Unang Liham sa mga Taga-Corinto 15:1-58

  • Pagkabuhay-muli ni Kristo (1-11)

  • Pagkabuhay-muli, saligan ng pananampalataya (12-19)

  • Garantiya ang pagkabuhay-muli ni Kristo (20-34)

  • Pisikal na katawan, espiritung katawan (35-49)

  • Imortalidad at kawalang-kasiraan (50-57)

  • Maraming ginagawa para sa Panginoon (58)

15  Ngayon ay ipinapaalaala ko sa inyo, mga kapatid, ang mabuting balita na inihayag ko sa inyo;+ tinanggap ninyo ito at nanindigan kayo para dito. 2  Kung nanghahawakan kayo nang mahigpit sa mabuting balita na inihayag ko sa inyo, naililigtas kayo. Kung hindi, walang saysay ang pagiging mananampalataya ninyo. 3  Ang bagay na ito ay kasama sa pinakamahahalagang itinuro ko sa inyo, na natutuhan ko rin: si Kristo ay namatay para sa ating mga kasalanan ayon sa Kasulatan;+ 4  at inilibing siya,+ oo, binuhay siyang muli+ nang ikatlong araw+ ayon sa Kasulatan;+ 5  at nagpakita siya kay Cefas,*+ at pagkatapos ay sa 12 apostol.+ 6  Pagkatapos, nagpakita siya sa mahigit 500 kapatid sa isang pagkakataon;+ kasama pa rin natin ang karamihan sa mga ito, pero ang ilan ay namatay* na. 7  Nagpakita rin siya kay Santiago,+ at pagkatapos ay sa lahat ng apostol.+ 8  At panghuli, nagpakita rin siya sa akin,+ ako na parang ipinanganak na kulang sa buwan. 9  Ako ang pinakamababa sa mga apostol, at hindi ako karapat-dapat tawaging apostol dahil inusig ko ang kongregasyon ng Diyos.+ 10  Pero dahil sa walang-kapantay* na kabaitan ng Diyos, ako ay naging kung ano ako ngayon. At hindi nawalan ng kabuluhan ang walang-kapantay na kabaitan niya sa akin, dahil nagpagal ako nang higit kaysa sa kanilang lahat; pero hindi ko ito nagawa sa sarili kong lakas kundi dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos na sumasaakin. 11  Gayunman, ako man iyon o sila, tungkol dito ang ipinangangaral namin at pinaniwalaan ninyo iyon. 12  Ngayon kung ipinangangaral natin na binuhay-muli si Kristo,+ bakit sinasabi ng ilan sa inyo na walang pagkabuhay-muli? 13  Kung walang pagkabuhay-muli, ibig sabihin, hindi rin binuhay-muli si Kristo. 14  Pero kung hindi binuhay-muli si Kristo, walang saysay ang pangangaral namin, at wala ring saysay ang pananampalataya ninyo. 15  At ituturing din kaming sinungaling na mga saksi tungkol sa Diyos,+ dahil pinatototohanan namin na binuhay-muli ng Diyos ang Kristo+ pero hindi naman pala, kung wala naman talagang pagkabuhay-muli ng mga patay. 16  Dahil kung talagang hindi bubuhaying muli ang mga patay, hindi rin binuhay-muli si Kristo. 17  At kung hindi binuhay-muli si Kristo, walang silbi ang pananampalataya ninyo; namumuhay pa rin kayo sa inyong mga kasalanan.+ 18  At ang mga namatay* na kaisa ni Kristo ay lubusan nang naglaho.+ 19  Kung sa buhay lang na ito tayo umaasa kay Kristo, pinakakaawa-awa tayo sa lahat ng tao. 20  Pero binuhay-muli si Kristo, ang unang bunga* sa mga natulog sa kamatayan.+ 21  Kung paanong nagkaroon ng kamatayan sa pamamagitan ng isang tao,+ ang pagkabuhay-muli ay sa pamamagitan din ng isang tao.+ 22  Kung kay Adan, ang lahat ay namamatay;+ kay Kristo naman, ang lahat ay bubuhayin,+ 23  pero bawat isa ayon sa tamang pagkakasunod-sunod: si Kristo ang unang bunga,+ pagkatapos ay ang mga kay Kristo sa panahon ng kaniyang presensiya.*+ 24  Kasunod ay ang wakas, kapag ibinigay niya ang Kaharian sa kaniyang Diyos at Ama, kapag inalis na niya ang lahat ng pamahalaan at lahat ng awtoridad at kapangyarihan.+ 25  Maghahari siya hanggang sa mailagay ng Diyos ang lahat ng kaaway sa ilalim ng mga paa niya.+ 26  At ang huling kaaway, ang kamatayan, ay mawawala na.*+ 27  Dahil “inilagay ng Diyos ang lahat ng bagay sa ilalim ng mga paa niya.”+ Pero nang sabihing ‘ang lahat ng bagay ay napasailalim,’+ malinaw na hindi kasama rito ang Isa na nagbigay sa kaniya ng awtoridad sa lahat ng bagay.+ 28  Kapag napasailalim na niya ang lahat ng bagay, ang Anak ay magpapasailalim din sa Isa na nagbigay sa kaniya ng awtoridad sa lahat ng bagay,+ para ang Diyos ang maging nag-iisang Tagapamahala ng lahat.*+ 29  Kung hindi ito totoo, ano ang mangyayari sa mga binabautismuhan para maging mga patay?+ Kung hindi talaga bubuhaying muli ang mga patay, bakit pa sila binabautismuhan para maging gayon? 30  At bakit hinahayaan nating manganib ang buhay natin sa bawat oras?*+ 31  Araw-araw akong napapaharap sa kamatayan. Totoo ito kung paanong ipinagmamalaki ko kayo, mga kapatid, na mga alagad ni Kristo Jesus na ating Panginoon. 32  Kung gaya ng ibang tao* ay nakipaglaban ako sa mababangis na hayop sa Efeso,+ ano ang pakinabang ko roon? Kung hindi bubuhaying muli ang mga patay, “kumain tayo at uminom, dahil bukas ay mamamatay tayo.”+ 33  Huwag kayong magpalinlang.* Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali.*+ 34  Bumalik kayo sa katinuan at gawin ang tama, at huwag kayong mamihasa sa kasalanan, dahil ang ilan ay walang kaalaman sa Diyos. Sinasabi ko ito para makadama kayo ng kahihiyan. 35  Gayunman, may magsasabi: “Paano bubuhaying muli ang mga patay? Oo, ano ang magiging katawan nila kapag binuhay silang muli?”+ 36  Ikaw na di-makatuwiran! Ang inihahasik mo ay hindi mabubuhay kung hindi muna ito mamamatay. 37  At kung tungkol sa inihahasik mo, ang inihahasik mo ay hindi ang mismong katawan na tutubo kundi isang butil lang, trigo man ito o iba pang uri ng binhi; 38  pero binibigyan ito ng Diyos ng katawan ayon sa kalooban niya, at ang bawat binhi ay binibigyan niya ng sarili nitong katawan. 39  Hindi magkakatulad ang lahat ng katawan; iba ang sa tao, iba ang sa hayop,* iba ang sa ibon, at iba ang sa isda. 40  At may mga katawang makalangit+ at mga katawang makalupa;+ pero magkaiba ang kaluwalhatian ng mga katawang makalangit at mga katawang makalupa. 41  Iba ang kaluwalhatian ng araw, iba rin ang sa buwan,+ at iba ang sa mga bituin; ang totoo, magkakaiba ang kaluwalhatian ng bawat bituin. 42  Gayon din ang pagkabuhay-muli ng mga patay. Ang inihahasik ay katawang nabubulok, pero ang ibabangon ay katawang hindi nabubulok.+ 43  Wala itong karangalan nang ihasik pero maluwalhati kapag ibinangon.+ Mahina ito nang ihasik pero makapangyarihan kapag ibinangon.+ 44  Pisikal na katawan ito nang ihasik pero espiritung katawan kapag ibinangon. Kung may pisikal na katawan, mayroon ding espiritung katawan. 45  Gaya ng nasusulat: “Ang unang taong si Adan ay nagkaroon ng buhay.”*+ Ang huling Adan ay naging espiritung nagbibigay-buhay.+ 46  Kaya hindi una ang espiritung katawan. Pisikal na katawan ang una, at pagkatapos ay espiritung katawan. 47  Ang unang tao ay mula sa lupa at gawa sa alabok;+ ang ikalawang tao ay mula sa langit.+ 48  Gaya niya na gawa sa alabok, gayon din ang mga gawa sa alabok; at gaya niya na makalangit, gayon din ang mga makalangit.+ 49  At kung gaya tayo ngayon ng isa na gawa sa alabok,+ magiging gaya rin tayo ng isa na makalangit.+ 50  Pero sinasabi ko sa inyo, mga kapatid, na ang laman at dugo ay hindi puwedeng magmana ng Kaharian ng Diyos at ang katawang nabubulok ay hindi puwedeng magmana ng kawalang-kasiraan. 51  Sinasabi ko sa inyo ang isang sagradong lihim: Hindi lahat sa atin ay matutulog sa kamatayan, pero tayong lahat ay babaguhin,+ 52  sa isang iglap, sa isang kisap-mata, sa pagtunog ng huling trumpeta. Dahil tutunog ang trumpeta,+ at ang mga patay ay bubuhaying muli na may katawang hindi nabubulok, at tayo ay babaguhin. 53  Dahil ang nabubulok ay kailangang maging walang kasiraan,+ at ang mortal ay kailangang maging imortal.+ 54  Pero kapag ang nabubulok ay naging walang kasiraan at ang mortal ay naging imortal, mangyayari ang nasusulat: “Ang kamatayan ay nilamon magpakailanman.”+ 55  “Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong kamandag?”+ 56  Ang kamandag na nagbubunga ng kamatayan ay kasalanan,+ at ang kapangyarihan ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan.+ 57  Pero salamat sa Diyos, dahil ibinibigay niya sa atin ang tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo!+ 58  Kaya, mahal kong mga kapatid, maging matatag kayo,+ di-natitinag at laging maraming ginagawa+ para sa* Panginoon, dahil alam ninyong hindi masasayang ang pagpapagal ninyo+ para sa Panginoon.

Talababa

Tinatawag ding Pedro.
Lit., “natulog.”
O “di-sana-nararapat.”
Lit., “natulog.”
O “binuhay-muli.”
O “pagkanaririto.”
O “aalisin.”
O “para ang Diyos ay maging lahat ng bagay sa bawat isa.”
O “sa lahat ng panahon?”
O posibleng “Kung sa pananaw ng tao.”
O “paliligaw.”
O “kaugalian.”
Hayop na apat ang paa gaya ng baka.
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
O “laging abala sa gawain ng.”