Liham ni Santiago 3:1-18

3  Mga kapatid ko, hindi dapat marami sa inyo ang maging guro dahil tatanggap tayo ng mas mabigat na* hatol.+ 2  Dahil lahat tayo ay nagkakamali* nang maraming ulit.+ Kung ang sinuman ay hindi nagkakamali sa pagsasalita, siya ay taong perpekto, na kaya ring rendahan ang buong katawan niya. 3  Kapag nilalagyan natin ng renda ang bibig ng kabayo para sundin tayo nito, nakokontrol din natin ang buong katawan nito. 4  Tingnan din ninyo ang mga barko: Kahit napakalaki ng mga ito at itinutulak ng malalakas na hangin, kinokontrol ito ng isang napakaliit na timon papunta sa kung saan ito gustong dalhin ng timonero. 5  Ganoon din ang dila. Maliit na bahagi lang ito ng katawan, pero nakapagyayabang ito nang labis. Maliit na apoy lang ang kailangan para pagliyabin ang isang napakalaking kagubatan! 6  Ang dila ay apoy rin.+ Sa mga bahagi ng ating katawan, ang dila ang punô ng kasamaan, dahil pinarurumi nito ang buong katawan+ at pinagliliyab ang buong landasin ng buhay,* at sinisilaban ito ng Gehenna.* 7  Dahil ang bawat uri ng mailap na hayop at ibon at reptilya* at nilalang sa dagat ay mapaaamo at napaaamo na ng tao. 8  Pero walang tao ang makapagpaamo sa dila. Hindi ito makontrol at mapaminsala ito, punô ng nakamamatay na lason.+ 9  Sa pamamagitan nito, pinupuri natin si Jehova,* ang Ama, pero sa pamamagitan din nito, isinusumpa natin ang mga tao na ginawa “ayon sa wangis* ng Diyos.”+ 10  Mula sa iisang bibig ay lumalabas ang pagpapala at sumpa. Mga kapatid ko, hindi tamang nangyayari ang ganitong bagay.+ 11  Sa isang bukal, hindi parehong lumalabas ang sariwang* tubig at ang mapait na tubig, hindi ba? 12  Mga kapatid ko, ang puno ng igos ay hindi mamumunga ng mga olibo, o ang punong ubas, ng mga igos, hindi ba?+ Ang tubig-alat ay hindi rin makapagbibigay ng tubig-tabang. 13  Sino ang marunong at may unawa sa inyo? Ipakita niya sa pamamagitan ng kaniyang magandang paggawi na ang mga ginagawa niya ay may kahinahunan, na bunga ng karunungan. 14  Pero kung sa puso ninyo ay mayroon kayong matinding inggit+ at hilig na makipagtalo,*+ huwag kayong magyabang+ at magsinungaling laban sa katotohanan. 15  Hindi ito ang karunungan na nagmumula sa itaas; ito ay makalupa,+ makahayop, makademonyo. 16  Dahil saanman may inggit at hilig na makipagtalo,* mayroon ding kaguluhan at masasamang bagay.+ 17  Pero ang karunungan mula sa itaas ay, una sa lahat, malinis,+ pagkatapos ay mapagpayapa,+ makatuwiran,+ handang sumunod, punô ng awa at mabubuting bunga,+ hindi nagtatangi,+ hindi mapagkunwari.+ 18  Bukod diyan, ang bunga ng katuwiran ay inihahasik sa mapayapang kalagayan+ para sa* mga nakikipagpayapaan.+

Talababa

O “matinding.”
Lit., “natitisod.”
Lit., “ang gulong ng kapanganakan (pinagmulan).”
Tingnan sa Glosari.
O “gumagapang na hayop.”
Tingnan ang Ap. A5.
O “na kapareho.”
Lit., “matamis na.”
O posibleng “at makasariling ambisyon.”
O posibleng “at makasariling ambisyon.”
O posibleng “ng.”

Study Notes

Media