Unang Liham sa mga Taga-Corinto 5:1-13
5 Ang totoo, nabalitaan ko na may isang lalaki sa inyo na kinakasama* ang asawa ng kaniyang ama.+ Ang ganitong seksuwal na imoralidad*+ ay mas masahol pa sa ginagawa ng ibang mga bansa.
2 Ipinagmamalaki ba ninyo iyon? Hindi ba dapat kayong magdalamhati+ at alisin sa gitna ninyo ang taong gumawa nito?+
3 Kahit wala ako diyan, iniisip ko ang kalagayan ninyo,* at hinatulan ko na ang taong gumawa nito, na para bang nariyan ako.
4 Kapag nagkatipon kayo sa ngalan ng ating Panginoong Jesus, at alam ninyo na iniisip ko kayo,* ako na tumanggap ng kapangyarihan* mula sa ating Panginoong Jesus,
5 dapat ninyong ibigay ang gayong tao kay Satanas+ para maalis ang makalamang impluwensiya,* para maingatan ang espirituwalidad ng kongregasyon sa araw ng Panginoon.+
6 Hindi kayo dapat magmalaki. Hindi ba ninyo alam na ang kaunting lebadura* ay nagpapaalsa sa buong masa?+
7 Alisin ninyo ang lumang masa na may lebadura para kayo ay maging bagong masa. Dahil ang totoo, wala na kayong lebadura dahil si Kristo na ating korderong* pampaskuwa+ ay inihandog na.+
8 Kaya ipagdiwang natin ang kapistahan,+ hindi gamit ang lumang masa na may lebadura o ang lebadura ng kasamaan at kasalanan, kundi gamit ang walang-pampaalsang* tinapay ng kataimtiman at katotohanan.
9 Sa liham ko sa inyo, sinabihan ko kayo na tigilan ang pakikisama sa mga imoral,*
10 pero hindi ibig sabihin na wala na talaga kayong pakikipagsamahan sa mga imoral* sa sanlibutang ito+ o sa mga sakim, mangingikil, o sumasamba sa idolo. Dahil kung gayon, kailangan ninyong umalis sa sanlibutan.+
11 Pero ngayon ay sinusulatan ko kayo na tigilan ang pakikisama+ sa sinumang tinatawag na kapatid pero imoral,* sakim,+ sumasamba sa idolo, manlalait,* lasenggo,+ o mangingikil,+ at huwag man lang kumaing kasama ng gayong tao.
12 Dahil ano ang kinalaman ko sa paghatol sa mga nasa labas? Hindi ba dapat ninyong hatulan ang mga nasa loob,
13 samantalang ang Diyos ang hahatol sa mga nasa labas?+ “Alisin ninyo ang masama sa gitna ninyo.”+
Talababa
^ Lit., “kinuha.”
^ Lit., “naririyan ako sa espiritu.”
^ Lit., “na naririyan ako sa espiritu.”
^ O “awtoridad.”
^ Lit., “para mapuksa ang laman.”
^ O “pampaalsa.”
^ O “batang tupa na.”
^ O “walang-lebadurang.”
^ O “nagsasalita nang may pang-aabuso.”