Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)

C3

Mga Talata sa 2 Corinto Kung Saan Lumitaw ang Pangalan ni Jehova Kahit Hindi Mula sa Tuwiran o Di-tuwirang Pagsipi

2 CORINTO 3:16 “kapag ang isa ay bumabaling kay Jehova”

DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Ang sinabi dito ni Pablo ay batay sa Exodo 34:34, kung saan mababasa sa tekstong Hebreo: “Kapag humaharap si Moises kay Jehova para makipag-usap, inaalis niya ang tela.” Kapansin-pansin na sa mas bagong mga kopya ng Griegong Septuagint, nang palitan ang pangalan ng Diyos ng terminong Kyʹri·os (Panginoon) sa talatang ito at sa maraming iba pang teksto, walang tiyak na pantukoy bago ang Kyʹri·os, na dapat sana ay mayroon batay sa tamang gramatika. Ipinapakita lang nito na ang Kyʹri·os ay katumbas ng isang pantanging pangalan. Isa pa, ang pandiwang Griego na isinalin ditong “bumabaling” (e·pi·streʹpho) ay tumutukoy sa pagtalikod sa maling landasin at panunumbalik sa Diyos kapag ginagamit ang termino sa positibo at espirituwal na diwa. (Gawa 3:19; 14:15; 15:19; 26:18, 20; 1 Tesalonica 1:9) Ang pandiwang Griegong ito ay ginagamit din kung minsan sa Septuagint bilang panumbas sa mga ekspresyong Hebreo kung saan lumitaw ang pangalan ng Diyos. (Deuteronomio 4:30; 1 Samuel 7:3; 2 Cronica 24:19; 30:9; Awit 22:27[21:28 (27), LXX]; Isaias 19:22; Oseas 6:1) Kaya ang konteksto, ang pagkakagamit ng ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan, at ang kawalan ng tiyak na pantukoy ay nagpapakitang ang Kyʹri·os ay ipinalit sa pangalan ng Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit ginamit ang pangalang Jehova sa mismong teksto.

REPERENSIYA:

  • Sa The Expositor’s Bible Commentary, 1976, (Tomo 10) ni Murray J. Harris, ipinaliwanag sa isang komentaryo sa 2 Corinto 3:17 na ang “Panginoon [= Yahweh] sa tal. 16.”

  • Sinasabi ng NIV Zondervan Study Bible, na inedit ni D. A. Carson, 2015, tungkol sa 2 Corinto 3:16: “‘ang PANGINOON’ (si Yahweh) ng Exo 34:34, kung kanino dapat manumbalik ang isang di-sumasampalataya.”

  • Sinasabi ng A Critical and Exegetical Commentary on the Second Epistle to the Corinthians, ni Margaret E. Thrall, 2004, pahina 272, tungkol sa 2 Corinto 3:16 na “kapag sumisipi si Pablo sa Lumang Tipan, sinasabing ang κύριος [Kyʹri·os] ay halos laging tumutukoy kay Yahweh.” Sinabi din ng aklat na ito tungkol kay Pablo: “Kung pagbabatayan ang paggamit niya ng κύριος, masasabing tumutukoy ito sa Diyos sa talatang ito.”

  • Tingnan din ang komentaryo sa 2 Corinto 3:16 sa pahina 211, 212, 234, 235 ng The Anchor Bible—II Corinthians, Translated With Introduction, Notes, and Commentary, ni Victor Paul Furnish, 1984.

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 14, 16, 22, 24, 28-33, 61, 65, 88, 90, 93, 96, 100, 101, 115, 117, 136, 144, 146, 236, 258, 265, 271, 273, 310, 322

2 CORINTO 3:17a “Si Jehova ang Espiritu”

DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Ang sinabi ni Pablo sa naunang talata ay batay sa Exodo 34:34, kung saan sinasabi: “Kapag humaharap si Moises kay Jehova para makipag-usap, inaalis niya ang tela.” (Tingnan ang paliwanag sa 2 Corinto 3:16.) Kaya dahil sa konteksto at sa pagkakagamit sa Hebreong Kasulatan ng ekspresyong mababasa sa 2 Corinto 3:16, ginamit sa mismong teksto ang pangalan ng Diyos sa halip na ”Panginoon.”

REPERENSIYA:

  • Sinasabi ng The Expositor’s Greek Testament, na inedit ni W. Robertson Nicoll, 1903, (Tomo 3, p. 57-58) tungkol sa 2 Corinto 3:17a: “kundi ang PANGINOON, si Jehova ng Israel, na binanggit sa naunang pagsipi.” Sinabi rin nito: Ang “ὁ Κύριος [ho Kyʹri·os] ay hindi si Kristo, kundi si Jehova ng Israel na binabanggit sa Exo [34:34].”

  • Sa The Expositor’s Bible Commentary, 1976, (Tomo 10), sinabi ni Murray J. Harris tungkol sa 2 Corinto 3:17a: “Batay sa pagkakagamit ni Pablo, ang ὁ Κύριος (ho Kyrios) ay kadalasan nang nangangahulugang ‘Kristo’ at ang Κύριος (Kyrios) ay tumutukoy kay Yahweh. Sa talatang ito, ang ὁ κύριος ay tumutukoy kay Yahweh, dahil ang pantukoy ay anaphoric—tumutukoy ito sa κύριοv na walang pantukoy (kyrion = Yahweh) sa tal.16.”

  • Sinasabi ng The MacArthur Study Bible, ni John MacArthur, 1997, tungkol sa ekspresyong “ang Panginoon ang Espiritu” sa 2 Corinto 3:17: “Si Yahweh ng Lumang Tipan ang siya ring Panginoon sa Bagong Tipan na nagliligtas sa mga tao sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.”

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 14, 16, 28-32, 65, 66, 88, 93, 96, 100, 101, 115, 117, 136, 144-147, 258, 310, 322

2 CORINTO 3:17b “ang espiritu ni Jehova”

DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Gaya ng paliwanag sa 2 Corinto 3:16, maliwanag na makikita sa konteksto na ang Kyʹri·os (Panginoon) sa 2 Corinto 3:16-18 ay si Jehova. Isa pa, ang ekspresyong “espiritu ng Panginoon” (pneuʹma Ky·riʹou) ay mababasa rin sa Lucas 4:18 na sumipi mula sa Isaias 61:1, kung saan ginamit sa orihinal na tekstong Hebreo ang Tetragrammaton kasama ang salita para sa “espiritu.” (Tingnan ang study note sa Lucas 4:18.) Ang ekspresyong “espiritu ni Jehova” ay lumitaw nang maraming beses sa Hebreong Kasulatan. (Ang ilang halimbawa ay mababasa sa Hukom 3:10; 1 Samuel 10:6; 2 Samuel 23:2; 1 Hari 18:12; 2 Hari 2:16; 2 Cronica 20:14; Isaias 11:2; Ezekiel 11:5; Mikas 2:7.) Isang beses lang lumitaw sa Hebreong Kasulatan ang kombinasyon ng mga salitang Hebreo para sa “espiritu” at “Panginoon.” At sa nag-iisang pagkakataong iyon, ginamit din ang Tetragrammaton, at ang mababasa ay “espiritu ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.” (Isaias 61:1) Kapansin-pansin din na dito sa 2 Corinto 3:17, walang tiyak na Griegong pantukoy bago ang Kyʹri·os (Panginoon), na dapat sana ay mayroon batay sa tamang gramatika. Ipinapakita lang nito na ang Kyʹri·os ay katumbas ng isang pantanging pangalan. Kaya ang konteksto, ang pagkakagamit ng ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan, at ang kawalan ng tiyak na pantukoy bago ang Kyʹri·os ay nagpapakitang ang Kyʹri·os ay ipinalit sa pangalan ng Diyos.

REPERENSIYA:

  • Sinasabi ng The Anchor Bible—II Corinthians, Translated With Introduction, Notes, and Commentary, ni Victor Paul Furnish, 1984, tungkol sa ekspresyong Griego na isinaling “espiritu ni Jehova” sa 2 Corinto 3:17b: “Ang pariralang ito ([to] pneuma Kyriou) ay maraming beses na lumitaw sa LXX [Septuagint] (hal., Huk 3:10; 11:29; maraming beses sa 1 Samuel; 2 Samuel 23:2; 1 Hari 19:11, atbp.), at lumitaw din ito sa Bagong Tipan sa Lucas 4:18 (mula sa Isa 61:1) at Gawa 8:39 (batay sa salin ng LXX [Septuagint] sa 1 Hari 18:12 at 2 Hari 2:16). Ang anyong possessive nito (Kyriou, ‘ng Panginoon’) ay nagpapahiwatig ng pinagmulan at pagmamay-ari, at maliwanag na hindi iisa ang Panginoon at Espiritu . . . ; kaya ang salin ay ‘Espiritu ng Panginoon.’ . . . Ang pagkakagamit ng pariralang ito sa LXX [Septuagint] at ang konteksto ng kab. 3 ay sumusuporta sa paniniwala na Espiritu ng Diyos ang nasa isip ni Pablo.” Sa lahat ng tekstong nabanggit, ginamit ang pangalan ng Diyos sa orihinal na tekstong Hebreo.

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 14, 16, 22, 24, 28-33, 52, 61, 65, 66, 88, 93, 96, 100, 101, 106, 115, 117, 136, 144-147, 273, 299, 322

2 CORINTO 3:18a “kaluwalhatian ni Jehova”

DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Sa Hebreong Kasulatan, ang katumbas na ekspresyong Hebreo para sa “kaluwalhatian” na may kasamang Tetragrammaton ay lumitaw nang mahigit 30 beses. (Ang ilan sa mga ito ay mababasa sa Exodo 16:7; Levitico 9:6; Bilang 14:10; 1 Hari 8:11; 2 Cronica 5:14; Awit 104:31; Isaias 35:2; Ezekiel 1:28; Habakuk 2:14.) Sa isang sinaunang kopya ng Griegong Septuagint na natagpuan sa isang kuweba sa Nahal Hever, sa Disyerto ng Judea, malapit sa Dagat na Patay, na mula pa noong 50 B.C.E. hanggang 50 C.E., makikita ang Tetragrammaton na nakasulat sa sinaunang letrang Hebreo sa Habakuk 2:14. Kapansin-pansin din na kahit pinalitan ng Kyʹri·os sa mas bagong mga kopya ng Septuagint ang pangalan ng Diyos sa talatang ito at sa maraming iba pang talata, walang tiyak na pantukoy bago ang Kyʹri·os, na dapat sana ay mayroon batay sa tamang gramatika. Ipinapakita lang nito na ang Kyʹri·os ay katumbas ng isang pantanging pangalan. Kaya dahil sa pagkakagamit ng ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan at sa kawalan ng tiyak na Griegong pantukoy, ginamit ang pangalan ng Diyos sa 2 Corinto 3:18.—Tingnan ang paliwanag sa Lucas 2:9.

REPERENSIYA:

  • Sinasabi ng The Anchor Bible—II Corinthians, Translated With Introduction, Notes, and Commentary, ni Victor Paul Furnish, 1984, tungkol sa ekspresyong isinaling “kaluwalhatian ni Jehova” sa 2 Corinto 3:18: “Maraming beses na ginamit sa LXX [Septuagint] ang pariralang ito, at kadalasan nang may kaugnayan ito sa paglilingkod ni Moises (hal., Exo 16:7; 40:34-35; Lev 9:23), partikular na, sa pag-akyat niya sa Bundok Sinai (Exo 24:17). Kapansin-pansin na sa Bil 12:8a, sinabi ng Panginoon: ‘Makikipag-usap ako [kay Moises] nang bibig sa bibig, nang direkta at hindi malabo . . . ; at nakita niya ang kaluwalhatian ng Panginoon [tēn doxan Kyriou]’ . . . Mas maraming beses pa kaysa dito ang pagbanggit ng apostol sa kaluwalhatian ng Diyos (hal., Ro 3:23; 5:2; 1 Cor 11:7); dahil diyan at sa pagkakagamit ng pariralang kaluwalhatian ng Panginoon sa LXX [Septuagint] at sa posibilidad na ang Panginoon sa tal. 17-18 ay tumutukoy sa Diyos, lumilitaw na si Yahweh rin ang tinutukoy dito at hindi si Kristo.”

  • Sa The New Interpreter’s Bible Commentary, 2015, (Tomo 9), sinabi ni J. Paul Sampley tungkol sa 2 Corinto 3:18: “Para malaman kung sino ang ‘Panginoon’ na tinutukoy dito at sa iba pang paglitaw nito sa mga liham ni Pablo, kailangang tingnan ang konteksto at ang nakasanayang gawin ni Pablo kapag ginagamit niyang reperensiya ang ibang bahagi ng Kasulatan. Kapag ginagawa niya ito, gaya nang gawin niyang basehan ang Exodo 33-34 para sa bahaging ito, madalas niyang gamitin ang κύριος (kyrios) na titulo para sa Diyos at Griegong salin para sa ‘Yahweh.’ (Ihambing ang Ro 9:28-29; 1 Cor 14:21). Kung pagbabatayan naman ang konteksto, mula sa 2 Corinto 2:14 (nagpasalamat si Pablo sa Diyos, na umaakay sa kaniya at sa iba pa sa pamamagitan ni Kristo), 2 Corinto 3:4 (nagtitiwala si Pablo sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo), 2 Corinto 3:5 (galing sa Diyos ang kumpiyansa ni Pablo), hanggang sa pagtatapos ng bahaging ito sa 2 Corinto 4:6 . . . , masasabing ang ‘Panginoon’ sa 2 Corinto 3:18 ay tumutukoy sa Diyos.” Sinabi pa nito: “Isa pa, maliwanag na ang 2 Corinto 4:6 ay tungkol sa kaluwalhatian ng Diyos, kaya ang ‘kaluwalhatian ng Panginoon’ sa 2 Corinto 3:18 ay makatuwiran lang isipin na tumutukoy rin sa Diyos.”

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 14, 16, 22, 24, 28-33, 41, 61, 65, 66, 88, 93, 96, 100, 101, 106, 115, 145-147, 236, 265, 271, 322

2 CORINTO 3:18b “kung paano ito ginagawa ni Jehova na Espiritu”

DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Sa 2 Corinto 3:16, ang sinabi ni Pablo ay batay sa Exodo 34:34, kung saan mababasa: “Kapag humaharap si Moises kay Jehova para makipag-usap, inaalis niya ang tela.” (Tingnan ang paliwanag sa 2 Corinto 3:16.) Kapansin-pansin din na dito sa 2 Corinto 3:18, walang tiyak na Griegong pantukoy bago ang Kyʹri·os, na dapat sana ay mayroon batay sa tamang gramatika. Ipinapakita lang nito na ang Kyʹri·os ay katumbas ng isang pantanging pangalan. Kaya dahil sa konteksto at sa pagkakagamit sa Hebreong Kasulatan ng ekspresyong mababasa sa 2 Corinto 3:16, ginamit sa mismong teksto ang pangalan ng Diyos sa halip na “Panginoon.”

REPERENSIYA: Tingnan ang mga paliwanag sa 2 Corinto 3:16, 17.

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 14, 16, 22, 24, 28-33, 61, 65, 66, 88, 93, 96, 100, 101, 115, 117, 144-147, 310, 322

2 CORINTO 6:17 “ang sabi ni Jehova”

DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Sa talatang ito, maraming pariralang kinuha si Pablo sa Isaias 52:11, kung saan malinaw sa konteksto na ang Diyos na Jehova ang nagsasalita. (Isaias 52:4, 5) Pinagdugtong ni Pablo ang mga siniping bahagi gamit ang ekspresyong lumitaw nang maraming beses sa Septuagint na katumbas ng mga pariralang Hebreo na “sabi ni Jehova“ at “ito ang sinabi ni Jehova.” Ang ilang halimbawa ay makikita sa Isaias 1:11; 48:17; 49:18 (sinipi sa Roma 14:11); 52:4, 5. Kapansin-pansin din na sa talatang ito, walang tiyak na Griegong pantukoy bago ang Kyʹri·os, na dapat sana ay mayroon batay sa tamang gramatika. Ipinapakita lang nito na ang Kyʹri·os ay katumbas ng isang pantanging pangalan. Kaya dahil sa pagkakagamit sa Hebreong Kasulatan ng ekspresyong ito at sa kawalan ng tiyak na Griegong pantukoy, ginamit sa mismong teksto ang pangalan ng Diyos.

REPERENSIYA:

  • Sa Exegetical Dictionary of the New Testament, 1991, (Tomo 2, p. 329-330), nakalista ang 2 Corinto 6:17 kung saan ang Kyʹri·os ay “ginamit para tumukoy kay Yahweh.”

  • Sinasabi ng The Interpretation of St. Paul’s First and Second Epistles to the Corinthians, ni R.C.H. Lenski, sa pahina 1088, tungkol sa talatang ito: “‘Umalis kayo sa gitna nila at humiwalay!’ ang sabi ng Panginoon (Κύριος = Yahweh).” Pagkatapos, sa pahina 1090, sinabi ni Lenski tungkol sa talata 18: “Isinalin ng LXX [Septuagint] ang ‘Panginoon ng mga hukbo’ na Κύριος παντοκράτωρ: si Yahweh, na may kontrol sa lahat.”

  • Nang banggitin ni Murray J. Harris ang konteksto ng 2 Corinto 6:17 sa The Expositor’s Bible Commentary, 1976, (Tomo 10), sinabi niya sa isang komentaryo sa 2 Corinto 6:16: “Ang linyang ‘Ako ang magiging Diyos nila, at sila ay magiging bayan ko’ ay paulit-ulit na ipinangako ni Yahweh sa bayang katipan niya.”

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 11, 12, 14, 16-18, 22-24, 28-35, 38, 40, 42, 43, 46, 47, 52, 61, 65, 66, 88, 90, 93, 95, 96, 100-103, 105, 106, 108, 114, 115, 117, 125, 136, 138, 144-147, 154, 164-167, 178, 195, 196, 203, 209, 210, 217, 237-239, 244, 250, 265, 271, 273, 275, 287, 290, 295-297, 300, 310, 322-324

2 CORINTO 8:21 “hindi lang sa paningin ni Jehova”

DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Dito, makikita sa konteksto na sa Diyos tumutukoy ang “Panginoon” sa tekstong Griego. Batay sa Kawikaan 3:4 ang sinabi ni Pablo, kung saan ang mababasa sa tekstong Hebreo ay “sa mata ng Diyos at ng tao.” Ang pananalitang ginamit ni Pablo ay kahawig ng ginamit ng Septuagint para sa talatang iyon: “sa paningin ng Panginoon at ng mga tao.” Kapansin-pansin na ang ekspresyong Griego na e·noʹpi·on Ky·riʹou (lit., “sa paningin [harap] ng Panginoon”), na ginamit sa Kawikaan 3:4 (LXX) at dito sa 2 Corinto 8:21, ay may katulad na mga idyomang Hebreo at lumilitaw nang mahigit 100 beses sa natitirang mga kopya ng Septuagint bilang salin ng mga pariralang Hebreo kung saan ginamit ang Tetragrammaton sa orihinal na teksto. (Ang ilang halimbawa ay makikita sa Hukom 11:11; 1 Samuel 10:19; 2 Samuel 5:3; 6:5; 2 Hari 12:2 [12:3 (2), LXX]; 2 Cronica 14:2 [13:1 (2), LXX]; 36:12; Malakias 2:17.) Kapansin-pansin din na sa talatang ito, walang tiyak na Griegong pantukoy bago ang Kyʹri·os, na dapat sana ay mayroon batay sa tamang gramatika. Ipinapakita lang nito na ang Kyʹri·os ay katumbas ng isang pantanging pangalan. Kaya ang pagkakagamit ng ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan at ang kawalan ng tiyak na pantukoy ay nagpapakita na ang Kyʹri·os ay ipinalit sa pangalan ng Diyos.—Tingnan ang paliwanag sa Lucas 1:15.

REPERENSIYA:

  • Sa Exegetical Dictionary of the New Testament, 1991, (Tomo 2, p. 329-330), nakalista ang 2 Corinto 8:21 kung saan ang Kyʹri·os ay “ginamit para tumukoy kay Yahweh.”

  • Sinasabi ng The Anchor Bible—II Corinthians, Translated With Introduction, Notes, and Commentary, ni Victor Paul Furnish, 1984, tungkol sa 2 Corinto 8:21: “‘sa paningin ng Panginoon’ . . . ‘sa paningin ng mga tao.’ Parehong galing sa salin ng LXX [Septuagint] sa Kaw 3:4 ang dalawang pariralang ito, at ang Panginoon dito ay tumutukoy sa Diyos, . . . (ihambing ang ‘sa paningin ng Diyos,’ [2 Corinto] 4:2; 7:12; ang mababasa rin sa talatang ito sa P46 ay ‘ng Diyos’).”

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 24, 32, 61, 65, 66, 96, 100, 101, 106, 115, 125, 144-147

2 CORINTO 10:18 “kundi ang inirerekomenda ni Jehova”

DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Ang konklusyon ni Pablo sa talatang ito ay batay sa tekstong sinipi niya sa naunang talata, ang Jeremias 9:24, kung saan ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo. Kaya dahil sa konteksto at sa pagkakagamit sa Hebreong Kasulatan ng ekspresyon sa naunang talata, ginamit din ang pangalan ng Diyos sa talatang ito.

REPERENSIYA:

  • Sa Exegetical Dictionary of the New Testament, 1991, (Tomo 2, p. 329-330), nakalista ang 2 Corinto 10:18 kung saan ang Kyʹri·os ay “ginamit para tumukoy kay Yahweh.”

  • Sinasabi ng The MacArthur Study Bible, ni John MacArthur, 1997, tungkol sa ekspresyong “inirerekomenda ng Panginoon” sa 2 Corinto 10:18: “Sa Diyos lang galing ang tunay at makabuluhang rekomendasyon.”

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 14, 16-18, 22, 23, 28-32, 42, 47, 65, 93, 95, 100, 101, 115, 125, 146, 167, 250, 322-324