Liham sa mga Taga-Roma 6:1-23
Talababa
Study Notes
binautismuhan kay Kristo Jesus: Nang bautismuhan si Jesus sa tubig, inatasan siya ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu, kaya siya naging Kristo, o ang Pinahiran. (Gaw 10:38) Nang maging pinahiran siya, naging anak din siya ng Diyos sa espirituwal na diwa. (Tingnan ang study note sa Mat 3:17.) Nang bautismuhan ng Diyos si Jesus sa pamamagitan ng banal na espiritu, puwede na ring mabautismuhan sa pamamagitan ng banal na espiritu ang mga tagasunod ni Jesus. (Mat 3:11; Gaw 1:5) Ang mga naging anak ng Diyos sa pamamagitan ng espiritu gaya ni Jesus ay kailangang ‘mabautismuhan kay Kristo Jesus,’ o sa pinahirang si Jesus. Nang pahiran ni Jehova ng banal na espiritu ang mga tagasunod ni Kristo, naging kaisa sila ni Jesus at miyembro ng kongregasyon, na tinatawag na katawan ni Kristo, dahil siya ang ulo nito. (1Co 12:12, 13, 27; Col 1:18) Ang mga tagasunod na iyon ni Kristo ay “binautismuhan [din] sa kaniyang kamatayan.”—Tingnan ang study note sa binautismuhan sa kaniyang kamatayan sa talatang ito.
binautismuhan sa kaniyang kamatayan: O “inilubog sa kaniyang kamatayan.” Ginamit dito ni Pablo ang terminong Griego na ba·ptiʹzo (ilublob; ilubog). Nang mabautismuhan si Jesus sa tubig noong 29 C.E., nagsimula rin ang isa pang bautismo niya, ang mapagsakripisyong paraan ng pamumuhay niya na inilarawan sa Mar 10:38. (Tingnan ang study note.) Nagpatuloy ang bautismong ito sa buong ministeryo niya. Natapos ito nang patayin siya noong Nisan 14, 33 C.E., at buhaying muli makalipas ang tatlong araw. Nang banggitin ni Jesus ang tungkol sa bautismong ito, sinabi niya na “ang pinagdadaanan [niyang] bautismo ay pagdadaanan” din ng mga tagasunod niya. (Mar 10:39) Ang mga pinahirang miyembro ng kongregasyon, o ng katawan ni Kristo, ay ‘binautismuhan sa kamatayan’ ni Jesus, dahil gaya niya, magiging mapagsakripisyo rin ang paraan ng pamumuhay nila at kasama sa isasakripisyo nila ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa. Magpapatuloy ang bautismong ito sa buong buhay nila habang nananatili silang tapat sa harap ng mga pagsubok. Matatapos ito kapag namatay sila at binuhay-muli bilang mga espiritu.—Ro 6:4, 5.
naging kaisa niya tayo: Lit., “itinanim tayong kasama niya.” Dito, ang salitang Griego na symʹphy·tos ay nagpapahiwatig na ang mga indibidwal ay nagiging magkaugnay dahil sa pareho nilang karanasan. May mga nagsasabi na inilalarawan sa ekspresyong ito ang isang sanga na itinanim sa isang puno, at sabay na lumaki ang mga ito.
lumang personalidad: O “dating sarili; dating pagkatao.” Lit., “dating tao.” Ang salitang Griego na anʹthro·pos ay pangunahin nang tumutukoy sa isang “tao,” lalaki man o babae.
ipinako sa tulos na kasama niya: Ginamit sa mga Ebanghelyo ang pandiwang Griego na syn·stau·roʹo para tumukoy sa mga literal na ipinako sa tulos katabi ni Jesus. (Mat 27:44; Mar 15:32; Ju 19:32) Maraming beses na binanggit ni Pablo sa mga liham niya ang pagpapako kay Jesus sa tulos (1Co 1:13, 23; 2:2; 2Co 13:4), pero dito, ginamit niya ang terminong ito sa makasagisag na diwa. Sinasabi niya rito na pinapatay, o pinapalitan, ng mga Kristiyano ang kanilang lumang personalidad sa pamamagitan ng pananampalataya sa pinatay na si Kristo. Ganito rin ang pagkakagamit ni Pablo sa terminong ito sa liham niya sa mga taga-Galacia. Sinabi niya: “Ipinako ako sa tulos kasama ni Kristo.”—Gal 2:20.
napawalang-sala na: O “napalaya (napatawad) na sa kasalanan.” Lit., “nabigyang-katuwiran na sa kasalanan.” Ang ginamit dito na salitang Griego, di·kai·oʹo, ay madalas isaling “ipahayag na matuwid.” Ipinapakita sa konteksto na ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang mga pinahirang Kristiyano na buháy pa noon. Binautismuhan sila kay Kristo Jesus at tumanggap ng pag-asang mabuhay sa langit. Pero para mapahiran sila ng banal na espiritu at tanggapin ng Diyos bilang mga anak niya, kailangan nilang mamatay sa makasagisag na diwa. Ibig sabihin, kailangan nilang iwan ang dating pamumuhay nila bilang di-perpektong mga tao at mapatawad ng Diyos. Sa gayon, puwede na silang ituring na perpektong mga tao. Isang mahalagang katotohanan ang basehan ni Pablo sa paliwanag niyang ito tungkol sa mga pinahirang Kristiyano. Alam niya na ang kabayaran para sa kasalanan ni Adan ay kamatayan. (Gen 2:17) Kaya sinasabi ni Pablo na kapag namatay ang isa, napawalang-sala na siya, dahil ang kasalanan niya ay lubusan nang nabayaran ng kamatayan. Sa Ro 6:23, sinabi ni Pablo: “Ang kabayaran para sa kasalanan ay kamatayan.” Kaya kapag namatay na ang isang tao, hindi na sisingilin sa kaniya ang mga kasalanan niya. Kung hindi dahil sa handog ni Jesus at sa layunin ng Diyos na bumuhay ng mga patay, wala na siyang pag-asang mabuhay muli. Pero kahit hindi na siya buhaying muli, napawalang-sala pa rin siya, dahil hindi na uungkatin ng Diyos ang mga kasalanan niya para parusahan pa siya.
inyong katawan: O “anumang bahagi ng inyong katawan.” Lit., “inyong mga sangkap.” Dito, ang salitang Griego na meʹlos (“isang bahagi ng katawan ng tao”) ay nasa anyong pangmaramihan at tumutukoy sa buong katawan. Ganito ang pagkakagamit ni Pablo sa salitang ito sa kabanata 6 at 7 ng Roma. (Ro 6:19; 7:5, 23) Sa Ro 12:4, ito rin ang salitang ginamit niya sa pariralang “kung paanong ang isang katawan ay binubuo ng maraming bahagi.”
alipin: Sa Ro 1:1, ginamit ni Pablo ang terminong ito para sa sarili niya, pero dito, ginamit niya ito para tumukoy sa isang tao na nagpapaalipin sa kasalanan na umaakay sa kamatayan o sa katuwiran na umaakay sa kabanalan. Ang paghahalimbawang ginamit ni Pablo para idiin ang punto niya ay pamilyar sa mga Kristiyano sa Roma, na ang ilan ay malamang na mga alipin. Alam nila na obligado ang isang alipin na sundin ang mga utos ng panginoon niya. Ang simple pero pamilyar na ilustrasyon ni Pablo, na katulad ng itinuro ni Jesus sa Sermon sa Bundok, ay tutulong sa kanilang pumili kung sinong panginoon ang paglilingkuran nila.—Mat 6:24; Ro 6:17-20.
katawan: Tumutukoy sa mga bahagi ng katawan.—Tingnan ang study note sa Ro 6:13.
kasamaan para gumawa ng kasamaan: Ang salitang Griego na a·no·miʹa ay puwedeng tumukoy sa paglabag at kawalang-respeto ng mga tao sa mga batas, na para bang walang umiiral na batas. Sa Bibliya, tumutukoy ito sa paglapastangan sa mga batas ng Diyos. (Tingnan ang study note sa Mat 24:12; Mat 7:23; 2Co 6:14; 2Te 2:3-7; 1Ju 3:4) Sa pariralang ito, dalawang beses na ginamit ang terminong ito. Ang unang paglitaw ay tumutukoy sa tendensiya ng isang tao na gumawa ng masama, at ang ikalawa ay tumutukoy sa resulta nito, isang masamang gawa. Ang anyong pangmaramihan ng pangngalang ito ay isinaling “kasamaan” sa Ro 4:7 at ‘masasamang gawa’ sa Heb 10:17.
kabayaran para sa kasalanan: Ang salitang Griego na o·psoʹni·on ay literal na nangangahulugang “bayad; suweldo.” Sa Luc 3:14 (tingnan ang study note), tumutukoy ito sa suweldo ng isang sundalo. Sa kontekstong ito, ang kasalanan ay inihalintulad sa isang panginoon na nagpapasuweldo. Ang “kabayaran,” o suweldo, ng taong nagkakasala ay kamatayan. Kapag namatay na ang isang tao at tinanggap na niya ang kaniyang “kabayaran,” burado na ang mga kasalanan niya. Kung hindi dahil sa handog ni Jesus at sa layunin ng Diyos na bumuhay ng mga patay, wala na siyang pag-asang mabuhay muli.
regalo: O “di-sana-nararapat na regalo.” Ang salitang Griego na khaʹri·sma ay pangunahin nang tumutukoy sa isang regalo na ibinigay sa isang tao dahil sa kabaitan ng nagregalo at hindi dahil pinaghirapan niya ito o karapat-dapat siya dito. Kaugnay ito ng salitang khaʹris, na karaniwang isinasaling “walang-kapantay na kabaitan.” (Tingnan sa Glosari, “Walang-kapantay na kabaitan.”) Ang kabaitan ni Jehova sa pagbibigay niya ng kaniyang Anak bilang haing pantubos ay isang walang-kapantay na regalo, at dahil diyan, ang mga nananampalataya sa haing pantubos ni Jesus ay puwedeng tumanggap ng regalong buhay na walang hanggan.—Ju 3:16; tingnan ang Ro 5:15, 16, kung saan dalawang beses na isinaling “regalo” ang salitang Griego na khaʹri·sma.