Unang Liham sa mga Taga-Corinto 7:1-40

  • Payo para sa walang asawa at may asawa (1-16)

  • Manatili sa iyong kalagayan nang tawagin ka (17-24)

  • Mga walang asawa at biyuda (25-40)

    • Mga pakinabang ng pagiging walang asawa (32-35)

    • Mag-asawa, ‘pero dapat na tagasunod ng Panginoon’ (39)

7  Kung tungkol sa isinulat ninyo, ito ang sagot ko: mas mabuti para sa isang lalaki na huwag humipo* ng babae, 2  pero dahil laganap ang seksuwal na imoralidad,* ang lalaki ay mag-asawa ng isang babae+ at ang babae ay mag-asawa ng isang lalaki.+ 3  Ibigay ng asawang lalaki ang pangangailangan ng asawa niya,* at iyan din ang dapat gawin ng asawang babae sa asawa niya.+ 4  Hindi ang asawang babae ang may awtoridad sa katawan niya kundi ang asawa niya; at hindi ang asawang lalaki ang may awtoridad sa katawan niya kundi ang asawa niya. 5  Huwag ninyong pagkaitan ang isa’t isa, maliban na lang kung napagkasunduan ninyo ito sa loob ng maikling* panahon, para makapaglaan kayo ng panahon sa pananalangin. Pagkatapos, magsama kayong muli, dahil baka hindi kayo makapagpigil sa sarili at tuksuhin kayo ni Satanas. 6  Pero sinasabi ko ito hindi bilang utos kundi para magbigay ng permiso. 7  Ang totoo, gusto ko sana na katulad ko na lang ang lahat ng tao. Pero ang bawat isa ay may sariling kaloob+ mula sa Diyos, sa isa ay ganito, sa iba naman ay ganoon. 8  Sinasabi ko sa mga walang asawa at mga biyuda na mas mabuti para sa kanila na manatiling kagaya ko.+ 9  Pero kung wala silang pagpipigil sa sarili, mag-asawa sila, dahil mas mabuting mag-asawa kaysa hindi makapagpigil* sa matinding pagnanasa.+ 10  Sa mga may asawa, nagbibigay ako ng mga tagubilin, hindi galing sa akin kundi sa Panginoon, na huwag makipaghiwalay ang asawang babae sa asawa niya.+ 11  Pero kung makipaghiwalay siya, dapat siyang manatiling walang asawa o kaya ay makipagkasundo sa asawa niya; at hindi dapat iwan ng asawang lalaki ang asawa niya.+ 12  Pero sa iba naman ay sinasabi ko, oo, ako, hindi ang Panginoon:+ Kung ang isang kapatid ay may asawang babae na di-sumasampalataya pero gusto nitong manatiling kasama niya, huwag niya itong iwan; 13  at kung ang isang babae ay may asawang di-sumasampalataya pero gusto nitong manatiling kasama niya, huwag niya itong iwan. 14  Dahil ang di-sumasampalatayang asawang lalaki ay napababanal dahil sa asawa niya, at ang di-sumasampalatayang asawang babae ay napababanal dahil sa kaniyang sumasampalatayang asawa; kung hindi gayon ay marumi sana ang inyong mga anak, pero banal na sila ngayon. 15  Pero kung nagpasiya ang di-sumasampalataya na iwan ang* asawa niya, hayaan siyang gawin iyon. Sa ganitong kalagayan, hindi na nakatali ang kapatid na lalaki o babae; binigyan na kayo ng Diyos ng kapayapaan.+ 16  Dahil ikaw na asawang babae, paano mo malalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa?+ O ikaw na asawang lalaki, paano mo malalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa? 17  Gayunman, mamuhay ang bawat isa ayon sa kalagayang* ibinigay sa kaniya ni Jehova,* gaya noong tawagin siya ng Diyos.+ Ito rin ang tagubilin ko sa lahat ng kongregasyon. 18  Tuli ba ang isang tao nang tawagin siya?+ Manatili siyang gayon. Siya ba ay di-tuli nang tawagin siya? Huwag na siyang magpatuli.+ 19  Hindi mahalaga ang pagiging tuli o di-tuli;+ ang mahalaga ay ang pagsunod sa mga utos ng Diyos.+ 20  Anuman ang kalagayan ng isang tao nang tawagin siya, manatili siyang gayon.+ 21  Alipin ka ba nang tawagin ka? Huwag mo itong alalahanin;+ pero kung puwede kang maging malaya, samantalahin mo ang pagkakataon. 22  Dahil ang sinumang alipin na tinawag para maging alagad ng Panginoon ay pinalaya at pag-aari na ng Panginoon;+ gayundin, ang sinumang malaya nang tawagin ay alipin na ni Kristo. 23  Binili kayo sa malaking halaga;+ huwag na kayong magpaalipin sa tao. 24  Mga kapatid, anuman ang kalagayan ng isang tao nang tawagin siya, manatili siyang gayon sa harap ng Diyos. 25  Kung tungkol sa mga birhen,* wala akong ibibigay na utos mula sa Panginoon, pero sasabihin ko ang opinyon ko,+ at mapagkakatiwalaan ninyo ito dahil kinaawaan ako ng Panginoon. 26  Sa tingin ko, pinakamabuti para sa isang lalaki na manatili kung ano siya sa kasalukuyan, dahil sa hirap ng kalagayan ngayon. 27  May asawa ka ba? Huwag mo nang hangaring lumaya.+ Wala ka bang asawa? Huwag ka nang maghanap ng asawa. 28  Pero kung mag-asawa ka man, hindi ka nagkakasala. At kung mag-asawa ang isang birhen, hindi siya nagkakasala. Gayunman, ang gagawa nito ay magkakaroon ng karagdagang mga problema sa buhay.* Pero gusto kong makaiwas kayo rito. 29  Sinasabi ko rin sa inyo, mga kapatid, na maikli na ang natitirang panahon.+ Kaya mula ngayon, ang mga lalaking may asawa ay maging gaya ng wala, 30  ang mga umiiyak ay maging gaya ng mga hindi umiiyak, ang mga nagsasaya ay maging gaya ng mga hindi nagsasaya, ang mga bumibili ay maging gaya ng mga hindi nagmamay-ari sa binili nila, 31  at ang mga gumagamit ng sanlibutan ay maging gaya ng mga hindi gumagamit nito nang lubusan; dahil ang eksena sa sanlibutang ito ay nagbabago. 32  Talagang gusto kong maging malaya kayo sa mga álalahanín. Laging iniisip ng lalaking walang asawa ang mga bagay na may kaugnayan sa Panginoon, kung paano siya magiging kalugod-lugod sa Panginoon. 33  Pero laging iniisip ng lalaking may asawa ang mga bagay sa sanlibutan,+ kung paano niya mapasasaya ang asawa niya, 34  kaya hati ang isip niya. Lagi ring iniisip ng babaeng walang asawa at ng birhen ang mga bagay na may kaugnayan sa Panginoon,+ para maging banal ang katawan at isip* nila. Pero laging iniisip ng babaeng may asawa ang mga bagay sa sanlibutan, kung paano niya mapasasaya ang asawa niya. 35  Sinasabi ko ito para sa kapakinabangan ninyo. Hindi ko kayo hinihigpitan;* ang gusto ko ay akayin kayo sa paggawa ng tama at sa patuloy na paglilingkod* sa Panginoon nang walang abala. 36  Pero kung iniisip ng sinuman na gumagawi siya nang di-nararapat para sa isang walang asawa* at lampas na siya sa kasibulan ng kabataan,* ito ang gawin niya: Mag-asawa siya kung iyon ang gusto niyang gawin. Hindi siya nagkakasala.+ 37  Pero kung naipasiya ng isang tao sa puso niya na huwag mag-asawa* at desidido siya rito, at hindi niya nadaramang kailangan niyang mag-asawa at nakokontrol niya ang kaniyang mga pagnanasa, mapapabuti siya.+ 38  Ang nag-aasawa* ay napapabuti rin, pero ang hindi nag-aasawa ay mas napapabuti.+ 39  Ang asawang babae ay natatali sa asawa niya habang buháy ito.+ Pero kung mamatay* ang asawa niya, malaya siyang mag-asawa ng sinumang gusto niya, pero dapat na tagasunod ito ng Panginoon.*+ 40  Pero sa opinyon ko, mas maligaya siya kung mananatili siya sa kalagayan niya; naniniwala akong nasa akin din ang espiritu ng Diyos.

Talababa

Tumutukoy sa pakikipagtalik.
Sa Griego, por·neiʹa. Tingnan sa Glosari.
Ibig sabihin, sapatan ang seksuwal na pangangailangan ng asawa niya.
O “itinakdang.”
O “kaysa magningas.”
O “na makipaghiwalay sa.”
Lit., “bahaging.”
Tingnan ang Ap. A5.
O “mga hindi pa kailanman nag-asawa.”
Lit., “ng kapighatian sa laman.”
Lit., “espiritu.”
O “na pag-uukol ng debosyon.”
Lit., “tinatalian.”
O “di-nararapat dahil sa pananatiling birhen.”
Panahong lampas na sa pagiging kabataan kung kailan karaniwan nang matindi ang seksuwal na pagnanasa.
O “na manatiling birhen.”
O “Ang nagbibigay ng kaniyang pagkabirhen sa pag-aasawa.”
O “matulog sa kamatayan.”
O “pero tangi lang sa Panginoon.”