sa talatang ito at sa sumunod na mga talata. Kahit noong may bisa pa ang tipang Kautusan, hindi sapat ang basta pagpapatuli lang. Kailangan pa ring sumunod sa iba pang bahagi ng Kautusan.​—Lev 18:5; Deu 30:16; Jer 9:25; tingnan ang study note sa Ro 2:29.

Judio . . . pagpapatuli: Ginamit dito ni Pablo ang mga terminong ito para ipakita na hindi mahalaga sa kongregasyong Kristiyano ang bansa o lahi ng isa.​—Tingnan sa Glosari, “Judio”; “Pagtutuli.”

Judio: Ang terminong Griego na I·ou·daiʹos ay katumbas ng terminong Hebreo na Yehu·dhiʹ, na nangangahulugang “Ni [Kay] Juda” at isinasaling “Judio” sa Hebreong Kasulatan. Pagkatapos ng pagkatapon ng mga Judio, ang “Judio” ay tumutukoy na sa isang miyembro ng bansang Israel. (Tingnan sa Glosari.) Sa Gen 29:35, ang pangalang Juda ay kaugnay ng pandiwang Hebreo na isinaling “pupurihin,” kaya sinasabing ang pangalang ito ay nangangahulugang “Pinuri; Pinatungkulan ng Papuri.” May mga nagsasabing posibleng ginamit ni Pablo ang “Judio” dahil sa kahulugan ng terminong Hebreo para sa “Judio; Juda.” Posibleng gusto niyang ipakita na ang tunay na “Judio” ay tatanggap ng papuri mula sa Diyos kung magkakaroon siya ng tinuling puso at maglilingkod sa Diyos nang may malinis na motibo. (Tingnan ang study note sa ang puso niya ay tinuli sa talatang ito.) Sinasabi ni Pablo na ang pagsang-ayon ng Diyos, na pinakamagandang papuri na puwedeng matanggap ng isa, ay para sa lahat ng uri ng tao, anuman ang lahi nila. Kaya ang isang tunay na Judio, na bahagi ng kongregasyong Kristiyano noong unang siglo, ay isang espirituwal na Judio, miyembro ng “Israel ng Diyos.”​—Gal 6:16.

ang puso niya ay tinuli: Ang ‘pagtutuli’ ay ginagamit nang makasagisag sa Hebreo at Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Tingnan sa Glosari, “Pagtutuli.”) Ang ‘pagtutuli sa puso’ ay kahilingan ng Diyos kahit sa mga Israelita na literal na tinuli. Sa literal na pagkakasalin ng Deu 10:16 at 30:6 (tingnan ang mga tlb.), sinabi ni Moises sa Israel: “Tuliin na ninyo ang inyong mga puso,” at “tutuliin ng Diyos ninyong si Jehova ang puso ninyo at ng inyong mga supling.” Noong panahon ni Jeremias, pinaalalahanan niya ang masuwaying bansa na dapat na ganoon din ang gawin nila. (Jer 4:4) Ang “pagtutuli sa puso” ay “paglilinis” dito mula sa anumang kaisipan, kagustuhan, o motibo na marumi at hindi kalugod-lugod kay Jehova at nagiging dahilan para maging manhid ang puso. Gayundin, ang mga tainga na hindi nakikinig kay Jehova ay tinatawag na “di-tuli.”​—Jer 6:10, tlb.; tingnan ang study note sa Gaw 7:51.

Media