Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)

Introduksiyon sa Tito

  • Manunulat: Pablo

  • Saan Isinulat: Macedonia (?)

  • Natapos Isulat: mga 61–64 C.E.

 

Mahahalagang Impormasyon:

  • Lumilitaw na isinulat ni Pablo ang liham na ito sa pagitan ng 61 at 64 C.E., o sa pagitan ng una at ikalawang pagkabilanggo niya sa Roma. Ipinapahiwatig ng liham na may pagkakataong nagkasama sina Pablo at Tito sa isla ng Creta. (Tit 1:5) Bago ang unang pagkabilanggo ni Pablo, naglayag siya malapit sa baybayin ng isla papuntang Roma. Pero walang ulat na nangaral si Pablo sa Creta nang panahong iyon. Kaya posibleng nakarating siya doon matapos siyang mapalaya at bago ang huling pagkabilanggo niya. Malamang na nasa Macedonia si Pablo nang isulat niya ang liham niya kay Tito.—1Ti 1:3.

  • Sumulat si apostol Pablo para bigyan ng mga tagubilin si Tito at ipakita ang buong suporta niya dito habang pinangangalagaan nito ang mga kongregasyon sa Creta. (Tit 1:5; 2:15) Napakahirap ng atas ni Tito sa Creta.

    • May mga nagbabantang sumira sa pagkakaisa ng mga kongregasyon. May ilang “lalaking rebelde” na patuloy na “nanghahawakan sa pagtutuli”; posibleng itinuturo nila na kailangang magpatuli para maligtas. Itinataguyod din nila ang “gawa-gawang mga kuwento ng mga Judio at . . . utos ng mga tao.” At pami-pamilya ang naililihis nila sa katotohanan. (Tit 1:10, 11, 14) Kailangang “maging mahigpit” ni Tito sa pagdidisiplina sa mga mapanlinlang na taong iyon.—Tit 1:13; 3:9-11.

    • Napakasama ng impluwensiyang nakapalibot sa mga Kristiyano sa Creta. Lumilitaw na ang ilan sa kanila ay may masasamang ugaling karaniwan sa mga Cretense. (Tit 1:12; 3:2) Kailangang ipakita ni Tito kung ano ang inaasahan sa mga Kristiyano, bata man sila o matanda, lalaki o babae, alipin o taong malaya. Kailangan niyang maging halimbawa sa paggawa ng mabuti at ‘maging tapat sa pagtuturo.’—Tit 2:1-12.

  • Malaki ang pagkakatulad ng liham ni apostol Pablo kay Tito at ng unang liham niya kay Timoteo, na halos magkasabay na isinulat. Pareho ang istilong ginamit sa pagsulat sa mga ito, at magkapareho pa nga ang ilang paksa. Halimbawa, isinulat ni Pablo sa dalawang liham ang mga kuwalipikasyon para sa mga tagapangasiwa. (1Ti 3:1-7; Tit 1:6-9) Sa katunayan, tinatawag kung minsan na pastoral na mga liham ni Pablo ang dalawang liham niya kay Timoteo at ang liham niya kay Tito. Ang terminong “pastoral” ay galing sa salitang Latin na nangangahulugang “akayin sa pastulan; pastulán.” Isinulat ni Pablo ang tatlong liham na ito para magbigay ng tagubilin sa espirituwal na mga pastol kung paano pangangalagaan at poprotektahan ang mga tupa ni Kristo.

  • Sa lahat ng maaasahang sinaunang koleksiyon ng mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, mula sa Muratorian Fragment (ikalawang siglo C.E.), isinama ang liham na ito sa mga akda ni Pablo. Sumipi din sa liham kay Tito ang mga manunulat noon na sina Irenaeus (ikalawang siglo C.E.) at Origen (ikatlong siglo C.E.). Makikita rin ang liham na ito sa maaasahang mga manuskrito ng Bibliya na Codex Sinaiticus at Codex Alexandrinus. Makikita sa piraso ng papiro (tinatawag na P32), na isang pahina ng codex na pinaniniwalaang mula noong mga 200 C.E., ang Tit 1:11-15 at 2:3-8. (Tingnan sa Media Gallery, “Piraso ng Papiro na Naglalaman ng Ilang Bahagi ng Liham ni Pablo kay Tito.”) Iniingatan ang papirong ito sa John Rylands University Library sa Manchester, England.