Apocalipsis kay Juan 19:1-21

  • Purihin si Jah dahil sa mga hatol niya (1-10)

    • Kasal ng Kordero (7-9)

  • Sakay ng puting kabayo (11-16)

  • Malaking handaan ng Diyos (17, 18)

  • Natalo ang mabangis na hayop (19-21)

19  Pagkatapos nito ay narinig ko ang isang malakas na tinig na gaya ng tinig ng isang malaking pulutong sa langit. Sinabi nila: “Purihin si Jah!*+ Ang kaligtasan at ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan ay sa ating Diyos, 2  dahil ang mga hatol niya ay totoo at matuwid.+ Dahil naglapat siya ng hatol sa maimpluwensiyang babaeng bayaran na nagpasamâ sa lupa dahil sa seksuwal na imoralidad* nito, at ipinaghiganti niya ang dugo ng mga alipin niya na nasa kamay nito.”*+ 3  At agad nilang sinabi sa ikalawang pagkakataon: “Purihin si Jah!*+ At ang usok mula sa kaniya ay patuloy na paiilanlang magpakailanman.”+ 4  At ang 24 na matatanda+ at ang apat na buháy na nilalang+ ay sumubsob at sumamba sa Diyos na nakaupo sa trono at nagsabi: “Amen! Purihin si Jah!”*+ 5  Gayundin, isang tinig mula sa trono ang nagsabi: “Purihin ninyo ang ating Diyos, lahat kayong alipin niya,+ na may takot sa kaniya, ang mga hamak at ang mga dakila.”+ 6  At may narinig akong gaya ng tinig ng isang malaking pulutong at parang lagaslas ng maraming tubig at parang malalakas na kulog. Sinabi nila: “Purihin si Jah,*+ dahil si Jehova* na ating Diyos, ang Makapangyarihan-sa-Lahat,+ ay nagsimula nang maghari!+ 7  Magsaya tayo at mag-umapaw sa kagalakan at luwalhatiin natin siya, dahil ang kasal ng Kordero ay sumapit na at ang mapapangasawa niya ay nakahanda na. 8  Oo, ipinagkaloob sa kaniya* ang pribilehiyong magbihis ng maningning, malinis, at magandang klase ng lino—dahil ang magandang klase ng lino ay sumasagisag sa matuwid na mga gawa ng mga banal.”+ 9  At sinabi niya sa akin, “Isulat mo: Maligaya ang mga inanyayahan sa hapunan ng kasal ng Kordero.”+ Sinabi rin niya sa akin: “Ito ang tunay na mga pananalita ng Diyos.” 10  At sumubsob ako sa paanan niya para sambahin siya. Pero sinabi niya sa akin: “Mag-ingat ka! Huwag mong gawin iyan!+ Isa lang akong aliping gaya mo at ng mga kapatid mo na nagpapatotoo tungkol kay Jesus.+ Ang Diyos ang sambahin mo!+ Dahil ang mga hula ay para sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus.”+ 11  Nakita kong bumukas ang langit, at nakita ko ang isang puting kabayo.+ At ang nakasakay roon ay tinatawag na Tapat+ at Totoo,+ at siya ay humahatol at nakikipagdigma ayon sa katuwiran.+ 12  Ang mga mata niya ay nagliliyab na apoy,+ at sa ulo niya ay maraming diadema.* May nakasulat na pangalan sa kaniya na walang ibang nakaaalam kundi siya lang, 13  at nakasuot siya ng damit na namantsahan* ng dugo, at siya ay tinatawag sa pangalang Ang Salita+ ng Diyos. 14  Gayundin, ang mga hukbo sa langit ay sumusunod sa kaniya sakay ng mga puting kabayo, at nakasuot sila ng maputi, malinis, at magandang klase ng lino. 15  At lumabas sa bibig niya ang isang matalas at mahabang espada+ na gagamitin niya para saktan ang mga bansa, at papastulan niya sila gamit ang isang panghampas na bakal.+ Tatapakan din niya ang mga ubas sa pisaan ng ubas ng galit ng poot ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.+ 16  Sa damit niya, oo, sa hita niya, ay may nakasulat na pangalan, Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.+ 17  Nakita ko rin ang isang anghel na nasa sinag ng araw, at sumigaw siya nang malakas at nagsabi sa lahat ng ibon na lumilipad sa himpapawid:* “Halikayo rito, matipon kayo sa malaking handaan* ng Diyos,+ 18  para makain ninyo ang laman ng mga hari at ang laman ng mga kumandante ng militar at ang laman ng malalakas na tao+ at ang laman ng mga kabayo at ng mga nakasakay sa mga ito,+ at ang laman ng lahat, ng mga taong malaya pati ng mga alipin at ng mga hamak at ng mga dakila.” 19  At nakita ko ang mabangis na hayop at ang mga hari sa lupa at ang mga hukbo nila na nagtipon para makipagdigma sa isa na nakasakay sa kabayo at sa hukbo niya.+ 20  At sinunggaban ang mabangis na hayop, at kasama nito ang huwad na propeta+ na gumawa sa harap nito ng mga tanda para iligaw ang mga tumanggap ng marka ng mabangis na hayop+ at ang mga sumasamba sa estatuwa nito.+ Habang buháy pa, pareho silang inihagis sa maapoy na lawa na nagniningas sa asupre.+ 21  Pero ang iba pa ay pinatay sa pamamagitan ng mahabang espada na lumabas sa bibig ng nakasakay sa kabayo.+ At ang lahat ng ibon ay nabusog sa laman nila.+

Talababa

O “Hallelujah!” Ang “Jah” ay pinaikling anyo ng pangalang Jehova.
Sa Griego, por·neiʹa. Tingnan sa Glosari.
Lit., “mula sa kamay nito.”
O “Hallelujah!” Ang “Jah” ay pinaikling anyo ng pangalang Jehova.
O “Hallelujah!” Ang “Jah” ay pinaikling anyo ng pangalang Jehova.
O “Hallelujah!” Ang “Jah” ay pinaikling anyo ng pangalang Jehova.
Tingnan ang Ap. A5.
Sa mapapangasawa ng Kordero.
O “korona.”
O posibleng “nawisikan.”
O “kalagitnaan ng langit.”
O “hapunan.”