C3
Mga Talata sa Roma Kung Saan Lumitaw ang Pangalan ni Jehova Kahit Hindi Mula sa Tuwiran o Di-tuwirang Pagsipi
ROMA 10:16 “Jehova, sino ang nanampalataya sa sinabi namin?”
DAHILAN: Dito, sinipi ni Pablo ang unang bahagi ng Isaias 53:1. Sa orihinal na tekstong Hebreo, lumitaw ang pangalan ng Diyos sa ikalawang bahagi ng talata, sa pariralang “kanino ipinakita ni Jehova ang lakas niya.” Sa Juan 12:38, sinipi ni Juan ang buong Isaias 53:1. Lumilitaw na parehong sumipi sina Juan at Pablo sa salin ng Septuagint ng hulang ito ni Isaias, kung saan ang tekstong Griego ay nagsimula sa isang anyo ng salitang Kyʹri·os (Panginoon) na ginagamit sa pakikipag-usap sa Diyos. Posibleng idinagdag ng mga tagapagsalin ng Septuagint ang unang paglitaw ng pangalan ng Diyos para maging malinaw sa mga mambabasa na ang Diyos ang tinatanong ng propeta. Gaya ng nabanggit na, ang Kyʹri·os sa mas bagong mga kopya ng Septuagint ay kadalasan nang ipinampapalit sa Tetragrammaton na lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo (gaya ng ginawa sa pariralang “kanino ipinakita ni Jehova ang lakas niya” sa Isaias 53:1). Kaya ginamit sa saling ito ang pangalan ng Diyos.
REPERENSIYA:
Sinabi ng The Bible Commentary, na inedit ni F. C. Cook at inilimbag noong 1981, tungkol sa unang paglitaw ng “Panginoon” sa pagsiping iyon: “Ipinapakita ng ‘Panginoon,’ na idinagdag dito at sa mga Griegong salin ng Isai. liii. I [Isaias 53:1], na ang kausap ng propeta ay si Jehova, ang pinagmulan ng mensahe . . . Ang pagdadagdag na ito ay kaayon ng orihinal na kahulugan ng teksto at ng sinabi ni San Pablo sa tal. 17.”
Sinasabi ng The Interpretation of St. Paul’s Epistle to the Romans, ni R.C.H. Lenski, tungkol sa talatang ito: “Idinagdag ni Pablo ang ‘Panginoon’ sa pagsipi dahil si Yahweh ang tinatanong ng propeta.”
Sa Exegetical Dictionary of the New Testament, 1991, (Tomo 2, p. 329-330), nakalista ang Roma 10:16 kung saan ang Kyʹri·os ay “ginamit para tumukoy kay Yahweh.”
Sinasabi ng The Anchor Yale Bible, ni Joseph A. Fitzmyer, 1993, (Tomo 33) tungkol sa Roma 10:16: “Ipinapakita ni Pablo na ang mensaheng ipinadala ng Diyos ay hindi laging pinaniniwalaan, kahit pa ang mensahe tungkol sa nagdurusang Lingkod ni Yahweh.”
Sa NLT Study Bible, Ikalawang Edisyon, 2008, ginamit ang “PANGINOON” na nasa malaking letra at pinaliit na malalaking letra sa talatang ito. Sa “Introduction to the New Living Translation,” sinabi ng komite sa pagsasalin ng Bibliyang ito: “Karaniwan na, isinasalin naming ‘PANGINOON’ ang tetragrammaton (YHWH), gamit ang anyo . . . na karaniwan sa mga saling Ingles.” Tungkol sa Bagong Tipan, sinasabi ng komite na nagsalin ng Bibliyang ito: “Ang salitang Griego na kurios ay laging isinasaling ‘Panginoon,’ pero isinasalin itong ‘PANGINOON’ kapag malinaw na sumisipi ang Bagong Tipan mula sa Lumang Tipan.”—Sa amin ang italiko.
SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 10, 14-18, 23, 30-32, 34, 35, 41, 42, 46, 52, 59, 60, 65, 66, 88, 93, 100-102, 105, 106, 114, 115, 117, 118, 122, 130, 133, 136, 144-147, 149, 154, 164-166, 174, 178, 212, 213, 237-239, 244, 250, 265, 273, 275, 283, 296, 310, 323, 324
ROMA 12:11 “Magpaalipin kayo para kay Jehova”
DAHILAN: “Para sa Panginoon” (toi Ky·riʹoi) ang mababasa sa natitirang mga manuskritong Griego, pero may makatuwirang mga dahilan para gamitin ang pangalan ng Diyos sa mismong teksto. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang Kyʹri·os ay puwedeng tumukoy sa Diyos na Jehova o kay Jesu-Kristo, depende sa konteksto. Sa Roma 12:1, 2, hinihimok ni Pablo ang mga mambabasa niya na iharap ang mga katawan nila bilang isang hain “sa Diyos” at tiyakin kung ano ang “mabuti, katanggap-tanggap, at perpektong kalooban ng Diyos.” Sinabi rin sa talata 3: “Ayon sa pananampalataya na ibinigay ng Diyos sa bawat isa sa inyo.” Isa pa, ang sumunod na paglitaw ng Kyʹri·os sa kontekstong ito ay nasa Roma 12:19, na sumipi mula sa Deuteronomio 32:35, kung saan makikita sa konteksto na si Jehova ang nagsasalita. (Tingnan ang paliwanag sa Roma 12:19.) Gayundin, sinasabi ng mga iskolar na ginagamit sa Septuagint ang pandiwang Griego na dou·leuʹo (“magpaalipin”; “maglingkod”) para tumbasan ang mga ekspresyong Hebreo kung saan lumitaw ang Tetragrammaton sa tekstong Hebreo. (Hukom 2:7; 1 Samuel 7:4; 12:20; 2 Cronica 30:8; Awit 2:11; 100:2 [99:2, LXX]; 102:22 [101:22, LXX]) Kaya batay sa konteksto at sa pagkakagamit ng ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan, masasabing ang “Panginoon” na tinutukoy sa Roma 12:11 ay hindi si Jesus, kundi ang Diyos na Jehova.—Tingnan ang Ap. C1.
REPERENSIYA:
Sinasabi ng Believer’s Bible Commentary, ni William MacDonald, tungkol sa kahawig na ideya ng Roma 12:11 sa Hebreong Kasulatan: “Maaalala natin dito ang sinabi sa Jeremias 48:10.” Ayon sa teksto: “Sumpain ang nagpapabaya sa paggawa ng atas mula kay Jehova!” Ginamit nito ang pangalang Jehova sa tekstong Hebreo.
SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 10, 16, 18, 32, 44, 65, 94, 95, 100-102, 106, 115, 125, 139, 145-147, 167, 201, 310, 323, 324
ROMA 12:19 “sabi ni Jehova”
DAHILAN: “Sabi ng Panginoon” (leʹgei Kyʹri·os) ang mababasa sa natitirang mga manuskritong Griego, pero pangalan ng Diyos ang ginamit sa mismong teksto dahil sa sumusunod: Sinipi ni Pablo ang Deuteronomio 32:35. Sa talatang iyon, hindi lumitaw ang pariralang “sabi ni Jehova” sa orihinal na tekstong Hebreo, pero malinaw sa konteksto na ang nagsasalita sa sinipi ni Pablo ay si Jehova. (Deuteronomio 32:19-34; ihambing ang study note sa Mateo 1:22.) Maliwanag na idinagdag ni Pablo ang pariralang ito para ipakita kung sino ang nagsasalita. Ang Kyʹri·os (Panginoon) sa mas bagong mga kopya ng Septuagint ay kadalasan nang ipinampapalit sa pangalan ng Diyos na lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo, gaya ng ginawa sa maraming tekstong sinipi mula sa Hebreong Kasulatan. Kapansin-pansin din na sa talatang ito, walang tiyak na Griegong pantukoy bago ang Kyʹri·os, na dapat sana ay mayroon batay sa tamang gramatika. Ipinapakita lang nito na ang Kyʹri·os ay katumbas ng isang pantanging pangalan. Sa Hebreo 10:30, sinipi rin ni Pablo ang Deuteronomio 32:35 at ang ilang bahagi ng talata 36 (“hahatulan ni Jehova ang bayan niya”), kung saan lumitaw ang pangalan ng Diyos.—Tingnan ang Ap. C1.
REPERENSIYA:
Sinasabi ng The Interpretation of St. Paul’s Epistle to the Romans, ni R.C.H. Lenski, tungkol sa talatang ito: “Idinagdag ni Pablo ang pariralang ‘sabi ng Panginoon’ para ipakita kung sino ang nagsabi nito. Noon pa man, sinabi na ng Diyos na pananagutin niya ang mga nagkasala.”
Sa Exegetical Dictionary of the New Testament, 1991, (Tomo 2, p. 329-330), nakalista ang Roma 12:19 kung saan ang Kyʹri·os ay “ginamit para tumukoy kay Yahweh.”
Sa The New Interpreter’s Bible Commentary, 2015, (Tomo 9), sinabi ni N. T. Wright tungkol sa Roma 12:19, 20: “Kung ganito ang gagawin ng isa, magtutumpok siya ng baga sa ulo ng kaaway niya (‘at pagpapalain siya ni YHWH,’ sabi ng Kawikaan).”
Sa NLT Study Bible, Ikalawang Edisyon, 2008, ginamit ang “PANGINOON” na nasa malaking letra at pinaliit na malalaking letra sa talatang ito. Sa “Introduction to the New Living Translation,” sinabi ng komite sa pagsasalin ng Bibliyang ito: “Karaniwan na, isinasalin naming ‘PANGINOON’ ang tetragrammaton (YHWH), gamit ang anyo . . . na karaniwan sa mga saling Ingles.” Sinabi ng komite tungkol sa Bagong Tipan: “Ang salitang Griego na kurios ay laging isinasaling ‘Panginoon,’ pero isinasalin itong ‘PANGINOON’ kapag malinaw na sumisipi ang Bagong Tipan mula sa Lumang Tipan.”—Sa amin ang italiko.
SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 10-12, 14-18, 22-24, 30-35, 38, 40-44, 46, 52, 54, 57, 59-61, 65-67, 88, 90, 94-96, 99-101, 106, 114, 115, 117, 122, 125, 130, 133, 138, 139, 144-147, 149, 154, 163-167, 174, 178, 185, 187, 201, 203, 217, 237-239, 243, 244, 250, 265, 269, 271, 273, 275, 279, 280, 283, 290, 295, 300, 310, 322-324
ROMA 14:4 “makatatayo siya dahil kaya siyang tulungan ni Jehova”
DAHILAN: “Panginoon” (ho Kyʹri·os) o “Diyos” (ho The·osʹ) ang mababasa sa natitirang mga manuskritong Griego. At ang katumbas naman ng “Diyos” ang ginamit sa ilang sinaunang salin. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang titulong Panginoon ay karaniwan nang tumutukoy sa Diyos na Jehova o kay Jesu-Kristo, depende sa konteksto. Dito, maliwanag sa konteksto (Roma 14:1-12) na sa Diyos na Jehova ito tumutukoy. Ipinaliwanag ni Pablo kung gaano kahalagang huwag hatulan ang isa’t isa sa mga bagay na nakadepende sa konsensiya. Sinasabi sa talata 3 na parehong “tinanggap . . . ng Diyos” ang “kumakain” at “hindi kumakain.” Idinagdag pa ni Pablo sa Roma 14:10 na ang bawat isa ay “tatayo sa harap ng luklukan ng paghatol ng Diyos.” Sa Roma 14:12, nagtapos si Pablo sa pagsasabing ang bawat isa ay “mananagot sa Diyos para sa kaniyang sarili.” Kaya makikita sa konteksto ng Roma 14:4 na si Jehova ang “Panginoon” na binabanggit sa tekstong ito. Ang konklusyong ito ay sinusuportahan din ng Hebreong Kasulatan. Sa Roma 14:11, sinipi ni Pablo ang Isaias 45:23, kung saan makikita sa konteksto na ang Diyos na Jehova ang nagsasalita. (Isaias 45:18-22; tingnan ang study note sa Roma 14:11.) Batay sa mga nabanggit, maliwanag na ang ho Kyʹri·os dito ay tumutukoy sa Diyos na Jehova. Kaya ginamit ang pangalan ng Diyos sa mismong teksto. May mga salin din ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Hebreo at iba pang wika na gumamit dito ng pangalan ng Diyos.
REPERENSIYA:
Sa Exegetical Dictionary of the New Testament, 1991, (Tomo 2, p. 329-330), nakalista ang Roma 14:4b kung saan ang Kyʹri·os ay “ginamit para tumukoy kay Yahweh.”
Sinasabi ng The Anchor Yale Bible, ni Joseph A. Fitzmyer, 1993, (Tomo 33) tungkol sa Roma 14:6: “Mula sa [talata] 4, may binabanggit na si Pablo na Kyrios, at baka may nag-iisip kung ang Diyos ba ito o si Kristo. Kung pagbabatayan ang paralelismo sa talatang ito, pinakamakatuwirang isipin na ang Kyrios ay tumutukoy sa Diyos [ng Lumang Tipan]. Sinusuportahan din ito ng [talata] 11, kung saan sinipi ni Pablo ang Isa 49:18.”
Tungkol sa talatang ito, sinabi ng The ESV Study Bible, 2008, pahina 2180: “Ang malalakas ay makatatayo o mabubuwal sa harap ng Diyos, at tatayo silang matuwid sa harap ng Diyos sa huling araw dahil sa awa ng Diyos.”
SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J18, 23, 32, 48, 95, 100, 101, 115, 145-147, 187, 265, 271, 323, 324
ROMA 14:6 “gumagawa nito para kay Jehova . . . kumakain . . . para kay Jehova . . . hindi kumakain . . . para kay Jehova”
DAHILAN: Sa natitirang mga manuskritong Griego, tatlong beses na mababasa sa talatang ito ang “Panginoon” (Kyʹri·os). Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, kadalasan nang tumutukoy ang titulong ito sa Diyos na Jehova o kay Jesu-Kristo, depende sa konteksto. Ang Kyʹri·os sa talatang ito ay ang Kyʹri·os sa buong konteksto ng Roma 14:4-11. Mula sa simula ng kabanata 14, ipinaliwanag ni Pablo kung gaano kahalagang huwag hatulan ang isa’t isa. Sa Roma 14:3, sinabi niya na parehong “tinanggap . . . ng Diyos” ang “kumakain” at “hindi kumakain.” Pagkatapos, sa Roma 14:4, binanggit niya na ang “panginoon lang [ng isang lingkod] ang makapagsasabi kung makatatayo siya o mabubuwal” at na “makatatayo siya dahil kaya siyang tulungan ni Jehova” na Panginoon. (Tingnan ang paliwanag sa Roma 14:4.) Idinagdag niya rin sa Roma 14:10 na ang bawat isa ay “tatayo sa harap ng luklukan ng paghatol ng Diyos.” Sa Roma 14:11, sumipi si Pablo mula sa Isaias 45:23, kung saan malinaw na makikita sa konteksto na si Jehova ang nagsasalita. (Isaias 45:18-22; tingnan ang study note sa Roma 14:11.) Nagtapos si Pablo sa Roma 14:12 sa pagsasabing ang bawat isa ay “mananagot sa Diyos para sa kaniyang sarili.” Kapansin-pansin din na dito sa Roma 14:6, walang tiyak na Griegong pantukoy bago ang Kyʹri·os, na dapat sana ay mayroon batay sa tamang gramatika. Ipinapakita lang nito na ang Kyʹri·os ay katumbas ng isang pantanging pangalan. Kaya batay sa konteksto, sa pagsipi sa Hebreong Kasulatan, at sa kawalan ng tiyak na Griegong pantukoy, makatuwiran lang na gamitin ang pangalan ng Diyos sa talatang ito.
REPERENSIYA:
Sa Exegetical Dictionary of the New Testament, 1991, (Tomo 2, p. 329-330), nakalista ang Roma 14:6a, 14:6b, at 14:6c kung saan ang Kyʹri·os ay “ginamit para tumukoy kay Yahweh.”
Sinasabi ng The Anchor Yale Bible, ni Joseph A. Fitzmyer, 1993, (Tomo 33) tungkol sa Roma 14:6: “Mula sa [talata] 4, may binabanggit na si Pablo na Kyrios, at baka may nag-iisip kung ang Diyos ba ito o si Kristo. Kung pagbabatayan ang paralelismo sa talatang ito, pinakamakatuwirang isipin na ang Kyrios ay tumutukoy sa Diyos [ng Lumang Tipan]. Sinusuportahan din ito ng [talata] 11, kung saan sinipi ni Pablo ang Isa 49:18.”
Sinasabi ng The Interpretation of St. Paul’s Epistle to the Romans, ni R.C.H. Lenski, 1936, pahina 823, tungkol sa talatang ito: “Pansinin na idinidiin dito ang tatlong Κυρίῳ [ky·riʹoi] (walang artikulo = Yahweh, Diyos).”
SUMUSUPORTANG REPERENSIYA:
J7, 8, 10, 16, 18, 22, 24, 32, 33, 41, 44, 65, 66, 94, 95, 100, 101, 106, 115, 125, 145-147, 167, 187, 310, 322-324
J7, 8, 10, 16, 18, 22, 24, 32, 33, 41, 44, 65, 66, 94, 95, 100, 101, 106, 115, 125, 145-147, 163, 167, 187, 310, 322-324
J7, 8, 10, 16, 18, 22, 24, 32, 33, 41, 44, 65, 66, 94, 95, 100, 101, 106, 115, 125, 145-147, 167, 187, 310, 322-324
ROMA 14:8 “nabubuhay tayo para kay Jehova, . . . mamamatay tayo para kay Jehova . . . tayo ay kay Jehova”
DAHILAN: Sa talatang ito, tatlong beses na mababasa ang terminong Kyʹri·os (“Panginoon,” na may tiyak na Griegong pantukoy) sa natitirang mga manuskritong Griego. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang titulong ito ay madalas na tumutukoy sa Diyos na Jehova o kay Jesu-Kristo, depende sa konteksto. Ang Kyʹri·os sa talatang ito ay ang Kyʹri·os sa Roma 14:4, 6. Ang mga batayan para isiping tumutukoy sa Diyos na Jehova ang Kyʹri·os sa mga talatang ito ay nasa paliwanag sa Roma 14:4, 6. Isa pa, ang konsepto na tayo ay mabubuhay at mamamatay para sa Diyos at pag-aari niya tayo ay kaayon ng sinasabi ng iba pang bahagi ng Bibliya. (Awit 100:3; 146:2; Roma 6:11; Galacia 2:19; 1 Pedro 4:2) Kaya kahit Kyʹri·os (na may tiyak na Griegong pantukoy) ang mababasa sa mga manuskritong Griego, ang pangangailangang gawing malinaw kung sino ang tinutukoy ng terminong ito, ang konteksto, at ang sinasabi ng Kasulatan sa kabuoan ay sumusuporta sa paggamit ng pangalan ng Diyos sa talatang ito.
REPERENSIYA:
Sinasabi ng The Anchor Yale Bible, ni Joseph A. Fitzmyer, 1993, (Tomo 33) tungkol sa Roma 14:8: “Ipinapahiwatig ng talatang ito na dapat paglingkuran ang Diyos sa lahat ng pagkakataon . . . Mabuhay man o mamatay ang mga Kristiyano, umiiral sila tō Kyriō, ibig sabihin, umiiral sila para purihin, parangalan, at paglingkuran ang Diyos, ang maylalang at maylikha ng lahat.” Sinabi pa nito: “Ang mga Kristiyano ay pag-aari ng Diyos at dapat nila siyang kilalanin bilang Kyrios.”
SUMUSUPORTANG REPERENSIYA:
J7, 8, 10, 14-16, 18, 32, 41, 44, 65, 94, 95, 100, 101, 106, 115, 145-147, 187, 323, 324
J7, 8, 10, 14-16, 18, 32, 41, 44, 65, 94, 95, 100, 101, 115, 145-147, 187, 310, 323, 324
J7, 8, 10, 14-16, 18, 32, 44, 65, 94, 95, 100, 101, 106, 115, 145-147, 187, 310, 323, 324