Zacarias 8:1-23
8 Ang mensahe ni Jehova ng mga hukbo ay muling dumating, na nagsasabi:
2 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Magpapakita ako ng matinding pagmamahal at pagmamalasakit sa Sion,*+ at mag-aalab ang galit ko alang-alang sa kaniya.’”
3 “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Babalik ako sa Sion+ at titira sa Jerusalem;+ at ang Jerusalem ay tatawaging lunsod ng katotohanan,*+ at ang bundok ni Jehova ng mga hukbo ay tatawaging banal na bundok.’”+
4 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Ang matatandang lalaki at babae ay muling uupo sa mga liwasan* ng Jerusalem, na ang bawat isa ay may hawak na baston dahil sa katandaan.*+
5 At ang mga liwasan ng lunsod ay mapupuno ng mga batang lalaki at batang babae na naglalaro.’”+
6 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Dahil ba parang imposible ito sa mga natitira sa bayang ito sa mga araw na iyon, imposible na rin ito sa akin?’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.”
7 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Ililigtas ko ang bayan ko mula sa lupain ng silangan at ng kanluran.*+
8 At dadalhin ko sila sa Jerusalem at titira sila roon;+ at sila ay magiging bayan ko, at ako ay magiging kanilang tapat at matuwid na Diyos.’”+
9 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Magpakatatag kayo,*+ kayo na nakaririnig ngayon sa mensahe ng mga propeta,+ na siya ring mensaheng inihayag noong araw na gawin ang pundasyon ng bahay ni Jehova ng mga hukbo para maitayo ang templo.
10 Dahil bago ang panahong iyon, walang suweldo para sa mga tao o upa para sa mga hayop;+ at hindi ligtas ang maglakbay dahil sa kalaban, dahil ginawa kong laban sa isa’t isa ang lahat ng tao.’
11 “‘Pero ngayon ay hindi ko na gagawin sa mga natitira sa bayang ito ang ginawa ko noong una,’+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
12 ‘Dahil ang binhi ng kapayapaan ay ihahasik; ang punong ubas ay mamumunga, ang lupa ay magbibigay ng ani nito,+ at ang langit ay magbibigay ng hamog; at ipamamana ko sa mga natitira sa bayang ito ang lahat ng bagay na ito.+
13 Binabanggit kayo ng mga bansa sa mga sumpa nila,+ O sambahayan ng Juda at sambahayan ng Israel, pero ililigtas ko kayo, at kayo ay magiging pagpapala.+ Huwag kayong matakot!+ Magpakatatag kayo.’*+
14 “Dahil ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘“Nagpasiya akong ipahamak kayo dahil ginalit ako ng inyong mga ninuno,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, “at hindi ko pinagsisisihan iyon.+
15 Pero ngayon, nagpasiya akong gawan ng mabuti ang Jerusalem at ang sambahayan ng Juda.+ Huwag kayong matakot!”’+
16 “‘Ito ang mga bagay na dapat ninyong gawin: Magsalita kayo ng katotohanan sa isa’t isa,+ at ang inyong mga hatol sa mga pintuang-daan ay dapat magtaguyod ng katotohanan at kapayapaan.+
17 Huwag kayong magplano sa inyong puso ng ikapapahamak ng isa’t isa,+ at huwag kayong manata nang may kasinungalingan;*+ dahil ang lahat ng ito ay kinapopootan ko,’+ ang sabi ni Jehova.”
18 Ang mensahe ni Jehova ng mga hukbo ay muling dumating sa akin, na nagsasabi:
19 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Ang pag-aayuno sa ika-4 na buwan,+ ang pag-aayuno sa ika-5 buwan,+ ang pag-aayuno sa ika-7 buwan,+ at ang pag-aayuno sa ika-10 buwan+ ay magiging panahon ng pagbubunyi at kagalakan para sa sambahayan ng Juda—mga kapistahan ng pagsasaya.+ Kaya ibigin ninyo ang katotohanan at ang kapayapaan.’
20 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Ang mga bayan at ang mga nakatira sa maraming lunsod ay tiyak na darating;
21 at ang mga nakatira sa isang lunsod ay magpupunta sa mga nasa ibang lunsod at magsasabi: “Halikayo, makiusap tayo kay* Jehova at hanapin natin si Jehova ng mga hukbo. Pupunta rin ako.”+
22 At maraming bayan at makapangyarihang bansa ang pupunta sa Jerusalem para hanapin si Jehova ng mga hukbo+ at para makiusap kay* Jehova.’
23 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Sa panahong iyon, 10 lalaki mula sa lahat ng wika ng mga bansa+ ang hahawak, oo, hahawak sila nang mahigpit sa damit* ng isang Judio* at magsasabi: “Gusto naming sumama sa inyo,+ dahil nabalitaan naming ang Diyos ay sumasainyo.”’”+
Talababa
^ O “Magpapakita ako ng matinding sigasig para sa Sion.”
^ O “katapatan.”
^ O “plaza.”
^ Lit., “dahil sa karamihan ng araw.”
^ O “mula sa lupain ng sikatan ng araw at sa lupain ng lubugan ng araw.”
^ Lit., “Palakasin ninyo ang mga kamay ninyo.”
^ Lit., “Palakasin ninyo ang mga kamay ninyo.”
^ Lit., “huwag ninyong ibigin ang sinungaling na panata.”
^ Lit., “palambutin natin ang mukha ni.”
^ Lit., “para palambutin ang mukha ni.”
^ O “laylayan ng damit.”
^ Lit., “lalaking Judio.”