Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)

C3

Mga Talata sa Colosas Kung Saan Lumitaw ang Pangalan ni Jehova Kahit Hindi Mula sa Tuwiran o Di-tuwirang Pagsipi

COLOSAS 1:10 “para makapamuhay kayo nang karapat-dapat sa harap ni Jehova”

Kingdom Interlinear: “para makalakad nang karapat-dapat sa Panginoon”

DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Makikita sa konteksto na ang “Panginoon” dito ay tumutukoy sa Diyos na Jehova. Sa dulo ng talatang ito, binanggit ni Pablo ang “tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos,” at sa talata 12, binanggit niya ang “Ama.” Gumamit ng katulad na ekspresyon si Pablo sa 1 Tesalonica 2:12 nang sabihin niya sa mga kapananampalataya niya roon na gusto niyang “patuloy [silang] mamuhay nang karapat-dapat sa harap ng Diyos.” Isa pa, lumitaw rin sa Hebreong Kasulatan ang ekspresyong ito. Halimbawa, sa 2 Hari 20:3, sinabi ni Haring Hezekias: “Nakikiusap ako sa iyo, O Jehova, alalahanin mong lumakad ako sa harap mo nang may katapatan.” Gayundin, ang mga ekspresyong gaya ng “lumakad . . . sa mga daan” ay madalas lumitaw sa Hebreong Kasulatan at karaniwan nang may kasama itong pangalan ng Diyos. (Deuteronomio 8:6; 10:12; 1 Hari 2:3; Awit 128:1) Bukod diyan, ipinapalagay ng ilang iskolar na kinuha ni Pablo ang ekspresyong ito sa aklat ng Kawikaan. (Kawikaan 4:4-6, 12-14) Kaya dahil sa konteksto at sa pagkakagamit ng ekspresyong ito sa 1 Tesalonica 2:12 at sa Hebreong Kasulatan, ginamit ang pangalan ng Diyos sa mismong teksto.

REPERENSIYA:

  • Tungkol sa ekspresyong isinaling “karapat-dapat sa harap ni Jehova,” sinabi ng isang reperensiya para sa mga tagapagsalin ng Bibliya: “Ibig sabihin, sa paraang hinihiling sa kanila bilang bayan ng Panginoon (tingnan ang ‘lumakad . . . nang karapat-dapat sa Diyos’ sa 1 Tesalonica 2.12).” Sinabi pa nito tungkol sa sumunod na ekspresyon (“sa gayon ay lubusan ninyo siyang mapalugdan”): “Puwedeng isalin ang huling bahagi ng unang pangungusap sa talata 10 na ‘laging magawa ang nagpapasaya sa Diyos.’” (Amin ang italiko.)—A Handbook on Paul’s Letters to the Colossians and to Philemon, nina Robert G. Bratcher at Eugene A. Nida, 1977, pahina 16.

  • “Nananalangin ang apostol at ang mga kasama niya na ang mga taga-Colosas ay ‘lumakad’ sana (ihambing ang Genesis 5:22, 24; 6:9, at iba pa) o mamuhay kaayon ng mga responsibilidad na kaakibat ng bago nilang kaugnayan sa Diyos at ng mga pagpapalang dulot ng bagong kaugnayang iyon. Hindi puwedeng hatí ang puso ng isa sa ganitong paraan ng pamumuhay. Sa halip, dapat na gustong-gusto niya ang ganitong paraan ng pamumuhay . . . , at nagsisikap siyang mapalugdan ang Diyos sa lahat ng bagay (ihambing ang 1 Corinto 10:31; 1 Tesalonica 4:1).” (Amin ang italiko.)—New Testament Commentary, Exposition of Galatians, Ephesians, Philippians, Colossians, and Philemon, ni William Hendriksen, 1996, pahina 57.

  • Kahit na pinapanigan ng isang komentaryo sa Bibliya ang paniniwalang ang “Panginoon” ay tumutukoy kay Jesus, inamin nito: “Kung pagbabatayan ang pagkakagamit ng kyrios (Panginoon) sa LXX [Septuagint], puwede itong tumukoy sa Diyos o hindi. Halos katulad nito ang ekspresyon sa 1 Tes[alonica] 2:12, pero malinaw na sinabi sa tekstong iyon: lumakad nang karapat-dapat sa Diyos. Ang unawang ito ay kaugnay din ng binanggit sa liham sa mga taga-Efeso tungkol sa utos na maging ‘tagatulad ng Diyos’ (Efe[so] 5:1), na tinanggap ng isa ‘para sa kapurihan at kaluwalhatian’ niya (ng Diyos) (Efe[so] 1:12; ihambing ang Efe[so] 1:14).”—The Anchor Bible—Colossians, A New Translation With Introduction and Commentary, nina Markus Barth at Helmut Blanke, na isinalin ni Astrid B. Beck, 1994, Tomo 34B, pahina 177.

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 32, 48, 65, 100, 106, 125, 139, 146, 167

COLOSAS 3:13 “lubusan kayong pinatawad ni Jehova”

Kingdom Interlinear: “may-kabaitang pinatawad kayo ng Panginoon”

DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Ang tinutukoy ng talatang ito ay ang Diyos na Jehova, na siyang nagpapatawad sa mga kasalanan ng tao ayon sa Hebreong Kasulatan. (Bilang 14:19, 20; 2 Samuel 12:13; Awit 130:4; Jeremias 31:34; Daniel 9:9) Inilarawan pa nga siya na “handang magpatawad” (Nehemias 9:17; Awit 86:5) at ‘nagpapatawad nang lubusan’ (Isaias 55:7). Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang karaniwang pandiwang Griego para sa “magpatawad” ay a·phiʹe·mi, gaya sa Mateo 6:12, 14 at Roma 4:7 (tingnan ang study note). Pero sa Colosas 3:13, ginamit ni Pablo ang pandiwang kha·riʹzo·mai (maging bukas-palad; magbigay nang bukal sa puso). Ang pandiwang ito ay kaugnay ng pangngalang Griego na khaʹris, na madalas na isinasaling “walang-kapantay na kabaitan” o “pabor.” Kapag iniuugnay sa pagpapatawad, ang pandiwang ito ay tumutukoy sa pagpapatawad nang lubusan, o bukal sa loob. Ginamit ni Pablo ang pandiwang ito sa Col 2:13, nang tukuyin niya ang Diyos at sabihing “buong puso niyang [ng Diyos] pinatawad ang lahat ng kasalanan natin.” Ginamit niya rin ito sa Efeso 4:32, kung saan sinabi niyang “kung paanong ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay lubusan ding nagpatawad sa inyo.” Kapansin-pansin na kahit maraming sinaunang manuskritong Griego ang gumamit ng terminong ho Kyʹri·os (Panginoon) dito sa Colosas 3:13, ginamit ng ibang manuskrito ang terminong Griego para sa “Diyos” o “Kristo.” Ang pagkakaibang ito sa mga manuskrito ay puwede ring maging indikasyon na pangalan talaga ng Diyos ang orihinal na ginamit sa talatang ito.

REPERENSIYA:

  • Tingnan ang sumusunod na mga komentaryo tungkol sa kung kanino tumutukoy ang “Panginoon” sa Colosas 3:13:

  • “Kung pagbabatayan ang Col[osas] 1:13, 14 at 2:13 . . . , tumutukoy ito sa Diyos at hindi kay Kristo, pero hindi iyon seryosong isyu. Kapag nagpapatawad ang Diyos, ginagawa niya iyon ‘sa pamamagitan ni Kristo’ (Efe[so] 4:32; ihambing ang Mat[eo] 18:35).”—New Testament Commentary, Exposition of Galatians, Ephesians, Philippians, Colossians, and Philemon, ni William Hendriksen, 1996, pahina 157.

  • “Sa [Colosas] 2:13, ang Diyos ang tinutukoy na nagpapatawad. Ipinapahiwatig nito na sa espesyal na pagkakataong ito, ang ὁ κύριος [ho kyʹri·os, “Panginoon”] dito ay tumutukoy sa Diyos (sa ganitong unawa, magiging kapareho nito ang punto sa Mat[eo] 6:12, 14-15; 18:23-35 . . . ).”—The Epistles to the Colossians and to Philemon: A Commentary on the Greek Text, ni James D. G. Dunn, 1996, pahina 231.

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J23, 96, 145, 147, 310

COLOSAS 3:16 “umawit kay Jehova”

Kingdom Interlinear: “umawit . . . sa Diyos”

DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Maraming ulat sa Hebreong Kasulatan tungkol sa pag-awit at pagtugtog na may kaugnayan sa pagsamba kay Jehova. (Exodo 15:1, 21; 1 Cronica 16:23; Awit 96:1; 104:33; 149:1; Jeremias 20:13) Noong unang siglo, patuloy na ginamit ng mga Kristiyano ang mga awit sa Kasulatan sa pagpuri sa Diyos. Ang salitang Griego na isinaling “salmo” (psal·mosʹ) dito sa Colosas 3:16 ay ginamit din sa Lucas 20:42; 24:44; Gawa 1:20; 13:33 para tumukoy sa mga salmo sa Hebreong Kasulatan. Gayundin, madalas gamitin ng Septuagint ang terminong Griego na isinalin ditong “umawit” para ipanumbas sa mga ekspresyong Hebreo kung saan lumitaw ang pangalan ng Diyos. (Tingnan ang mga tekstong binanggit sa itaas.) May mga manuskritong Griego na gumamit ng terminong The·osʹ (Diyos) sa Colosas 3:16, at Kyʹri·os (Panginoon) naman ang ginamit sa ibang manuskrito. Sa mas bagong mga kopya ng Septuagint na natitira sa ngayon, madalas gamitin ang Kyʹri·os bilang pamalit sa pangalan ng Diyos na lumitaw sa tekstong Hebreo, pero kung minsan, ginagamit ding pamalit ang The·osʹ. (Tingnan ang Exodo 15:1, LXX, kung saan mababasa ang tungkol sa pag-awit at ginamit ang The·osʹ at Kyʹri·os bilang pamalit sa pangalan ng Diyos.) Ang pagkakaibang ito sa mga manuskrito ay puwede ring maging indikasyon na pangalan talaga ng Diyos ang orihinal na ginamit sa talatang ito. May mga salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Hebreo at iba pang wika na gumamit ng pangalan ng Diyos sa Colosas 3:16.

REPERENSIYA:

  • “Kapag umaawit tayo, dapat nating isipin na direkta nating kinakausap ang Diyos, kaya dapat na bigkasin natin ang pananalita dito nang taimtim at may matinding paggalang na karapat-dapat sa dakilang si Jehova.”—Notes, Explanatory and Practical, on the Epistles of Paul to the Ephesians, Philippians, and Colossians, ni Albert Barnes, 1850, pahina 119, 320 (komentaryo sa katulad na ekspresyong makikita sa Efeso 5:19).

  • Tingnan ang iba pang sumusuportang paliwanag sa Efeso 5:19.

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 14, 16, 17, 32, 33, 37, 41, 65, 94, 100, 101, 125, 139, 144-147, 163, 167

 COLOSAS 3:22 “may takot kay Jehova”

Kingdom Interlinear: “natatakot sa Panginoon”

DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Ang isa na dapat katakutan ay ang Diyos na Jehova. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, kapag ang pandiwang Griego na “matakot” ay tumutukoy sa takot na may matinding paggalang, lagi itong patungkol sa Diyos. (Lucas 1:50; Gawa 10:2, 35; Apocalipsis 14:7; 15:4) Sa Hebreong Kasulatan, maraming beses na lumitaw ang ekspresyong “pagkatakot kay Jehova” at “matakot kay Jehova.” Kombinasyon ito ng mga salitang Hebreo para sa “takot” at ng Tetragrammaton. (Ang ilang halimbawa ay makikita sa Deuteronomio 6:13; 10:12, 20; 13:4; 2 Cronica 19:7, 9; Awit 19:9; 33:8; 34:9; 111:10; Kawikaan 1:7; 8:13; 9:10; 10:27; 19:23; Isaias 11:2, 3.) Pero hindi kailanman lumitaw sa Hebreong Kasulatan ang ekspresyong “takot sa Panginoon.” Ginamit sa mas bagong mga kopya ng Septuagint ang Kyʹri·os, pero makikita sa mas naunang mga kopya ang pangalan ng Diyos, gaya ng paglitaw nito sa orihinal na tekstong Hebreo. Indikasyon ito na ginamit lang na pamalit ang Kyʹri·os sa pangalan ng Diyos nang maglaon. Isa pa, may mga manuskritong Griego na gumamit sa tekstong ito ng salitang Griego para sa “Panginoon”; at “Diyos” naman ang ginamit ng ibang manuskrito. Ang pagkakaibang ito sa mga manuskrito ay puwede ring maging indikasyon na pangalan talaga ng Diyos ang orihinal na ginamit sa talatang ito. May mga salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Hebreo at iba pang wika na gumamit dito ng pangalan ng Diyos.—Tingnan ang study note sa Gawa 9:31.

REPERENSIYA:

  • Ganito ang sinabi ng isang diksyunaryo tungkol sa pandiwang Griego na isinaling “may takot sa”: “may matinding paggalang . . . sa Diyos bilang ang kataas-taasan Luc 23:40; Col 3:22; 1Pe 2:17; Apo 19:5.”—The Concise Greek-English Lexicon of the New Testament, nina Frederick William Danker at Kathryn Krug, 2009, pahina 374.

  • Ganito ang komento ng isang iskolar tungkol sa pandiwang Griego na ginamit dito sa Colosas 3:22: “Hindi kailanman sinabi sa Bagong Tipan na dapat ‘katakutan’ ang Panginoong Kristo ng mga mánanampalatayá niya; tanging ang Diyos lang.” Ganito pa ang sinabi sa isang talababa: “Kaya ang ekspresyon [natatakot sa Panginoon] ay mababasa lang dito at sa [Apocalipsis 15:4] (pero Diyos pa rin ang tinutukoy dito); sa iba pang paglitaw sa Bagong Tipan, lagi itong [natatakot sa Diyos] gaya sa [Lucas 18:2, 4; 23:40; Gawa 10:2, 22, 35; 13:16, 26; 1 Pedro 2:17; Apocalipsis 11:18; 14:7; 19:5].” Binanggit din sa aklat na ito na madalas lumitaw sa Septuagint ang mga ekspresyong gaya ng “natatakot sa Panginoon” para isalin ang ekspresyong Hebreo na may Tetragrammaton.—Die Briefe an die Philipper, an die Kolosser und an Philemon, ni Ernst Lohmeyer, 1930, pahina 158.

  • Ganito ang sinabi ng isang reperensiya para sa mga tagapagsalin tungkol sa ekspresyong ito: “Sa Lumang Tipan, kilalang-kilala ang mga debotong mánanampalatayá sa paghanga, matinding paggalang, at pagkatakot nila sa Diyos.” Kahit na pinapaboran ng reperensiyang ito ang unawa na ang “Panginoon” dito ay tumutukoy sa Panginoong Jesu-Kristo, sinabi pa rin nito: “May mga manuskrito na gumamit ng ‘Diyos’ . . . , pero lumilitaw na dahil iyon sa tinularan nila ang ekspresyon sa Lumang Tipan, kung saan ang ‘Panginoon’ ay si Yahweh, o ang Diyos.”—A Handbook on Paul’s Letters to the Colossians and to Philemon, nina Robert G. Bratcher at Eugene A. Nida, 1977, pahina 95.

  • Sa Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ng mga iskolar na sina Isaac Salkinson at Christian D. Ginsburg, 1886, ginamit ang Tetragrammaton sa mismong teksto ng talatang ito.

  • Sa Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ng United Bible Societies, 1976, ginamit ang Tetragrammaton sa mismong teksto ng talatang ito.

  • Sa Aramaic Peshitta New Testament Translation, ni Janet M. Magiera, 2006, ginamit ang “PANGINOON” sa mismong teksto ng talatang ito. Mababasa sa introduksiyon ng saling ito: “Ang PANGINOON ay si MARYA, na nangangahulugang PANGINOON ng Lumang Tipan, YAHWEH.”

  • Sa El Nuevo Testamento (Bagong Tipan, sa Spanish), 1919, ni Pablo Besson, ginamit ang “Señor” (Panginoon) sa mismong teksto ng Colosas 3:22, na may talababang nagsasabi na tumutukoy ito kay “Jehová.”

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J18, 22, 28-32, 48, 65, 93, 95, 96, 100, 101, 115, 125, 145-147, 322-324

COLOSAS 3:23 “parang kay Jehova kayo naglilingkod at hindi sa mga tao”

 Kingdom Interlinear: “gaya ng sa Panginoon at hindi sa mga tao”

DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, karaniwan nang tumutukoy ang terminong Griego na Kyʹri·os (Panginoon) sa Diyos na Jehova o kay Jesu-Kristo. Puwede rin itong tumukoy sa mga taong may awtoridad sa iba. (Colosas 3:22; 4:1) Sa kontekstong ito, maraming beses na lumitaw ang terminong Griego na kyʹri·os. Sa Colosas 3:22 at 4:1, ang anyong pangmaramihan nito ay isinaling “mga panginoon.” Dito sa Colosas 3:23, maliwanag na ang kyʹri·os ay hindi tumutukoy sa isang taong panginoon. Makikita sa konteksto kung sino ang tinutukoy dito na “Panginoon.” (Tingnan ang  paliwanag sa Colosas 3:22.) Ang isa pang patunay na ang Diyos na Jehova ang “Panginoon” na tinutukoy dito ay ang pariralang “gawin ninyo ito nang buong kaluluwa.” Sa Hebreong Kasulatan at Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang paggawa ng isang bagay nang buong kaluluwa ay palaging may kaugnayan sa Diyos na Jehova.—Deuteronomio 6:5; Mateo 22:37; Marcos 12:30; Lucas 10:27.

REPERENSIYA:

  • Para sa mga komentaryo tungkol sa kung kanino tumutukoy ang “Panginoon” sa talatang ito, tingnan ang paliwanag sa Efeso 6:7, kung saan gumamit ng katulad na ekspresyon si Pablo.

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 17, 18, 22, 23, 32, 65, 95, 96, 100, 101, 106, 115, 125, 145-147, 322-324

COLOSAS 3:24 “si Jehova ang magbibigay sa inyo”

Kingdom Interlinear: “mula sa Panginoon tatanggap kayo”

DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Ang mga dahilan kung bakit ginamit sa mismong teksto ng talatang ito ang pangalan ng Diyos ay katulad din ng sa Colosas 3:23. (Tingnan ang  paliwanag sa Colosas 3:23.) Kapansin-pansin din na walang tiyak na Griegong pantukoy bago ang Kyʹri·os (Panginoon), na dapat sana ay mayroon batay sa tamang gramatika. Ipinapakita lang nito na ang Kyʹri·os ay katumbas ng isang pantanging pangalan. Isa pa, ang Diyos, hindi si Jesus, ang inilalarawan na nagbibigay ng mana sa pinahirang mga Kristiyano. (Roma 8:17; 1 Pedro 1:3, 4) Sa Colosas 1:12, tinawag ang Diyos na “ang Ama, na tumulong sa inyo na maging kuwalipikadong magkaroon ng bahagi sa mana ng mga banal na nasa liwanag.” Kaya dahil sa konteksto at sa kawalan ng tiyak na Griegong pantukoy, ginamit ang pangalan ng Diyos sa mismong teksto.

REPERENSIYA:

  • Ganito ang komento ng isang iskolar tungkol sa kung sino ang tinutukoy na “Panginoon” sa talatang ito: “Mapapaisip ang isa kung bakit walang pantukoy sa [a·poʹ Ky·riʹou, ‘mula sa Panginoon’]. Kapag ginagamit ang ‘Panginoon’ nang walang tiyak na Griegong pantukoy, puwedeng gawing basehan ang LXX [Septuagint], dahil sa Griegong Lumang Tipan, walang pantukoy ang ‘Panginoon’ (na tumutukoy kay JEHOVA). Walang ganitong parirala sa lumang kasulatan, pero puwedeng sabihin na may ganitong konsepto sa Lumang Tipan.”—A Letter to Asia, Being a Paraphrase and Brief Exposition of the Epistle of Paul the Apostle to the Believers at Colossæ, ni Frederick Brooke Westcott, 1914, pahina 165.

  • Para sa iba pang komentaryo tungkol sa kung kanino tumutukoy ang “Panginoon” sa talatang ito, tingnan ang paliwanag sa Efeso 6:8, kung saan may binanggit si Pablo na katulad na ideya.

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 14, 16-18, 22-24, 32, 33, 65, 95, 96, 100, 101, 115, 145-147, 310, 322-324