Unang Liham kay Timoteo 6:1-21

  • Dapat parangalan ng mga alipin ang panginoon nila (1, 2)

  • Huwad na mga guro at pag-ibig sa pera (3-10)

  • Mga tagubilin para sa lingkod ng Diyos (11-16)

  • Gumawa ng maraming mabubuting bagay (17-19)

  • Bantayan ang ipinagkatiwala sa iyo (20, 21)

6  Para sa mga alipin,* dapat na patuloy nilang ituring ang may-ari sa kanila na karapat-dapat sa buong karangalan+ para hindi mapagsalitaan ng masama ang pangalan ng Diyos at ang mga turo niya.+ 2  Isa pa, hindi dapat mawala ang paggalang nila sa mga may-ari sa kanila kahit pa magkapatid sila sa pananampalataya. Sa halip, dapat na mas handa pa silang maglingkod, dahil ang tatanggap ng kanilang mahusay na serbisyo ay mga mananampalataya at minamahal. Patuloy mong ituro ang mga ito at ibigay ang mga payong ito. 3  Kung may sinumang nagtuturo ng ibang doktrina at sumasalungat sa kapaki-pakinabang* na mga tagubilin+ mula sa ating Panginoong Jesu-Kristo o sa turo na kaayon ng makadiyos na debosyon,+ 4  mapagmalaki siya at hindi nakakaintindi.+ Gustong-gusto niyang makipagtalo at makipagdebate* tungkol sa mga salita.+ Dahil sa mga ito, nagkakaroon ng inggitan, pag-aaway, paninirang-puri,* masamang hinala, 5  walang-katapusang pagtatalo tungkol sa maliliit na bagay na pinasisimulan ng mga taong baluktot ang isip+ at hindi na nakauunawa sa katotohanan at nag-aakalang makakakuha sila ng pakinabang sa makadiyos na debosyon.+ 6  Totoo, may malaking pakinabang sa makadiyos na debosyon,+ pero dapat na may kasama itong pagkakontento. 7  Dahil wala tayong dinalang anuman sa mundo, at wala rin tayong anumang mailalabas.+ 8  Kaya maging kontento na tayo kung mayroon tayong pagkain at damit.*+ 9  Pero ang mga determinadong yumaman ay nahuhulog sa tukso at sa bitag+ at sa maraming walang-saysay at nakapipinsalang pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at kapahamakan.+ 10  Dahil ang pag-ibig sa pera ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang bagay, at dahil sa pagpapadala sa pag-ibig na ito, ang ilan ay nailihis sa pananampalataya at dumanas ng maraming kirot.*+ 11  Pero, ikaw, O lingkod ng Diyos, layuan mo ang mga ito. Itaguyod mo ang katuwiran, makadiyos na debosyon, pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis, at kahinahunan.+ 12  Ipagpatuloy mo ang marangal na pakikipaglaban para sa pananampalataya; manghawakan kang mahigpit sa buhay na walang hanggan, dahil tinawag ka ng Diyos para sa buhay na ito at nagbigay ka ng mahusay na patotoo tungkol dito sa harap ng maraming saksi. 13  Sa harap ng Diyos, na nagpapanatiling buháy sa lahat ng bagay, at ni Kristo Jesus, na nagbigay ng mahusay na patotoo sa harap ni Poncio Pilato,+ inuutusan kita 14  na sundin ang mga utos sa malinis at di-mapipintasang paraan hanggang sa pagkakahayag ng ating Panginoong Jesu-Kristo,+ 15  na ipapakita sa takdang panahon ng maligaya at tanging Makapangyarihang Tagapamahala. Siya ang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon,+ 16  ang nag-iisang imortal,+ na naninirahan sa di-malapitang liwanag,+ na hindi pa nakita at hindi makikita ng sinumang tao.+ Sumakaniya nawa ang karangalan at kalakasan na walang hanggan. Amen. 17  Sabihan* mo ang mayayaman sa sistemang* ito na huwag maging mayabang* at huwag umasa sa kayamanan na walang katiyakan+ kundi sa Diyos, na saganang naglalaan sa atin ng lahat ng bagay na nagpapasaya sa atin.+ 18  Sabihan mo silang gumawa ng mabuti, oo, ng maraming mabubuting bagay, at maging mapagbigay at handang mamahagi.+ 19  Sa paggawa nito, makapag-iipon sila ng kayamanan na magsisilbing mahusay na pundasyon para sa hinaharap,+ nang sa gayon ay makapanghawakan silang mahigpit sa tunay na buhay.+ 20  Timoteo, bantayan mo ang ipinagkatiwala sa iyo,+ at iwasan mo ang walang-saysay na mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal at ang nagkakasalungatang mga ideya ng tinatawag na “kaalaman.”+ 21  Dahil sa pagyayabang sa kaalamang ito, ang ilan ay lumihis sa pananampalataya. Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan.

Talababa

O “mga nasa ilalim ng pamatok ng pagkaalipin.”
Lit., “nakapagpapalusog.”
O “Nahihibang siya sa pakikipagtalo at pakikipagdebate.”
O “mapang-abusong pananalita.”
O posibleng “tirahan.” Lit., “panakip.”
Lit., “at napagsasaksak ng maraming kirot ang sarili nila.”
O “mapagmataas.”
O “panahong.” Tingnan sa Glosari, “Sistema.”
O “Utusan.”