Liham sa mga Taga-Roma 8:1-39
Talababa
Study Notes
kautusan ng espiritu . . . kautusan ng kasalanan at ng kamatayan: Sa kontekstong ito, ang “kautusan” ay hindi tumutukoy sa isang partikular na utos, o batas, gaya ng makikita sa Kautusang Mosaiko. Sa halip, tumutukoy ito sa isang prinsipyo na gumagabay sa pagkilos ng isang tao. Inihalintulad ito sa kautusan dahil itinutulak nito ang isang tao na gawin ang isang bagay. (Tingnan ang study note sa Ro 2:12.) Ipinakita dito ni Pablo na ang kautusan, o malakas na impluwensiya, ng espiritu ng Diyos ay umaakay sa buhay, samantalang ang kautusan, o malakas na impluwensiya, ng di-perpektong laman ay umaakay sa kasalanan at kamatayan. Siyempre, malakas ang impluwensiya ng “kautusan ng kasalanan” sa lahat ng inapo ni Adan, kaya may tendensiya silang gumawa ng mali. (Ro 7:23) Pero puwede nilang piliing magpagabay sa kautusan ng espiritu ng Diyos, sa halip na sa pagnanasa ng laman, para magawa nila ang tama.—Ro 7:21-25.
kahinaan ng laman: Tumutukoy sa di-perpektong kalagayan ng mga tao na nagsisikap sumunod sa Kautusang Mosaiko. Hindi perpekto kahit ang matataas na saserdote, kaya hindi sapat na pantakip ng kasalanan ang mga inihahandog nila. Dahil diyan, hindi kayang iligtas ng Kautusan ang mga makasalanan. Naipakita lang nito ang kahinaan ng di-perpektong mga tao na nagsisikap sumunod dito. (Ro 7:21-25; Heb 7:11, 28; 10:1-4) Kaya masasabing may ‘hindi magawa ang Kautusan dahil sa kahinaan ng laman.’
laman: Iba-iba ang pagkakagamit ng Bibliya sa terminong “laman.” Puwede itong gamitin para sa tao na may laman at dugo nang hindi iniuugnay sa kasalanan o pagiging di-perpekto. (Ju 1:14; 3:6; 17:2) Pero madalas na tumutukoy ito sa pagiging di-perpekto ng mga tao, gaya sa kontekstong ito. Sa naunang mga kabanata, iniugnay ni Pablo ang ‘pamumuhay ayon sa laman’ sa “makasalanang mga pagnanasa” na “gumagana sa [kanilang] katawan.” (Ro 6:19; 7:5, 18, 25) Sa sumunod na mga talata (Ro 8:5-13), ipinakita naman ni Pablo ang pagkakaiba ng makasalanang laman at ng espiritu, ang banal na espiritu ng Diyos.—Para sa ibang kahulugan ng terminong “laman,” tingnan ang study note sa Ro 1:3; Ro 2:28.
ang pag-iisip . . . ay nakatuon: Ang pandiwang Griego na phro·neʹo ay pangunahin nang nangangahulugang “mag-isip; magkaroon ng isang partikular na takbo ng isip.” (Mat 16:23; Ro 12:3; 15:5) Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa pagtutuon ng pansin sa isang bagay, pagpopokus dito, at posibleng sa pagsisikap na makuha ito. Ipinapakita ng paggamit ni Pablo sa terminong ito na ang pag-iisip ng isang tao ay may malaking epekto sa pagkilos niya at pamumuhay. Inilalarawan ng terminong ito kung paano pinipili ng isang tao ang direksiyon niya sa buhay, kung gusto niyang maging makalaman o espirituwal. (Tingnan ang study note sa Ro 8:4 para sa kahulugan ng laman at espiritu sa kontekstong ito.) Ganito ang sinabi ng isang iskolar tungkol sa pagkakagamit ng pandiwang ito para ilarawan ang saloobin ng mga namumuhay ayon sa laman: “Itinutuon nila ang kanilang isip sa mga bagay na may kaugnayan sa laman—ibig sabihin, interesadong-interesado sila dito, lagi nila itong pinag-uusapan, at tuwang-tuwa sila sa paggawa nito.” Ganito rin ang kahulugan ng terminong ito kapag ginagamit para sa mga namumuhay ayon sa espiritu, na nagtutuon naman ng isip sa espirituwal na mga bagay. Sa sumunod na talata, ipinakita ni Pablo ang magkaibang resulta ng pagtutuon ng isip sa laman (“kamatayan”) at pagtutuon ng isip sa espiritu (“buhay at kapayapaan”).—Ro 8:6.
pagtutuon ng isip: Ginamit sa pariralang ito ang pangngalang Griego na phroʹne·ma, na tatlong beses lumitaw sa kontekstong ito—dalawa sa talatang ito at isa sa Ro 8:7. Sa isang diksyunaryo, nangangahulugan itong “paraan ng pag-iisip, . . . tunguhin, pangarap, pinagsisikapang abutin.” Inilalarawan nito ang kaunawaan ng isang tao, pati na ang mga kagustuhan niya. Ang pangngalang ito ay kaugnay ng pandiwang phro·neʹo (na ginamit sa naunang talata), na nangangahulugang “mag-isip; magkaroon ng isang partikular na takbo ng isip.” (Mat 16:23; Ro 12:3; 15:5) Kaya ang isang tao na nagtutuon ng isip sa laman ay nagpopokus sa makalamang mga pagnanasa o di-gaanong mahahalagang bagay, at hinahayaan niyang mapuno nito ang kaniyang isip. (1Ju 2:16; tingnan ang study note sa Ro 8:4.) Kapag ang isang tao naman ay nagtutuon ng isip sa espiritu, hinahayaan niya ang espiritu, o aktibong puwersa, ng Diyos na umimpluwensiya at gumabay sa kaniyang kaisipan, kagustuhan, at pagkilos.
pag-aampon bilang mga anak: Lit., “pagtatalaga bilang anak” (sa Griego, hui·o·the·siʹa). Pamilyar ang mga tao sa konsepto ng “pag-aampon” noong panahon ng mga Griego at Romano. Karamihan sa mga inaampon noon ay malalaki na, hindi maliliit na bata. May mga panginoon noon na kilalá sa pagpapalaya ng mga alipin para legal nilang maampon ang mga ito. Ang Romanong emperador na si Augusto ay ampon ni Julio Cesar. Ginamit ni Pablo ang konsepto ng pag-aampon para ilarawan ang bagong katayuan ng mga tinawag at pinili ng Diyos. Lahat ng inapo ng di-perpektong si Adan ay alipin ng kasalanan, kaya hindi sila maituturing na anak ng Diyos. Pero dahil sa haing pantubos ni Jesus, mapapalaya na sila ni Jehova sa pagkaalipin sa kasalanan at maaampon bilang mga anak, kaya magiging tagapagmana na sila kasama ni Kristo. (Ro 8:14-17; Gal 4:1-7) Idiniin ni Pablo ang pagbabagong ito sa pagsasabing ang mga inampon ay sumisigaw: “Abba, Ama!” Hinding-hindi gagamitin ng isang alipin ang magiliw na ekspresyong ito para sa kaniyang panginoon. (Tingnan ang study note sa Abba sa talatang ito.) Si Jehova ang pumipili ng gusto niyang ampunin. (Efe 1:5) Kapag pinahiran na niya sila ng kaniyang espiritu, itinuturing na niya silang mga anak. (Ju 1:12, 13; 1Ju 3:1) Pero dapat silang manatiling tapat habang nabubuhay sa lupa bago nila lubusang matanggap ang pribilehiyo na mabuhay sa langit bilang kasamang tagapagmana ni Kristo. (Apo 20:6; 21:7) Kaya sinabi ni Pablo na “hinihintay [nila] nang may pananabik ang pag-aampon sa [kanila] bilang mga anak, ang pagpapalaya mula sa [kanilang] katawan sa pamamagitan ng pantubos.”—Ro 8:23.
Abba: Transliterasyon sa Griego ng salitang Hebreo o Aramaiko na tatlong beses lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Literal itong nangangahulugang “ang ama” o “O Ama,” at isa itong magiliw na tawag ng anak sa kaniyang minamahal na ama. (Tingnan ang study note sa Mar 14:36.) Ginamit ito ni Pablo dito at sa Gal 4:6, kung saan iniuugnay ito sa mga Kristiyanong naging mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng espiritu. Dahil inampon na sila ng Diyos, puwede na nilang tawagin si Jehova gamit ang ekspresyong ito na di-kailanman gagamitin ng isang alipin para sa kaniyang panginoon, malibang ampunin siya nito. Kaya kahit ang mga pinahirang Kristiyano ay mga “alipin ng Diyos” at “binili,” mga anak din sila sa sambahayan ng mapagmahal nilang Ama. At malinaw na ipinapaalám sa kanila ng banal na espiritu na ganito na ang kalagayan nila.—Ro 6:22; 1Co 7:23.
Ang espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama natin: Lit., “Ang espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu.” Dito, dalawang beses na lumitaw ang salitang Griego para sa “espiritu” (pneuʹma), pero magkaiba ang kahulugan ng mga ito. (Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”) Ang “espiritu mismo” ay tumutukoy sa banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos. Ang literal na ekspresyong “ating espiritu” naman ay tumutukoy sa nangingibabaw na kaisipan ng mga pinahirang Kristiyano. Kaya ang banal na espiritu ng Diyos ay nagpapatotoong kasama ng kaisipan ng mga pinahirang Kristiyano, at iyan ang nagpapakilos sa kanilang tanggapin nang may pananabik ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa pag-asa nilang mabuhay sa langit.
lahat ng nilalang: Lahat ng nilalang sa lupa ay nagdusa sa epekto ng rebelyon ng tao sa Eden. Pero sa kontekstong ito, ang “lahat ng nilalang” ay lumilitaw na tumutukoy lang sa mga tao, dahil sila lang ang puwedeng sabik na maghintay at umasa na makakalaya sila sa epekto ng kasalanan at kamatayan. (Ro 5:12; 8:19) Ayon sa ilang iskolar, ang salitang Griego na isinaling “sabik na sabik na naghihintay” ay tumutukoy sa isang tao na unat na unat ang leeg dahil sa paghahanap at pag-aabang.
pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos: Dito, tinukoy ni Pablo ang “mga kasamang tagapagmana ni Kristo” bilang “mga anak ng Diyos.” (Ro 8:17) ‘Masisiwalat’ sila kapag naluwalhati na sila at namamahala nang kasama ni Kristo Jesus sa langit. Sila ang pangalawahing bahagi ng ipinangakong “supling” (Gen 3:15), kaya makakasama sila ni Kristo sa pagpuksa sa masamang sistema ni Satanas (Ro 16:20; Apo 2:26, 27). Lalo pa silang ‘masisiwalat’ sa Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo, kung kailan maglilingkod na sila bilang saserdote para maipaabot ang mga pagpapala ng haing pantubos ni Jesus sa lahat ng nilalang, na tumutukoy sa mga tao. Sa “pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos,” mapapalaya ang mga tao “mula sa pagkaalipin sa kabulukan” at magkakaroon sila ng “maluwalhating kalayaan bilang mga anak ng Diyos.”—Ro 8:21; Apo 7:9, 10, 14; 20:5; 22:1, 2.
kawalang-saysay: O “kawalan; kawalang-kabuluhan; pagkadismaya.” Ang salitang Griego na ginamit dito ang ipinanumbas ng Septuagint sa salitang Hebreo na heʹvel (literal na tumutukoy sa “hininga” o “singaw”). Ang salitang Hebreo na ito ay mahigit 35 beses na lumitaw sa aklat ng Eclesiastes sa mga ekspresyong gaya ng “talagang walang kabuluhan” at “lahat ng bagay ay walang kabuluhan.” (Ec 1:2; 2:17; 3:19; 12:8) Minsan, ginagamit ng manunulat ng Eclesiastes na si Solomon ang terminong ito bilang kasingkahulugan ng “paghahabol . . . sa hangin.” (Ec 1:14; 2:11) Sa konteksto ng Ro 8:20, inilalarawan ni Pablo ang pagpapakapagod ng isang tao nang walang layunin o inaabot na tunguhin. Pero may binanggit din siyang pag-asa—mapapalaya ng Diyos ang mga tao mula sa “kawalang-saysay” na dinaranas nila hanggang ngayon.—Ro 8:21.
isa na nagpasailalim sa kanila rito: Ang ekspresyong ito ay tumutukoy sa Diyos na Jehova, hindi kay Satanas o kay Adan, gaya ng sinasabi ng iba. Dahil sa awa, hinayaan ni Jehova na magkaanak sina Adan at Eva kahit na ang maipapamana lang nila ay ang pagiging di-perpekto, kasalanan, at kamatayan. Sa ganitong paraan, “ang lahat ng nilalang ay ipinasailalim [ng Diyos] sa kawalang-saysay.” Pero nagbigay siya ng pag-asa sa pamamagitan ng “supling,” si Jesu-Kristo. (Gen 3:15; 22:18; Gal 3:16) Binigyan ng Diyos ng pag-asa ang mga tapat na mapapalaya sila “mula sa pagkaalipin sa kabulukan.”—Ro 8:21.
pagkaalipin sa kabulukan: Ang terminong Griego na isinaling “kabulukan” ay nagpapahiwatig ng “pagkabulok; pagkasira.” Ang “pagkaalipin sa kabulukan” ay resulta ng kasalanan, kaya nagkaroon ng diperensiya ang katawan ng tao, tumatanda sila, nagkakasakit, at namamatay. Puwede ring mabulok ang katawan kahit ng perpektong mga tao, at makikita iyan sa sinabi ni Pablo tungkol kay Jesus: “Binuhay siyang muli ng Diyos at hindi na siya kailanman babalik sa kasiraan,” ibig sabihin, hindi na siya babalik sa pagiging tao na may nabubulok na katawan. (Gaw 13:34) Kaya ang perpektong si Adan ay may katawan ding nabubulok at namamatay. Pero puwede sanang mabuhay magpakailanman si Adan kung naging masunurin siya sa Diyos. Naging alipin lang si Adan ng kabulukan at ng masasamang epekto nito nang magkasala siya. Naipasa niya ang pagkaaliping ito sa lahat ng inapo niya, sa lahat ng tao. (Ro 5:12) Ang maluwalhating kalayaan bilang mga anak ng Diyos ay tumutukoy sa paglaya mula sa pagkaaliping iyon at sa pagkakaroon ng pribilehiyo sa hinaharap na maging tunay na anak ng Diyos, gaya ni Adan noon. (Luc 3:38) Ipinangako ni Jehova ang kalayaang iyon at ang buhay na walang hanggan sa mga “naghahasik para sa espiritu.” Pero ang mga “naghahasik para sa laman ay mag-aani ng kasiraan mula sa kaniyang laman” at hindi mapapalaya at magkakaroon ng buhay na walang hanggan.—Gal 6:8.
pag-aampon sa atin bilang mga anak: Tingnan ang study note sa Ro 8:15.
ang espiritu mismo ang nakikiusap para sa atin: Minsan, hindi alam ng mga lingkod ng Diyos “ang sasabihin kapag kailangan [nilang] manalangin” o hindi nila alam kung ano ang talagang kailangan nila. Posibleng hindi nila masabi nang malinaw ang nararamdaman nila, hinaing, o naiisip. Sa ganitong mga pagkakataon, ginagamit ng Diyos ang banal na espiritu para makiusap, o mamagitan, para sa kanila kapag hindi nila mabigkas ang mga daing nila. Lumilitaw na may kaugnayan ang pakikiusap na ito sa Salita ng Diyos na naisulat sa pamamagitan ng espiritu. Ipinapahiwatig ni Pablo na ang mga nararamdaman at nararanasan ng mga Kristiyano ay mababasa rin sa mga panalangin at pangyayari na nakaulat na sa Salita ng Diyos. Kaya ‘kapag hindi mabigkas ng mga Kristiyano ang mga daing nila,’ iniisip na lang ni Jehova na ang gusto talaga nilang sabihin ay ang mga nakasulat sa Salita niya, at sumasagot siya ayon sa kalooban niya.—Aw 65:2; tingnan ang study note sa Ro 8:27.
hinihiling ng espiritu: O “iniisip ng espiritu,” na tumutukoy sa espiritu, o aktibong puwersa, ng Diyos. Dahil ginamit ng Diyos ang espiritu niya para gabayan ang mga manunulat ng Bibliya, alam niya ang ibig sabihin ng mga kaisipan na nasa Kasulatan. Pero bukod diyan, ipinakita ni Pablo na dahil ang Diyos ang sumusuri sa mga puso, alam niya kung anong teksto ang eksaktong lumalarawan sa nararamdaman ng mga lingkod niya sa lupa kapag gulong-gulo ang isip nila at hindi nila alam kung ano ang ipapanalangin. Para bang ang mga ulat na iyon na naisulat sa patnubay ng espiritu ang nakikiusap, o namamagitan, para sa mga banal ng Diyos. (Ro 8:26) Ang paggamit ng terminong Griego para sa “isip” at ng pandiwang isinaling “nakikiusap” ay isa pang halimbawa na sa Kasulatan, inilalarawan ang espiritu ng Diyos na para bang may buhay.—Tingnan ang study note sa Ju 14:16.
tinawag ayon sa kaniyang layunin: Ang salitang Griego na proʹthe·sis, na isinasaling “layunin,” ay literal na nangangahulugang “paglalagay sa unahan.” Lumitaw rin ang terminong ito sa Ro 9:11; Efe 1:11; 3:11. Dahil siguradong matutupad ang mga layunin ng Diyos, puwede niyang patiunang malaman at sabihin kung ano ang mangyayari sa hinaharap. (Isa 46:10) Halimbawa, alam na ni Jehova na magkakaroon ng isang grupo ng mga tao na “tinawag ayon sa kaniyang layunin,” pero hindi niya itinadhana kung sino ang mga indibidwal na bubuo dito. Kumikilos din siya para siguraduhing matutupad ang mga layunin niya.—Isa 14:24-27.
binuhay-muli: Sa ilang manuskrito, idinagdag ang “mula sa mga patay,” pero kung pagbabatayan ang iba pang mga manuskrito, matibay ang basehan ng saling ito.
nasa kanan ng Diyos: Ang pagpuwesto sa kanan ng isang tagapamahala ay nangangahulugang pumapangalawa siya rito sa kapangyarihan (Aw 110:1; 1Pe 3:22) o pinapaboran siya nito.—Tingnan ang study note sa Mat 26:64; Gaw 7:55.