Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)

C3

Mga Talata sa 2 Tesalonica Kung Saan Lumitaw ang Pangalan ni Jehova Kahit Hindi Mula sa Tuwiran o Di-tuwirang Pagsipi

2 TESALONICA 2:2 “araw ni Jehova”

Kingdom Interlinear: “araw ng Panginoon”

DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Tingnan ang paliwanag sa 1 Tesalonica 5:2.

REPERENSIYA:

  • Sa Exegetical Dictionary of the New Testament, 1991, (Tomo 2, p. 329-330), nakalista ang 2 Tesalonica 2:2 kung saan ang Kyʹri·os ay “ginamit sa Bagong Tipan para tumukoy kay Yahweh o sa Diyos.”

  • Tingnan ang iba pang sumusuportang paliwanag sa 1 Tesalonica 5:2.

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J17, 18, 22, 23, 66, 94, 95, 100, 101, 125, 145, 147, 163, 310, 322

2 TESALONICA 2:13 “minamahal ni Jehova”

Kingdom Interlinear: “minamahal ng Panginoon”

DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Sinasabi ng ilang iskolar na si Jesus ang tinutukoy na “Panginoon” dito. Pero may matitibay na basehan para maniwalang ang Diyos na Jehova ang tinutukoy rito. Halimbawa, sa 1 Tesalonica 1:4, ginamit din ni Pablo ang pandiwang Griego na a·ga·paʹo, pero ang kasama nito ay ang salitang Griego para sa “Diyos” (“minamahal ng Diyos”). May ganito ring mga ekspresyon sa Hebreong Kasulatan may kinalaman sa pag-ibig ng Diyos na Jehova para sa mga lingkod niya. Halimbawa, sa mga kopya ngayon ng Septuagint, ganito ring pananalita ang ginamit sa Deuteronomio 33:12 bilang panumbas sa ekspresyong Hebreo para sa “mahal ni Jehova.” Ang ekspresyong “minamahal ni Jehova” ay posible ring galing sa Deuteronomio 7:7, 8. Isa pa, kapansin-pansin na walang tiyak na Griegong pantukoy bago ang salitang “Panginoon” (Kyʹri·os). Ipinapahiwatig nito na ang Diyos na Jehova ang tinutukoy rito.

REPERENSIYA:

  • Tingnan ang sinasabi ng ilang reperensiya tungkol sa ekspresyong Griego para sa “minamahal ni Jehova”:

  • “Posibleng galing ang pariralang ito sa Deuteronomio 33:12, pero kay Jesus tumutukoy ang ‘Panginoon’ dito, gaya ng madalas na makikita [sa mga liham ni] Pablo . . . Gayunman, may dalawang bagay na nagpapakitang posible rin itong tumukoy sa Diyos. Ang nasa talata 13-14 ay kabaligtaran ng nasa tal 11-12, at parehong Diyos ang kumikilos sa mga bahaging ito. Isa pa, pareho rin itong tungkol sa pananampalataya at sa pagkilos ng Diyos may kaugnayan dito.”—The Anchor Yale Bible—The Letters to the Thessalonians: A New Translation with Introduction and Commentary, ni Abraham J. Malherbe, 2000, Tomo 32B, pahina 436.

  • Sinasabi ng isang reperensiya para sa mga tagapagsalin ng Bibliya tungkol sa “Panginoon” sa talatang ito: “Puwedeng tumukoy sa Diyos o kay Kristo.” Pero sinabi rin nito: “Makatuwirang isipin na ang ‘Panginoon’ dito ay tumutukoy sa Diyos.”—A Handbook on Paul’s Letters to the Thessalonians, nina Paul Ellingworth at Eugene A. Nida, 1976, pahina 182.

  • “Sa pasasalamat [ni Pablo] sa pasimula ng unang liham niya [1 Tesalonica 1:4], lumilitaw na kinuha niya ang ekspresyon sa Deuteronomio 7:7-8 na tungkol sa pagpili ni Yahweh sa Israel bilang bayan Niya (‘minamahal ng Diyos/pinili’). Ganiyan din ang ibig sabihin ng ekspresyon ditong ‘minamahal ng Panginoon,’ na katulad ng pananalitang ginamit ng Septuagint sa Deuteronomio 33:12 para sa pagpapala kay Benjamin.” Mababasa sa talababa ng 2 Tesalonica 2:13 sa reperensiyang ito: “Ito rin ang parirala sa 1 Tesalonica 1:4, kung saan ang tinutukoy na nagmamahal (ὑπὸ τοῦ θεοῦ) ay ang Diyos (θεός).”—The First and Second Letters to the Thessalonians, ni Gordon D. Fee, 2009, pahina 299.

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J16, 24, 31-33, 48, 65, 90, 94, 106, 125, 163, 167

2 TESALONICA 3:1 “salita ni Jehova”

Kingdom Interlinear: “salita ng Panginoon”

DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Tingnan ang paliwanag sa Gawa 8:25.

REPERENSIYA:

  • Sa Exegetical Dictionary of the New Testament, 1991, (Tomo 2, p. 329-330), nakalista ang 2 Tesalonica 3:1 kung saan ang Kyʹri·os ay “ginamit sa Bagong Tipan para tumukoy kay Yahweh o sa Diyos.”

  • Tingnan din ang paliwanag sa 1 Tesalonica 1:8.

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 14, 16-18, 22, 23, 32, 65, 66, 94, 95, 100, 101, 106, 115, 125, 146, 163, 322-324