Liham sa mga Taga-Roma 7:1-25

7  Mga kapatid (nagsasalita ako sa inyo na nakaaalam sa kautusan), hindi ba ninyo alam na ang Kautusan ay panginoon ng isang tao hangga’t nabubuhay siya? 2  Halimbawa, ayon sa kautusan, ang isang babae ay natatali sa asawa niya habang ito ay buháy; pero kapag namatay ito, napalalaya siya mula sa kautusan ng asawa niya.+ 3  Kaya kung mag-asawa siya ng ibang lalaki habang buháy pa ang asawa niya, siya ay nangangalunya.+ Pero kung mamatay ang asawa niya, magiging malaya na siya mula sa kautusan nito, kaya hindi siya nangangalunya kapag nag-asawa siya ng ibang lalaki.+ 4  Kaya, mga kapatid ko, kayo rin ay ginawang patay sa Kautusan sa pamamagitan ng katawan ng Kristo para maging pag-aari kayo ng iba,+ ng isa na binuhay-muli,+ at magbunga tayo para sa Diyos.+ 5  Dahil noong namumuhay tayo ayon sa laman, ang makasalanang mga pagnanasa na nahayag dahil sa Kautusan ay gumagana sa ating katawan para magluwal ng bunga na umaakay sa kamatayan.+ 6  Pero malaya na tayo sa Kautusan+ dahil wala na itong kontrol sa atin,* kaya dapat na maging alipin na tayo ng espiritu+ at hindi ng nakasulat na batas gaya noon.+ 7  Kaya sasabihin ba natin ngayon na may mali sa Kautusan?* Huwag naman! Ang totoo, hindi ko malalaman ang kasalanan kung hindi dahil sa Kautusan.+ Halimbawa, hindi ko malalaman ang kaimbutan* kung hindi sinabi ng Kautusan: “Huwag mong nanasain ang pag-aari ng iba.”+ 8  Pero dahil sa utos, nagkaroon ng pagkakataon ang kasalanan na gisingin sa akin ang lahat ng uri ng kaimbutan, dahil kung walang kautusan, patay* ang kasalanan.+ 9  Ang totoo, buháy ako noong wala pang kautusan. Pero nang dumating ang utos, nabuhay ang kasalanan, pero namatay ako.+ 10  At nakita ko na ang utos na umaakay sana sa buhay+ ay umaakay pala sa kamatayan. 11  Dahil sa utos, nagkaroon ng pagkakataon ang kasalanan na dayain ako at patayin sa pamamagitan nito. 12  Kaya ang Kautusan ay banal, at ang utos ay banal, matuwid, at mabuti.+ 13  Ibig sabihin ba ay pinatay ako ng isang bagay na mabuti? Hindi! Pinatay ako ng kasalanan. Sa pamamagitan ng isang bagay na mabuti, pinatay ako ng kasalanan para maisiwalat kung ano ang kasalanan.+ At isiniwalat ng kautusan na napakasama ng kasalanan.+ 14  Alam natin na espirituwal* ang Kautusan. Pero makalaman ako—ipinagbili para maging alipin ng kasalanan.+ 15  Hindi ko naiintindihan ang ginagawa ko. Dahil hindi ko ginagawa ang gusto ko, kundi ginagawa ko ang kinapopootan ko. 16  Pero kapag ginagawa ko ang hindi ko gusto, sumasang-ayon ako na mabuti ang Kautusan. 17  Pero ngayon, hindi na ako ang gumagawa nito kundi ang kasalanan na nasa akin.+ 18  Dahil alam ko na sa akin, sa akin ngang di-perpektong katawan,* ay walang anumang mabuti; dahil gusto kong gawin ang mabuti pero wala akong kakayahang gawin iyon.+ 19  Hindi ko ginagawa ang mabuti na gusto kong gawin, kundi ang masama na hindi ko gusto ang lagi kong ginagawa. 20  Kaya kung ginagawa ko ang hindi ko gusto, hindi na ako ang gumagawa nito kundi ang kasalanan na nasa akin. 21  Nakita ko na kinokontrol ako ng kautusang ito: Kapag gusto kong gawin ang tama, ang masama ang nasa akin.+ 22  Sa puso ko, talagang nalulugod ako sa kautusan ng Diyos,+ 23  pero nakikita ko sa katawan ko ang isa pang kautusan na nakikipagdigma sa kautusan ng pag-iisip ko+ at ginagawa akong bihag sa kautusan ng kasalanan+ na nasa katawan ko. 24  Miserableng tao ako! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawan na umaakay sa akin sa kamatayang ito? 25  Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon! Kaya nga, sa pag-iisip ko ay alipin ako ng kautusan ng Diyos, pero sa aking katawan ay alipin ako ng kautusan ng kasalanan.+

Talababa

Lit., “dahil namatay na tayo doon sa pumipigil sa atin.”
O “kasakiman.”
Lit., “na ang Kautusan ay kasalanan?”
O “walang kapangyarihan.”
O “na mula sa Diyos.”
Lit., “laman.”

Study Notes

katawan: Lit., “mga sangkap.”​—Tingnan ang study note sa Ro 6:13.

malaya na tayo sa Kautusan: Sa Ro 7:1-6, gumamit si Pablo ng isang ilustrasyon para ipaliwanag ang paglaya ng mga Kristiyanong Judio mula sa Kautusang Mosaiko. Natatali ang babae sa asawa niya habang nabubuhay ito, pero kung mamatay ang asawa niya, malaya na siyang mag-asawa ng iba dahil wala nang bisa ang kasal nila. Ganitong pagbabago ang nararanasan ng isang Kristiyano kapag “namatay na [siya] sa kasalanan.” (Ro 6:2, 11) Ang mga Kristiyanong Judio ay “ginawang patay sa Kautusan sa pamamagitan ng katawan ng Kristo,” na naglaan ng pantubos, para “maging pag-aari [sila] ng iba,” o ni Kristo. (Ro 7:4) Sinabi ni Pablo sa Gal 3:13 na “binili tayo ni Kristo at pinalaya mula sa sumpa ng Kautusan nang siya ay maging isang sumpa sa halip na tayo.” Ang indibidwal na nananampalataya kay Kristo ay namatay sa makasagisag na paraan, kaya wala na siya sa ilalim ng dating Kautusan. Puwede na siyang maging alipin ngayon ng “espiritu.” (Ro 7:6) Siyempre, ang isang tao na namatay sa ganitong paraan ay hindi naman namatay nang literal kaya makakasunod siya kay Kristo bilang alipin ng katuwiran.​—Ro 6:18-20; Gal 5:1.

maging alipin: Sa isang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J18 sa Ap. C4), ang mababasa ay “maging alipin ni Jehova.”

katawan: Lit., “mga sangkap.”​—Tingnan ang study note sa Ro 6:13.

Media