Unang Liham kay Timoteo 2:1-15
2 Kaya nga una sa lahat, hinihimok ko kayo na magsumamo, manalangin, mamagitan, at magpasalamat para sa lahat ng uri ng tao,
2 sa mga hari at sa lahat ng may mataas na posisyon,*+ para patuloy tayong makapamuhay nang payapa, tahimik, seryoso, at may makadiyos na debosyon.+
3 Mabuti ito at kalugod-lugod sa paningin ng ating Tagapagligtas, ang Diyos,+
4 na gustong* maligtas ang lahat ng uri ng tao+ at magkaroon sila ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.
5 Dahil may isang Diyos,+ at isang tagapamagitan+ sa Diyos at sa mga tao,+ isang tao, si Kristo Jesus,+
6 na nagbigay ng sarili niya bilang pantubos* para sa lahat*+—ipangangaral ito sa takdang panahon para dito.
7 At para magpatotoo tungkol sa bagay na ito,+ inatasan ako ng Diyos bilang mángangarál at apostol,+ isang guro na magtuturo sa ibang mga bansa+ ng pananampalataya at katotohanan—sinasabi ko ang totoo, hindi ako nagsisinungaling.
8 Kaya nga gusto ko na sa lahat ng lugar na pinagtitipunan ninyo, ang mga lalaki ay magpatuloy sa pananalangin, na itinataas ang mga kamay nila nang may katapatan+ at walang halong poot+ at mga debate.+
9 Gayundin, dapat pagandahin ng mga babae ang sarili nila sa pamamagitan ng maayos* na pananamit, na nagpapakita ng kahinhinan at matinong pag-iisip,* at hindi sa pamamagitan ng pagtitirintas* ng buhok o pagsusuot ng ginto o perlas o napakamahal na damit,+
10 kundi sa paggawing angkop sa mga babaeng may debosyon sa Diyos,*+ ibig sabihin, sa pamamagitan ng mabubuting gawa.
11 Ang mga babae ay manatiling tahimik* at lubos na nagpapasakop habang tinuturuan.+
12 Hindi ko pinapahintulutan ang babae na magturo o mamuno sa lalaki, kundi dapat siyang tumahimik.*+
13 Dahil si Adan ang unang nilikha, pagkatapos ay si Eva.+
14 Isa pa, hindi nalinlang si Adan; ang babae ang lubusang nalinlang+ at nagkasala.
15 Pero maiingatan siya sa pamamagitan ng pag-aanak,+ kung mananatili siyang* may pananampalataya, pag-ibig, kabanalan, at matinong pag-iisip.*+
Talababa
^ O “may awtoridad.”
^ O “na ang kalooban ay.”
^ Halaga na katumbas ng naiwala.
^ O “para sa lahat ng uri ng tao.”
^ O “kagalang-galang; disente.”
^ O “at mahusay na pagpapasiya.”
^ O “espesyal na pagtitirintas.”
^ O “babaeng nagsasabing may debosyon sila sa Diyos.”
^ O “kalmado.”
^ O “manatiling kalmado.”
^ Lit., “silang.”
^ O “at kakayahang gumawa ng mahuhusay na pasiya.”