C3
Mga Talata sa Marcos Kung Saan Lumitaw ang Pangalan ni Jehova Kahit Hindi Mula sa Tuwiran o Di-tuwirang Pagsipi
MARCOS 5:19 “ginawa ni Jehova”
DAHILAN: “Panginoon” (ho Kyʹri·os) ang mababasa rito sa karamihan ng manuskritong Griego, pero may makatuwirang mga dahilan para gamitin sa mismong teksto ang pangalan ng Diyos. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang Kyʹri·os ay puwedeng tumukoy sa Diyos na Jehova o kay Jesu-Kristo, depende sa konteksto. Makikita sa kontekstong ito na ang tinutukoy ay ang Diyos. Sa sinabi ni Jesus sa lalaking pinagaling, itinuturo niyang hindi sa kaniya galing ang himala, kundi sa kaniyang Ama sa langit. Sa kaparehong ulat ni Lucas (8:39), ginamit niya ang salitang Griego na The·osʹ (Diyos), na nagpapatunay na ang Kyʹri·os (Panginoon) sa Marcos 5:19 ay tumutukoy sa Diyos. Isa pang patunay ang mga pananalitang “ginawa . . . para sa iyo” at “awa na ipinakita . . . sa iyo.” Sa Hebreong Kasulatan, ang katumbas nitong mga pandiwang Hebreo ay madalas gamitin kasama ng pangalan ng Diyos para ilarawan ang pakikitungo ni Jehova sa mga tao.—Genesis 21:1; Exodo 13:8; Deuteronomio 4:34; 13:17; 30:3; 1 Samuel 12:7; 25:30; 2 Hari 13:23.
REPERENSIYA:
Sa A Greek-English Lexicon of the New Testament and Other Early Christian Literature, na nirebisa at inedit ni F. W. Danker, 2000, (p. 576-577), nakalista ang Marcos 5:19 sa ilalim ng depinisyon ng “panginoon” na “katawagan para sa Diyos.” Sinabi pa nito may kinalaman sa paggamit ng “panginoon” sa Septuagint [LXX]: “Madalas itong ipalit sa pangalang Yahweh sa Tekstong Masoretiko.”
Sa Exegetical Dictionary of the New Testament, 1991, (Tomo 2, p. 329-330), nakalista ang Marcos 5:19 kung saan ang Kyʹri·os ay posibleng “ginamit para tumukoy kay Yahweh.”
Sa The Gospel According to St Mark (The Greek Text With Introduction Notes and Indices), ni Henry Barclay Swete, 1902, sinabing ang יהוה (YHWH, o Tetragrammaton) ay puwede ring gamitin sa talatang ito.
Sinasabi ng The Interpretation of St. Mark’s Gospel, ni R.C.H. Lenski, sa pahina 216 tungkol sa talatang ito: “Ang Ὁ Κύριος [Ho Kyʹri·os] ay si Yahweh, ang pangalan ng Diyos ng tipan sa Lumang Tipan. . . . Dapat malaman ng lalaki at ng lahat ng makikinig sa kaniya na dumating si Jehova sa lupain nila at ginawa niya ang kamangha-manghang gawang ito sa pamamagitan ng lingkod niyang si Jesus.”
Sa aklat na The Principles and Practice of New Testament Textual Criticism, isinama ni G. D. Kilpatrick ang Marcos 5:19 sa mga teksto kung saan ang “Κύριος [Kyʹri·os] = Yahweh.”
Ginamit sa Complete Jewish Bible, ni David H. Stern, 1998, ang malaking letra at pinaliit na malalaking letra para sa salitang “ADONAI” sa talatang ito. Sa introduksiyon ng Bibliyang ito, sinabi ng tagapagsalin: “Ang salitang ‘ADONAI’ ay ginagamit . . . kapag naniniwala ako bilang tagapagsalin na ang salitang Griego na ‘kurios’ ay ipinampalit sa tetragrammaton.”
Sinasabi ng The Gospel According to St. Mark: The Greek Text With Introduction, Notes, and Indexes, ni Vincent Taylor, 1952, sa pahina 285 na ang Kyʹri·os (Panginoon) sa talatang ito ay “ginamit para tumukoy sa Diyos.”
Sa aklat na The Gospel According to Mark, 1858, sinabi ni Joseph Addison Alexander na ang “malabong ekspresyon” na “Panginoon” sa talatang ito ay tumutukoy kay Kristo. Pero sinabi rin niya na “baka para sa mga nakarinig, na mas nalalabuan sa ekspresyong ito, tumutukoy ito sa Diyos na ang pangalang Hebreo ay Jehova, dahil posibleng naiisip nila ang pakikipagtipan ng Diyos sa bayan niya. At ang pangalang iyon ay laging tinutumbasan o pinapalitan ng (ο κύριος) Panginoon sa Septuagint at sa Bagong Tipan.”
SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7-10, 13, 17, 18, 22, 28-32, 34, 36, 41, 44, 52, 63, 93-96, 100, 104-106, 114-117, 125, 132, 138, 144, 146, 167, 186, 187, 254, 262, 268, 306, 310, 317, 321, 323-325
MARCOS 13:20 “kung hindi paiikliin ni Jehova ang mga araw”
DAHILAN: Kyʹri·os (Panginoon) ang mababasa rito sa karamihan ng manuskritong Griego, pero may makatuwirang mga dahilan para gamitin sa mismong teksto ang pangalan ng Diyos. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang Kyʹri·os ay puwedeng tumukoy sa Diyos na Jehova o kay Jesu-Kristo, depende sa konteksto. Makikita sa kontekstong ito na ang tinutukoy ay ang Diyos, dahil ipinapaliwanag dito ni Jesus sa mga alagad niya ang gagawin ng kaniyang Ama sa malaking kapighatian. Ang pananalita ni Jesus sa hulang ito ay katulad ng pananalita sa mga hula sa Hebreong Kasulatan kung saan ginamit ang pangalan ng Diyos. (Isaias 1:9; 65:8; Jeremias 46:28 [26:28, Septuagint]; Amos 9:8) Mababasa ang Tetragrammaton sa apat na makahulang talatang ito sa tekstong Hebreo. Sa natitirang mga kopya ng Septuagint, ginamit ang Kyʹri·os nang walang tiyak na pantukoy, na dapat sana ay mayroon batay sa tamang gramatika. Napansin din ng mga iskolar na wala ring tiyak na pantukoy bago ang Kyʹri·os sa Marcos 13:20. Isa pa itong patunay na ang Kyʹri·os na ginamit dito ay ipinampalit sa pangalan ng Diyos.
REPERENSIYA:
Sa A Greek-English Lexicon of the New Testament and Other Early Christian Literature, na nirebisa at inedit ni F. W. Danker, 2000, (p. 576-577), nakalista ang Marcos 13:20 sa ilalim ng depinisyon ng “panginoon” na “katawagan para sa Diyos.” Sinasabi pa nito: “Dahil walang pantukoy . . . , gaya ito ng isang personal na pangalan.”
Sa Exegetical Dictionary of the New Testament, 1991, (Tomo 2, p. 329-330), nakalista ang Marcos 13:20 kung saan ang Kyʹri·os ay “ginamit para tumukoy kay Yahweh.”
Sa aklat na The Principles and Practice of New Testament Textual Criticism, isinama ni G. D. Kilpatrick ang Marcos 13:20 sa mga teksto kung saan ang “Κύριος [Kyʹri·os] = Yahweh.”
Sinasabi ng The ‘Holy Scriptures,’ ni J. N. Darby, 1949, sa isang talababa sa “Panginoon” sa talatang ito: “Kapag walang pantukoy, tumutukoy kay ‘Jehova.’”
Sa The Gospel According to St Mark (The Greek Text With Introduction Notes and Indices), ni Henry Barclay Swete, 1902, sinabing ang יהוה (YHWH, o Tetragrammaton) ay puwede ring gamitin sa talatang ito.
Sinasabi ng The Gospel According to St. Mark: The Greek Text With Introduction, Notes, and Indexes, ni Vincent Taylor, 1952, sa pahina 514 tungkol sa paglitaw dito ng Kyʹri·os (Panginoon) sa tekstong Griego: “Gaya ng mababasa sa maraming akda tungkol sa pagkapuksa, malinaw na ipinapakita rito na dahil sa awa ng Diyos at para sa kapakanan ng mga pinili niya, pinaikli niya ang panahon ng kapighatian ng mga tao.” Sinabi pa ni Taylor sa pahina 515: “Karaniwan nang ginagamit ang Κύριος na walang pantukoy sa mga pagsipi [mula sa Lumang Tipan].”
Sa The Gospel of Mark, 1994, (p. 378), sinabi ni D. Edmond Hiebert tungkol sa Marcos 13:20: “Lubusang kontrolado ng Panginoon, ang Diyos na Jehova ng Lumang Tipan, ang mga pangyayari sa mundong ito, at dahil sa kaniyang awa, pinaikli niya ang mga araw na iyon.”
Sinasabi ng The Gospel According to Mark, ng iskolar na si Joseph Addison Alexander, 1858, tungkol sa Marcos 13:20: “Ang Panginoon, ang Kataas-taasang Diyos, si Jehova.”
Ang The Companion Bible, na may mga komentaryo ni E. W. Bullinger, na inilimbag noong 1999, ay gumamit ng malaking letra at pinaliit na malalaking letra para sa PANGINOON sa mismong teksto ng Marcos 13:20 at nagpaliwanag sa Apendise 98: “Tumutukoy kay Jehova . . . at ‘PANGINOON’ ang ginamit sa lahat ng paglitaw.”
Sa The Holy Bible, Containing the Authorized Version of the Old and New Testaments, ni J. T. Conquest, 1841, nasa malalaking letra ang PANGINOON sa mismong teksto ng Marcos 13:20.
Sa mga saling ito sa Ingles, ginamit ang “Diyos” sa halip na “Panginoon” sa Marcos 13:20: Complete Jewish Bible, A Translator’s Translation of the New Testament, The Expanded Bible, at The Word New Century Version, New Testament.
Sinasabi ng A Translator’s Handbook on the Gospel of Mark, na inilathala ng United Bible Societies, tungkol sa talatang ito: “‘Ang Panginoon’: malinaw na tumutukoy sa Diyos.”
SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 10, 16-18, 22-24, 28-36, 39-43, 46-48, 52, 61, 63, 65, 88, 90, 92-97, 100-102, 104, 106, 114-116, 125, 132, 138, 142, 144-147, 154, 163, 167, 172, 187, 222, 250, 254, 262, 268, 271, 273, 288, 290, 295, 310, 317, 321, 323-325