Unang Liham kay Timoteo 4:1-16
4 Gayunman, malinaw na sinasabi ng espiritu ng Diyos na sa hinaharap, may ilan na tatalikod sa pananampalataya at magbibigay-pansin sa mapanlinlang na pananalita na mula sa masasamang espiritu*+ at sa mga turo ng mga demonyo
2 dahil sa kasinungalingan ng mga taong mapagkunwari,+ na ang konsensiya ay naging manhid, na para bang pinaso ng mainit na bakal.*
3 Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa+ at iniuutos sa mga tao na umiwas sa mga pagkaing+ ginawa ng Diyos para kainin+ nang may pasasalamat ng mga may pananampalataya+ at tumpak na kaalaman sa katotohanan.
4 Dahil ang lahat ng ginawa* ng Diyos ay mabuti,+ at walang anumang dapat itakwil+ kung ito ay kinain nang may pasasalamat,
5 dahil napababanal ito sa pamamagitan ng salita ng Diyos at ng panalangin para dito.
6 Kung ibibigay mo ang payong ito sa mga kapatid, magiging mahusay kang lingkod ni Kristo Jesus, isa na sumusulong at lumalakas sa pamamagitan ng mga salita ng pananampalataya at ng mahusay na turo na maingat mong sinundan.+
7 Pero iwasan mo ang mga kuwentong di-totoo+ at lumalapastangan sa Diyos, gaya ng ikinukuwento ng matatandang babae. Sa halip, sanayin mo ang iyong sarili at gawing tunguhin na magpakita ng makadiyos na debosyon.
8 Dahil may kaunting pakinabang sa pisikal na pagsasanay,* pero ang makadiyos na debosyon ay kapaki-pakinabang sa lahat ng bagay, dahil may kasama itong pangako na buhay sa ngayon at sa hinaharap.+
9 Ang mga salitang ito ay mapananaligan at talagang dapat paniwalaan.
10 Kaya naman nagsisikap tayo nang husto at nagpapakapagod,+ dahil umaasa tayo sa isang buháy na Diyos, na Tagapagligtas+ ng lahat ng uri ng tao,+ lalo na ng mga tapat.
11 Patuloy mong iutos at ituro ang mga ito.
12 Hindi dapat hamakin ng sinuman ang pagiging kabataan mo. Kaya maging halimbawa ka sa mga tapat pagdating sa pagsasalita, paggawi, pag-ibig, pananampalataya, at kalinisan.
13 Magsikap ka sa pangmadlang pagbabasa,+ pagpapayo,* at pagtuturo hanggang sa makarating ako riyan.
14 Huwag mong pabayaan ang regalong ibinigay ng Diyos sa iyo sa pamamagitan ng isang hula nang ipatong sa iyo ng lupon ng matatandang lalaki ang kanilang mga kamay.+
15 Pag-isipan mong mabuti* ang mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin dito para makita ng lahat ang pagsulong mo.
16 Laging bigyang-pansin ang sarili mo at ang itinuturo mo.+ Ibigay mo ang buong makakaya mo sa pagtupad sa mga bagay na ito, dahil sa paggawa nito ay maililigtas mo ang iyong sarili at ang mga nakikinig sa iyo.+
Talababa
^ Lit., “magbibigay-pansin sa mapanlinlang na mga espiritu.”
^ O “ng pangherong bakal.”
^ O “nilikha.”
^ O “sa pag-eehersisyo.”
^ O “pagpapatibay.”
^ O “Bulay-bulayin mo.”